Tuesday, February 3, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PAGLALANG NG PANGINOONG DIYOS NITONG BUONG MUNDO

pasyon ni hesus



Ang paglalang ng Panginoong

Diyos nitong buong mundo

Ang lupa't sampu ng langit
hangin at ang himpapawid
hayop, isdang nasa tubig,
taong hamak na bulisik
may karamdaman at bait.

Ano pa't ang balang bagay
na di nating natitignan
dapat sampalatayanan,
na ang isang Diyos lamang
ang may gawa at may lalang.

Dili iba't at siya nga
lubos na may manukala
ng gawang hindi mahaka,
kusa niyang inadhika
sa taong hamak na lupa.

Kaya ngayon at ang dapat
tayo'y maniwala't sukat
sa Santisima Trinidad,
tatlo sa pagka-Personas
iisang Diyos na wagas.

Ito ring Diyos na tunay
walang punong pinagmulan
wala namang katapusan,
ganap na kapangyarihan
ganda't kaluwalhatian.

Mistulang Diyos na isa
tatlo sa pagka-persona
walang huli't walang una,
bait at omnipotensia
paraparang maligaya.

Na kung sa bilang ng tao
una ang Amang totoo
ikalawa ay ang Berbo,
at ang personang ikatlo
Diyos Espiritu Santo.

At silang tatlo ay lubos
iisa ang pagka-Diyos
kaya't ang wika sa simbolos,
Qualis Paper, talis Filius
talis Espiritus Sanctus.

Di samakatuwid baga
kung ano ang Diyos Ama
gayon din ang Anak niya,
siya rin at dili iba
yaong ikatlong Persona.

Misteriong hindi mahaka
ninomang pantas na dila;
Diyos ngani palibhasa
puno na may manukala
ng lahat niyang ginawa.

Sa buong Sangsinukuban
itong Diyos ang may lalang;
sa Kaniyang wika lamang
langi't lupa't dilang bagay
nayaring hindi naliban.

At sa Henesis na libro,
nalalaman ay ganito:
nang lalangin itong mundo
nitong Diyos na totoo,
kaarawan ng Domingo.

Tinotoo't siniyasat
ng Santa Iglesiang dilag
ang sa Henesis na sulat,
aniya ay pawang tapat
at Diyos ang napahayag.

Anim na araw ay bago
na niyari itong mundo
sampu ng gawin ang tao,
nagtahan sa ikapito
itong Diyos na totoo.

Ito'y pasunod sa atin
ng Diyos na maawain,
at kaya ipinagbilin
na talimahin at sundin
ang Sabado'y ipangilin.

Ang una niyang nilalang,
ang langit na kataasan;
doon sa kailaliman
nitong lupa ay nilagyan
ng impiernong parusahan.

Doon ang balang malupit
parurusahang masakit
ng hirap na di-maisip,
at di-totoong umiibig
sa Diyos, Hari ng Langit.

Ginawa rin Niya naman
sa Langit na kalamanan,
Angeles na karamihan,
mga espiritung tunay
na walang bakas katawan.

Ng Lunes, pirmamento
siyang ginawang totoo
ng Diyos na masaklolo,
pinagbukod naman dito
ang tubig sa buong mundo.

May ginawa siyang dagat,
na sakdal pait at alat,
may matabang at masarap,
biyayang di hamak-hamak
nitong Diyos na mataas.

Nang Martes, pinamutihan
itong mundong kabilugan
kahoy at madlang halaman
ay hayop na bagay-bagay,
kalugod-lugod kung tingnan.

Mierkoles ay ginawa rin
nitong poong maawain,
araw, buwan at bituin,
madlang talang maningning
nakaaaliw sa tingin.

Doon sa Huebes na araw
ginawa rin Niya naman
mga hayop isdang tunay:
ibon sa hangin ang tahan
isda'y sa tubig ang bahay.

Nang ganap na't walang kulang
dito sa sangsinukuban
ginawa rin di naliban,
doon sa Biernes na araw
ang ama nating si Adan.

Ang tatlo'y nagsang-usapan
ang tao ay gawin tunay
anila'y atin larawan,
ang wangisan at bagayan
ng kaniyang katauhan.

Nang mayari't matapos na
katawan ng tao baga,
hiningahan kapagdaka,
doo'y siyang pagsilid na
ng buhay at kaluluwa.

At saka pinagwikaan
hayo't magtindig ka, Adan
nagbuhat na kapagkuwan,
at doon nga napagmasdan
ang Paraiso terrenal.

Yaong Paraisong lupa,
lagay at katuwa-tuwa;
dikit na walAng kamukha
sa halamanan ay sagana
dili masayod ng dila.

Ano pa't ganap na ganap
ligayang walang katulad,
lupang lubhang aliwalas
palibhasa'y gawang lahat
ng Santisima Trinidad.

Nang doroon na si Adan
sa lubos na katuwaan
nang Diyos na Poong Mahal,
agad siyang pinanawan
nag-iisa ngang iniwan.

Kahit lubos ang ligaya
na kinamtan tuwina na
ay hindi magaling baga,
ang siya ay nag-iisa
sapagka't walang kasama.

Ano nga'y nang mapanood
nitong maawaing Diyos
alipala'y pinanaog,
ginawa ng Poong Diyos
si Adan ay pinatulog.

Ang ginawa nga pagdaka
ng Diyos na Poong Ama
nang si Ada'y maidlip na,
sa dakong kaliwa niya
isang tadyang ang kinuha.

At ito ngang isang tadyang
siyang hinugot kay Adan
ng Diyos, na Poong Mahal,
at saka binendisionan
ng Kaniyang kamahalan.

Pagiging tao ni Eba
si Adan ay ginising na;
Adan, hayo't magbangon ka,
tingni ang iyong kasama
sa iyo ko rin kinuha.

Doon na nga pinagmasdan
ang mag-asawang si Adan
sila ay pinagbilinan,
ng ilang kataga lamang
mga ito ang palaman.

Adan, ang iyong asawa
mamahalin mo tuwi na
at katawan mo rin siya,
sundin mon anomang ola
tungkol sa gawang maganda.

At ikaw naman babae
sisintahin mong parati
si Adan na iyong kasi,
susundin mo araw-gabi
tungkol sa gawang mabuti.

Kayo ang panggagalingan
ng tao sa sangtinakpan
na hindi nga mabibilang,
dito sa lupang ibabaw
magsama kayong mahusay.

Iyang mga katuwaan
dito at kaligayahan
na inyong napagmamasdan,
kayo'y siyang magtatangan
gawin balang kalooban.

Ang kahoy na lahat na
naritong may mga bunga
kanin ninyo ang bala na,
huwag lamang iyong isa
na ang pangala'y Mansana.

Bunga ng kahoy na iyan
na aking bilin at bawal
inyong pakatatandaan,
kapag pinagpamahakan
tanto kayong mamamatay.

Nang ito ay mawika na
ng Diyos na Poong Ama
pumanaw kapag karaka,
at kaniyang nilisan na
ang dalawang mag-asawa.

Sabihin ang katuwaan
niyong si Eba't si Adan
lubos na kaginhawahan,
ang kanilang kinakamtan
sa Paraiso terrenal.

Hindi sila napapagod
walang gutom at dayukdok;
ginhawang lubos na lubos,
yaong ipinagkaloob
nitong maawaing Diyos.

Misteriong hindi mahaka
nitong Diyos na Dakila
ay sa Paraiso rin nga,
ang kahoy doon ay madla
may isang kahanga-hanga.

Kung baga sa katuwiran
ang tanang mga halaman
ay kahoy ng kabuhayan,
at yanong mansana naman
at kahoy ng kamatayan.


0 comments: