Tuesday, February 17, 2009

PASYONG MAHAL - HUEBES SANTO -ANG PAGHAPON NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO SAMPU NG KANIYANG MGA APOSTOLES

Ang Paghapon ng ating Panginoong Hesukristo sampu ng Kaniyang mga Apostoles

Nang lumubog na ang araw
ay itong Poong maalam
niyakag ang tanang kawal,
at pumasok kapagkuwan
sa Herusalem na bayan.

At sa bahay ng katoto
agad silang napatungo,
ang nasa nilang totoo
doon sila magpapasko
sampung tanang disipulo.

Nang dumating na si Hesus
doon sa bahay ni Markos,
binati niyang tibobos,
ng buong galang na puspos
ang katoto niya’t irog.

Pumasok at ang tinungo
yaong sadyang Senakulo,
pagkakathaang totoo
ng mataas na Misterio,
habilin sa madlang tao.

Doon sa pagkakapisan
ni Hesus at mga kawal,
bago lumuklok sa dulang,
nangusap na nga’t nangaral,
itong Hesukristong maalam.

Oh mga apostoles ko
mahal kong mga katoto,
laon nang ninanasa ko,
ang tao’y magsalu-salo,
araw ng Paskuang ganito.

Ngayon na nga matutupad
ang nasa ko’t pitang lahat,
dito tayo maghaharap,
at ibig ko nang maganap
hula ng mga propetas.

Saka ang Poong si Kristo,
sampung mga disipulo
nagsiluklok na totoo,
at minulan na nga rito
ang pagkain sa kordero.


0 comments: