Sunday, February 15, 2009

PASYONG MAHAL -NANG SUMAKAY SI HESUKRISTO SA ISANG HUMENTA AT PUMASOK SA HESRUSALEM-DOMINGO DE RAMOS

Nang sumakay si Hesukristo sa

isang humenta at pumasok sa

Herusalem

DOMINGO DE RAMOS

Passio domini nostri Jesus

Christi, secundum mattheum

Ang tanang mga bihasa

marurunong na lahat na

paraparang nangagbadya,

na sinakyan ngang talaga

ni Hesus yaong humenta.

Nang malapit ng dumating

sa pinto ng Herusalem,

si Hesus ay umibis din,

at sumakay namang tambing

sa humentilya ang turing.

Pagka’t yaong humentilya

na anak niyong humenta,

bata’t dili makakaya,

kaya at sinakyang una

ni Hesus yaong ngang ina.

Dito na ngani natupad

ang hula ni Zacarias;

sinabi’t ipinasulat,

na sasakay ang Mesias

sa isang hayop na hamak.

Ang sinabi ni San Mateo

sa kaniyang Ebanghelio,

nang malapit ng magpasko,

piesta ng mga hudyo,

naglakbay si Hesukristo.

Si Hesus nang sasakay na

sa hayop na humentilya

iyong tanang mga kapa

niyong disipulos niya

iniangkas kapagdaka.

Lumakad na nga si Kristo

naliligid ng katoto,

sa Herusalem ang tungo,

at balak niyang totoo

ang pangangaral sa tao.

Nang matanto’t maalaman

na si Hesus na maalam

niyong taong karamihan

ay papasok sa Simbahan

sinalubong kapagkuwan.

Kaguluha’y di kawasa

ng matanda man at bata

paraparang natutuwa,

nagpupuring walang sawa

dito sa Poong dakila.

Yaong iba’y nagsikuha

ng palaspas at oliba,

ang iba naman ay kapa

ilinatag kapagdaka

kay Hesus na Poong Ama.

Isa’t isa’y umaawit

ng Hosanna filio David

at Benedictus qui venit,

salamat, aniya’y sumapit,

mahal na anak ni David.

Ang idinugtong pang sabi

ay in nomine Domini,

iyo pong gamutin kami,

sa ngalan ng nagkandili

at Diyos Ama mong kasi.

Habang daa’y umaawit

ng Hosanna filio David

tuwang hindi nga maisip,

pagpupuring walang patid

dito sa Poong marikit.

Sa malaking katuwaan,

niyong taong karamihan,

mula na ngang isinukal,

ng puso at gunamgunam

ng pariseos na tanan.

May pariseong lumapit

sa kay Hesus ay nagsulit,

aniya’y Maestrong ibig,

ang taong nangag-aawit

patahanin mo ang bibig.

Anitong si Hesukristo

ang kahima’t walang taong

magpuri sa akin dito,

ang naritong mga bato,

mangagpupuring totoo.

Nang ito’y maipangusap,

nagtuloy na ng paglakad

sa Templo siya tumambad

kasamang umaakibat,

ang apostoles na lahat.

Pumasok na sa templo

nangaral sa madlang tao,

marami namang milagro,

awang hindi mamagkano

ng Poong si Hesukristo.

Ang pilay at mga bulag

sampuang nangagsisiuad,

piping di makapangusap,

pinagaling niyang lahat

awang hindi hamak-hamak!

Marami’t lubhang makapal

ang gumaling na may damdam

nagsisikip ang Simbahan

tao’y hindi magkamayaw

nang pakikinig ng aral.

Nguni’t ang mga balawis

eskribas at saserdotes

halos magputok ang dibdib,

sa laki ng pagkagalit

dito sa Poong marikit.

Saka yaong mga lilo,

maginggiting pariseo,

pinagbawalan ang tao,

ang magpatuloy kay Kristo,

parurusahang totoo.

Maghapon ang Poong Ama

ay nangaral sa lahat na,

doon ipinakilala

ang linamnam at ang lasa

ng mahal niyang Dokrina.

Nang lulubog na ang araw,

mga tao’y nagsipanaw,

sa maghapo’y di kumain,

at ang Poong nangangaral

nasa loob ng Simbahan.

Walang sino mang pumiging

kay Hesus na Poon natin;

sa maghapo’y di kumain,

binatang mapaalipin,

ito’y aral din sa atin.

Lumabas na sa Simbahan,

itong Diyos na maalam

sampung disipulong abay,

at nagtuloy kapagkuwan

doon sa Bethaniang bayan.

A R A L

Kristiano’y sino ka man,

dito ay iyong pagmasdan

pagkawalang kabuluhan

ng papuri at parangal

dito sa hamak na bayan.

Ano pa’t pawang lisya,

ang mundo ay balintuna,

mali ang lahat na gawa;

kayamanan man at tuwa’y

parang asong nawawala.

Kapagka may pinipita

sa iyo at inoola,

totoong minamahal ka,

datapuwa’t kung nangyari na

dili ka na maalala.

Ang tao, hangga’t mayaman

marami ang kaibigan;

kung maghirap na ang buhay

kahit masumpong sa daan,

di na batii’t titigan.

Gayong ngani itong mundo

magdaraya’t walang toto,

pawang lihis na totoo,

pangimbulo’y nananalo

sa kaluluwa ng tao.

Tingi ang Poong si Hesus,

niyong Domingo de Ramos

marami ang nalulugod

nguni’t walang isang loob

na nag-anyaya’t naghandog.

Kaya ngayon, kapatid ko

karampatan isipan mo

ang kahulugan kung ano,

sa Seremonia sa templo,

sa mga araw na ito.

Kung kaya pinagsasama

ang palaspas at oliba

ay may laurel na lahok pa,

kahuluga’y mga Doktrina

ni Hesus sa madlang sala.

Sa Olibang kahulugan,

ang malaking kaawaan

nitong Diyos na maalam,

sa taong makasalanan

mga inanak ni Adan.

Ang laurel nama’y ganito

ang kahulugang totoo;

sa karapatan ni Kristo,

puputungan naman tayo

ng tuwang di mamagkano.

At kung kaya sinasarhan

yaong pinto ng Simbahan

kung papasok na nga bilang

yaong prosesiong mahal,

gayari ang kahulugan.

Sapagka’t si Kristong Ama

ay dili pa nagdurusa

sa mahal na Pasion niya,

at tunay pang nasasara

ang pintuan niyong Gloria.

Tutumbukin kapagkuwan

ng krus nga niyang tangan,

at ang pinto ng Simbahan

ay agad nang mabubuksan,

ito’y siyang kahulugan.

At kung ito’y maganap na,

sa krus ay maiparipa

pagkamatay nga sa dusa,

siya namang pagkabuka

ng pintuan niyong Gloria.

Kaya sa araw na ito,

ay kinakanta sa Templo

ang Pasion ni Hesukristo,

kahulugan ay ganito,

niyong dakilang Misterio.

Pagka’t kusa nang natupad

yaong hula ni Heremias

at ng lahat ng propetas,

nayari rin at naganap,

lahat nilang pangungusap.

Ang isa pang kahulugan

ay ang puring ibinigay

kay Hesus na Poong mahal

yaong mga napakinggan

ng pariseos na tanan.

Sumukal na nga ang dibdib

at sila’y pawang nagalit,

dito na nga pinag-isip,

ang paghuli at pagdakip,

dito sa Poong marikit.

Kaya nga taong binyagan

kung sino ka at ano man,

ang iyong napapakinggan

pag-isipan mong mahusay

sa loob mo’t gunamgunamin.

Matunaw na nga’t madurog

ang tigas ng iyong loob

gunitain mong tibobos

ang mga hirap ni Hesus

nang sa iyo ay pagsakop.

At maawa kang totoo

sa iyong kapuwa tao

tuloy namang isipin mo

yaong ginawa ni Kristo

sa araw ng Lunes Santo.

0 comments: