Friday, February 13, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PAKIKIPANAYAN NI MOISES AT ELIAS SA ATING PANGINOONG HESUKRISTO DOON SA BUNDOK NG TABOR

Ang pakikipanayam ni Moises at

ni Elias sa ating Panginoong

Hesukristo doon sa bundok ng

Tabor

Saka naman nang maliban,

maging ikaanim na araw

kay Hesus na naisipan

sumalunga kapagkuwan

sa Tabor na kabundukan.

Dito sa bundok na ito

pinagsamang totoo

ng poong si Hesukristo

yaong tatlong disipulo

si Huan, Pedro’t Hakobo.

Nng sumapit sila naman

doon sa kaibabawan

ng Tabor na kabundukan

si Hesus na Pong Mahal

nanalanging kapagkuwan.

Muna nga’y kaginsa-ginsa,

sa pananalangin niya,

ang katawa’y nagkaiba

dikit na walang kapara,

di matitigan ng mata.

Ang mukha ay parang araw

na tantong nakasisilaw;

at ang damit sa katawan,

parang busilak na tunay,

puting hindi ano lamang.

Doon naman ay kaharap

si Moises at si Elias;

nakita rin at namalas,

yaong mahal na liwanag

ng bunying Diyos Anak.

Nang makita naman ito

niyong tatlong disipulo

tuwang hindi mamagkano,

Poon, anila’t Maestro,

dito na magtahan tayo.

At kung ibigin po aniya

dito tayo’y gumawa pa

ng tatlong bahay na sadya

tahanan mo po ang isa

kay Moises angikalawa.

At ang bahay na ikatlo,

ang kay Elias na Santo;

ano’y sa mawika ko,

niyong tatlong disipulo

may himala pang nabago.

Tto namang alapaap

puting lalo sa busilak

tumakip sa Diyos Anak,

ay may boses pang nangusap,

ito ang ipinahayag:

Ito ang anak kong tunay

na aking kinalulugdan

at siyang kinalalagian,

nitong buo kong katawan,

lubos na kaligayahan.

Nang marinig ang ganito

nitong tatlong disipulo,

nagiklahanang totoo,

napasubasob at nanglumo

nang panonood kay Kristo.

Di naman lubhang nabalam

itong himalang natingnan

ay mana nga at naparam,

at lubos nawalang minsan

yaong madlang karikitan.

Si Moises at si Elias,

nawala naman at sukat

dito itong Diyos na Anak,

pinabangon at tinawag

ang tatlo niyang alagad.

Sa mauli na ang loob

niyong tatlong disipulos

pinangusapan ni Hesus

huwag aniyang ibabantog,

itong inyong napanood.

Nguni’t kung ako’y patay na

at umakyat na sa Gloria

doon ninyo ibantog na,

himalang inyong nakita

nitong aking pag-iiba.

Nang ito’y maipagsaysay

nalis na sila at nanaw

at nuwi na nga sa bayan,

balang taong masumpungan

kaniyang inaaralan.

Sa kainggitang totoo

niyong mga pariseo

madlang isip na di totoo

kalupita’y mago’t mago

sa Poong kay Hesukristo.

Mana nga ay isang araw

naisip ng mga hunghang

si Hesus ay nilapitan

anila’y kung karampatan

ang tao’y muwis kay Cesar?

Ang tugon ni Hesukristo

dito nga ang madlang tao

ako’y tinitikman ninyo

ngayo’y iyong tinutukso

kung ang aral ko’y totoo.

Hayo na at ipakita

isa man lamang moneda:

ay ang mga palamara

dumukot na kapagdaka

ng isang pilak sa bulsa.

Saka itong Poong Mahal

tumugon sa mga hunghang

kangino, anyang larawan

iyong nalilimbag diyan?

anila’y sa bunying Cesar.

Kung gayon ang katampatan

ani Hesus na maalam

ng katuwira’y ibigay

ang kay cesar at kay Cesar

ang sa Diyos, sa Diyos naman.

Kung ito’y maganap na

masunod na parapara

totoong hindi sasala

magaganap na lahat na

ang iyong pagka-hustisya.

Gayong wika’y ng marinig

nitong Diyos na marikit

sino ma’y di makaimik

nagsipanaw at umalis

na pawang nagdalang galit.

Isang araw itong Berbo

ay papasok na sa Templo,

sinundan nga siya rito

ng eskribas at pariseo,

dala ay babaing lilo.

Kay Hesus iniharap na

yaong babaing may sala

dalahira’t adultera,

nahuli nila’t nakita,

naglililo sa asawa.

Nang maiharap kay Kristo

ang abang babaing ito;

ano ang dapat, maestro

dusa sa ganitong tao,

anang mga pariseo.

Ngunit iyo na pong alam

kay Moises na kautusan

kalunyera nga pong ganyan

dapa’t na pagpukulanan

ng bato hanggang mamatay.

Ang kay Hesus na ginawa,

sila’y hindi tinugan nga,

mandi’y nagwalang bahala,

yumuko na alipala

siya’y sumulat sa lupa.

Nang di tumugon si Kristo

tinanong nang panibago

ay aba, anila, Maestro,

ang hatol mo po nga’y ano

sala ng ganitong tao.

Nagtindig na kapagdaka

itong poong mapaninta

kung sino sa inyo, aniya

ang walang munti mang sala

muha ng bato’t puklin na.

Tugong yao’y nang mawika

ni Hesus ay alipala

nuling sumulat sa lupa;

dito’y parang nangakutya

yaong mga aliktiya.

Sinong tao kaya naman

ang walang sala munti man

kaya nga ang mga hunghang,

nagsipanaw kapagkuwan

at ang babae’y iniwan.

Nang kay Hesus na makita

yaong babae’y natira

nagtindi na kapagdaka,

nangapasaan, aniya

ang sa iyo’y nangaghabla?

Sino man sa mga lilo,

di makahatol sa iyo;

anang babae ay oo,

walang humatol na sino

sa madlang salang gawa mo.

Ani Hesus sa kaniya;

ako’y isang hahatol na,

at ang akin ngang parusa

mula ngayon magsisi ka

huwag muling magkasala.

Dito sa wikang tinuran

ni Hesus na poon mahal

babai’y nalis at nanaw,

sala ay pinagsisihan

itinangis gabi’t araw.

Saka nga isang umaga

itong Poo’y napakita,

nanuluyan kapagdaka,

sa bahay niyong si Marta

babaing taga Bethania.

Tuwang hindi mamagkano

nitong binibining ito;

pinatira ngang totoo,

ang poong si Hesukristo

na masintahin sa tao.

Nang nagugulo’t balisa

babaing sinambit ko na

sa paghahandang talaga,

ang kapatid naman niya

nasa kay Hesus na paa.

Nawiwiling nakikinig

ng aral na maririkit

at si Marta nga’y lumapit,

sa Poong kaibig-ibig

ito ang ipinagsulit.

Poon at Maestro aniya,

ako’y iniwang mag-isa

ngayo’y ngangapa-ngapa,

patulungin mo po, Ama

bunso kong si Magdalena.

Ako’y nagiisa lamang

nang paghahanda sa bahay

kakanin ng kalahatan,

manong ako ay tulungan

ni Magdalenang nariyan.

Ani Hesus sa kaniya,

Marta, Marta ay aniya

ngayo’y lubhang balisa ka,

ang gawang lalong maganda

di mo siyang alaala.

Ang dapat mong ikagulo

ikabakla ng puso mo

ay ang sinta ngang totoo,

sa tanang mga aral ko

na para nitong bunso mo.

Nang ito’y maipagturing

nitong Poong maawain

ang ginawa namang tambing,

ni Magdalenang butihin

ay naghanda ng pagkain.

Umupo na nga si Kristo

sampung ibang pariseo

na naparoo’t dumalo,

kasama rin at kasalo

yaong ibang disipulo.

Saka naman isang araw

si Hesus sampu ng abay,

mga disipulong hirang,

piniging at hinandaan

niyong pariseong tunay.

Sa isang bahay na sadya

ng pariseong talaga

doo’y sangkap na lahat na,

dumalo naman ang ibang

pariseos at eskriba.

Nang umupo na sa dulang

itong Diyos na maalam,

agad nang binendesyonan,

sumubo siya ng ilan

isda’t doroong tinapay.

Nang makita’t mapanood

niyong mga pariseos

na di naghinaw si Hesus,

nangagbulong nanga-ingos

madla ang pula sa loob.

Walang gawang nalilihim

na hindi nga talastas din

nitong Panginoon natin,

kaya nga’t nang makakain

nag-wika siya’t nagturing.

Ani Hesus na maalam,

kayong pariseong tanan,

walang wasto’t mga mangmang,

ang inyong alaga lamang

pinggan ninyong kinakanan.

At ang inyong pananamit,

sila lamang nililinis

nguni’t yaong nalilingid,

na di ninyo nasisilip

binabayaang dumungis.

Ayaw ninyong marumihan

ang pinggang kinakanan

nguni’t ang lalong mahalay,

duming hindi ano lamang

ng kaluluwa ninyong iyan.

Bakit iyang mga dibdib

na puno nang labis-labis

ng daya at panglulupit,

ay di ninyo nalilinis

na sukat ikapagbait?

Kayong mga taong hunghang

malinis sa tingin lamang

loob ay pawang mahalay,

inyo nang tambing bawahan

dilang kasamaang asal.

Nang masabi na ni Kristo

at mawika ang ganito

ay lumisan na nga rito,

iniwan ang mga lilo

eskribas at pariseo.

At nagtuloy kapagdaka

sa isang munting aldea

ng ang ngala’y Bethabarra,

doo’y mangangaral siya

sampu ng mga kasama.

0 comments: