Sunday, February 22, 2009

PASYONG MAHAL-VIERNES SANTO-NANG IHARAP MULI ANG ATING PANGINOONG HESUKRISTO SA HUKOM NA SI PILATO

VIERNES SANTO

Nang iharap na muli ng mga
Hudyo ang ating Panginoong

Hesukristo sa hukom na si Pilato

Nang dumating kay Pilato
itong maamong Kordero
ang wika sa madlang tao,
ano’t nasauli rito
aba anong gagawin ko?

Idinulog ninyo siya
sa akin at inihabla
aniyo’y lubhang masala,
balang gawa’y di maganda
sa Hari ay masuway pa.

Matay ko man ngang isipin
akalai’t siyasatin
totoo naming wala rin,
bagay sukat dahilanin
pagpatay sa kaniya natin.

Di man ganap ang bait ko
inusisa kong totoo
wala ring salang gaano
dumuruwag naman ako
sa mga pahayag ninyo.

Kayo ay itinaboy ko
sa hari ninyong totoo
bakit doo’y di inano,
ngayon nama’y aanhin ko
walang sala iyang tao?

Ipinasauli naman
at ng di nga mahatulan
siya ay nag-aalangan,
ang loob ay salawahan
sumisi sa taong banal.


Ako man ay puno rito
hukom sa maraming tao
nguni at magnilay kayo
tantong di hahatol ako
magparusa sa di lilo.

Wala namang katuwiran
taong ito’y ipapatay
totoong ako’y aayaw
hayo na’t inyong kalagan
at siya’y agad bitiwan.

Inusisa kong totoo
sa harap ninyong ginoo
wala ring makita ako
salang gawa nitong tao
di pa magkalutas tayo.

Ipinadala ko ngani
sa totoo niyang hari
dito’y pinasauli,
pinaramtan ng maputi
ang usap ay pinapawi.

Kung baga sa inyong haka
salarin siyang mistula
at di matuwid ang gawa
sisihin ko’t ng magtanda
ng hampas na masagana.

Nang marinig ng hudyo
itong mga wikang ito
katalastasang totoo
mga munukalang bago
pagkaawa ni Pilato.

Ay lalong dinangdagan pa
ang mga bintang nila
ipapatay mo man siya,
di pa yata ipagbawa
ng loob naming lahat na.

Ang pagtutol naming tanan
lakas na di ano lamang
na halos sumisigaw,
ipako sa Krus ang bagay
at ng doon nga mamatay.

Si Pilato’y nag-wika na
kay Hesus na Poong Ama
di mo narinig aniya,
hiling nila’t madlang pita
sa Krus ay patayin ka.


Ano pa’t di magpatantan
yaong mga tampalasan
mga hudyong sukaban,
galit na di ano lamang
sa Krus iparipa iyan.

Nang di mag-ibang totoo
ang loob nang mga lilo
na di lumata’t magbago,
natilihan si Pilato
umupong nagpanibago.

Ang wika’t sabi sa sulat
nang mga Ebanghelistas
taon-taon tuwing paskuas,
ugaling pinalalabas
ang isang taong may usap.

Yao’y tandang pagkilala
buong hebreong lahat na
at kanilang alaala,
ninyong nabibihag sila
pinapalong isa isa.

Lahat ngang taga Ehipto
mga idolatrang tao
si Paraong haring lilo,
sampung maraming soldado
nangalunod na totoo.

Dahil duon sa pag-usig
ninyong mga malulupit
nang pumanaw at umalis
ang mga kampon ni Moises
nangalunod nga sa tubig.

Ano’t sa panahong ito
pgpapahirap kya Kristo
may nabibilanggong lilo,
ay ang banta ni Pilato
mapalit kay Hesukristo.

Maglililo’t taong uslak
mgnanakaw mapangahas
matakaw mangungulimbat,
mangangagaw at dulingas
ang pangalan ay Barrabas.

Ang winika ni Pilato
mga tao’y mili kayo
ky Barrabas at kay Kristo,
isa ang pawalan ninyo
sa araw ng paskuwang ito.

Kung ako ay aayunan
nnyong nangagkakapisan
akala ko’y dili sinsay,
si Hesus siyang kalagan
huwag ninyong ipapatay.

Ang sagot ng mga sukab
pariseos at eskribas
ingay ng nagtitimpalak,
ang kalaga’y si Barrabas
si Hesus ang bigyang hirap.

Tumugon pa si Pilato
ano bagang dili toto
ang ginawa nitong tao?
di na magpatawad kayo
kaawa-awang totoo!

Malaki ang alang-alang
ni Pilatong punong bayan
ang loob ay salawahan,
di niya ibig hatulan
itong Korderong maalam.

Nang anyong napapatigil
si Pilato ay nagturing
kagyat naming sa darating,
ang pagsugo at pabilin
ni Prokleng asawang giliw.

Ay asawa ko aniya
ikaw ay mag-alaala
sa di totoo’t mag-ingat ka,
huwag kang magpalamara
humatol sa walang sala.

Huwag mo ngang aayunan
ang mga tao sa bayan
at hindi nga katuwiran,
patayin at parusahan
tantong walang kasalanan.

Sa pagtulong na maluwag
ako ay agad nangarap
totoo at hindi linsad
itong taong inuusap
banal na walang katulad.

At babaling kitang tikis
anang aking panaginip
ikaw’y huwag manaig,
humatol nang di matuwid
matay sa taong may bait.

A R A L

Santong Diyos ano baga?
banal kang walang kapara
napadaig sa hamak na,
bago’y totoong Diyos ka
at lilong demonyo sila.

Itinumbas, ipinaris
ikaw sa isang malupit
bago’y Diyos kang mabagsik
inayop ka at pinilit
ng mga hudyong ganid.

Oh ginoong napapawa
ano itong inyong gawa
maawai’t mapagpala,
sa anak ninyo’t apo nga
ano at minamasama.

Laki ng paglait ninyo
sa nag-adhikang totoo
ng buong sang Uniberso,
at ang malupit na tao
ang siyang kinakatoto.

Laki bagang kamurahan
ni Kristong inyong hinalay
itinulad, ipinantay,
sa isang hamak na hunghang
na sadya ang kalupitan.

Tayo naming taong lahat
sa hudyo ay tumutulad
kung magkasala’y madalas,
si Hesus, itinutulak
kinakabig si Barrabas.


At siya ring kauwian
dito sa hamak na bayan
siya nating minamahal,
ipinapalit ding tunay
ang Diyos sa kalangitan.

Kaya katotong kristiano
huwag kang tumulad dito
sa masasamang hudyo,
ikalumbay mong totoo
ang sakit hirap ni Kristo.

At kung baga sasalakay
sa loob mo’t gunam-gunam
panimdim na mahahalay,
iwaksi mo kapagkuwan
nang hindi ka malupigan.

Sa langit tumingala ka
bayang lubhang maligaya
sasapiting walang sala
ng loob nating lahat na
kung sa Diyos pakalara.

Ano man ang ating isip
ang banta ay kuning pilit
wala ring ginhawa’t bihis,
ang puso natin at dibdib
kundi sa Diyos manalig.

At siya ring kauwian
nang kaluluwa’t katawan
dito’y may munting tuwa man
ay may kahalo ring lumbay
sapagka’t di ating bayan.

0 comments: