Napatukso si Hesus sa
dimonyo doon sa bundok
Nagtuloy sa kabundukan
si Hesus na poong mahal
at magkukulasiong tunay;
kusang napatukso naman
sa demonyong tampalasan.
Ano nga'y nang dumating na
sa bundok na pinipita
pumasok kapagkaraka,
sa isayng yungib o kuweba,
doon nanalangin Siya.
Di kumain kaunti man
doon sa pag-aayunar,
puyat, gutom sampung uhaw,
tiniis na paminsanan
sa apatnapu ngang araw.
Nang maganap ngang totoo
pag-aayunar na ito
nagutom na nga si Kristo,
dito na ngani tinukso
ng magdarayang demonyo.
Nakitulad, nakimukha
sa tao ang magdaraya
na parang isang matanda,
dumulog na alipala
kay Hesus agad nag-wika.
O, katoto ko, aniya
sa masid ko ay Anak ka
ng Diyos na Poong Ama,
ano't ikaw'y nagbabata
gutom, uhaw na lahat na?
Totoo nga't naliliham
sa sulat napapalaman
mangyayaring walang liban,
na sa Iyong wika lamang
yari ang anomang bagay.
Kaya ngayon ang wika ko,
na inoola sa iyo
magmadali ngang gawin mo,
maging tinapay ang bato
at nang may makain tayo.
Sumagot na kapagkuwan
yaong si Hesus na mahal
aniya ay hindi lamang
sa tinapay nabubuhay
ang taong sino’t alin man.
Kundi sa grasia at awa,
mga mahal na biyaya
ng Diyos Haringdakila,
siyang ikabubuhay nga
ng taong Kaniyang likha.
Sa di mangyaring totoo
daya’t lalang ng dimonyo
nagbantang nagpanibago,
agad dinala si Kristo
sa pinakulo ng Templo.
Kung baga sa katuwiran
ang pinakulong tinuran
ay ang kataas-taasan,
na Boheda ng Simbahan
ng Herusalem na bayan.
Nang doroon na si Kristo,
muli na namang tinukso,
ng magdarayang demonyo,
ibig din niyang matalo
kaya ang wika’y ganito.
Aniya ay kung mistula,
tantong ikaw ay anak nga
ng Diyos Haring Dakila,
magpatibulid kang bigla
mula diyan hanggang lupa.
At sapagka’t nakasulat
na hindi mapapahamak
kung totoong Diyos Anak,
pipigili’t itataas
ng anghel nilang alagad.
Sumagot si Hesukristo
sa magdarayang demonyo
na ang wika ay ganito:
huwag aniyang manukso,
sa Panginoo’t Diyos mo.
Nang ito ay mapakinggan
niyong demonyong sukaban
ang pagtukso’y inilulan,
at si Hesus ay tinangnan
dinala sa kabundukan.
Dito sa bundok na ito,
ipinatanaw sa Berbo
ng magradayang demonyo,
madlang baya’t mga reino
at kayamanang totoo.
Aniya ay ako lamang,
may-ari at nagtatangan
nitong madlang kayamanan
na iyong napagmamasdan
sa mga sakop kong bayan.
Ang dinugtong pang sabi
ng demonyong lilong dati,
kay Hesus wika’y gayari
Haec omnia tibi dabo
si cadens adoraveris me.
Kung baga sa katuwiran
anitong lilo’t sukaban
na kung nais mong makamtan,
nariritong kayamanan
ako ay iyong luhuran.
Kung ako nga’y sambahin mo
at lumuhod sa harap ko
hindi sasalang totoo’t
ibibigay ko sa iyo
mga kayamanan dito.
Ano nga’y nang mapakinggan
ni Hesus ang gayong bagay
gumamit ng kadiyosan,
at buong kapangyarihan
sumagot sa tampalasan.
Sa pangako ngang sarili
ng demonyong lilong dati
ay sumagot at ang sabi,
ni Hesus na Poong kasi:
Vade Satanas ang pakli.
Sa katuwirang totoo,
ani Hesus sa demonyo,
Satanas manaw ka rito,
hayo’t ilag sa harap ko
ikaw ay pasa impierno.
Sukat mong maalaman,
sa sulat napapalaman
ang Poong Diyos nga lamang,
siyang dapat na luhuran
at sambahin gabi’t araw.
Nang marinig ng demonyo
itong winika ni Kristo,
natulig na at nanglumo,
at nabulid sa impierno
takot na di mamagkano.
Na ang buong kaisipan
nitong demonyong sukaban
si Hesus ay tao lamang,
na tantong kinakasihan
ng Diyos sa Kalangitan.
Ano pa nga’y sa matapos
ang pananalo ni Hesus
sa demonyong lilong loob,
sa langit naman’y nanaog
anghel na sugo ng Diyos.
Nagkakanta’t umaawit
ang karamihang angheles
dala’y tinapay at tubig,
at alaalang masakit
sa Ama niyang marikit.
Kumain na kapagkuwan
si Hesus niyong tinapay
lumagok ng tubig naman,
saka pinasalamatan
ang Ama sa Kalangitan.
Nang nasa bundok na ito
ang Poong Hesukristo,
sa Horda’y pinagsisino,
pati si San Huan Santo
ng mga lilong hudyo.
Ng makita’t mapagmasdan
ng pariseos na tanan
mga gawang kabanalan
ng Prekursor na si Huan
doon sa ilog na Hordan.
Pinagsisiya ng lahat,
Pariseos at eskribas
sa loob nila’t hinagap,
siyang totoong Mesias
si San Huan na buminyag.
Kaya nga’t ang naisipan
ay ang kanilang paronan,
tatanungin baga bilang;
kapag dating agad naman
tinanong na si San Huan.
Anila ay maginoo,
ikaw baga ay si Kristo;
ani Huan hindi ako;
kung gayon, ikaw ay sino,
si Elias baga Santo?
Ani San Huang mapalad:
ako’y hindi si Elias,
hindi propeta at pantas,
boses akong nagtatawag
niyong mahal na Mesias.
Ako nga ay siya lamang
na naglilinis ng daan
ng kaniyang lalakaran;
kaya nga ang katampatan
kayo’y magiba ng asal.
Nang matanto at mabatid
ng mga embahadores,
nanaw na sila at umalis;
gawa ni Huang mabait,
binyagan balang lumapit.
0 comments:
Post a Comment