Saturday, February 7, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PAGPAPASA EGIPTO

Ang pagpasa Egipto

photocredit: free pictures

At doon ng pinatahan

sa Egiptong kaharian

pagka't ibig papugutan,

niyong haring tampalasan

ang Sanggol na bagong silang.

Nang matalastas nga ito

ni Hosep dakilang Santo

kumuha ng isang asno,

at isinkay na rito

ang Birhen sampu ng Ninio.

At di na nga nabukasan

gabing yao'y nagsipanaw

dilim na di ano lamang,

nguni't ang totoong ilaw

ang kasama nilang tunay.

At sa paglakad sa bundok

ang Birhen ay kung mapagod

sa pagdadala kay Hesus,

agad niyang iaabot

sa asawang sinta't irog.

Habang daa'y nagaawit

ang tanang mga angheles

nagpupuring walang patid,

dito sa Poong marikit

Hari ng lupa at langit.

Ang kahoy na maraanan

nitong mag-Inang timtiman

yumuyuko't gumagalang,

laki nang pamamagitan

dito sa Poong Maykapal.

Anopa nga't di mahaka

dili masayod ng dila

ang mga gawang himala,

nitong Diyos na dakila

sa buong Egiptong lupa.

Nang sila ay dumating na

sa isang bayang masaya

balang taong makakita,

kay Hesus at kay Maria

natutuwang parapara.

Nang sumapit na ang tatlo

doon sa lupang Egipto,

tanang diyoses sa templo,

idolong mga demonyo'y

nadurog, nangapiraso.

Si Hosep at Birheng tunay

sampu ni Hesus na Mahal

sa Egipto ay tumahan,

sa isang bayan-bayanang

pinili nila't hinirang.

0 comments: