Saturday, February 28, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG IKATLONG PAGKASUBASOB NI HESUKRISTONG PANGINOON NATIN SA KABIGATAN NG KRUS NA PINAPASAN

Ang ikatlong pagkasubasob ni
Hesukristong Panginoon natin
sa kabigatan ng Krus na pinapasan

At ikatlo ngani ito
pagkarapa ni Kristo
katawan ay nanglulumo,
nanginginig na totoo
litid sampung mga buto.

Sa lupa’y napasubasob
ang mukhang mahal ni Hesus
nahasa na at nakuskos
sa malaking pagkapagod
gutom at madlnag dayukdok.

Ang tuhod niya at kamay
ang nangalimbag na tunay
at pawang nangalarawan,
sa batong kinaluhuran
at sa kinapaniinan.

Sa mga sabing maganda
talastas ang pagbabadya
nguni ng una’t ngayon pa,
naroo’t di nag-iiba
sa bato ay nakikita.

Ang katawan ma’y malakas
nitong Poong mabanayad
sa pagod at laking hirap,
di man niya mailakad
yaong Krus na mabigat.

At kumg ihakbang ang paa
doon sa pananalunga
bulinyanang nahihila,
pawang nangamamanhid pa
ang buong katawan niya.

Bangkay na manding totoo
ang lagay nitong Kordero
sino kaya’t aling tao,
ngayon ang hindi manglumo
sa mga bagay na ito?

Doon sa mga paglakad
niyong mahal na Mesias
ay sa sariling hinagap,
habang daa’y inoolak
hinanakit niyang wagas.

Na ang kanyang sinabi
Popule responde mihi
bayan ko ako’y tuguni,
anong sala kong malaki
ako’y iyong ginayari?

Ano bagang kataksilan
gawa kong iyong natingnan
at ganito ang inasal
lahat ninyong kagalitan
sa akin ay ibinabaw?

Oh bayan kong walang loob?
bakit mo ako iginapos
hinampas ng walang taros,
at anong gawa kong buktot
ganito na ang pag-ayop.

Bakit mo ako tinampal
Krus ay ipinapasan
sinuntok at sinikaran
minura mong walang humpay
at di pinakundanganan?

Sa iyong pagkaduhagi
huwag kang mag-asal bingi
tugon yaring aking sabi,
aniya’y Quid feci tibi
Popule, responde mihi?

Bayan ko’y tugunin
anong nagawa kong linsil
na hindi mo minagaling,
ganito na ang pag-iring
at pagmura mo sa akin.

Ano ang isasagot mo
sa gayong tanong ni Kristo
na nagtiis na totoo,
ng makamtan mo’t matamo
ang tuwa sa Paraiso.

Nguni’t ikaw na masama
mapaglilo t kuhila
sa gaanong pagpapala
ni Hesus Haring dakila
ang ganti mo ay dalita.

Iyo nang ikabalisa
ipagpighati tuwi na
pagpapasan, pagdadala,
na di maangat ang paa
doon sa pananalunga.

Naghihirap na totoo
ang Poong Dibino Berbo
pagod na di mamagkano
at malayo pa nga rito
yaong bundok ng Kalbario.

Ang sacroleong mahaba
di di maangat sa lupa
nahahirap pang lubha,
pagmura’t ginagahasa
niyong mga alitikya.

0 comments: