Monday, February 23, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGPAPAHAMPAS NI PILATO SA ATING PANGINOONG HESUKRISTO

VIERNES SANTO

Ang pagpapahampas ni Pilato sa
ating Panginoong Hesukristo

Inulit-ulit ng tanan
hudyong mga sukaban
si Barrabas ang kalagan,
siya nilang kalooban
si Hesus ang parusahan.

Ang kay Pilatong winika
ay itong si Kristong aba?
anong aking ipararaya?
ang sagot ng taong madla
agad mong ipapatay nga.

Ang ganiyang walang toto
sa Krus ipapako mo
ugali nating Hebreo
katutusan ng Romano
dusa sa sukab na tao.

Ani Pilatong may loob,
ano ang salang tibobos
gayon na ang inyong poot?
anang mga pariseos,
ay ipapako mo sa Krus.

Ano’y sa hindi mapigil
ang loob ng mga taksil
si Pilato’y humatol din
na si Hesus ay hampasin
budhi nila’y ng gumaling.

Hayo na at inyong kuha
at loob ko na aniya
sa haligi’y itali na,
at hampasin ninyo siya
poot ninyo’y ng magbawa.

Nang maipangusap ito
nang hukom na si Pilato
ay ang mga pariseo,
ang kamukha’y mga aso
ng pagsunggab sa Kordero.

Ang berdugo’y nagsikuha
ng panghampas na suplina
hinuhubaran nang iba,
itong Poong walang sala
walang kibo’t nagbabata.

Iginapos na si Kristo
sa isang haliging bato
hinampas na walang toto
mahigit na limang libo
na tagos hanggang sa buto.

At dito na nga natupad
yaong hulang isinulat
nang propetang si Isias,
sa daratning mga hirap
nang pariritong Mesias.

Mula ulo hanggang paa
matatadtad nang suplina
walang lamang nakikita
kundi sugat na lahat na
ang buong katawan niya.

A planta pedis usque ad
verticem capitis non est
in eo sanitas.

Lakas na di mamagkano
ang paghampas nilang ito
at doon ibinubunto
galit niyong mga lilo
dito sa abang Kordero.

Tingni at nagsisitangis
ang Sanglangitang Angheles
halos ang mundo’y manginig,
ng malaking pagkahapis
dito sa Poong marikit.

Tingni mga Patriarka
at mga Santos Propeta
ang ikalawang Persona,
nakayuko’t nagbabata
gayong lupit ng parusa.

Tingni mga taong hunghang
ang kaawa-awang lagay
isang Diyos na maalam,
may gawa ng Santinakpan
siyang pinarurusahan.

A R A L

Sino ka ma’t aling tao
dinggin ang aral na ito
pagtamanang itangis mo,
itong hirap na totoo,
ng Poong si Hesukristo.

Ikaw rin at dili iba
ang dapat sa gayong dusa
madalas na magkasala,
bago’y humadlang ay siya
nag di ka mapalamara.

Ngayon ngani iyong araw
hanggang ikaw’y nabubuhay
kusang pinababahalaan
mili ng ano mang bagay
magaling o masama man.

At dili nga mawiwika
ang Diyos Poong dakila
totoong magpapabaya,
matuwid ka ma’t malisya
ay araw mo palibhasa.

Subali’t kapag nalagot
hiningang lubhang marupok
nang katawan mong mairog,
ang araw mo’y matatapos
ang iiral sa Diyos.

Walang magagawang tunay
ang namatay mong katawan
palibhasa’y lupa lamang,
sa abang aba mo naman
kung ikaw’y walang sinimpan.

Samantalang may hininga
at ikaw’y nabubuhay pa
ay maglaan kang maaga,
sukat mong ikaginhawa
ng kagamit-gamit mo na.

At kung ikaw’y pag-isipan
nang kagamit-gamit lamang
maganda rin ang may simpan
at munting naiingatan
mayroon ngang pagkukunan.

At iisiping tibobos
sasaliksikin nang Diyos
ang mga gawa mong buktot,
pagkain sampung pagtulog
lamang birong nasa loob.

Ang madlang mga gawa mo
panimdim na dili toto
lihim na di mamagkano
mahayag na totoo
sa harap ng madlang tao.

Kung ikaw ay naglimos nga
sa taong iyong kapuwa
na dumulog na salanta,
tumatangis lumuluha
kung nagkait o naawa.

At ang iyong kabaitan
dunong sa ano mang bagay
sa iyo ay pinakamtan,
ng siya’y ibigin lamang
bagkus mong linalabanan.

Ang kagandahan at buti
sang katawan mong maliksi
nang isinta mong parati,
bagkus ipagmamalaki
sa Diyos na Poong kasi.

Ang malakas mong katawan
liksing hindi ano lamang
kung ipinagsilbing tunay,
sa Diyos mong lubhang mahal
hanggang ikaw’y nabubuhay.

Dapat na maghinanakit
sa iyo ang Poong marikit
ginto’t pilak yamang munti,
sa iyo’y di ipinagkait
kay Baal mo ipinagsulit.

Doo’y walang naliligid
lahat ay nasasaliksik
na gagadulo mang hanip,
kaniya ring nababatid
gawa mong hindi matuwid.

Itong araw’y imbutin mo
hanggang buhay ka sa mundo
nguni’t kung matapos ito,
kung walang gawang totoo
ano ang masasapit mo?

Lisan na ang gawang tamad
nang katawan mong makupad
magmasikap ka nang agad,
sa mabuting gawang lahat
at kay Hesus ka tumulad.

Hinampas na walang tuto
nagbata’t nagtiis dito
sa pag-ibig din sa iyo,
na ang lahat ng gawa mo
ay mapaknit na totoo.

Siya ang Haring tibobos
ngayo’y siyang nagagapos
nang ikaw’y huwag matakot,
kundi tumapang ngang lubos
ang puso mo sa pag-irog.

Aba tayo na’t dulugin
itong Poong maawain
ang mga sigalot natin,
salang lalo sa buhangin
ubus-ubusing kalagin.

Tingni’t siyang nagbabata
gayong sakit nang suplina
kundangan linangkapan pa
nang pagka Diyos nga niya
halos manaw ang hininga.

Alin kaya’t sinong tao
lubhang malupit sa mundo
ang hinampas ng ganito
kundi lamang itong Berbo
at dahilan din sa iyo.


0 comments: