Thursday, February 26, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGSALUBONG KAY HESUKRISTO NG KANIYANG MAHAL NA INA NA ANG MGA MATA'Y LUMULUHA

VIERNES SANTO

Ang pagsalubong kay Hesukristo
ng Kaniyang mahal na Ina na ang
mga mata’y lumuluha

Oh Poong ko’t aking Ina
iyo kayang mababata
na di silayan nang mata,
Anak mong iisa-isa
sa ganitong pagdurusa.

Parang ito’y naririnig
ni Mariang Inang ibig,
kumakaba-kaba ang dibdib,
at nabalisang masakit
lumabas, di nakatiis.

At di man kinatakutan
baras ng mga sukaban
dinulog at pinalitan,
Anak na pinalalayaw
mata ay luha-luhaan.

Nahahabag tumatangis
ito ang ipinagsulit:
oh bunso kong sinta’t ibig
araw kong lubhang marikit!
oh Isaac na mapagtiis.

Oh bunsong minamahal ko
maganda kong bagong tao!
anong salang nagawa mo,
at ikaw ay ginaganito?
di ko mabatang totoo.

Iyang Krus na iyong pasan
bunso ay iyong bitiwan
at kita ay hahalinhan
ako kaya’y mabubuhay
sa lagay mo ngang iyan.

Aakuin kong lahat na
ako ang papapatay na
Poon ko’t ng mabuhay ka!
ano pang aking halaga
kung ikaw’y di na makita?

Anong aking pangyayari
ako’y tunay na babae?
hayo na’t sundin mo yari,
bunso ko at mangyayari
kung loobin mong sarili.

Nguni’t ang bahala’y ikaw
batid mo ang aking damdam
sampu nang karalitaan,
tunay ang mukha’y mahusay
dibdib ay puno ng lumbay.

Dili kita nililimot
nang panininta’t pag-irog,
hindi kulang kundi puspos,
nguni’t sa kaluluwa’s taos
dalita mong di matapos.

Mahapding di ano lamang
malaki ang kapaitan
kung makita ko’t matingnan,
bunso ang hirap mong iyan
ay aking ikamamatay.

Aling puso’t aling dibdib
Hesus ang di mahahapis
kaya ang lupa at Langit,
sa ganitong iyong sakit
nananaghoy tumatangis.

Oh bunso kong sinisinta
ngayon ay magdalita ka
iyang mabigat mong dala,
bitiwan at ang kukuha
ang nahahabag mong Ina!

Aking kayang matitiis
bunso’t di ko ikahapis
iyang hirap mo at sakit?
ngayon ay lalo kong ibig
yaring hininga’y mapatid.

At ng hindi ko makita
Hesus iyang pagdurusa
oh ilaw ng aking mata!
oh buhay nang kaluluwa!
Diyos kong walang kapara!

Ang tugon ni Hesukristo
sukat na Birheng Ina ko
pahid na iyang luha mo,
ang aking Amang totoo
magkakalinga sa iyo.

Di ko maitulot sa iyo
Ina ang hinihingi mo
na ako’y hahalinhan mo
at nang mabuhay nga ako
papapatay kang totoo.

Ina ay wala ngang daan
at aking inakong tunay
ang hirap sa pagkamatay
siyang tubos bili naman
nang sa taong kasalanan.

Poong ko’y magsauli ka
pawi na ang madlang dusa
mahirap ma’y anhin baga,
aking bagang iurong pa
marunog akong magbata.

Yamang ito’y kalooban
nang Diyos sa kalangitan
kahit kapait-paitan,
ay aking pagpipilitan
na inumin kapagkuwan.

Kaya Ina kong marikit
madlang luha mo ay pahid
ang iyong tinangis-tangis,
lalong nagbibigay sakit,
sa Anak mong iniibig.

Kalapati’y lumabas ka
sa luwal ni Noeng Arka
pagbalik ngayong dali na,
tubig lubhang malaki na
nitong pasion kong lahat na.

Di mo pa sukat maisip
bahag-hari’t arko iris
lakas ng sigaw at tubig,
ang anyong nakatatakip
sa ulap ng madlang sakit.

Anak ko, anitong Ina
minamahal ko tuwi na
animo’y huwag mabalisa
hapis ko ay itahan na
tantong dili ko mabata.

Akin kayang ikabubuhay
bunso ang hirap mong iyan
sinong Inang di malumbay
kung makita’t mapagmasdan
iyang mabigat mong pasan.

Ikaw nga Hesus kong giliw
loob na lubhang matining
ikaw ang sasalaminin
ng puso ko at panimdim
sa ano mang aking gawin.

Mahapdi’t lubhang masaklap
di ko man ikapangusap,
tinipid ko lamang lahat,
kahit siyang ikakawas
puso kong tigib ng hirap.

Kung ako’y iyong titigan
niyong mata mong malinaw
puso ko ay nasasaktan,
na ako’y di mo tulutan
na humaliling magpasan.

Masakit manding totoo
mapati sa dilang apdo
ay aba bakit bunso ko,
di ka maawa’t mabuyo
nitong hingi ko sa iyo.

Bunso yaring aking lumbay
ay huwag mong pagkaitan
dati mong naaalaman
na kita ay minamahal
mahigit sa aking buhay.

Lalo sa kaluluwa ko
ang pag-ibig ko sa iyo
itong madlang dalita mo,
siyang tunod na totoo
na tumimo sa puso ko.

Kung ako’y may kalumbay
hapis kadalamhatian
na halos kong ikamatay,
bunso kung ikaw’y matingnan
nawawala’t napaparam.

Nguni ngayon ay lumalo
hirap sakit nitong puso
parang mabisang palaso,
sa kaluluwa’y tumimo
pagod mo’t madlang siphayo.

Lalo kung gunam-gumamin
at aking alalahanin
ang dila mong paghalinghing,
siyang mabisang patalim
na sa buhay ko’y kikitil.

Wala akong minamahal
tunay na pinalalayaw
kundi nga ikay na buhay
mistulang kaliwanagan
ng puso kong nadidimlan.

Dito kita inoola
ng wagas na panininta
yaring munti kong balisa,
bunso ako’y iyong isama
sa hirap mong walang hangga.

Dito kita iniirog
ng sintang tunay sa loob
puso ko ay nalulunos,
kung akin ngang mapanood
iyang mabigat mong Krus.

Dito kita inaaba
ng anyo’t malaking sinta
yaring hapis kong lahat na,
ay Anak man ngani kita
Diyos ka ri’t Poong Ama.

Dito ay iniaalay
kaluluwa ko at buhay
at ang aking panambitan,
ilaw ka nang kalangitan
ay bakit dungis-dungisan?

Dito’y ginigiliw kita
nang totoong panininta
ako’y alipin mong mura,
kung iyong tawaging Ina
kamatayan kong lalo pa.

Dito ang aking katawan
ay nagkukusang mamatay
di ano pang kapakanan,
nang kaluluwa ko’t buhay
kung ikaw ay mahiwalay?

Dito ngayon o bunso ko
inaamo kang totoo
ng maralitang Ina mo
tingni ang mga luha ko
at pusong sisikdo-sikdo.


Dito yaring kaluluwa
lubos na walang ginhawa
dinaig ang sinisigwa,
inuulang walang hangga
ng hirap mo’t madlang dusa.

Dito ang mga mata ko
ay tumatangis sa iyo
mabalino kang totoo
alang-alang na bunso ko
sa suso kong inutot mo.

Oh lagda ng karunungan
nang Ama sa kalangitan
sino kang makasalanan,
di ka na kinaawaan
ng taong iyong kinapal!

Dito ang totoong sinta
ang siyang dahilang una
ay aba bunso nang Ina,
ang ngalan mo ay sukat na
ipanambitan tuwi na.

Yaring lubos na habag ko
na idinamay sa iyo
di nga salamat bunso ka,
kung baga tinatanggap mo
ngayon sa oras na ito.

Ang sagot ni Kristong mahal
Oh Ina kong nalulumbay
sukat na’t iyong itahan,
pagdaing pananambitan
sa Anak mong mamamatay.

Hirap na taglay mo Ina
para-parang nakikita
ng Anak mong alimura,
pagsakop sa mga sala
buong Inanak ni Eba.

O Inang kinabugsuan!
nang malaking kasakitan
kung kita ay natitingnan,
ay lalong nauululan
yaring aking kahirapan.

Loob ko ay magsigasig
sa madlang sinta’t pag-ibig
Birheng Inang nahahapis,
madla mong hirap at sakit
ang lahat ay aking batid.

Anhin baga ito’y utos
at kalooban nang Diyos
nang makalara’t masakop
dugo ko ang mabubuhos,
ang tao sa Sangsinukob.

Ako’y hindi nasisinsay
nitong aking kagagawan
ang loob kong iningatan,
sa dibdib di napaparam
pagsakop ko nga sa tanan.

Kaya Ina kong marikit
pawi na ang madlang hapis
at luwagan na ang dibdib,
masaklap man at mapait
ngayo’y ariing matamis.

Kung ako’y hinid maghirap
at parohagi sa lahat
ay paano Inang liyag,
ang pagpawi at paglunas
sa mabisang kamandag?

Yamang iyong nalalaman
ang puno’t kadahilanan
yaring aking kahirapan
sukat na’t iyong itahan
Ina ang panambitan.

Sa ganitong pagsusulit
ng mag-inang nahahapis
sino sa nakaririnig,
ngayon nitong madlang sakit
ang luha ay matitipid?

Di yata anakin baga
isang lalaking maganda
na mapagbigay ginhawa
ano kaya’t minumura
inaapi nang lahat na.

Hapis na walang kaukol
ang lahat ay nananaghoy
nguni’t itong ating Poon,
nagmamasid kung mayruong
isang maawaing tumulong.

Sa wala ring mabalisa
na tumulong sa kanya
inilakad na’t binata,
ang Krus nang ating sala
bigat na walang kapara.

Loob niya’y ginawa rin
sino bagang hihiliin
ibang sumakop sa atin,
sinta ang humihilahil
kaibigang sapin-sapin?

Madla ang buntong hininga
nang kaniyang kaluluwa
at ang balang nakikita,
nahahabag sa kaniya
lumuluhang parapara.

Sinong hindi mahahapis
doon at hindi tumangis
katawan ay nanginginig,
minumurang walang patid
niyong mga malulupit.

Lalo pang nakalulunos
sa gayong sakit ni Hesus
tambor trompetang mataos,
galit ay puspos na puspos
nang eskribas at pariseos.

0 comments: