Ang pagbuhay ni Hesukristo
kay Lazaro
Doon sa bayang Bethania
aldea rin ng Hudea
sa bahay niyong si Marta,
at Maria Magdalena
magkapatid na dalawa.
Ang kapatid na ikatlo
pangalan ay si Lasaro,
minamahal na totoo,
ng Poong si Hesukristo
at tunay nitong katoto.
At mana nga’y isang araw
si Lasaro ay dinatnan,
sakit na ikamamatay
nagpasabi kapagkuwan
kay Hesus na Poong Mahal.
Ang pabilin baga’t sulit
ng dalawang magkapatid,
Maestro naming marikit,
ang katoto mo at ibig,
malubha ngayon ang sakit.
Ang tugon ni Hesukristo
doon sa mga nagsabing tao:
kay Marta ay sabihin mo
yaong sakit ni Lasaro
ay hindi makaaano.
Di muna pinaroonan
at siya ay nagpaliban,
ano’y nang kinabukasan,
gumayak na kapagkuwan
at sa tao’y nangangaral.
Naging dalawang araw pa
si Hesus sa Bethabarra
saka nang isang umaga,
wika sa mga kasama
tayo’y pasa sa Hudea.
Anang mga disipulo
bakit, anila, Maestro
doon tayo patutungo,
ang mga lilong hudyo
doo’y babatuhin tayo.
Ani Hesus sa kanila
kayo ay huwag mangamba,
kundi ko tulutan sila
mangungurong na lahat na
ang kamay nila at paa.
Agad na ngang nagsilakad
si Hesus sampung alagad
sa Hudea ay tumambad,
at doo’y maghapon sinkad
na nangaral na sa lahat.
Nang maging ilang araw na
sila sa bayang Hudea,
inakit kapagkaraka,
ni Hesus ang mga sama
ang nasa’y pasa Bethania.
Anang Poong maawain;
atin
si Lasarong aking giliw;
siya’y aking pupukawin
sa pagtulog ng mahimbing.
Nagsisagot kapagkuwan
ang Apostoles na tanan
kung yaon po’y tulog lamang
nakaligtas kaya naman
sa sakit at karamdaman?
Ang sagot ni Hesukristo:
patay na nga si Lasaro
nguni’t malaking tuwa ko,
nang tumibay na totoo
ang paniniwala ninyo.
Ano pa’t hindi dinalaw
ni Hesus ang kaibigan
na hanggang hindi maliban
naging ikapat na araw
na nabaon yaong bangkay.
Marami nama’t makapal
mga taong nagsidalaw
taga Herusalem na bayan
at inaaliw na tunay
magkapatid na may lumbay.
Ano nga’y nang dumating na
araw na nasa at pita
ni Hesus na Poong Ama;
agad napasa Bethania
sampung Apostoles niya.
Nang matanto at matatap
ni Marta kay gandang palad
na dumating ang Mesias,
luha’y nagkakanlalaglag
sinalubong niya agad.
Ang wika ay ganito:
Poon, aniya’t Maestro,
kung ikaw po ay narito,
buhay disin ang kaka ko
katoto mong si Lasaro.
Nguni’t aking naalaman
ang iyong kapangyarihan,
ani Hesus na maalam
iyan ngang wika mong iyan
aking kinatutuwaan.
Walang pagsalang totoo,
mabubuhay ang kaka mo
sagot ni Marta ay oo,
kung matapos na ang mundo
at huhukuman ang tao.
Ang kay Hesus na winika
oo aniya’y buhay nga
at sa aki’y maniwala,
kahit patay na mistula,
mabubuhay alipala.
Itong mga winika Ko
ay paniwalaan ninyo;
sagot ni Marta ay oo,
ikaw po’y si Hesukristo,
Anak ng Diyos na totoo.
Nang ito ay mawika na,
ay lumakad na si Marta,
tumuloy kay Magdalena,
ang maestro’y narito, aniya
bunso’y itinatanong ka.
Gayong wika’y ng mabatyag
ni Magdalenang mapalad,
kapagdaka’y nagbuhat
sumalubong na nga agad,
hapis ay walang katulad.
At lumuhod kapagkuwan
sa kay Hesus na harapan
Oh, Maestro, aniyang mahal
kung dirito ka sa bahay
ang kaka ko’y di namatay.
Nang makita nitong Berbo
ang panambitang ito,
tumatangis siyang totoo,
habag na di mamagkano
sa sinta niya’t katoto.
Agad na ngang itinanong
nitong ating Panginoon
na ang wika ay gayon;
saan aniya ibinaon
si Lasarong aking kampon?
Ay ang tugon sa kaniya
ni Marta’t ni Magdalena
sumunod ka po, anila,
doo’y iyong makikita
kaka naming mapaninta.
Nagsilakad kapagkuwan,
naparoon sa libingan;
ani Hesus na maalam
hayo na at inyong buksan
ang batong nakararagan.
Ang isinagot ni Marta:
Panginoon ko, aniya,
ngayo’y apat na araw na,
totoong hindi sasala
na ang bangkay ay bulok na.
Ang tugon ni Hesukristo
dili wika ko sa iyo,
paniwalaan mo ako,
makikita mong totoo.
mabubuhay ang kaka mo.
Ano pa nga at binuksan
yaong takip na libingan
niyong kay Lasarong bangkay
bahong hindi ano lamang
ito ang ipinagturing.
Nang matanto at malining
nitong Panginoon natin,
sa langit agad tumingin
at siya ay nanalangin
sapagka’t apat ng araw.
Ama ko aniyang mahal,
Diyos na walang kapantay,
salamat na walang hanggan,
ako’y inyong pinakinggan
sa hiling kong ano pa man.
Kaya winika ko ito,
Oh, Diyos Haring Ama ko,
nang makilalang totoo,
ng naritong mga tao
na ako’y siyang Anak mo.
Nang ito ay mawika na
nangusap kapagkaraka:
nitong Poong mapaninta,
Lasaro ay magbangon ka
at diya’y lumabas baga.
Parang natutulog lamang,
si Lasaro ay pinukaw,
nang si Hesus mapakinggan,
kumilos na kapagkuwan
doon sa sadyang libingan.
Ng mangyaring mabuhay na
si Lasarong mapaninta
nag-utos ang Poong Ama,
kalagin ninyo, aniya
gapos na kamay at paa.
Nang unang kaugalian
niyong mga hudyong tanan,
kung ibaon yaong bangkay,
ginagapos ang katawan
ng isang pamahid bilang.
Doon na nga si Lasaro
nagpatirapang totoo
sa paa ni Hesukristo,
pagpupuri’y mago’t mago
sa ginawa niyang milagro.
Ito ring Lasaro naman
ang sinasabing nangaral
doon sa Marsellang bayan,
pitungpung taon ang gulang
sinapit bago namatay.
At sa ginawang milagro
nitong maawaing Berbo
nang pagkabuhay kay Lasaro,
ay mahayag na totoo
sa madla’t maraming tao.
At marami sa kanila
ang nagsisampalataya
na Anak ng Diyos siya,
muling ikinabalisa
ng pariseong lahat na.
Hindi na nga nagkatoto
ang loob ng mga lilo,
sapantaha’y mago’t mago,
at ninasa ngang totoo
ipapatay na si Kristo.
Sa Konsilyo ni Kaypas
doon nagpulong ang lahat
pariseo at eskribas,
ang nayari nilang usap
ipapatay ang Mesias.
Ang mga usapang ito
niyong mga pariseo
nang matalastas ni Kristo,
agad silang napatungo
sa malapit sa Disierto.
Di napakita sa bayan
hanggang dalawang buwan,
sa Ephrem siya tumahan,
sampung Apostoles naman
pangingilag niya bilang.
Yaong pagtatago niya,
di sa takot at pangamba,
kundi pangingilag muna,
palibhasa’y malayo pa
ang oras niyang talaga.
Nang malapit nang totoo
paskuwa nang mga hudyo,
na hintay ni Hesukristo,
nang pagtupad sa Misterio
nitong pagsakop sa tao.
Inakit na kapagdaka
ang mga alagad niya,
at sa bayan namang isa,
na sakop din ng Samaria
doon nagsitambad sila.
Nguni’t hindi pinapasok
sa bayan yaong si Hesus
nang mga Samaritanos,
paraparang napopoot
sa mga aral nang Diyos.
Ano’y ng makita ito
ni Huan at Hakobo
nagalit silang totoo,
agad nangusap kay Kristo
na ang winika’y ganito.
Maestro, anilang mahal,
kung iyong kalooban,
sila nga’y papanaugan,
ng apoy sa kalangitan
at pugnawin itong bayan.
At ng ating maiganti
ang sa iyo’y pangaapi
nitong mga taong imbi,
sumagot ang Poong kasi
na ang wika ay gayari.
O, mga Apostoles ko
pili kong mga katoto,
hindi pagpatay ng tao
ang aking ipinarito’t
ipinanaog sa mundo.
Kundi bagkus kong bibigyan
ng buhay ang mga patay,
ito ang inyong tularan,
ang tao ay kaawaan,
at sa akin alangalang.
Ano pa’t si Hesukristo,
lumakad at ang tinungo
yaong bayan ng Heriko
dalawang bulag na tao
pinagaling na totoo.
Doon sa loob ng bayan
ay isang taong mayaman
si Sakeo ang pangalan,
na nagnanasang matingnan
itong sasakop sa tanan.
Nang kay Hesus na makita
ay pinangaralan niya
si Sakeo kapagdaka,
iniwan ang madlang sala,
nagsisi ito’t nagtika.
Saka naman itong Berbo
sa Bethania napatungo,
piniging siyang totoo,
ng isang banal na tao,
ngala’y si Simon Leproso.
Sa malaking alangalang
nitong si Simong timtiman
kay Hesus na Poong mahal,
na nagpagaling nang minsan
kati niya sa katawan.
Piniging nga kapagdaka
si Hesus na Poong Ama,
sampu ng mga kasama,
si Lasaro’y duroon pa
si Marta’t si Magdalena.
Nang nahahanda na naman
ang kanilang hahapunan
nagsiluklok kapagkuwan,
si Hesus at mga kawal
at humapong natuluyan.
Kapagdaka ay kinuha
ni Maria Magdalena
yaon ngang sisidlan niya,
niyong nardong mahalaga
at binasag kapagdaka.
Agad niyang ibinuhos
sa ulo’t paa ni Hesus
nang mabusan pagkatapos,
paa naman ay kinuskos
at pinahiran ng buhok.
Buong baya’y nakalatan
ng bangong di ano lamang,
nang ito ay mapagmasdan
si Hudas na tampalasan
loob ay biglang sumukal.
Ito’y siyang isinidhi
ng loob ni Hudas ngani;
ang Poon, sa di ugali,
sa hinayang sa salapi,
pinagliluhang madali.
At ang kaniyang sinabi
kung yao’y ipinagbili
at inilimos sa pobre,
di lalong gawang mabuti
at huwag sinayang dini.
Ang kanyang kaisipan,
kung yaong nga’y di sinayang
at sa kanya’y ibinigay,
mauumit niya bilang
at sukat na pagtubuan.
Ng kay Hesus na matatap
ang gayong balak ni Hudas
kapagdaka ay nangusap,
aniya, ay mga liyag,
akala ninyo ay linsad.
Kayo’y hindi magkukulang
ng pobreng malilimusan,
nguni’t ito ay tandaan,
iilang araw na lamang
at tayo’y maghihiwalay.
Ang gawa ni Magdalena
yao’y parang himakas na,
at sa aki’y alaala,
kaya nga mga kasama
huwag nang ikabalisa.
Ano’y nang kinabukasan,
sa Bethania ay pumanaw
itong Maestrong maalam
kasama at kaalakbay
ang Apostoles na tanan.
Nang malapit na, ang sabi
si Hesus na Poong kasi
sa Aldea ng Betphage,
karatig ng Olibete
kinawiwilihang dati.
Kalahating oras bilang
ang layo ng lalakaran,
sa Herusalem na bayan
dito ay ang Poong Mahal
nag-utos sa mga kawal.
Dalawa ngang disipulo
ang inutusan ni Kristo,
si Huan at si Hakobo,
magkapatid na totoo
na anak ni Sebedeo.
Inyo ngang paroonan
ang dako roong lansangan
at kayo ay may daratnang
humentang na napupugal
na may anak pang kaakbay.
Kalagin at dalhin dito,
at ito’y siyang utos ko,
kung may tatanong sa inyo
isagot ay ang Maestro
ang nagpapakuha nito.
Pumanaw na kapagdaka
ang inutusang dalawa,
doon nga’y kanilang nakita,
napupugal na humenta
kasiping ang humentilya.
Kung kaya ipinakuha
ni Hesus yaong humenta,
ani Hakobong butihin,
ito ay utos sa amin
ng Maestro’y may gagawin.
Gayong wika ng mabatid
ang may-ari’y umimik
di na binuka ang bibig,
sapagka’t pita at ibig
nitong Diyos na marikit.
Kung kaya ipinakuha
ni Hesus yaong humenta
kung siya ay papasok na,
sa Herusalem na sadya
sasakyan niyang talaga.
Ito’y salaming malinaw
na sukat panganinuhan
ng mga anak ni Adan
at siyang dapat tularan
ng mga palalong asal.
A R A L
Taong lubhang alisaga,
mataas magmanukala
ang palalo kung magwika,
ilipin mong matiyaga
lahat mong lihis na gawa.
Itong Diyos na totoo,
kung nagkatawang tao,
nagpakamara sa mundo,
pangaral lamang sa tao,
at ng ikaw ay matuto.
Ang lahat niyang Doktrina
milagro’t pag-aanyaya
sa mundo’y ipinakita,
nang iyong maalala
ang totoo niyang sinta.
Nguni’t ikaw na suwail
wala man munti mang panimdim,
ang parati mong hangad din
ang sala at gawang linsil,
siya mong minamagaling.
Di ka na nagdalang awa
sa tao na iyong kapwa
ang gawa mo’y pawang daya,
magbintang, mag-upasala,
mangusap, mag-wika-wika.
Manumpa at manungayaw
dilang katampalasan
sa bibig mo ay nunukal,
wala kang takot munti man
sa Diyos na Poong mahal.
Kung pumula’t manuya ka
nag-wawala kang kapara
nguni’t di mo nakikita,
at di mo na alala
kalupitan mong lahat na.
Ano pa at pawang lihis
ang lahat mong-pag-iisp
linlang at hindi matuwid,
kung yao’y di mo itangis,
anong iyang masasapit.
Ang katampatang mong gawin
Kristianong nagugupiling;
ngayo’y ating salubungin,
si Hesus na maawain,
papasok sa Herusalem.
Tingni at nagpakababa
bagoy Diyos na dakila
Hari ng Langit at lupa,
puno na may munukala
ng lahat niyang ginawa.
Nagparang dukha at mura,
salat sa tingin ng mata,
sumasakay sa humenta,
bago’y lubos na kaniya
ang kayamanang lahat na.
Ito’y kaya gawa lamang
nang siya’y ating tularan:
magpakababa ng asal
iwaksi ang kapalaluan
puno ng dilang kasamaan.
Ngunit at bago lumakad
tayo muna ay magmalas
at pag-isipang banayad
mga sabi’t nakasulat
hula ng mga propetas.
0 comments:
Post a Comment