Monday, February 9, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PANGANGARAL NI SAN HUAN BAUTISTA DOON SA PARANGAT ANG PAGBIBINYAG KAY HESUKRISTO

Ang pangangaral ni San Huan

Bautista doon sa parang at ang

pagbibinyag kay Hesukristo

Ay ano'y nang mamatay na

ang esposo ni Maria

inilibing kapagdaka,

si Hesus nama'y kasama

tumatangis ang dalawa.

Mga ugaling lahat na

sinunod ng Birheng Ina

nagluksa kapagkaraka,

tanda ng ganap na sinta

kay Hosep niyang asawa.

At ako, aniya, lamang,

kay Hesus na inutusan,

pinapaghahanda bilang,

na maglilinis ng daan

na kaniyang lalakaran.

Ito ang ibibinyag ko

tubig na sadyang totoo

nguni't kung siya'y parito,

ang ibibigay sa tao'y

grasiang tunay na saklolo.

Sa ito'y maipahayag

niyong Bautisting nangusap,

isang araw nama'y kagyat

sa darating ang Mesias

na ang nasa ay pabinyag.

Si Hesus ngani'y nakita,

ngunit hindi nakilala

ni Huan ang pinsan niya;

sa loob ay pinagsiya

napag-wari kapagdaka.

Lalo na nang mapakinggan

yaong wikang binitawan

ako'y binyagan mo, Huan:

dito nagpasiyang tunay

ang katoto niya't pinsan.

Natilihan at nanglumo

yaong marangal na Santo

aniya ay ano ito,

pabibinyag ang Poon ko

sa isang hamak na tao?

Bago ay ang karampatan

ang ako'y siyang binyagan

ng mahal mong mga kamay,

sapagka't Diyos kang tunay

nagkatawang tao lamang.

Sumagot pa itong Berbo;

Huan ako ay sundin mo

nitong hingi ko sa iyo,

at nang tularang totoo

ako ng lahat ng tao.

Di na tumugon si Huan

dito sa kaniyang pinsan,

lumusong silang nagsabay,

doon sa ilog ng Hordan,

si Hesus ay bininyagan.

At nang umahon sa pampang

ang langit agad nabuksan

at ang Espiritung tunay,

nanaog at pumatnubay

kay Hesus na Poong Mahal.

At narinig naman dito

boses ng Padre Eterno,

ipinangusap sa Berbo,

ito ang wika'y Anak ko,

minamahal kong totoo.

Tuwang hindi ano lamang

ang buong sangkalangitan

angheles ay nag-awitan,

pagpupuri'y walang humpay

sa Mesias na maalam.

Nang maganap na't matapos

ang pagbibinyag kay Hesus

nagpaalam na tibobos,

sa kaniyang pinsa't irog

na masintahin ngang lubos.

0 comments: