Thursday, February 5, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PAGBATI NG ARKANGHEL SAN GABRIEL KAY HINOONG STA. MARIA

Ang pagbati ng Arkanghel San
Gabriel kay Ginoong Sta. Maria

Si Maria'y nakaluhod
nananalanging tibobos
siya na ngang pagpanaog,
at sa oratoryo'y nasok
anghel na sugo ng Diyos.

Ito ang ipinabadya;
Aba Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasia,
bukod na pinagpala ka
sa tanang babaing iba.

Nang ito at mapakinggan
niyong Birhen matimtiman
agad siyang natilihan,
di nakaimik munti man
bating yao'y pinagnilay.

Nang sa anghel na makita
na hindi tugunin siya
binati namang muli pa,
huwag matakot, aniya
Poong kong Birheng Maria.

Sapagka't ikaw nga lamang,
bukod na kinalulugdan
ng Diyos sa kalangitan,
na magiging Inang tunay
niyong sasakop sa tanan.

Nang marinig ni Maria
yaong bating ikalawa
ay tumugon kapagdaka,
sa anghel na embahada
ito ang ipinagbadya.

Paanong pangyayarihan
niyang wika mong tinuran?
pangako ko nang matibay,
na hindi ko durungisan
kalinisang iningatan.

Nang matalastas ng anghel
naging sagot niyong Birhen
muli namang tinugon din,
ng mga wikang magaling
kalugod-lugod na dinggin.

Maria, aniyang Poon ko,
bungang ipanganak mo
ay hindi lalang ng tao,
at ang tunay mong esposo
Diyos Espiritu Santo.

At kung baga sumipot na
ang iyong magiging bunga
Hesus ang pangalan niya,
sasakop at kakalara
sa sangsinukubang sala.


Kaya huwag kang manimdim
at di niya sisirain
lalo nang piririkitin,
at malulubos ang ningning
niyang iyong pagka-Birhen.

Nang iyong paniwalaan
yaring lahat kong tinuran
si Isabel na iyong pinsan,
ngayo'y kahit matanda man
buntis na anim na buwan.


Kahit baog man ang sabi
si Isabel na 'yong kasi
sa kaibigang sarile,
ng Diyos sa buong Orbe
walang hindi mangyayari.

Ay ano'y nang maunawa
ng Birheng kahanga-hanga
na di siya masisira,
sumagot na alipala
ito ang siyang winika.

Narito, mahal na anghel
akong tunay na alipin
ng Diyos na Poon natin,
papangyarihin sa akin
lahat na ipinagbilin.

Nang ito ay mawika na
ng Birheng Santa Maria
katuwaa'y sabihin pa,
ng anghel na embahada
pumanaw kapagkaraka.

Nanaog na kapag kuwan,
Espiritu Santong mahal
at nuha ng dugong tunay,
sa tiyang ng Birheng maalam
siyang ginawang katawan.

Saka naman linikha na
isang bunying kaluluwa
inilangkap kapagdaka,
sa katawang mahalaga
niyong sasakop sa sala.

Siya nang pagiging tao
ng bunying Dibino Berbo
at nanaog na sa mundo,
ipinaglihing totoo
ni Mariang Masaklolo.

Nanaog nang di naliban
tanang korong Angelikal
sinamba't pinag-awitan,
itong kamahal-mahalan
Diyos at tao ngang tunay.

Ang pagdalaw ni Ginoong Santa
Maria kay Sta. Isabel
Naganap na ngang toto
yaong mahal na misterio
na pagpanaog sa mundo,
at pagkakatawang-tao
ng Poong si Hesukristo.

Nang malibang ilang araw
kay Mariang naisipan
paroo't siya'y dumalaw,
sa kaniyang buong pinsan
buntis na anim na buwan.

Lumakad kapagkaraka
ang Poong Birhen Maria,
si San Hosep ang kasama,
at ang kanilang pinunta
kabundukan ng Judea.

Di naman lubhang nalaon
ang paglakad nilang yaon
narating nila't nasumpong,
ang sadyang bayan ng Ebron
na kanilang nilalayon.

Ay ano nga'y ng makita
ni Isabel si Maria,
katuwaan'y sabihin pa
ng kaniyang kaluluwa,
nagkayakap kapagdaka.

Gayon din ang katuwaan
ng sanggol na nasa tiyan
ni Isabel na timtiman,
doon pa nga'y naging banal
ang prekursur na si Huan.

At binati kapagdaka
ni Isabel nga si Maria
ito ang ipinagbadya,
aniya at mapalad ka
sa tanang Babaing iba.

At mapalad na totoo
ang bungang nasa tiyan mo
Hesus, Hari ng sangmundo,
sasakop sa madlang tao
na sa Diyos ay naglilo.

Sumagot din si Maria
sa bati ng pinsan niya
anya'y pagpalain ka,
ng Diyos na Poong Ama
sampu ng mahal mong bunga.

Nang ito'y maipagsulit
ng Inang Birheng Marikit
doo'y hindi na umalis,
hanggang sa hindi sumapit
dalawang buwang mahigit.

Doon ay ang gawa lamang
nitong dalawang magpinsan
mag-usap ng dilang bagay,
at manalangin mataman
sa Diyos na Poong Mahal.

Pumanaw na at umalis
ang mag-asawang sing-ibig
ano'y nang sila'y sumapit,
doon sa bayang Nazareth
ang pagod di mumuntik.

Ng maging ilang buwan na,
ang kabuntisan ni Maria
napansin kapagkaraka,
at agad nakilala
ng sinta niyang asawa.

Nang makita ni San Josep
lagay ng esposang ibig
halos mawalat, mapunit,
ang puso niya't dibdib
sa laking lumbay at sakit.

Matay man niyang isipin
ang kabuntisan ng Birhen
ano pa't pabaling-baling,
walang matutuhang gawin
ang loob niya'y panimdim.

Ang kaniyang naisipan
daang huwag kagalitan
umalis siya't nanaw,
at si Maria nga'y iniwan
doon sa kanilang bahay.

Sa malaking pagbabago
loob niya't alaala
naghanda't aalis na,
mana'y agad nagpakita
isang anghel na maganda.

Anang anghel na butihin
Hosep, huwag kang manimdim
kay Mariang iyong giliw,
mahigit pa sa salamin
ang kaniyang pagka-birhen.

Ang kaniyang kabuntisan
na iyong napagmasdan
hindi tao ang may lalang,
Diyos ang may kalooban
ng sanggol na nasa tiyan.

At yao'y kapag lumabas
siyang tunay na Mesiyas
Hesus siyang itatawag,
siyang sasakop sa lahat
ng kay Adang mga anak.

Nang matanto ni San Hosep
itong misterio ng langit,
tumiwasay na ang dibdib,
nanaw ang lumbay at hapis,
tuwa ang siyang gumiit.

Pagdaka'y ang mag-asawa
na si Hosep at si Maria
nanalangin at sumamba,
tumawag, at napakalara
sa Diyos na Poong Ama.

Itong panibughong lihim
ni Hosep sa Inang Birhen
siya ang tularan natin,
bagaman hindi malining
ng taong sino ma't alin.

At sapagka't katampatan
at ugaling katwiran
ang namamali'y aralan,
huwag pagupasalaan
ang taong sino't alin man.

0 comments: