Tuesday, February 24, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGHIHINAW NI PILATO NG KAMAY




photocredit: freepictures



Ang Paghihinaw ni Pilato ng Kamay

At sa gayong pagtatalo
nang hukom at pariseo
sa katakutang totoo,
hinatulan na nga rito
ang Poong si Hesukristo.

Lumuklok kapagkaraka
sa silyang matatalaga
at bago humatol siya,
alipala’y nagpakuha
ng tubig at naghinaw na.

At nangusap ng ganito:
aniya ay lalabas ako
sa dugo nga niyang tao,
pagkalooban na ninyo
ano mang nasang totoo.

Ako’y di nakaaalam
yamang inyong kalooban
patayin na kapagkuwan
si Barrabas ang kalagan
si Hesus siyang mamatay.

Sumagot ang mga lilo
anila’y oo na hayo
at ako naming totoo,
hanggang sa aming inapo
dugo’t buhay niyang tao.

Sukdulang sa ami’y ibigay
ang ano mang kaparusahan
dahilan sa taong iyan,
kami ay may kalooban
kaya iyo nang hatulan.

Ang sabi at pagkabadya
ni San Huan Ebanghelista
si Hesus nang itaboy na,
si Pilato sa kanila
nangatuwa kapagdaka.

Dinuhapang nga nga rito
ang Poong si Hesukristo
ng mga ganid na tao,
taksil na mga hudyo
pawang kampon ng demonyo.

At kanilang hinubaran
niyong kalamideng balabal
at sampu ng damit naman,
hanalinhan nang kairal
na kaukol at kabagay.

Walang kibo’t walang imik
itong Poong mapagtiis
ay aba taong malupit,
buksi iyang iyong dibdib
at sa aral ay makinig.

A R A L

Kung may isip kang kristiano
ay magbalik ka na rito
ang may adhika sa iyo
sumunod na ngang totoo
sa hatol ng mga lilo.

Siya nga ang Haring tunay
Diyos na walang kapantay
hukom sa Sandaigdigan,
pumayag at di sumuway
sa pita ng mga hunghang.

Nagmukhang taong may sala
bago’y malinis na sadya
na di paniktan ng mansa,
siya ang nagpakamura
ng ikaw ay guminhawa.

Ang buo mong kasalanan
inako ni Kristong tanan
ng kay Pilatong hatulan,
siya’y hindi nag-apelar
ng ikaw’y masakop lamang.

Ang iyong kalakhang loob
pagka ibig mong mabantog
ang puri mo’y mapatampok,
mataas mapaimbulog
bago’y uod ka’t alabok.

Siya ang nagpakahirap
napagapos napasikad
ang kabutiha’y hinamak,
dumawis-dawis bumuhat
niyong Krus na mabigat.

Ang iyong pagmamarikit
katawa’y bihis nang bihis
ng ginto’t hiram na damit,
nang batiin at maibig
ng sino mang makamasid.

Ang kaniyang kabayaran
yaong madlang kahirapan
ayop karuwahaginan,
ulo niya’y pinutungan
koronang tiniktinikan.

Nagpakababa ang Diyos
at ng ikaw mapatampok
siya ang nagpakaayop,
nang puri mo’y mapabantog
maging badlayang tibobos.

Anong aking wikain pa
ay ang lahat mo ring sala
sampu nang sa isa’t isa,
sinakop at kinalara
nang ikalawang Persona.

Ay aba bakit ka tao
wala nang di naglililo
kung parusahan ka rito,
ng pinagkumpisalan mo
di talimahing totoo?

Lihim ngani’t hindi hayag
na walang nakamamalas
ano’t hindi ka gumanap,
ng pagtalima’t pagtupad,
iyong binubukas-bukas?

Nang si Hesus ay hatulan
ginawa ri’t di naliban
sa loob nang isang araw,
ito’y tikis na pag-aral
nang gagarin mo’r parahan.

Ang paggagawad ni Pilato
ng sentencia
Ikalumbay mo’t itangis
ipagpighating masakit
itong hirap na tiniis,
ni Kristong Poong marikit
Hari nang lupa at Langit.

Ako’y si Ponsio Pilato
president’t hukom dito
sakop ng Romanong Imperio,
inihalal na totoo
ng Emperador Tiberio.

Sa aking pag-aaudensia
at pag-upo ko sa silya
luklukang natatalaga,
dumulog at nangaghabla
prinsipe sa Sinagoga.

Ang kanilang inuusap
sa akin ay iniharap
Hesus ang siyang pamagat,
Nasarenong tinatawag
Galileo kung mangusap.

Anila ay itongtao
palamara’t walang tuto
sa hari pa’y naglililo,
buong baya’y ginugulo
ang ugali’y binabago.

Ang hatol ko’t sentensia
ukol sa kaniyang sala
ay sa Krus nga iparipa
ipako kapagkaraka
dalawang kamay at paa.

Sa kaniya’y ipapasan
Krus na kamamatayan
ipagtawag habang daan
tuloy namang ipagitan
sa dalawang magnanakaw.

Ito ang siyang hatol ko
sa taong dinala ninyo
dito nga sa harapan ko,
datapuwa’t labas ako
sa dugo ng taong husto.


0 comments: