Sunday, February 8, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PAGDALAW SA TEMPLO NI HESUS

Pagdalaw sa templo ng Jerusalem

Nang labing-dalawang husto

ang taong bilang si Kristo,

ang mag-ina ay dumayo,

sa Herusalem na Templo,

isang araw nga ng Pasko.

Kasama rin sa paglakad

si Hosep, tunay na liyag

kalayuan at di hamak

pagsunod lang at pagtupad

sa kaugaliang lahat.

Ng dumating na sa Templo,

pumasok na silang tatlo

at nanalanging ng rito,

sa Diyos, Haring totoo

ng buong sang-uniberso.

Ay ano'y nang makaraan

ang piesta ngang tinuran

na dating kaugalian,

sila'y umuwi na naman

sa dati nilang tahanan.

Dito na nga itong Berbo

nagpalumagak sa Templo

walang malay na totoo,

mag-asawang magkatoto,

kasama nilang dumayo.

Sapagka't ibig maganap

ang tanan bilin at atas

ng Ama Niyang Mataas,

kaya itong Diyos na Anak

sa templo'y nagpalumagak.

Ay ano nga'y ng makita

ni Hosep at ni Maria

doon sa paglakad nila

ay hindi na nga kasama,

si Hesus na Poong Ama.

Dito'y ang Inang mapalad

ang puso'y agad nasindak

tumangis nga at umiyak

ang dibdib halos mawalat

nang hindi makita ang anak.

At si Hosep namang Santo

Sindak ay di mamagkano,

nang di makita ang Berbo,

loob ay sumikdo-sikdo

panimdim ay mago't mago.

Ano'y nang kinabukasan

na nag-bubukang liwayway

nagsilakad kapagkuwan,

sa Herusalem titingnan

ang Anak na nahiwalay.

Ang pagpapalumagak ni

Hesukristo sa templo ng Herusalem

Wala rin at di makita

itong Anak ni Maria

sapagka't di pa talaga,

ay may ibang gagawin pa

misteriong walang kapara.

Ikatlong araw na husto

ng pagkawala ni Kristo

pumasok sila sa templo,

doon nakitang totoo,

tuwa'y di mamagkano.

Naroo't kasalamuha

ng marurunong na pawa,

kahit siya'y isang bata,

pantas na nagnunukala

at matuwid kung magwika.

Dinaig niya't tinalo

ang mga pantas at doktor

natakpan na ang mga libro

palibhasa nga ay Berbo

Diyos at Haring totoo.

Ang tanang mga bihasa

natilihan at nagtaka;

ang wika ng isa't isa,

ay sino kaya, anila,

ang may anak sa Kaniya?

At sa gayong paghaharap

sa lalapit namang agad

ang Inang Birheng mapalad

at pagkabati sa lahat

ito ang ipinagusap.

Bunso, aniyang Anak ko

ano't kami'y ginayon mo?

ako't sampu ng ama mo,

parang ulol na totoo

ng paghahanap sa iyo?

Anong aming naging sala

gawang di mo minaganda

at kusang humiwalay ka?

tatlong araw na nabalisa

nang sa Iyo ay pagkita.

Sumagot kapagkaraka

si Hesus sa Birheng Ina,

ito ang ipinagbadya;

babae bakit baga

Ako'y iyong kinikita?

Dati na ngang iyong alam

kahit ako'y umalis man,

wala akong paroronan,

kundi sa pagsunod lamang

sa Diyos Ama kong mahal.

Nang ito'y maipagsulit

ang Birhe'y di na umimik,

si Hesus agad kinawit,

ni Maria at ni Hosep

at umuwi na sa Nazareth.

Lumalaki araw-araw

itong si Hesus na mahal

nguni't hindi sumusuway,

ang utos na ano pa man

ang ama't inang magulang.

Ito'y siyang sabi't sulit,

sa Ebanghelyo at sambit

si San Mateong tumitik,

na itong Berbong marikit

Et erat subditus illis.

Samakatuwid nga baga

itong si Hesus na Ama,

totoo mang Diyos siya,

sumunod at tumalima

kay Hosep at kay Maria.

At ang buong panininta,

pagkakalinga tuwi na

ni Hosep at ni Maria,

kahi't minsa'y di nagbawa

sa puso nilang dalawa.

A R A L

O, anak na mapagsuway

sa ama't inang magulang

dito ay iyong pagmasdan,

mga gawang kababaan

nitong Diyos na maalam.

Siya'y Haring darakila

ng Langit sampu ng lupa,

lahat na'y kanyang gawa,

ngayon ay nag-asal bata

pagbibigay halimbawa.

Saka ikaw na suwail

walang munti mang pagtingin

sa ama't inang nag-angkin

kung utusan ka marahil,

dumadabog, umaangil.

Ang wika ay iisa pa

ng iyong ama at ina

ang tugon mo'y sanglibo na,

paglaban mo ring talaga

at pag-suway sa kanila.

Ito'y kataksilan nga

at mataas na akala,

o anak na sulupika,

asal mong lubhang masama

sa iyo'y siyang sisira.

Kundi mo tambing bawasan

ang mga liko mong asal

totoong iyong kakamtan,

ang lahat mong kahirapan

dito nga sa huling araw.

Sukat mong ikabalisa

at gunitain tuwina

hirap sakit na lahat na,

pawang tiniis at binata

ng iyong ama at ina.

Kahit na at tadtarin mo

ang laman at sampung buto

sampung tanang balahibo

di pa sukat ibayad mo

sa mga hirap na ito.

Kung di mo nga iibahin,

ang iyong pagkasuwail

ay hindi ka katotohin,

bagkus ka pang iiringin

ng Diyos na Poon natin.

Kaya ngayon ay ang dapat,

kay Hesus tumulad

ng pagsunod na maluwag,

sa ano mang ipag-atas

na ama't inang nag-ingat.

0 comments: