Thursday, February 12, 2009

PASYONG MAHAL-PANGAMBA NG MGA APOSTOLES SA KALAUTAN NG DAGAT

Pangamba ng mga apostoles

sa kalautan ng dagat

Isang araw’y naisipan

sa barko siya’y lumulan

lumayag sa karagatan

kasama niya’t kaakbay

mga Apostoles na tanan.

Nang sila ay mapalaot

si Hesus ay nakatulog,

dito nga ay umunos,

ulan na katakot-takot

halos ang barko’y lumubog.

Dito nangagsipangamba

ang mga alagad Niya

si Hesus ay dinulog na

at ginising kapagdaka

ito ang ipinagbadya.

Poon, anila’t Maestro

kami po ay iligtas mo

at lulubog na nga tayo;

malakas nganing totoo

ang hangin at ulan dito.

Sagot ni Hesus na Ama

oh mga katoto, aniya

kulang ng sampatalataya,

bakit kayo’y nangangamba

narito’t ako’y kasama?

Di baga’t nakita ninyo

ang madlang mga gawa Ko

ano sa panahong ito,

at kayo’y nangalilito

takot ay di mamagkano.

Nang ito’y maipangusap

lumubay naman ang dagat

pinauntos niya’t sukat,

at pinalinaw na agad

hangin at ulang malakas.

Ay ano nga’y ng makita

ng mga alagad niya:

anong tao ito anila,

tubig, hangin at lahat na,

sumusunod sa kaniya.

Nang makaahon na naman

si Hesus ay may natingnan

dalawang inaalihan

ng demonyong tampalasan;

pinagaling kapagkuwan.

Doon din nga sa lansangan

may babaing nasumpungan

sakit ay inaagasan,

mahaba nang tao’t araw

pinagaling niya naman.

Nang si Hesus ay makita

sa damit humalik na,

gumaling at guminhawa,

saka naman dumating pa,

prinsipe sa Sinagoga.

Lumapit na sa Kordero

itong prinsipeng si Hayro

iniamo ngang totoo,

anak na naghihingalo’y

ipinadalaw kay Kristo.

Naawa ang Poong Mahal,

agad na ngang pinaronan

doon naman sa lansangan,

may nagsabi sa magulang

na ang anak niya’y patay.

Ani Hesus sa kaniya

huwag mong ikabalisa

kahi’t anak mo’y patay na

sa akin ay manalig ka,

mabubuhay kapagdaka.

Nang dumating na sa bahay

ang bata’y nahahandusay

na pinananambitanan

ng ina niya’t magulang

at ibang kamag-anakan.

Nang kay Hesus na makita

sinaway kapagkaraka;

huwag kang tumangis muna

hindi iyan patay, aniya,

natutulog lamang siya.

Sa silid ay pinapanaw

yaong taong karamihan

at ang pinatira lamang,

ang ama’t inang magulang

ng nabuburol na bangkay.

Ang kasama nga ni Kristo

si Huan, Pedro’t Hakobo

na dati niyang katoto,

sila ang saksing totoo

nitong dakilang milagro.

Tinangnan na nga sa kamay

ang nabuburol na bangkay

at tinawag kapagkuwan;

nang si Hesus mapakinggan

kapagkaraka ay nabuhay.

Itong milagro ni Kristo,

nahayag sa madlang tao;

pinuri siyang totoo,

nguni’t siyang naging apdo,

sa eskribas at pariseo.

Nang hustong labingdalawa

mga apostoles niya

pumili siyang muli pa

ng pitumpu at dalawa

discipulong makakasama.

Sila nga ay mangangaral

sa buong sangkatauhan

magpapakilalang tunay

mga misteryong tanan

ng Diyos sa kalangitan.

Tinuturang lahat na

ng mga gawang maganda

at ang masasapit nila,

kung si Hesus mamatay na

yaon mandi’y walang sala.

Sila naman ay binigyan

ng ganap na kabagsikan

gumawa ng kababalaghan

nang sila’y paniwalaan

sa anomang iaaral.

0 comments: