Thursday, February 5, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PANGANGANAK NI GINOONG SANTA MARIA SA ATING PANGINOONG HESUKRISTO

Ang panganganak ni G. Santa Maria
sa ating Panginoong Hesukristo


At kung sala ng iba,
mahalay na ipabadya,
di lalo ngang masama pa,
ang di ingatan tuwi na,
kamahalan ng asawa.

Kaya, kapatid kong kasi
gayong asal ay bawahi,
ang taong mapamarali
kawikaa'y walang puri
sa katawan niyang sarili.

Nang maging siyam na buwan
kay Mariang kabuntisan
ibig nganing sumilang,
yaong Mesias na mahal
ang mundo'y liliwanagan.

Mana nganing naisipan
ng haring Tiberio Cesar,
nagpabando kapagkuwan
sa tanang nasasakupan,
probinsiya at mga bayan.

Sa bando'y napapalaman,
ang tanong sino't alin man,
umuwing huwag maliban
sa kanilang bayan
at pabubuwising tunay.

Nang tatanto iyong tawag,
ni San Jose ay gumayak
kasama ang Birheng liyag,
agad na silang lumakad
at sa Belen at tumambad.

Sumunod at di sumuway
sa utos na napakinggan
kahit buntis na kagampan,
at siya nang kabuwanan
ng Inang Birheng maalam.

Sapagka't taong mahirap
ang mag-asawa sinliyag
nang manuluya't tumawag,
wala isa mang tumanggap
hinlog man o kamag-anak.

Kahit mahirap kung tingnan
sa grasia at sakdal yaman
kaluluwa at katawan,
tantong pinamamahayan
ng Diyos sa kalangitan.

At kaya nag-asal dukha,
nag-anyong taong mababa
yao'y tikis na ginawa
nang may kunang halimbawa
ang taong hamak na lupa.

Nang wala ngang matuluyan
walang maawang sino man
sa kanilang kalagayan,
doon na sila tumahan
sa wakas luwal ng bayan.

May dinatnan at nakita
na isang yungib o kuweba
silungan ng mga baka
at mga hayop na iba,
doon nga pumasok sila.

Dito sa kuwebang naturan
nasok silang nagtuluyan
sapagka't siyang hinirang
ng Diyos sa kalangitan
sa Birheng panganganakan.

Nang hating-gabing malalim
niyong araw na tinuring
ay lumuwal nganing tambing,
si Hesus na Poon natin
kay Mariang tiyang Birhen.

Sumilang na kapagdaka
yaong araw ng Hustisya
at liliwanagan niya
madilim na kaluluwa
nalulugmok nga sa sala.

Kuwebang yao'y lumiwanag
sa pagsilang ng Mesias
dikit na walang katulad
ligayang ganap na ganap
bangong humahalimuyak.

Kinuha agad kinalong
ng Birheng Inang marunong
yaong marikit na sanggol,
at binalot niya tuloy
tuwa at walang kaukol.

Sayang hindi mamagkano
ng buong Langit, Imperio,
Angeles nanaog dito,
puri sa Esterno Berbo:
Gloria in excelsis deo.

Kung baga samakatuwid
itong kanilang inawit
purihin na walang patid
ang Diyos Haring marikit
sa kataasan ng Langit.

Doo'y may nagsisitahan,
mga pastores na ilan
na di-malayo sa bayan,
nagtatanod nagbabantay
hayop nilang lumiligaw.

Naparoon kapagdaka
isang Anghel na maganda
at pahahayagan sila;
nang matanto at makita
nangatako't at nangamba.

Anitong Anghel ng Diyos
huwag kayong mangatakot
bagkus matuwa't malugod,
dumating na ang sasakop
sa sala ng Sangsinukob.

Dumating na at lumabas
sa Belen ipinanganak
ang hintay ninyong Mesias,
kaya ngayon ay ang dapat
magsidalaw kayo agad.

Nang matanto nila ito,
nagsang-usapang totoo
anila, tayo'y tumungo,
dalawin natin ang Ninio
Berbong sasakop sa tao.

Pagbibinyag kay Jesus
Nagsilakad kapag kuwan
at ang Bele'y pinaroonan
nakita nila't namasdan,
yaong Mesias na Mahal
nahihilig sa sabsaban.

Manag ito'y sa masilip
ng ibang mga pastores,
halos ang mata'y tumangis,
ng tuwang hindi maisip
na kanilang puso't dibdib.

At nagsihalik sa paa
niyong sanggol na maganda
yao'y tandang pagkilala,
sa totoong Hari nila
Diyos na mulang-ginhawa.

Ng mangyaring maluhuran,
nalis na sila at nanaw;
balang taong masumpungan,
kanilang pinagsabihan
niyong himalang natingnan.

Kay Moises na kautusan
utos na kaugalian
kung mahustong walong araw,
bilang sa kapanganakan
ang anak ay bibinyagan.

At ano nga'y nang maganap
ang walong araw na singkad
nang pagsipot ng Mesias,
bininyagan siya agad
Hesus siyang itinawag.
Ito ang unang pagtulo
niyong malinaw na dugo
ng Mesias na umako,
at siya ring pagkahango
ng sinta niya sa puso.

0 comments: