Ang pagpapapugot ni Herodes
sa lahat ng sanggol
Sa laking pagkagiyagis
loob ng haring Herodes
munti ma'y di natahimik,
ang puso at kanyang dibdib
sa inggit na gumigiit.
Ano pa nga't gulong-gulo
ang loob ng haring lilo
pinasukan ng demonyo,
na umisip ng ganito
sa sakop niyang basalyo.
Nag-utos at nagpatawag
ng soldadong mararahas,
kapag dating ay nangusap,
aniya nga'y kayong lahat
magsihanda at lumakad.
Sa Belen kayo patungo
at hulihin yaong tatlo,
Haring nagsidaan dito,
kung wala'y kahit ang Ninio
siyang dalhin sa harap ko.
Yaong bagang inianak,
na gumugulo sa tunggak
anang ibang nakamalas,
ay yaon daw ang Mesias
na hinihintay ng lahat.
Nalis na nga't nagsipanaw
soldados na inutusan,
bayang Bele'y pinaronan,
hahanaping pagpilitan
ang sanggol na bagong litaw.
Buong baya'y hinalughog
kabukiran sampung bundok
di rin nakita si Hesus,
at nagbalik ang soldados
sa Haring lilong nag-utos.
Nang matanto ng sukaban
na mainggiting lanuwang
mana ay ang naisipan,
nag-utos sa mga kawal
basalyong nasasakupan.
Ang wika ng Haring pusong
ang hingi ko't utos ngayon
sa aking soldadong kampon,
libutin ang Bele'y nayong
karatig ng bayang yaon.
Panhikin ang bawa't bahay
na huwag may kaligtaan,
sa aki'y huwag may sumuway
ang sanggol na masumpungan
agad alisan ng buhay.
Santaon o kulangin man
o hustong dalawang tunay
yaong sanggol ay pugutan,
ang sa aki'y sumalansang
aalisan ko ng buhay.
Utos hari, palibhasa,
di sino susuway nga
mga kawal at gumala,
masumpungan nilang bata,
pinugutan alipala.
Bawa't bahay ay pinanhik
pinapasok hanggang silid
sa paghanap nilang pilit,
at ang sanggol na masilip
ay agad bibigyang sakit.
Gulong di hamak ang bayan
maingay ang panambitan
halos di magkarinigan,
sa pagtangis ng pag-uwang
ng ama't inang magulang.
Aling matigas na loob
ang di matunaw, madurog,
kung makita't mapanood,
ang dugong nagsisiagos
pinugutang mga ninios?
Daig ang init ng bakal
ng puso nitong lanuwang,
hindi nahabag munti man,
kaya nga't ang kinaratnan,
hirap na di ano lamang.
Ang kabilangang totoo
sanggol na namatay dito
wika ni Salmerong sabio,
batang pinugutan ng ulo
may labing apat na libo.
Ang dugo'y nagsisitangis
niyong ninios inocentes
ang narating ni Herodes,
linagnat na walang patid
at uod ang ipinawis.
Katawa'y sugat-sugatan,
buhong hindi ano lamang
ni hindi na malapitan,
ang lahat ay nasusuklam
sa kaniyang pagkalagay.
Ito'y siyang ganti't bihis
sa gawang hindi matuwid
dito sa haring balawis,
ang lalong kasakit-sakit
di siya nagkamit-langit.
aba, haring walang palad!
aba, lilo at dulingas!
aba, at ikaw'y nabihag
ano't di ka makakalag?
Ano ang iyong akala
at ano ang sapantaha?
anong hirap iyan kaya?
ano at di nga nagwika
iyang malupit mong dila.
Iyang iyong hinihingan,
iyan ang napakinggan
iya'y siyang kabayaran
at siyang kahihinatnan
apoy mo sa kagalitan.
Apo'y na di matatapos
apo'y na galit ng Diyos
apoy sa gawa mong buktot
apoy ang siyang susunog
Haring malupit sa hayop.
Haring hindi na nag-isip,
haring taksil at balawis
haring halimaw na ganid,
haring hindi na nahapis
sa dugo nang inocentes.
Kaya ang iyong natamo
hirap, sakit sa impierno;
hunghang, masakim na tao,
sa apoy mo na ibunto
ang galit kay Hesukristo.
Ito ang siyang pagmasdan
ng mainggitin sinoman;
iwaksi ang gayong asal,
at kung hindi ay kakamtan,
impiernong apoy na bayan.
Nang mamatay na't matapos
itong haring saligutgut,
sa Egipto ay nanaog
ang isang anghel ng Diyos
asal ay kalugod-lugod.
Doon sa pagkagupiling
ni San Hosep na butihin
binati agad ng anghel,
ng wikang kaaliw-aliw
ito ang ipinagturing.
Anang anghel kay San Hosep
bangon na, anak ni David,
dito kayo ay umalis,
at umuwi sa
bayan ninyong iniibig.
Wala na nga at namatay
yaong haring tampalasan
na naghirap sa bayan;
kayo'y magbalik na nanam
sa dati ninyong tahanan.
Nang matanto at matatap
ni San Hosep na mapalad
sa Birhe'y dagling nangusap,
at biglang nagsilakad
na kasama ang Mesias.
Nang sila na'y nasa raan,
ay kusang nabalitaan
sa
ang hari ay si Arquelaw,
anak niyong tampalasan.
Sila nga'y nag-ibang daan,
naparo't nagtuluyan
sa bayang sukat tahanan,
bayang walang kapakanan
hirap na walang kapantay.
Ang Nazareth ay tinungo
na bayan nilang totoo,
sapagka't ang batang ito
tatawaging Nazareno
pagwangis niya sa tao.
Ang bahay niyang kinita
na nihabilin nila,
ay hindi rin na-iiba
at dito nga namahay na
si San Hosep at si Maria.
Dito itong Ninio Hesus,
tumalima at sumunod
sa ano mang iniutos,
hiling ng puso at loob
ng mag-asawang sin-irog.
Anang mga Ebangelistas,
lumaki ang Mesias,
lumaki nama't tumaas
ang grasia't dunong na wagas
sa harap ng taong lahat.
0 comments:
Post a Comment