Saturday, February 21, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGHAHATID NG MGA HUDYO KAY PILATO SA ATING PANGINOONG HESUKRISTO

Ang Paghahatid ng mga
Hudyo kay Pilato sa Ating
Panginoong Hesukristo


Ito lamang at wala na
sukat kong masabing iba
makayuyuta nang sala,
kung totoong pagtitika
ang kakamtan ay ang Gloria.

Sa pagtupad nang hudyo
sa kay Kaipas na lilo
inilakad na si Kristo,
ihaharap kay Pilato
ng parusang totoo.

Hinila na nga ang lubid
na natatali sa liig
pagmura ay walang patid,
niyong mga malulupit
dito sa Poong marikit.

Marami ang sumusunod
eskribas at pariseos
at mga hunghang na loob,
mga kaaway ring puspos
nitong maawaing Diyos.

Nang dumating na’t maharap
kay Pilato ang Mesias
tumutol ang mga uslak,
anila ay taong hamak
Kristo ang siyang pamagat.

Nagpapanggap haring lubos
nang kalahatang hudyos
nakagugulong tibobos,
madlang tao’y iniuudyok
siya raw’y anak ng Diyos.

At ang mga aral niya
masama’t walang halaga
binabangaw ang lahat na,
at mapagsuway tuwina
sa hari nating maganda.

Alin man sa salang ito
na aming sumbong sa iyo
katampatan ding totoo,
na siya’y ipapatay mo
nang hindi nakagugulo.

At kaya namin dinala
sa harap mo’y nang makita
ugali natin lahat na,
patayin bawa’t may sala
iutos mo’t ng gawin na.


Si Pilato’y sumagot din
sa sumbong ng mga taksil
ito man’y ugali natin,
ang may sala ay patayin
magnilay kayong magaling.

Sukat na ang inyong bagsik
na di mamagkanong galit
hindi ko minamatuwid
patayin at bigyang sakit
iyang taon walang imik.


Nagikla nang mga hudyo
sa winika ni Pilato
tumutol silang nagbago
ano’t di pa ayunan mo
kaming naghabla sa iyo?

At kaming nagkakapisan
dito sa inyong harapan
ginoo’t pinunong bayan,
di mo papaniwalaan
sa mga sumbong na tanan.

Kaming naghahabla rito
di sinungaling na tao
mayayama’t maginoo,
huwag ng panimdimin mo
hatulan mo nang totoo.

Si Pilato ay nagsulit
Oo, di ko inaalis,
kayo’y taong mababait,
ano’t bibigyan kong sakit
ang walang salang gahanip?

Di ko muna hahatulan
ako muna’y magninilay
tutol niya’y pakikinggan
kung sala ay parurusahan
at kung dili ay kalagan.

Ito kaya ay maganda
paraya ninyong lahat na
bakit may tali na siya
parang totoong may sala
inaayop minumura?


Aling hukon ang may halal
at inyo nang tinalian
iyang taong malumanay
abgo ito’y salang tunay
sa romanong kautusan.

Aniyo’y kayo’y ginoo
at mga mahal na tao
bakit kaya at ganito?
sinong may utos sa inyo
na dakpin at dalhin dito?

Ano kayang mga usap
ang inyong ipararapat
dito sa taong banayad?
at and inyo pang hinagap
ang patayin ko at sukat.

Sa buo kong pagmamasid
hinagap nang aking isip
kayo ay nagkakagalit
nagtatanim na masakit
dito sa taong may bait.

Tingni’t walang anu-ano
walang kibo-kibong tao
kahit inyong tinatalo
loob na hindi magaso
walang imik na totoo.

Anang mga tampalasan
kami anila ay banal
at sa Diyos ay magalang,
kundangan katotohanan
ano’t kami’y magbibintang.

Kami’y walang salagimsim
tungkol budhing pagtatanim
ang matuwid ay siya rin,
pumipilit din sa amin
dapat ngang siya’y patayin.

Ang winika ni Pilato
dili pahahamakin ko
kung walang saksing totoo,
kayong nangaghabla rito
sa sala nang abang tao.

Dili sanay kapagdaka
sa kangino mang hustisia
na huwag magpalamara,
humatol sa naghahabla
kundi may saksing makita.

At ng doon nga matatap
ang katotohanang ganap
kung matuwid o kung linsad
ang hatol na igagawad
sa kangino man may usap.

Mga mahal na ginoo
ay magnilay muna kayo
walang maalaman ako,
salang ihatol sa tao
banal siya’t taong Santo.

Dito nga napatigagal
yaong mga tampalasan
di namin dadalhin naman,
anila sa iyong dangal
kung hindi makasalanan.

Ani Pilato ay ano
mga gawang hindi tuto
nitog dukha bang tao?
saysayi’t pakinggan ko
usap na pagkatotoo.

Nang ito ay mapakinggan
niyong mga tampalasan
nagtitindig kapagkuwan
oo po aming tuturan
ang kaniyang kasalanan.

Ang kanilang inihabla
ay tatlong bagay na sala
pinagpisa’t pinagsama,
ang sumbong ay pinag-isa
nang walang magparirala.

Itong taong solopika
ay mapagbanal kunwa
sa baya’y makasisira,
ang tao’y ginagambala
nang aral niyang masama.

Iba sa aral at sulit
sa mulang aral ni Moises
yaon daw ay pawang lihis,
at ang liko niyang isip
ang siyang minamatuwid.

Marami na at makapal
ang taong pinangaralan
naniniwalang matibay,
dito sa taong bulaan
hanggang Balileang bayan.

Siya na ang sinunod
nang taong mahinang loob
ang balang bayang mapasok,
ay napapawing tibobos
ang pananalig sa Diyos.

Ang isa pang kataksilan
nitong taong tampalasan
sinasapakat ang tanan,
na huwag muis kay Cesar
malaking kapalaluan!

Kami’y mayayamang lahat
sumusunod tumutupad
sa hari naming mataas,
saka bukod iyang tunggak
magtataksil na mangusap.

Siya raw ay haring tambing
sa buong bayang Israel
ano pa’t hinihilahil
nitong lilo’t sinungaling
mga tao’y hinahaling.

Isa pang kabulaan
na sinasabi sa tanan
di umano ay siya raw,
Mesias na hinihintay
laking kasinungalingan.

Bago’y ang sabi at badya
ni Isaias na Propeta
kung ito’y dumating na,
walang makikilala’t
malayo ang hinlog niya.

Amin ding naalaman
ang dugong pinagbuhatan
si Hosep ang ama naman,
ang ina niya’t magulang
ay si Maria ang pangalan.

Tanto rin naming lahat na
bayang tinubuan niya
ito ay taga Galilea,
taong dukha at hamak na
nakisunod na talaga.

Ano pa at ang magulang
isang Anluwagi lamang
walang puri’t walang yaman,
mahirap ang pamumuhay
walang aring iningatan.

Walang iba kundi ito
asal niya’t pagkatao
nguni’t kung itatanong mo
na kung may pagkamaginoo?
ay walang-walang totoo.

Ano’t siya’y nababansag
ng pagdating ng Mesias?
dili na sa aming lahat,
ang kasaysayan at sulat
nang tanang mga Propetas?

At amin ngang natanto rin
ang pagparito’t pagdating
Mesias na hintay namin
saka iyang sinungaling
magpapanggap na magturing.

Nalalamang walang sala
sa Sagrada Eskritura
kung ito ay dumating na
madlang tanda’y nakikita
na sukat ikakilala.

Saka iyang taong lilo
siyang mangangaral dito
madlang gawa’y dili tuto
walng halagang gaano
palibhasa’y maglililo.

Oo ng ngani baga man
sukat sampalatayanan
na siya ay isang paham,
walang Propetang sumilang
kung sa Galileang bayan.

Binuklat naming lahat na
tanang mga eskritura
hinanap na isa-isa,
kami’y wala ring Makita
na sukat makapagbadya.

Ito pa kayang bulaan
ay ang sukat makaalam
bago’y wala kamunti man,
dunong na pinag-aralan
kundi pawang kaululan.

Ay ano’y ng mapakinggan
ni Pilatong punong bayan
tinawag niyang marahan,
itong Korderong maalam
at tinanong na malubay.

Tanto nga bagang ikaw rin
Hari ng hudyong tambing
ani Hesus na butihin,
oo tapat iyang turing
ng pagtatanong mo sa akin.

Si Pilato’y nanggilalas
tumanong pa at nangusap
loob nang di umalapaap
kung ano ang maging dapat
baka siya’y mahikayat.

Kung gayon ani Pilato
ano’t nangaghabla rito
itong tanang kaaway mo,
ang hiling nilang totoo
ikaw ay ipapatay ko?

Kung baga katotohanan
pagsalita’t iyong turan
yaing aking katanungan,
yamamg gentil ako naman
sila’y di ko kababayan.

Ano bagang iyong lagay
tao o Diyos na tunay?
at saan ang iyong bayan?
anong iyong kalagayan
dugo ka bagang malinaw.

Kung baga ikaw’y Hari nga
ang mga hudyong madla
turan mo at ibalita,
di mo naman ikasira
at ako na ang bahala.

Ang sagot ni Kristong mahal
dili ako taong tunay
dito sa hamak na bayan
at ang aking kaharian
sa Langit na kataasan.

Kahit ako’y Anak dito
sa lupang bayan di toto
ay sa Langit na Imperio,
doon na lalong lakas ko
kapangyarihang totoo.

Marami man at makapal
ang habla nila at bintang
mga katha katha lamang,
at mano aking hatulan
ang bagsik mo pa’y alangan.


Si Pilato’y sumagot pa
kung gayo’y hindi sasala
na totoo ngang Hari ka,
iyo lamang binabata
itong pag-ayop pagmura.

Ani Hesus na maalam
oo ako’y Haring tunay
tapat iyang iyong saysay,
at diwa’y ang kalangitan
nuka sa bibig mong iyan.


Nguni’t ang iyong isipin
sa lahat kong mga aral
ngayo’t pagmalasmalasin
ako’y kaya nanaog din,
na napaanak na tambing.

Ako’y siyang magsasaysay
ng tapat na katuwiran
ang makinig na sinuman,
sa isang babaing Birhen
ginhawa’y siyang kakamtan.

Natilihan si Pilato
loob ay agad nagulo
ano baga aniya ito,
wika mo baga’y totoo?
walang malay-malay ako.

Maanong iyang sabihin
at ako’y iyong tapatin
ng katotohanang tambing
ng akin ring mapaglining
ang mga sabi mo’t turing.

Nang anyong tutugunin pa
ni Hesus ang tanong niya
lumingon at humarap na,
sa tanang nangaghahabla
at nangusap kapagdaka.

Aniya’y mga ginoo
walang matutuhan ako
salang dahilang totoo,
ihatol dito sa tao
siya’y banal na masid ko.

Nangalumbay at nagulo
ang mga lilong hudyo
tumutol silang nagbago
ano’t di pa hatulan mo
iyang malupit na tao?

Sa hindi mayag munti man
si Pilatong punong bayan
na si Hesus ay hatulan,
ang loob ay salawahan
sumisi sa taong banal.

Dito’y ang mga hudyo
sumagot sa kay Pilato
at nagwika nang ganito,
madali nang hatulan mo
iyang malupit na tao.

Totoo anilang tunay
kuhila’t maraya iyan
pangahas at tampalasan,
taong hamak at bulaan
nakagugulo sa bayan.

Baka ka ginagayuma
huwag ka ring mababakla
iya’y dating ganiyan na,
mapagmukhang aba siya
ng turang banal tuwi na.

Ang maganda’t katuwiran
nang madala’y parusahan
siyang pagkahalimbawaan
nang kapuwa tampalasan
na gumagala sa bayan.

Ano pa’t gulong tibobos,
ang sa taong mga loob
kaniyang nilalamuyot,
na huwag mangasisunod
sa aming hatol at utos.

Bago’y dili taong tunay
dito iyan taong iyan
at iba ang tinubuan,
bayang munti’t hamak lamang
sa Galileang hukuman.

Kundangan kaming ginoo
nasasansala ang lilo
halos lupigin na tayo,
tipunin ang madlang tao
na siyang dumigma rito.

Ito’y hindi ipapatay
sisirain tayong tanan
di bakit si Hudas naman,
Galileong tampalasan
na kaniyang kababayan.

At tayo ng di masira
nang gayong pangunguhila
iyong ipapatay na nga
gayunin mo alipala
iyang taong solopika.

Nang marinig ni Pilato
na sambiting Galileo
natuwa siyang totoo,
may nakitang daan dito
ng di paghatol kay Kristo.

Nangusap na kapagkuwan
ito ang siyang tinuran
katoto ko’t kaibigan,
Galileo pala ikaw
Nasaret ang iyong bayan.

Ang tugon ni Hesukristo
sa hukom na kay Pilato
oo, doon ako tao,
guminhawa si Pilato
loob niyang nagugulo.

Lumingon na kapagkuwan
sa mga pinunong bayan
ito ang kaniyang tinuran,
ay aniya nga tanan
di ko pala kampon iyan.

Si Herodes at di iba
ang Hari sa Galilea
sa usapin ninyong sadya
siyang dapat kumilala
nang katuwirang lahat na.

Hayo na’t inyong ihatid
sa hari niyang Herodes
siyang bahalang mag-isip,
nang katampatang matuwid
sa iparurusang sakit.

Nang marinig itong wika
niyong mga alitikya
galit na hindi kawasa,
hinila na alipala
ang Poong kaawa-awa.

Dinala na nga si Hesus
niyong mga balakiyot
at di kinalag ang gapos
kasama ri’t sumusunod
eskribas at pariseos.

0 comments: