Monday, February 23, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGPUPUTONG NG KORONANG TINIK NG MGA HUDYO SA ATING PANGINOONG HESUKRISTO

VIERNES SANTO

Ang pagpuputong ng koronang tinik ng mga Hudyo sa ating Panginoong Hesukristo

Kaya iyong ikalumbay
ngayon at ipanambitan
yamang ikaw’y siya lamang,
totoong naging dahilan
nitong madlang kahirapan.

Ay ano’y sa pagsawaan
ang Poong nahihirapan
agad nilang kinalagan,
sapagka’t napagmasdan
hininga’y halos pumanaw.

Ano pa’t hindi maisip
ang kay Hesus na tiniis
na di mamagkanong sakit,
at di na nagdalang hapis
yaong mga malulupit.

Ang damit niya’y kinuha
sa pawis ipinahid na
nag-inot at nagdamit siya,
nguni’t di naniniig pa
ay hinubdan kapagdaka.

Hinubdang muli si Hesus
niyong mga lilong loob
at wala mang nag-uutos,
hinampas na walang taros
yao’y tikis na pag-ayop.

Laking sakit ang dinamdam
ng muli nilang hubaran
ganggapalad na ng kamay,
ang naninikit na laman
sa tunika niyang mahal.

Ano pa’t si Hesukristo
ay minumurang totoo
nang mga lilong hudyo,
kaya nga’t hinubdan dito
ang katawan niyang Santo.

At kanilang hinalinhan
damit na lubhang mahalay
na habing pula ang kulay,
duming hindi ano lamang
purapura ang siyang ngalan.

At kanilang pinaupo
sa isang hamak na bangko
inooroy, binibiro,
ano pa’t sinisiphayo
itong Korderong maamo.

At kanilang pinatangnan
ng isang tuyong kawayan
ang ulo ay pinutungan
nang tinik na likaw-likaw
kunwa ay hari-harian.

Saka yaong mga lilo
tatanong kay Hesukristo
pinapanghula rito,
sa kanila’y sino-sino
ang nagsipukpok sa ulo.

Ano pa nga’t inuulol
itong ating Panginoon
ng mga hudyong buhong,
saka babatiin niyong
Ave, Rex, Judaeorum.

Sa katuwirang totoo
nitong bati nilang ito
parang pag-ayop sa Berbo,
ang wika ng mga lilo
aba hari nang hudyo.

Nang kay Pilatong makita
ang pag-ayop at pagmura
dito kay Hesus na Ama,
nangusap kapagkaraka
sa tanang nagpaparusa.

Ipanhik ninyo pagkuwan
aniya ang taong iyan
at aking ipatatanaw
sa tanang nagkakapisan
ng kanyang mga kaaway.


0 comments: