Wednesday, February 25, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAG-AATANG NG KRUS SA ATING PANGINOONG HESUKRISTO

Ang pag-aatang ng Krus sa ating Panginoong Hesukristo

Ano’y sa maigawad na
ni Pilato ang sentensia
sinunggaban kapagdaka,
niyong mga Palamara
si Hesus na Poong Ama.

Ginapos at tinubungan
ang leeg niya at kamay
sinuntok at sinikaran,
hindi pinakundanganan
niyong mga tampalasan.

Ipinatawag na rito
sa nangalilimping tao
ingay na di mamagkano,
boses niyong pregonero
ang palaman ay ganito:

Ito’y siyang katuwiran
at utos na katampatan
nang matuwid na hukuman,
ni Pilatong punong bayan
dito kay Hesus na banday.

Ang pagbunyi nitong lilo
ay Hari siya nang hudyo
bago’y ulol palang tao
palamara’t walang apdo
balang gawa’y dili tuto.

Dili Hari’t taong mura
manglililo’t palamara
nagpapasampalataya,
ginugulo ang lahat na
Anak daw ng Diyos siya.

Ang banta nitong suwail
ang Roma ay aagawin
at sampu ng Herusalem,
aaliha’t lulupigin
si Cesar na hari natin.

Ito’y laon ng talastas
ng pariseos at eskribas
sa testamento’y pahayag
kaya nga’t sa buong Siudad
ipagbantog ipagtawag.

Siyang paghalimbawaan
nang kapuwa tampalasan
at sa Kalbario ihanggan
ito’y siyang kabayaran
sa kanilang kasalanan.

At kung siya’y dumating na
doon sa lupang Golgota
ipako at iparipa,
at ipagitnang talaga
sa dalawang palamara.

At ng doon matalastas
ng sino mang makamalas
na itong si Kristong tunggak
Hari ng dalawang uslak
sa pagnanakaw ay bansag.

Nang mabasa ng matapos
yaong sentencia kay Hesus
at ang mga pariseos,
iniatang na ang Krus
sa lupa’y humuhilahod.

Ang totoong kahabaan
niyong Krus na pinasan
labing-limang talampakan,
at pito naman ang bilang
nang paripa at pahalang.

Krus na yao’y mabigat
labis na nagkakaapat
lumulubog sa balikat,
at lalo pang nakaragdag
ang sala ng taong lahat.

Anopa’t yaong si Hesus
nang maatangang matapos
ay niyakap na ang Krus,
at tinangisang tibobos
sa sarili niyang loob.

Ang pagyakap ng ating Panginoong
Hesukristo sa Mahal na Santa Krus
Oh Krus aniyang mahak
kahoy na lalo sa tanan
bukod pinilit hinirang,
pag-wawagi kong tunay
sa aki’y nagsisisuway!

Ikaw rin at hindi iba
totoong lunas sa sala
ang lasap mo’t ibubunga,
siyang makagiginhawa,
sa tanang anak ni Eba.

Kita’y pinagnanasaan
yakapi’t tuloy hiligan
mula niyong unang araw,
na nagkasala’t sumuway
yaong si Eba’t si Adan.

Ngayo’y pawang nasunod na
ang laon kong pinipita
oh Krus na lubhang maganda,
estandarte ko’t bandera
aking ipagbibiktorya!

Halika at ako’y yakap
yamang kita’y nililiyag
hihilingang tatlong oras,
nang siyang makababawas
sa sala ng taong lahat.

Madla pa ang isinaysay
sa loob niya’y tinuran
hinila na kapagkuwan,
niyong mga tampalasan
berdugong nagwasangwasang.

Sa huli’y may nagtutulak
sinusual nang paglakad
sa tagilira’t sa harap
binabakod ang Mesias
ng Saserdoteng eskribas.

Pagmura’y di ano lamang
madlang sumpa at tungayaw
maparapa’t masunggabang
itulak tadyakan naman,
Krus ay kababaw-babaw.


0 comments: