Wednesday, February 18, 2009

PASYONG MAHAL - HUEBES SANTO -ANG PAGPANAW NI HUDAS SA SENAKULO AT IPARARAKIP ANG MAESTRO

Ang pagpanaw ni Hudas sa
Senakulo at ipararakip
ang Maestro

Tigas na di ano lamang
daig pa ang batong-buhay,
loob ni Hudas na banday
na di lumambot munti man
ang kaniyang kalupitan.

Sa kataksilang totoo
kaluluwa nitong lilo
pinasukan ng demonyo,
nanaw na sa senakulo,
ipahuhuli ang Maestro.

Kusa na ngang humiwalay
yaong apostol na banday;
Oh, Hudas na tampalasan,
mahanga nanga’y mahangay
ikaw ay huwag nabuhay.

Kumaon na nga ang lilo
ng kapuwa niya aso,
eskribas at pariseo
ipahuhuling totoo
ang masintahing Maestro.

Tuwang hindi ano lamang
niyong mga tampalasan,
pariseong mga hunghang
at ang nasa nilang tanan
masusunod kapagkuwan.

At ito namang nangayag
na palamarang si Hudas
tuwa’y hamak-hamak,
palibhasa ay dulingas
isang lilo’t taong uslak.

Pusang lampong ang kaparis
sa pagngiyaw at pag-ingit
nang sarili at malupit,
gutom at taong ulisik
na wala munti mang bait.

Punung-puno ng kasakiman
gayon din sa kalupitan;
madlang awa ay mahalay,
hayop ang siyang kabagay
walang bait kamunti man.

Hunghang, malupit na aso,
anak yata ng demonyo,
balawis at walang tuto,
halay ng pagiging tao,
walang wasto’t walang apdo.

Ano pa’t pawang mahalay
ang dugong pinagbuhatan,
duming hindi ano lamang
ng kanyang pinanggalingan
at insestong kasalanan.

Tampalasa’t palamara,
dili na inalala
madlang loob na pakita
pagkakalinga tuwi na
ng Panginoong may sinta.

Ang kasalanan mong lahat
kanyanag pinatatawad
ginawa ka pang alagad,
ikaw’y siyang nag-iingat
niyong ginagastang pilak.

Katiwala ka ng Maestro
tuwi na’y kasalu-salo,
minamahal kang totoo,
ano’t ikaw ay naglilo
sa may sinta ng ganito?

Di mo na ginunamgunam
ang madlang pagpapalayaw
sa iyo ng Birheng mahal,
ano mang kanin sa bahay
alaala kang matibay.

Tuloy ipinagbilin pa
sa iyo ang anak niya:
ang tugon mo ay ikaw na,
makakalinga tuwina
sa Poon mong mapaninta.

Ito’y siyang pangako mo
pagkakalingang totoo,
kusa mang napatungo
at iyong ipinagduro
ang kaniyang naging-tao.

Bukod dito, ang isa pa,
apostol na palamara
ikaw rin at dili iba,
sa mga lilo’y sasama
sa pagdakip sa kaniya.

Kaya malupit na lilo,
magnilay niyang gawa mo
pagsisihan mong totoo
sa aba mo ngang aba mo!
at kundi ka gumanito.

A R A L

Taong hindi nagigikla
walang munti mang balisa,
iyong isipin tuwi na,
lubos na nag-aanyaya,
si Hesus sa kaluluwa.

Sintang hindi maulatan,
lubos na kapangyarihan,
awa sa makasalanan,
ang dugo niya’t katawan
inihabilin sa altar.

At hindi ipinagkait
sa banal man at malupit
at nang doon mapag-isip,
ang lubos niyang pag-ibig
sa mga bulisik.

Tayo lamang tantong lilo
palamara’t walang toto
sa mga bagay na ito.
pagkakalingang totoo
ng Poong si Hesukristo.

Ang ating nakakapara
si Hudas at dili iba,
kung tayo ay magkasala,
ipinapalit ang grasya
sa mga gawang hamak na.

Ano pa’t ang kasalanan
marami’t sakdal ng halay
kaya kinapopootan
at hindi ibig matingnan
ng Diyos sa kalangitan.

0 comments: