Monday, February 16, 2009

PASYONG MAHAL - MARTES SANTO

MARTES SANTOS

Ang mga Ebanghelista
ang nagsabi’t nagpahayag,
nang Martes muling lumakad
itong Korderong marilag
at nangaral sa lahat.
Nang matanto’t maalaman
niyong taong karamihan
na sila’y pangangaralan,
nagsipasok sa Simbahan
tuwa’y hindi ano lamang.
Nang dumating na si Hesus
sa templo’y agad pumasok
sampung mga disipulos,
mangangaral na tibobos
ng gawang kalugod-lugod.
Ipinangaral na niya,
paghuhukom sa lahat na,
sa mag anak ni Eba
ang igaganti’y parusa
sa taksil at palamara.
Ang mapapalad na tao

53
na sumunod na totoo
sa madlang iniaaral ko,
walang salang matatamo
ang mahal na Paraiso.
At doon sa pangangaral
nitong Diyos na maalam,
kapagdaka’y nilooban
niyong mga punong-bayan,
na sa aral niya’y ayaw.
Sa kainggitang totoo
niyong mga taong lilo,
balawis na pariseo,
doon sa loob ng templo,
ibig na’y dakpin si Kristo.
Nguni’t di nila nakita
si Hesus na Poong Ama
sampung mga kasama,
sapagka’t nga’y malayo pa
yaong oras na talaga.
Lumakad na nagtuluyan
at napaluwal sa bayan,
ang kanilang dinaanan,
Olibeteng kabundukan,
Dating kinawiwilihan.
Doon ay tumigil muna
at bilang nagpapahinga
itong Poong mapaninta,
at saka kapagkaraka
nangusap sa mga kasama.
Aniya’y mga katoto
na aking kasalu-salo,
ngayo’y tandaan na ninyo
itong lahat na wika ko,
walang pagsalang totoo.
Ako aniya’y darakpin,
gagapusi’t mumurahin,
hahampasi’t papatayin
sa pagsakop sa sala rin
ng mga tao kong giliw.
At ang kamay kong dalawa
sa krus ay ipaparipa,
totoo nga’t di sasala,
pawa ninyong makikita,
panahon kung dumating na.
Kahima’t aking sinaysay
at sa inyo ay tinuran
nang panahong nakaraan,
at di ninyo naalaman
kung aling oras at araw.
At nang inyo ngang makita
ang araw na aking pita
at di nga magkakaiba,
bago sumapit ang paskua
ako’y mapipiit muna.
Nang ito’y maipahayag
ni Hesus, Haring mataas,
ay ang lahat ng alagad,
para-parang nangasindak,
hapis na walang katulad.
Lumakad na si Kristo
sampung mga disipulo,
sa Bethania napatungo,
di rin nagbawang totoo,
lumbay ng mga katoto.
Nang dumating na sa bayan
si Hesus na Poong mahal
at apostoles na tanan,
nangagsiluklok sa dulang
at kumain kapagkuwan.
Ang Poong Birhen Maria,
kapiling ang Anak niya,
yao’y parang himakas na
ang may bahay kasalo pa,
ni Hesus sa mga kasama.
Nang makakaing matapos
yaong tanang disipulos
pawang nawawalang-loob
naalaalang tibobos
yaong winika ni Hesus.
Mata’y na nilang tipirin
hapis, lumbay at panimdim
nguni’t nahahalata rin,
kapagkaraka’y pinansin
ng Inang mahal na Birhen.
Pumasok ang Birhen mahal
sa silid nga niyong bahay
at tinawag kapagkuwan,
ang Apostoles na tanan
tatanungin baga bilang.
54
Ang Birhen ay ganito:
ay ano mga bunso ko,
di ba ako’y Ina ninyo
at mga anak ko kayo
minamahal kong totoo?
Ano baga ang dahilan
ng luha ninyong nananaw?
ano’t kayo’y nalulumbay
hayo na nga’t ipagsaysay
at nang aking maalaman.
Ngayo’y inyong iniiba
ang asal ninyong lahat na,
dati-dati mga oya,
kapagdating ibabadya
ano mang inyong makita.
Agad ninyong sasabihin
ipahahayag sa akin
saka ngayon baga’y bakin
tikis kayong naglilihim
sa aking dinaing-daing?
Sa ganoong pangungusap
ng Birheng Inang may habag
ang Apostoles na lahat,
lalo pang nangagsiiyak
luha’y agos ang katulad.
Ang isinagot na lamang
ng Apostoles na tanan
anila’y O Birheng mahal,
anak mo ay naririyan,
siyang sukat makaalam.
Sa dili rin magpahayag
ang Apostoles na liyag
ay lumapit naman agad
ang Inang may alapaap
at tinanong na ang Anak.
Anang Birheng masaklolo
Panginoon at Anak ko
anong bagay kaya ito
laki ng dalang hapis mo
sampung mga disipulo.
O Anak na minamahal
na aking pinalalayaw,
ano’t pinaglilihiman
at di mo pagpahayagan
yaring iyong Inang tunay.
Ang isinagot ni Kristo
walang ano man Ina ko,
pahid na iyang luha mo,
at dili pa oras ito
ng pagsakop ko sa tao.
Nguni’t bakit nangangamba
ang dibdib mo aking Ina
dito ako matitira
hanggang dumating ang oras
ng Poong ko’t aking Ama.
Bahagya nang tumiwasay
yaong pusong nalulumbay
ang Inang Birheng may damdam
at parating pinupukaw
ng sakuna’t agam-agam.

0 comments: