VIERNES SANTO
Ang Pagpapatiwakal ni Hudas
na di umasang ipatatawad
ng kanyang kasalanan
Ay ano nga’y ng Makita
ni Hudas na palamara
ang pag-ayop at magmura,
pag-alipusta tuwi na
sa Maestro’t Poong Ama.
Siya nga’y nagbulay-bulay
ang loob niya’y malumbay
ang ala-alang matibay
ng budhing sumalawahan
sa nagawang kasalanan.
Na ang winika’y ganito:
masama nganing totoo
itong salang nagawa ko,
ang Poon ko at Maestro
siya kong ipinagduro.
Ang maganda ngayon ngani
magbalik akong madali
at agad kong isauli,
ang pinagbilhang salapi
sa Maestro’t Poong Hari.
Naparoon kapagkuwan
sa maraming napipisan
sa mga pinunong bayan,
ang salapi’y dala’t taglay
ito ang siyang tinuran.
Oh lahat na maginoo
punong bayang nangarito
namali akong totoo
ang dugo ng taong Santo’y
siya kong ipinagduro.
Tantong ako’y namali nga
lihis ang aking nagawa
ngayon nga ang aking wika
ay kalagan alipala
ang Maestro kong dakila.
Ang salapi’t eskritura
narito at inyong kuha
labas ako sa lahat na,
inyong kalagan dali na
ang Diyos ko’t aking sinta.
Nagsisisi yaring budhi
at ako ay nagkamali
ano’t ipagbayad ngani
nang tatlumpong salapi
ang Diyos at Poong Hari?
Dili na tinanggap ako
ako’y tatawad magbago
nitong aking paglililo,
upang maging dapat ako
maging kampon at katoto.
Sumagot kapagkaraka
ang pariseong lahat na
kami’y umaalok baga
ikaw ay magnilay muna
kung umuling gumawa ka.
Hudas manaw ka na rito
wala nang daang totoo
di nga papayag sa iyo,
sino man sa amin dito
ano man ang karatnan mo.
Tayo ay nagkalutas na
sa nayaring eskritura
pilak ay iyong kinuha,
ngayon ay amin na siya
wala nang magagawa ka.
Hayo na’t ikaw ay manaw
gawin na ang kalooban
kami’y dili bata naman
na iyong paglalaruan
pa oo’t saka pa aayaw.
Ay ano’y sa marinig na
ni Hudas na palamara
yaong tugon sa kaniya
loob agad nabalisa
sa awa’y hindi umasa.
Nais na’t agad pumanaw
itong si Hudas na banday
at nagtuloy kapagkuwan
sa pinto niyong Simbahan
ang salapi’y dala’t taglay.
Ibinulagsak pagdaka
ang salapi niyang dala
aanhin ko pa aniya,
ako’y hindi tatawad na
dito sa nagawang sala.
Kahit aking pagsisihan
nagawa kong kasalanan
di na ako pakikinggan
kaya nga ang katampatan
ako ay magpatiwakal.
Alipala’y nagtumanan
sa tabi’y luwal ng bayan
sa isang kahoy dumuklay,
liig niya’y tinalian
nagbigti’t nagpakamatay.
Ay ano’y nang magkagayon
itong taksil na Apostol
nagsidagit naman doon
sari-saring mga ibon
demonyo ang nagsikaon.
Ang kaniyang kaluluwa
sa impierno ay dinala
ginagatungan tuwi na
walang katapusang hangga
ang kaniyang pagdurusa.
Nang matanto’t matalastas
ng pariseos eskribas
salaping tapon ni Hudas
silang lahat ay nag-usap
kung anong gagawin dapat.
Tantong lihis na totoo
anila at dili toto
na itong salaping ito,
ihalo’t ihalobilo
sa kayamanan sa templo.
Ito ay bili at bayad
sa dugo ng Diyos Anak
kaya ngayon ay ang dapat
ating isiping banayad
kung ano ang nararapat.
Pinagkayariang haka
niyong mga aliktiya
ating ibili ang wika,
ng isang mahal na lupa
nang iginhawa ng madla.
Kung sakaling may parito
ibang bayang mga tao
dumalaw sa ating Templo,
kung mamatay na totoo
maging libingan na ito.
Dito na ngani naganap
ang hula ni Sakarias
na ang mahal na Mesias
ipagbibiling di hamak
sa halagang di katapat.
At ang salapi ring ito
naging halaga ni Kristo
ay ibibiling totoo
ng mga lilong hudyo
lupa ng isang olyero.
Lupang yao’y siya lamang
binili ng mga hunghang
isinadya inilaan
sa sino mang magsidalaw
Aseldama ang pangalan.
A R A L
Kristianong makasalanan
mag-isip ka at magnilay
sa loob at gunam-gunam
kung magsisi’y tuluyan
huwag paimbabaw lamang.
Si Kain lilo at sukab
si Antiokong dulingas
nagsising para ni Hudas,
kaya nga at nangasadlak
sa kalang totoong ningas.
Sa awa’t miserkordia
ng Diyos na Poong Ama
sila ay hindi umasa,
kaya nga’t hindi nagtika
sa kanilang gawang sala.
Pawa rin nilang natamo
hirap sakit sa impierno,
ginagatungang totoo,
at mga lilong demonyo
kanilang kasalo-salo.
Kaya taong binyagan
umasa ka nang matibay,
na ang iyong kasalanan,
kung totoong pagsisihan
patatawarin pagkuwan.
Kahit lubhang malaki
nakatatakot masabi
na di mabilang nang dami
kung tumawad at magsisi
patatawaring mabuti.
Kaugalian tuwi na
nang Diyos na Poong Ama
kung tumawag ka sa kaniya
pakikinggan kapagdaka
ang sino mang palamara.
Sa Hustisiang kabagsikan
lumalo ang kaawaan
siya ma’y pagkasalanan
kung magsisi mang matibay
kaniyang kaawaan.
Maalam siyang talaga’t
dati naman wika niya
sa kay Ezekiel nang una,
di ibig mapalamara
ang taong nilikha niya.
Kahima’t salang puyapos
kung nagbabalik ang loob
at tumatawag sa Diyos
pangako niyang tibobos
patatawarin din lubos.
Lalo na nga kung magtika
ipagkumpisal ang sala
sumunod at tumalima,
sa ibinigay na parusa
nang kahalili nga niya.
Paglilimos, pangangadi
paghahampas niya ngani
at kung may ipasasauli
ano mang bagay at uri
ay ganapin dalidali.
Kung ito ay maganap na
masusunod na para-para
sukat na namang umasa,
masasaulan nang grasia
ang kaniyang kaluluwa.
Diyos ay hindi mapagtanim
dili taong para natin
bulinyanang makaangil,
dili na batibatiin
ang bala pa ay patayin.
Sa David bunying propeta
di baga maraming sala!
nang magsisi at magtika
ay binihis nga ng grasia
ang kaniyang kaluluwa.
At gayon din si San Pedro
nang tumatawa sa Maestro
pinatawad ngang totoo,
dinating din at natamo
ang tuwa sa Paraiso.
At si
di baga makasalanan
gayong sala nang tangisan,
pinagpalang di naliban
nitong Diyos na maalam.
Marami at makapal nga
sa mundo’y nagsisigala
mga taong masasama
nang mangagsising mistula
ay naging santong dakila.
Kaya taong bininyagan
kung sino ka at alin man
itong iyong napakinggan
itanim sa gunam-gunam
at huwag malilimutan.
Sa Diyos ikaw umasa
at maawain talaga
kung ikaw ma’y nagkasala
agad ka naming magtika
nang kaawaan ka Niya.
At kaya Siya nagtiis
ng di mamagkanong sakit
nang ikaw ay huwag manganib
kung mamali ka malihis
sa mga gawang matuwid.
0 comments:
Post a Comment