Friday, February 20, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG IKALAWANG PAGHAHARAP NG PANGINOONG HESUKRISTO KAY KAIPAS

VIERNES SANTO

Ang Ikalawang paghaharap ng
mga Hudyo sa ating Panginoong
Hesukristo kay Kaipas


Ano’y nang kinabukasan
bagong sisikat ang araw
na nagbubukang liwayway,
nuli namang nagkapisan
yaong mga punong bayan.

Inisip at siniyasat
yaong sumbong sa Mesias
kaya nga’t ang mga uslak
nagpisan sa isang salas
na Senadrin ang pamagat.

Ng maganap na ngang pawa
doon yaong masasama
ay agad iniharap nga,
ka Kaipas na kuhila
ang Poong kaawa-awa.

Inuulit inu-ungkat
nang pariseos at eskribas
sigaw na lubhang malakas,
patayin nang walang liwag
itong taong mapangahas.

Nang iharap na si Kristo
doon sa taksil na tao
punong bayan ng hudyo,
ay nangusap na totoo
na ang wika y ganito.

Aba ito nga aniya
mapangaral sa lahat na
mapagsampalataya,
mapagmalikmata tuwi na
ang ugali’y iniiba.

Kapagdaka’y nagtatakap
kay Hesus yaong si Kaipas
ang kamay ay ikinumpas
sampung mata’y nandidilat
kagalita’y dili hamak.

Aba sukaban at lilo
dulingas at walang toto
walang katulad sa mundo
mapagpalalong totoo
ang ugali’y binabago!

Ikaw yaong nagbabantog
Hari at Anak ng Diyos
bago ay taksil na loob,
mapaglilo’t mapag-udyok
at mapagdayang tibobos.

Sumagot ka, kapagkuwan
sa lahat kong katanungan
ano bagang mga saysay,
ang iyong iniaaral
nakagugulo sa bayan.

Dito itong Poon natin
malubay na tunugom din
doon sa lilo at taksil
mga wikang magagaling
ang siyang ipinagturing.

Kailan nangaral ako
nang gawang hindi totoo
na kamailan aniyo
di nalilingid sa tao
ang tanang mga saysay ko.

Ang lahat kong mga aral
pawang mayron kahulugan
sa madlang tao sa bayan,
doon ako nagsasaysay
nang gawang katotohanan.

At ipinatatanaw ko
sa madla’t maraming tao
sa Sinagoga’t sa templo
sa kabulusang totoo
at sa mga bayan ninyo.

Ano pa’t wala munti man
gawa akong kamalian
walang di nakaalam
ng akin ngang pangangaral
na pagkakaginhawahan.

Ito’y gawa lamang tikis
ninyo’t ako’y binabalik
aral ko’y pawing matuwid
na di ko inililingid
sa bawat nagsisilapit.

Sila ang tanungin ninyo
nakikinig ng aral ko
at siyang sasaksihin ko,
kung baga’t hindi totoo
ang aking aral sa tao.

Nang ito ay maisagot
nitong ating Poon Diyos
isang hudyo ay napoot,
sa kasukalan ng loob
tinampal niya si Hesus.

Agad niyang dinumihan
ang mukhang kagalang-galang
bago’y pinanginginigan
nang buong Sangkalangitan
at hindi na nagpitagan.

Niyong matampal si Kristo
nang malupit na si Malko
sa kagalitang totoo,
nangusap pa itong lilo
aniya’y ulol na tao.

Ikaw bagay aling pantas
na nagpalalong nangusap
tugon mo’y lubhang mataas,
at kapalaluang lahat
sa punong iyong kaharap.

Bago’y ang kaugalian
nang sino mang mamamayan
umaayon sa may halal,
sa matuwid o dili man
bigay puri’t nang kalugdan.

Sa mga inasal ngani
nitong malupit na budhi
di man siya kasangguni
ay nagalit nga kunwari
nanampal na di nangimi.

Di na niya pinagnilay
kung sala o katuwiran
ang inimbot niya’y galang
nang purihi’t katuwaan
nang kapuwa tampalasan.

Oh Malkong nag-upasala
taong imbi’t walang diwa
ano ang iyong ginawa?
ang walang salang galisa
tinampal mo alipala.

Itong Korderong banayad
nagtiis siya’t nangusap
sa tumampal na dulingas
tugon na kahabag-habag
luha ay halos malaglag.

Kung ang tugon ko’y lisya
at ang sabi ko’y masama
kung nagagugulong pawa,
hayo’t iyong ibabala
at ako’y patatalo nga.

Datapuwa’t kung totoo
ako’y walang salang tao
ano’t ako’y tinampal mo
dili kaululan ito
kapusungang ginawa mo?

Bagaman ngani sumagot
itong ating Poong Diyos
kay Malkong taksil sa loob,
dinalita ring tibobos
ang kamuraha’t pag-ayop.

Sa paghaharap na ito
nang eskriba’t pariseo
may nagbuhat na totoo,
saksing dalawang katao
katiyap nang mga lilo.

Kami’y pakinggan mo ngayon
nang Pontipising marunong
nitong aming isusumbong
gawang sala’t pamumusong
nitong si Hesus na buhong.

Iyan nga ang nangungusap
ang Simbaha’y iwawalat
kung masira at mabuwag
iuuli ngang ilapat
sa tatlong araw na ganap.

Ani Kaipas na hunghang
ay aniya tampalasan
di mo baga napakinggan,
itong lahat na isinaysay
gawa mong kapalaluan?

Ano’t hindi ka tumugon
at ngayon’y makipagtutol
sigaw ng sala mo ngayon?
sa aba mong taong buhong
kung totoo itong sumbong.

Nagtindig kapagkaraka
pinapanglisk ang mata
ay walang bait aniya
bakit hindi ka magbadya?
tumugon sa naghahabla?

Aking sinaksi naman
ang Diyos sa kalangitan
aniya’y iyong isigaw,
kung totoo ngang ikaw
Anak nang Diyos na tunay.

Ang sagot ni Hesukristo
iyan din mga wika mo
nasnaw diyan sa bibig mo
ay siyang nganing totoo
na diko itinatalo.

Kaya di ako magsasaysay
sa iyo nang ano pa man
mga aking karapatan,
di mo paniniwalaan
at lalo kang mababalam.

Nang matanto mo’t matalos
sasabihin kong tibobos
ito ring Anak ng Diyos
balang araw’y mananaog
titingnan ang Sangsinukob.

Tatahan sa alapaap
puting lalo at busilak
sa kanan nang Amang liyag,
magluluklukan nang dilag
siyang huhukom sa lahat.

Ay ano’y nang mailagda
ni Hesus ang gayong wika
ay napoot alipala,
si Kaipas na kuhila
agad namulang mukha.

Ang paa ay itinadyak
sampu ng kamay ikinumpas
at ang mata’y pinandilat
galit ay di hamak-hamak
puso niya’y nag-aalab.

Nangusap nang gahasa
ito’y sukat batihin kaya
anong hahanapin pa nga,
saksi na sukat manumpa
siya niyang nawiwika?

Ngayon din sa aking harap
nagpapalalong mangusap
bukang bibig na dulingas,
at kabulaanang lahat
tayong tao’y hinahamak.

Doon pa kung nasaluwal
sa taong hamak na lamang
doon pa kaya di magmahal,
kaya nga’t dapat hatulan
dusang dapat ikamatay.

Ay aba ginoong pawa
anitong lilong matanda
anong inyong mga banta,
hatol na ipakakana
sa gayong pangunguhila?

Sumagot kapagkaraka
yaong hudyong lahat na
Reus est mortes anila,
patayin nga ang maganda
iyang taong palamara.

Tantong siya’y tampalasan
baliw at taong bulaan
na mapagbanal-banalan
patayin na kapagkuwan
iyang taong bungangaan.

Napa oo si Kaipas
hayo’t anila’y ilakad
kay Pilato ay iharap
nang sisihin niyang agad
iyang taong mapangahas.

Inilakad na nga rito
ang Poong si Hesukristo
na halos itinakbo,
ng mga lilong soldado
pawang kampon ng demonyo.


0 comments: