Tuesday, February 10, 2009

PASYONG MAHAL - ANG DAHILANG PAGPASA GALILEA NI KRISTO

Ang dahilang pagpasa Galilea

Ni Kristo

Ano pa nga’t pagkarinig

na si Huan napipiit,

si Kristo’y agad nagtindig,

sa paglakad ay sumapit

sa itaas ng Nazaret.

Mana nga’y ang naisipan,

sa Kaparnaum pumanaw

at doon siya tumahan,

paghanap sa nadidimlan,

na taong makasalanan.

Sa malapit na’y ang sabi

nitong makapangyayari

bati ni Huan gayari,

wika’y Ecce agnus dei

Qui tollis peccata mundi.

Itinuturo sa tao;

tingni’t iyan ang Kordero

ang Diyos na masaklolo

nakawawalang totoo

ng kasalanan sa mundo.

Nang si Hesus ay umalis

at umuwi sa Nazareth

yaon naman si San Andres,

at ang kasama’y inakit

sumunod sa Poong ibig.

Ngunit at yaong kasama

ni Andres agad kinita

wika ng ibang bihasa

yaon daw ay hindi iba’t

si Huan Ebanghelista.

Ang dalawa’y nagsisunod

doon sa bahay ni Hesus

nang sila ay mapanood,

ng Birheng Inang tibobos

tuwa’y di matapos-tapos.

Doon sila inaralan

ni Hesus na Poong Mahal

ng pagkakaginhawahan;

ng matapos mapakinggan

nalis na sila at nanaw.

Tuwang walang makapara

ng kanilang kaluluwa,

ang ginawa kapagdaka,

ni Andres kung sino siya

si Simong kapatid niya.

At sa laking katuwaan

ng kaniyang gunamgunam,

si Simon nang masumpungan,

binati na kapagkuwan

wika’y Vidimus Mesiam.

Samakatuwid kung baga

amin, aniya nakita

ang Mesias na Maganda,

kaya irog, sumunod ka

hamo siyang makilala.

Nang matanto at mabatid

ni Simon, sabi ni Andres,

sumunod na sa Nazareth;

doon naman nang sumapit

binati ng Poong ibig.

Ang kay Hesus napahayag

Simon ang iyong pamagat

na kay Hona ka ngang anak,

at mula ngayon ay Sepas

ang sa iyo’y itatawag.

Itong Sepas na wika ko

na itatawag sa iyo,

ang kahulugan ay Pedro,

samakatuwid ay bato,

tigas na di mamagkano.

Nang ito’y maipangusap

niyong Mahal na Mesias

doon siya pinalagak,

ng maghapon at magdamag

inaralan nang banayad.

Saka nang pagka-umaga

si Hesus ay lumakad na

yaong tatlo ay kasama

si Felipe ay nakita

doon sa bayang Betsaida.

Binati na ng ganito

ng Poong si Hesukristo

Felipe: ako’y sundan mo

sumunod namang totoo

si Felipe sa Kordero.

Nang isa namang umaga

si Natanael ay nakita

ni Felipeng mapaninta

binati kapagkaraka

ito ang ipinagbadya.

Ani Felipeng katoto

ay nakita ng mata ko

si Hesus na Nasareno,

yaong pangakong totoo

ng mga propetang Santo.

Wikang yao’y ng mabatyag

ni Natanael ay nangusap:

ano kaya at nagbuhat

sa Nazareth ang Mesias

yao’y isang bayang hamak?

Dili baga nabibilin

sa Eskritura’y hayag din

ang Mesias kung dumating,

di iba nga at sa Belen

ipanganganak ng Birhen.

Saka ngayon ang wika mo

na siya ay Nasareno:

ani Felipe ay oo,

mangyayari ngang totoo

sa Galelea paririto.

Kung ibig mong makilala

sa akin ay sumama ka:

at agad namang nakita

si Hesus ay binati na

ni Felipeng nagbabadya.

Ang isinagot ni Kristo

na ang winika’y ganito

aniya ay tingnan ninyo,

ang Israelitang tao

sa akin ay naparito.

Si Natanael ay nagbadya;

Maestro, saan aniya

ako’y iyong nakilala,

ani Hesus, sa Higuera

ay doon kita nakita.

Doo’y dinadalanging mo

sa Diyos Haring Amang ko

na ipakita sa iyo,

ipakilala kung sino

ang Mesias na totoo.

Gayon wika’y nang masabi

ni Hesus na Poong kasi

sa katuwaang malaki,

si Natanael ay nagpuri

wika’y Tu es filius Dei.

Idinugtong na wika rin

puring Tues Rex Israel

kung baga tatagalugin,

Anak ng Diyos kang tambing

at Hari ka ng Israel.

0 comments: