Ang Paghuhugas ng ating Panginoong Hesukristo sa mga Paa ng Kaniyang mga Apostoles
Itong korderong inihaw,
dili iba’t kalarawan
ng mahal niyang katawan,
totoong pinahirapan
niyong mga hudyong hunghang.
Ay ano nga’y nang matapos
yaong paghapong tibobos,
dito na nga ibinuhos,
ng kaniyang sintang lubos
sa mga katoto’t irog.
Nang alas-sies-y-media,
oras niyong gabi baga,
Maestro’y lipos ng dusa,
katawa’y di makakaya
sa lumbay ng Pasyon niya.
Nagbuhat na at nagtindig
ang Maestro’t Poong ibig,
isang tuwalya’y ginamit
at sa baywang ibinigkis
siyang gagawing pamahid.
At saka niya sinidlan
ng tubig yaong panastan
at kaniyang huhugasan,
ang paang dumi-dumihan
ng kaniyang mga kawal.
Dinulog na kapagdaka,
si Pedrong katoto niya
at huhugasang talaga,
gayong gawa’y nang makita
ni Pedro’y agad nagitla.
Ano pa nga’t natilihan
loob ni Pedrong timtiman
luha sa mata ay nukal;
kapagdaka ay nagsaysay,
ito ang siyang tinuran.
Domine tu mihi lavas pedes?
Ikaw, Oh Panginoon ko
paa ko’y huhugasan mo,
bago ang dapat nga’y ako,
siyang humugas sa iyo,
pagka’t Diyos kang totoo.
Di ka yata mababata,
Panginoon koat Ama
na hugasan kong makita
yaring mahalay kong paa,
duming walang makapara.
Ang isinagot ni Kristo:
di mo natatanto Pedro
kung ano itong gawa ko,
ngayo’y matatalastas mo,
ang kahulugan nito.
Sa malaking pagkahapis,
si Pedro’y agad nagtindig,
yaong paa ay inalis
at ang wika’y non lavabis
in aeternum mihi pedes.
Huwag mo na pong hugasan
paa kong dumi-dumihan,
magpasaan man humanggan,
at nang hindi malunasan
ang buong sangkalangitan.
Ay ano’y sa hindi mayag
si Pedro’y ayaw pahugas
ay ang Korderong banayad,
kapagkaraka’y nangusap,
ito ang ipinahayag:
Si non lavero te
Na kung hindi huhugasan,
Pedro ang paa mong iyan,
kita ay kagagalitan,
at di ka makikinabang
sa akin ng ano pa man.
Kita at tatampuhan na,
parang hindi ka kasama,
di magkakamit ginhawa,
babawiin kong lahat pa
ang aking mahal na grasia.
Ay ano’y nang maunawa
ni Pedrong nawalang-diwa
sumagot na alipala,
na ang mata’y lumuluha
nangusap at ang winika.
Aniya’y Panginoon ko
hindi lamang ang paa ko
kundi kamay sampung ulo,
tulot ko nang hugasa mo
huwag ka lamang magtampo.
Kung ako at kagalitan,
ngayon ay iyong tampuhan,
aba Panginoong mahal
ano pang kapakanan
niring maralitang buhay!
Pumayag na nga si Pedro
na pahugasan sa Maestro,
at nanikluhod na rito,
ang Poong Dibino Berbo,
at hinugasang totoo.
Asal ay kaawaawa,
bago’y Diyos na dakila,
nang may kunang halimbawa,
tikis na nagpakababa
ang taong hamak na lupa.
Angeles at Principados
Virtudes at mga Tronos,
tingni nga ang Poong Diyos,
nagbabatang nakaluhod
sa paa ng mga lingkod.
Mahapis na at malumbay
ang lupa at sangkalangitan,
sukat nganing ikahambal,
ang kaawa-awang lagay
nitong Diyos na maalam.
Tingni’t hinuhugasan na
ang kay Pedrong mga paa,
nang mahugasan na niya,
pinharira’t hinagkan pa
na luhaan yaong mata.
Sa pumayag nang totoo
na napahugas si Pedro
ay ang ibang disipulo
di tumanggi’t nakitalo
napahugas sa Maestro.
Silang lahat ay binaybay,
para-parang hinugasan,
pagkapahid ay hahagkan,
aling puso kaya naman
ang di madurog, matunaw!
Ano’y nang mahugasan na
sa disipulos na paa
si Hesus nama’y nuli pa
lumukluk na kapagdaka
at nangusap sa kanila.
katoto ko’t kaibigan,
itong inyong napagmasdan,
sa aki’y siyang tularan
sa inyong magiging kawal.
Kayo ay mangagsunuran,
magpakababa ng asal
at loob na malumanay,
sapagkat ang kataasan,
punong dilang kasamaan.
Nang maipangusap yaon
ni Hesus na Panginoon,
nagtuloy na ng paghapon,
hapis na walang kaukol
ng kaniyang mga kampon.
At doon sa pagsasalo,
ang maalam na Maestro
nangusap sa disipulo:
isa aniya sa inyo,
ipagkakanulo ako.
Ano ay nang mapakinggan
ng apostoles na tanan,
para-parang natilihan,
ang lahat ay nagpamaang
sa kaniyang isinaysay.
Sa hiya at takot nila
tumanong kapagkaraka:
ako po kaya, anila?
si Hudas nama’y gumaya
nakitanong kapagkaraka.
Sinagot naman marahan
itong apostoles na banday
na walang iba kung di ikaw
ani Hesus na maalam:
walang iba kung di ikaw.
Taas na hindi maisip
ng karunungan at bait
ng Diyos, Hari ng Langit,
sa doroong apostoles
walang isang nakarinig.
Sa hiya at alang-alang,
si Pedro ay natilihan
nilihim na si San Huan
at kay Hesus na pahilig:
himalang gawa ng langit.
Si Huan ay tumanong na
sa Maestrong mapaninta,
ani Hesus sa kaniya,
ang subuan kong mauna,
yao’y siyang palamara.
Sa paghapong matahimik
niyong mga apostoles
si San Huan ay naidlip
at kay Hesus na pahilig,
himalang gawa ng langit.
Dito na nga yaong lilo
sinubuan ng Maestro,
hindi nakitang totoo,
niyong mga disipulo
na kapiling at kasalo.
Nang mayari’t maganapan
nag paghapong Cena Legal
ay itong Poong maalam
isinunod na nilalang
yaong Cena Sacramental.
At sa Senakulong sadya
linalang ng Poong Ama
ang mahal na Eukaristia,
ipatatantong talaga
sa mga katoto niya.
Ugali ng kahudyohan
kung ganitong paskong araw,
sa pagkain ng hapunan
sila’y may isang tinapay
na nabubukod sa dulang.
Yaong tinapay na isa
walang halong lebadura,
ni Hesus na Poong Ama
tinangnan na may paninta
at binuksan pagdaka.
Saka niya binulungan
niyong mga wikang mahal,
itong tangan kong tinapay,
ay siya ko ngang katawan
kakaning ikabubuhay.
Pinisan at piniraso,
ipinakaing totoo
na ang winika ay ito,
aniya ay kanin ninyo
ito’y siyang katawan ko.
Nang masubuang matapos
yaong tanan disipulos
ay ang ginawa ni Hesus,
ang kalis agad sinambot,
may lamang alak sa loob.
Kaniyang binendisiyonan,
tuloy namang binulungan
ay naging dugo ring tunay,
ipinainom pagkuwan
sa kaniyang mga kawal.
At ang winika’y ganito:
ito ay inumin ninyo
at ito nga ang dugo ko,
mabubuhos na totoo
dahil sa sala ng tao.
Masayod, mauubos
sa isang malaking krus;
sa pagsakop ko’t pagtubos
sa sala ng sangsinukob
dugo ko ang mabubuhos.
Kayo nama’y bibigyan ko
kapangyarihang totoo,
ito ngayong ginawa ko,
siya namang gawin ninyo
kung ako’y manaw sa mundo.
In mei memotian facietis,
ani Hesus na marikit,
kung baga samakatuwid,
ang kaniyang sabi’t sulit
sa narong apostoles.
Kung ito’y inyong gagawin
ako’y ang alalahanin,
siya ninyong panimdim,
kayo naman mga giliw
ay aking pagpapalain.
Ano pa’t si Hesukristo,
lubos ang sinta sa tao
at sa lahat ng katoto,
nangusap nagpanibago
na ang winika’y ganito;
Qui manducat meam carnem
et bitbit meum sanguniem.\
Ang sino mang makakain
ng katawan kong habilin
at ang dugo ko’y inumin
siya nga ay nasa akin
at ako’y nasa kanya rin.
Niyong mapakinabang na
ni Hesus ang mga sama
ay pinagbilinan sila,
may Obispo’t Santo Papa
at Saserdotes ang iba.
Misteriong hindi maisip,
himalang gawa ng Langit,
sintang bukal nga sa dibdib,
awang walang kahulilip,
nitong ating Poong ibig.
Ang alaalang matibay
ni Hesus ang Birheng mahal
nang gabi ring yaon naman
si
ang Birhe’y pinasuguan.
Si Enok at si Elias
doroon din at kaharap
nakinabang na banayad,
nguni’t walang nakamalas
sa disipulos ng lahat.
Oh sintang hindi masayod
biyayang hindi matapos
awa ay lubos na lubos
kusang ipinagkaloob
nitong maawaing Diyos!
Purihin ng buong mundo
itong mananalong Berbo
dahil sa sinta sa tao
katawa’t dugong totoo
nalagak sa Sakramento.
Wednesday, February 18, 2009
PASYONG MAHAL - HUEBES SANTO -ANG PAGHUHUGAS NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO SA MGA PAA NG KANIYANG APOSTOLES
Posted by cathy at 7:04 AM
Labels: Pasyong Mahal
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment