Tuesday, February 10, 2009

PASYONG MAHAL - HIMALANG GINAWA NI HESUS SA BAYANG KANAA

Himalang ginawa ni Hesus sa

bayang Kanaa

Nang mabati na ng gayon

ay nuwi na itong Poon;

ang Natanael palang yao’y

si Bartolomeng Apostol,

pahayag ng marurunong.

Nang si Hesus ay sumapit

sa bayang niyang Nazaret

ay nangagsisamang pilit,

yaong limaNg Apostoles

na kaniyang iniibig.

Isang araw naman sila

piniging sa isang boda,

kasama ang Birheng Ina

naglakbay kapagkaraka

doon sa bayang Kanaa.

Nang sila nga ay dumating

doon sa mahal na piging

ay oras na ng pagkain;

pinaluklok na ang Birhen

at si Hesus ay kapiling.

Sa karamihang totoo

nagsidalong mga tao

kinulang ng alak dito

kahihiya’y mago’t mago

niyong bunying desposado.

Nang matanto ni Maria

nilihim ang anak niya

Bunsong giliw ko, anya,

dito ay walang alak na

mahihiya ang may boda.

Ang isinagot ni Kristo

Ina nga ay aanhin ko,

mawawala kaya’y ano,

sa aki’t sampu ang sa iyo

ng kakulangang ganito.

At hindi pa sumasapit

ang oras na aking ibig

dito na nga ay nabatid,

na Birheng Inang marikit

ang mga gawang matuwid.

Tinawag na kapagkuwan

ng Birhen Inang timtiman

ang nagsisilbi sa dulang,

kaniyang pinagbilinan

ito ang siyang tinuran.

Kayo, aniya’y sumunod

sa ano mang ipag-utos

itong anak kong si Hesus,

at inyong mapapanood

karunungan niyang lubos.

Nang ito ay mapakinggan

sila’y lumapit sa dulang

si Hesus ay tinitingnan

naghihintay pag-utusan

ng ano mang mga bagay.

Ipinag-utos ng Berbo

sa doroong mga tao

aniya’y sidlan na ninyo

ang tapayang nangarito,

niyong tubig na totoo.

Sumunod at di sumuway

yaong mga inutusan;

ginamit na kapagkuwan;

tayong anim na tapayan

at kanilang tinubigan.

Ito ang unang himala

gawa ng Haring dakila,

sa kataga niyang wika

ang tubig ay alipala

naging alak na mistula.

Nagsiinom na nga rito

ang madla’t maraming tao

tuwang hindi mamagkano

at nangagpuring totoo

sa Poong kay Hesukristo.

Nang lumubog na ang araw

agad silang nagsipanaw

at umuwi nang tuluyan

sa Nazaret nilang bayan

na dating tinatahanan.

Wika ng ibang bihasa

ang may-ari niyong boda

si Huan Ebanghelista,

ikinasal sa dalaga

na maganda at may sinta.

Nguni’t sila’y kinasal man

hindi nagsamang namahay

sapagka’t yaong si Huan,

ay hindi na humiwalay

sa Maestro niyang mahal.

Ano pa nga’t napahayag

bait dunong ng Mesias,

sa madlang baya’y sumikat

ang lubos niyang liwanag

na umaaliw sa lahat.

At siyang nagpatotoo

ng pagka-Diyos ni Kristo

si Huang pinsa’t katoto,

na nagpahayag sa tao,

niyong Mahal na Misteryo.

0 comments: