Sunday, February 22, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-NANG IHARAP NG MGA HUDYO ANG ATING PANGINOONG HESUKRISTO SA HARING HERODES

Nang iharap ng mga Hudyo ang ating Panginoon Hesukristo
Sa Haring Herodes


Sa panahong yaon naman
si Herodes na sukaban
sa Herusalem dumalaw
at nakipagpiesta lamang
sa pagkapasko ngang araw.

Ang kay San Lukas na wika
sa Ebangheliong dakila
nang si Hesus iharap nga,
dito sa haring kuhila
tuwa raw ay dikawasa.

Kaya natuwa ang loob
niyong haring balakiyot
ibig niyang mapanood,
madlang himalang tibobos
na ginagawa ni Hesus.

Kamalian ding totoo
ang inasal ni Pilato
sa pagbitaw niyang ito,
at dipa nilutas dito
ang usap ni Hesukristo.

Ay bago’y may kabagsikan
ganap na kapangyarihan
pumatay o bumuhay man,
di pa niya hinatulan,
talastas na niyang banal.

Kaniyang itinaboy pa
sa pusong at palamara
na umagaw nang asawa,
nang kapatid at nugot pa
ulong mahal ni Bautista.

Nang maharap sa lanuwang
itong Diyos na maalam
kahapis-hapis ang asal
ang liig sampu ng kamay
natataliang matibay.

Nang makita ni Herodes
asal na kahapis-hapis
kapagdaka ay nagalit,
ipinakalag ang lubid
sa kamay sampu ng sa liig.

Nagbulas at ginasaan
ang mga hudyong tanan
kayo’y walang pakundangan
ano’t hinahamak lamang
ang isang taon maalam?

Nagkorona at nagsetro
nupo sa kaniyang trono
nang siya’y maniig dito,
at nang makitang totoo
anumang gawin ni Kristo.

At ano’y ng maluklok na
sa mataas niyang silya
nangusap kapagkaraka
salamat Hesus aniya
laong kitang pinipita.

Ikaw nga ang bukod lamang
aking pinagnanasaan
na makita at matingnan
salamat na walang hanggan
ngayo’y aking napalaran.

Nang matuwa ang loob ko
ngayon sa oras na ito
ako’y pagpakitaan mo,
mga himalang totoo
na iyong gawa sa tao.

At kung baga iyong dinggin
ang pita ko’y madlang hiling
kita ay pagpapalain,
sa balang iyong ibigin
dili kita susuwayin.

Ibibigay kong totoo
at pakakamtan sa iyo
kalahati nang yaman ko,
pinaghaharian dito
ngayo’y iyong matatamo.

Ang pangako ko pang isa
sa iyo’y kung tumalima
matalo ma’t maapi ka,
nang iyong mga kahabla
di ka mapapalamara.

Sa pagtupad na totoo
nitong madlang pangako ko
aking sinasabi itong,
korona ko’t sampung setro
ikaw ay di maano.

Ano at di ka mangusap
hingi ko baga’y maliwag
gawa mo raw na madalas,
at dito’y napapahayag
bulag may pinadidilat?

At ang mga namamatay
na ibabaon na lamang
malibing mang ilang araw,
kapag iyong kalooban
kapagdaka’y nabubuhay.

At ang mga binging lahat
piping di makapangusap
pilay na di makalakad,
kung ibigin mo ay kagyat
gumagaling silang lahat.

Ang naghihirap na tanan
totoong inaalihan
ng demonyo sa katawan,
kapag iyong binasbasan
gumagaling kapagkuwan.

Madalas ka ring tibobos
na nagpalakad sa laot
ang sigwa at mga unos
kapag daw iyong niloob
agad mong pinauuntos.

Madla pa at ilang bagay
na aking napapakinggan
aliw ka nang kalumbayan
si Solomong haring mahal
daig mo sa karunungan.

Ay maanong kahit isa
nitong sabi kong lahat na
gawa mong kataka-taka
dito ikaw’y magpakita
ako’y siyang bahala na.

Dili ikaw ngang totoo
ang bantog sa buong mundo
na sinamba niyong tatlo,
haring pamagat ay Mago
na nagsidalaw sa iyo.

Ikaw ang pinagpilitan
At tayo ng di masira
nang gayong pangunguhila
iyong ipapatay na nga
gayunin mo alipala
iyang taong solopika.


Wala ri’t di ka nakita
ng poon ko’t aking ama
ikaw nama’t dili iba,
pinsang buo ni Bautista
na pinapugutan niya.

Ano at di ka sumagot
sa pita ko aking irog?
gagantihin kong tibobos
ang lahat mong ibigay loob
aba kung ako’y mapoot.

Bakit di ka magsaysay
sa akin ng ano pa man
alalaong baga bilang,
si Samson siyang kabagay
na Pusong nang natalian?

Sa mabidbid ang katawan
nang lubid na matitibay
malakas dating matapang,
humina’t tuloy naglubay
dinaig ng hamak lamang.

Ikaw rin at dili iba
ang kawangis at kapara
bait mo’t tapang na sadya,
nangawalang para-para
nang anyong matalian ka.

Nang di kumibo’t umimik
itong Poong mapagtiis
ay napoot si Herodes,
agad sumukal ang dibdib
kapagdaka ay nagalit.

Ito and aking pinita
pinupulo kong laon na
ang isip ko’y banal siya,
bago’y taong ulol pala,
di marunong kumilala.

Saka nagwika ang lilo
sa nangagdalang soldado
hayo na anya hayo,
ibalik na kay Pilato
itong tulingag na tao.

Inaring ulol na ngani
pinaramtan nang maputi
biniro at inaglahi,
niwalan ng pasintabi
di na muling binati.

Ipinasauli na niya
sa hukom na nagpadala
sumaad at nagbilin pa,
doo’y siyang humatol na
lumutas ng inyong habla.

Pinaasa-asa ako
lamang at binakla rito
hilahin at higtin ninyo,
ang bangaw at lilong tao
tulingag at walang toto.

Tuloy ninyong ipagsaysay
kay Pilatong punong bayan
salamat na walang hanggan,
magaling na ngayon naman
loob naming nagtaniman.

Sa pagka ng unang dako
nagtatanimang totoo
si Herodes at si Pilato,
ang pinagbatian nito
ang pagkamatay ni Kristo.

Ikaanim na tibobos
paghahatiran kay Hesus
nang mga lilong hudyos
ikahabag na nang loob
ng tanang mga kristianos.

A R A L

Kristianong makasalanan
nagugumon sa mahalay
mag-isip ka at magnilay,
dito sa paghahatiran,
sa iyong Poong maalam.

Totoo’t malaking hirap
ang kay Hesus ng lumakad
tungo sa Isralitas,
ng sa balong paghanap
sa Samaritanang pantas.

Lalong sukat ikahapis
nino mang taong may bait
na itong Poong marikit
may tali kamay at leeg
hinihilang walang patid.

Mahapdi nganing totoo
mapait sa dilang apdo
tiniis, binata rito,
ng Poong si Hesukristo
dahil sa sala nang tao.

Oh tao kang mapag-ibig
sa gawang hindi matuwid
manimdim ka ng masakit,
sa anyong kahapis-hapis
nang Diyos Hari sa Langit.

At ipinaghatiran
sa isa’t isang hukuman
na nagagapos ang kamay,
liig ay natatalian
anaki’y makasalanan.

At bago’y ikaw na lilo
mapagmarikit na tao
nagpapahangang totoo,
ang bitui’t madlang astro
yapakan din ang ibig mo.

Kapalaluan ding pawa
ngayon ang magsaysay nga
nagwawala kang kamukha,
sa taong iyong kapuwa
bago’y uod ka sa lupa.

Ikaw ay kung lumalakad
binubuo mo ang landas,
nagwawala kang katulad,
at di mo inaalapaap
ang kay Kristong paghihirap.

Diyos na di matingkala
at Panginoong may gawa
minumurang walang sawa,
nililibak, tinutuya
ng mga hudyong madla.

Panimdim mong maigi
kay Hesus na pagkaapi
kusang dinuruhagi,
bago’y Diyos na malaki
ikaw ang nagmamapuri.

Bago’y ikaw at di iba
masama at palamara
aliping walang halaga,
mapagmalaki tuwi na
ay bago’y lupang hamak ka.

At ang madlang katuwaan
dito sa hamak na bayan
huwag mong lubhang asahan,
parang asong nagdaraan
agad naging napaparam.

Tumulad ka na nga rito
sa Panginoon mong ito
ang kahirapan sa mundo,
iyong tiising totoo
para mong damay kay Kristo.

At di ka man makaatim
sa kaniyang awang hain
at kahima’t gagatinting,
kaniyang mamahalin din
kung sa puso mo nanggaling.

Na kung dapat nga baga
malangkap mapakisama
sa dalita’t hirap niya,
munti ring ipagbabawa
sa lahat mong gawang sala.

0 comments: