Thursday, February 19, 2009

PASYONG MAHAL - HUEBES SANTO -ANG PAGKADAKIP KAY HESUKRISTO NG MGA HUDYO

Ang Pagdakip kay Hesukristo
Ng mga Hudyo

Siya nama’y nagwika pa:
Poon kong Diyos, aniya,
yamang ito’y loob mo na,
ako po’y tumatalima
ng pagkamatay sa dusa.

Sa manalanging matapos
itong ating Poong Diyos
pinagbalikang tibobos,
yaong tatlong disipulos:
nang datna’y nakatulog.

Ginising nang buong sinta:
bangon kayo mga oya
at wala na ngang balisa,
tulog ninyo ay sukat na
at darating na ang sigwa.

Bangon na kayo’t gumising
at ako ay inyong sundin,
heto na’t ako’y darakpin,
ng mga lilo’t suwail
na nagtatanim sa akin.

Halos di pa natatapos
ang pangungusap ni Hesus
dumating na ngang tibobos,
ang darakip na soldados,
eskribas at pariseos.

Heto na nga ang lahat na,
si Hudas ang nangunguna,
tampalasa’t palamara,
humahagos nang pagkita
sa Maestro’t Poong Ama.
Balutian ang katawan,

tao’y hindi magkamayaw,
para-parang sandatahan;
at may mga dalang ilaw
yaong mga tampalasan.

Kung si Hesus Nasareno
balitang bangis na tao
ay dapat magkaganito
ng ipagsamang soldado
at nang hindi makatakbo.

Siya ay korderong tunay
mahinhi’t hindi magaslaw;
inyo mang kinakaaway,
siya ay hindi lalaban
sa inyo at kanino man.

Ay ano’y nang malapit na
si Hudas kay Hesus baga,
binati kapagkaraka.
Quem quareitis, aniya
sinong inyong kinikita?

Ang tugon ng mga lilo
ay si Hesus Nasareno;
ang sagot ni Hesukristo,
Ego sum, ang hanap ninyo,
ako nga aniya’y ako.

Dito sa sagot na ilan
ni Hesus sa mga hunghang,
para parang nalunasan,
nangahapay natimbuwang
na anaki’y mga patay.

Ipinakilalang lubos
ni Hesus ang pagka-Diyos
kapangyarihang tibobos,
sa katagang isinagot
pawang nangawalang-loob.

At sapagkat talaga na
ni Hesus ang pagdurusa,
ay ang mga palamara,
pinagsaulan pagdaka,
mga karamdama’t potensia.

Magtindig na kapagkuwan
yaong mga tampalasan
tumingi’t nagnilaynilay,
at hindi nagunam-gunam
ang kanilang kinaratnan.

Ay ano’y nang mauli na,
loob nilang nangagikla
tinanong namang muli pa,
ni Hesus kung anong pita
at kung sinong hanap nila.

Ang tugon ng mga lilo
ay si Hesus Nasareno;
ang isinagot ni Kristo,
wika ko na nga sa inyo,
walang iba kundi ako.

Ako nga at dili iba,
Nasarenong inyong pita,
kuno ano ang iyong ola,
at nasa ninyong talaga
ako ay inyong dakpin na.

Datapuwa’t ang hingi ko
at inoola sa inyo
ay ang aking disipulo
na aking kasama rito
huwag anhin at ako Ko.

Nang matalastas ni Hudas
ang pagsagot na banayad,
nilapitan niya agad,
hinagkan niya’t niyakap
tumatawang parang uslak.

Lilindi-linding katawan,
para rin ng dating asal,
binato ng buong galang,
Ave Rabbi ang tinuran
Maestro kong minamahal.

Ani Hesus ay gayari:
Amice: ad quid enisti?
katoto ko’t aking kasi
anong layon mo ay gabi?
Magpanibago kang liksi.

Ang isinagot nang lilo
aba po aking Maestro
Panginoong kong totoo,
ang maginoo ay ano
ano ang gawa mo rito?

Ang isinagot sa kanya
katoto ko’t aking sinta
ang tanda mo’y halik pala
sa akin nang makilala
nang iyong mga kasama!

Niyong madulog ni Hudas
at si Hesus ay mayakap
nagsilapit naman agad,
ang soldadong mararahas
para parang nagsisunggab.

Ginapos at tinubungan
ang kaniyang mga kamay
at tuloy sinabunutan,
niyong mga tampalasan
linabnot na walang husay.

Nang mapanood ni Pedro
ang inasal sa Maestro
nagalit siyang totoo,
nagbantang mamook dito
sa nagsihuling soldado.

Binunot na kapagdaka
tabak niyang dala-dala
at tinaga yaong isang
na nalapit sa kaniya
naulipas ang tainga.

Dili ibat at si Malko
kasama ng mga lilo
sumunggab kay Hesukristo,
siyang tinabak sa ulo
ng matapang ng si Pedro.

Nang ito ay mapagmasdan
nitong Diyos na maalam
si Pedro’y agad sinaway
kaniyang pinangusapan
ito ang siyang tinuran.

Hayo’t isalong mo Pedro
iyang tabak sa kamay mo
huwag kang mamook dito,
na makamatay ng tao
papatayin ding totoo.

Pedro’y iyong tandaan
huwag mong kalilimutan
ang buhay ang naging utang,
daan namang katuwiran
buhay rin ang kabayaran.

Ano baga ang isip mo
kung tikis paadya ako,
sa aking Amang totoo,
may liwag bagang parito
Angeles mang limang libo?

Ng itong mundo’y gunawin
at ako’y biglang agawin
Pedro’y aking tiniis din,
at ng mangyaring sakupin
ang taong nagugupiling.

Hayo’t iyong iuli na
yaong kay Malkong tainga
sinunod kapagkaraka,
ni Pedro ang Maestro niya
gumaling at guminhawa.

Nangusap naman si Hesus
sa nagsihuling soldados
anong bagay aling buktot,
aling salaring puyapos
at ako’y inyong ginapos.

Sa mga hirap na ito
na pagduhagi kay Kristo
ay ang dalawang katoto
si Huan nga at si Pedro
bukod na hindi tumakbo.

At kanilang sinusundan
nang pag-uwi nga sa bayan
ano pa’t di malimutan,
at ala-alang matibay
itong Diyos na maalam.

Ang pagsunod ni San Huan
kay Hesus umaagapay
manong ito ay matingnan
niyong mga tampalasan
pinansin nila pagkuwan.

Ng kay Huan ngang makita
na darakpin naman siya
tumakbo kapagkaraka,
kumot niyang daladala
sa kabiglaa’y nakuha.


0 comments: