Thursday, February 19, 2009

PASYONG MAHAL - HUEBES SANTO -ANG PAGHAHARAP NG MGA HUDYO SA ATING PANGINOONG HESUKRISTO KAY ANAS

Ang Paghaharap ng mg Hudyo sa
ating Panginoong Hesukristo
Kay Anas

Ang pagsunod nga ni Pedro
sa huli ng mga hudyo,
kaya hindi napagsino,
niyong mga lilong tao
na nagsihuli kay Kristo.

Ano pa nga’t ilinakad
ang banal na Diyos Anak
may sumuntok may tumadyak
doon nila itinambad
sa bahay niyong si Anas.

Nang iharap na si Kristo
doon kay Anas na lilo
tuwa’y hindi mamagkano
niya’t sampung pariseo
kasapakat na totoo.

Kapgkaraka’y nangusap
kay Hesus yaong si Anas
ay aniya taong uslak,
nangasaan yaong lahat
Apostoles mong alagad?

Kundangan hindi totoo
mga liko ang aral mo
at pawa ngang hindi totoo,
nao’t pinag-iwan ka rito
ng lahat ng alagad mo.

Kabaitan ding mataas
ang naisipan ni Hudas
kasuyo mo at kasabwat
humiwalay rin at sukat
ng di sumama’t maghirap.

Katiwala mong magaling
sa hayag man at sa lihim
at iyong kasiping-siping,
ano’t siyang nabala rin
ng mga aral mong linsil?

Dito’y sukat mahalata
ang aral mo’y pawang daya
walang wasto’y masasama
kaya mo ito ginawa
ang tao ay nang masira.

Puno kang kapalaluan
mapagbagu-bagong aral
liko’t walang katuwiran,
iyong pinagdarayaan
ang mga tao sa bayan.

At ang buong akala mo
nasang ibigin nang tao
anyayaha’t iparuyo,
iniimbot mong totoo
ngalanan kang taong Santo.

Lalo ka pa bagang alam
kasantusa’t pagkabanal
kay Moises na isinaysay,
ng sa Diyos na kautusan
doon sa bundok ng Sinay.

At marami ang Propetas
na nagsabi’t nagpahayag
isinaysay at isinulat,
aral niyang maririlag
na aming natalastas.

Bago’y ang iyong inakit
kasama mong magsusulit
nang aral mong malulupit,
kababayan mo’t karatig
pinsa’t hinlog na malapit.

Tao kang hamak at mura
ano’t sasampalataya
kami sa iyong doktrina?
bakit hindi mangaral ka
bangaw na walang halaga?

Dito’y sukat mahalata
ang aral mo’y pawang daya
mga gawang wika-wika,
lahat ay ginagambala
nagwawala kang kamukha.

Malaki ring kamalian
ang lahat mong pangaral
hindi ka dapat sumuway,
at kami’y pagpalaluran
aba nanga’y napasaan!

Anong di ikakalag mo
ng pagkagapos mong ito?
at nang magkalutas tayo,
kung Mesias kang totoo
ngayo’y patotohanan mo.

Dito itong Poong Diyos
kataga ma’y di sumagot
si Anas agad na napoot,
sampung mga pariseos
pawang sumukal ang loob.

Nuli namang nagtatakap
ang tampalasang si Anas
aniya’y hayo’t ilakad,
ihatid nga kay Kaipas
iyang lilo at dulingas.

Siya nga ang naglalalang
ng masamang katipunan
kay Hesus, ay magparatang,
doon sila nagpipisan
at ang tanang punong bayan.

Ang pantas at marurunong
doroo’t nagpupulong
anang isa’t isa’y gayon,
para-parang tumututol
ang sumbong pinag-aayon.

Ano pa nga’t napapawa
doon yaong masasama
pariseong makuhila
nag-iisip naghahaka
nang dilang ipararaya.

Asal na di katuwiran
nitong mga tampalasan
ano pa nga’t pawang bintang,
niyong taong mga hunghang
kay Hesus na Poong mahal.

Hinila na nga ang lubid
niyong mga malulupit
kay Kaipas inihatid
asal ay kahapis-hapis
nitong Poong mapagtiis.

Nang magharap kay Kaipas
ang mahal na Diyos Anak
di na tinapos ang usap,
ang winika’y magpabukas
at sila’y nangapupuyat.

Doon na nga itinahan
sa maluwang na harapan
ng kay Kaipas na bahay,
sa haligi’y binayubay
ang dalawang paa’t kamay.

Nangaghiwa-hiwalay na
yaong mga palamara
at nagsauli kapagdaka
sa bahay nang isa’t isa
may bantay na pinatira.

Ang pagbibiro ng mga hudyo sa
ating Panginoong Hesukristo

Niyong gabing paglalamay
madlang biro’t pag-uuyam
niyong mga tampalasan,
pawang kapalibhasaan
dito kay Hesus na mahal.

Tinakpan na alipala
yaong mahal niyang mukha
panyong marumi at sira
niyong mga aliktiya
pagbalik din nilang pawa.

Inooroy ngani nila
ang pagtanga’y tambong isa
tanda yao’t pagkilala,
sa totoong Hari nila
bago’y tikis na pagmura.

Kunwa’y iginagalang
kanilang linuluhuran
ligira’t yuku-yukuan
tikis nilang kabuhungan
lubhang lapalibhasaan.

Isa at isa ngang hudyo
nagsisitampal kay Kristo
at linulurang totoo,
pagmura’y di mamagkano
tatanunging ngang ganito:

Aba tinuturang dati
Anak ng Diyos an mabuti
na walang di nagpupuri,
anyong dumuruhago,
Prophetiza nobis Christe.

Aba taong mapagdangal
mapagkunwa’y at maalam
wala namang karunungan,
kung tantong ikaw’y paham
manghula ka’t iyong turan.

Sa ami’y kung sinu-sino
ang nagsitampal sa iyo
kaya ngayon ay turan mo,
yamang ibinabantog mo,
Anak ng Diyos kang totoo?

Sa tanang mga pag-ayop
niyong mga lilong loob
ay itong Poong si Hesus,
walang imik walang kilos
at nagbabatang tibobos.

Ang aral na isinulat
ng isa ngang Santong hayag
ang sakit at madlang hirap,
dinalita nang Mesias
doon sa gabing magdamag.

Marami’t lubhang makapal
ang hindi naliliham
ng mga Propeta’t paham
bait isip nila’y kulang
sa sakit na di mabilang.

Nang iharap na si Kristo
sa hukom na kay Pilato
hindi maturang totoo,
dalitang di mamagkano
paraya ng mga lilo.

Ang tiniis niyang tampal
niyong gabing paglalamay
hindi masabi’t mabilang,
datapwa’t ang kasabihan
lakas na di ano lamang.

Dunggol na ipinatiis
niyong mga malulupit
sa matamis niyang bibig
ang mukhang kaibig-ibig
dila’y hindi maisulit.

At ang dagok sa katawan
sa balikat at likuran
at di bagay na ibilang
hindi nga sukat maturan
nino mang taong timtiman.

Sa hita at binti niya
dunggol sikad na dinala
na tiniis at binata,
di sukat maikalara
ng tao namang may sinta.

Hindi mamagkanong lura
ang pinatama sa mukha
may laway may kalaghala,
karumaldumal nang sama
mabahong hindi kawasa.

Iba’t iba pang pasakit
at hirap na di maisip
ng gabing yao’y tiniis,
ni Hesus, Hari ng Langit
dahil sa taong bulisik.

Oh gabing kapanlawpanlaw
lubhang kapait-paitan
Hesus ang iyong dinaanan,
pag-ayop karuhaginan
niyong mga tampalasan!

Hesus ang iyong tiniis
hirap na hindi maisip
sadyang Korderong linait,
tao, Angel, lupa’t Langit
ngayo’y nagsisipanginig.

Batis, ilog, karagatan
maging lubhang ikalumbay
ng tao’t ipanambitan,
di pa yata kasukatan
Hesus ang hirap mong iyan.

Poong Diyos na mapag-iwi
lumikha ng buong Orbe
ay tiniis mong sarili
pag-ayop pagduhagi
sa iyo ng taong imbi.

Alin kayang kaluluwa
Hesus ang di mabalisa
sa lubos na iyong sinta
pag-ayop madlang parusa
dahilan sa taong sala.



Kaya Diyos na maalam
Amang makapangyarihan
kami na iyong kinapal
magdalita’t kaawaan
sa Anak mo’y alang-alang.

A R A L

Oh taong mapagmabuti
at mapaghangad ng puri
aayaw maruruhagi,
sa loob mo ay iwaksi
kalupitan mong parati.

Alin ka ma’t kahit sino
mayroong loob na tao
panimdimin mong totoo
mga pag-ayop na ito
sa Poong kay Hesukristo.

Iyo ring ikabalisa
ang lahat mong gawang sala
at isipin mo tuwi na,
ang parusahan at hangga
ng tanang Anak ni Eba.

At madaling napaparam
ang ganda at kabutihan
walang likat gabi’t araw
malapit ang kamatayan
sa ating lupang katawan.

Ang kagandahang di palak
katawang dating malakas
ay huwag ding ipangahas
palibhasa’y lupang hamak
na madali ngang maagnas.

Lumulipad na totoo
ang pagkabuhay ng tao
ano pa nga’t parang aso
magdarayang alipato
kung saan ipatutungo.

Ito ngang hamak na bayan
huwag pagkatiwalaan
walang lumagi isa man,
papel ang siyang kabagay
kung mabasa’y matutunaw.

Ang maganda ay ingatan
ang kaluluwa mong iyan
marahil minsang mamatay
mahirap muling mabuhay
sa grasia ng Diyos na mahal.

0 comments: