Tuesday, February 24, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGPAPATANAW NI PILATO SA ATING PANGINOONG HESUKRISTO

Ang pagpapatanaw ni Pilato sa ating Panginoong Hesukristo

Nang maipanhik si Kristo
niyang mga pariseo
ang ginawa ni Pilato
ipinatanaw sa tao
ang winika’y Ecce Homo.

Narito at inyong tingnan
itong taong malumanay
kaawa-awa ang lagay,
tingni kung ito pa’y buhay
kundi totoo nang patay.

Nang maipangusap ito
nang hukom na si Pilato
doo’y dalawa katao,
inalis na ngang totoo
ang baro ni Hesukristo.

At ng doo’y mapanood
na mga ganid na hayop
ang madlang sugat ni Hesus,
upang iluwag nang poot
nang puso nila at loob.

Nang ito ay mapagmasdan
niyong mga tampalasan
galit nila’y inululan,
tolle, tolle ang tinuran
ipako ang taong iyan.

Ang winika ni Pilato
Hari ninyo’y ipako ko
ang sagot ng mga lilo,
ano’t hari ang turing mo
wala kaming hari dito.

Kundi si Tiberio Cesar
siyang panginoon lamang
ng Sangmundo’t Sanditohan
Emperador na marangal
na aming iginagalang.

Aali’t aagaw ito,
at lulupig kay Tiberio
at kundi ipapatay mo,
di ka tuturang katoto
nang hari naming totoo.

Bagkus pa ang ibubuhat
kaalam ka’t kasapakat
nang kaniyang pagsusukab,
kapopootang kang agad
opisio mo’y malalampas.

Ang isa pa’y ang buhay mo
alising idamay rito
hahatulan kang totoo,
ang kayamana’t ari mo
sasamsamin pa sa iyo.

Nang kay Pilatong malining
ang bala ng mga taksil
nanganib siya’t nanimdim
ang katawa’y nanglumo rin
loob ay bumalingbaling.

Ipinasok na si Kristo
sa hukom na kay Pilato
tinanong nang panibago,
taga saan ka katoto
alin baga ang bayan mo?

Di sumagot kataga man
itong Korderong maalam
kusang nagmanga-mangahan,
anopa nga’t hinihintay
ang magiging kahatulan.

Ang winika ni Pilato
may kapangyarihan ako
at kabagsikan totoo
matay at muhay sa iyo
ako’y di pahayagan mo.

Magsabi ka kapagkuwan
ng lagay mo’t iyong asal
at dugong pinagbuhatan
ako’y huwag katakutan
dinaraan kitang lubay.

Ani Hesus na marikit
wala ka ring buong bagsik
na si aki’y magpasakit
kundi ka tulutang pilit
ng Ama kong nasa Langit.

Silang naghabla sa iyo
nagdala sa akin dito
ng ako nga’y hatulan mo,
dapat magdusang totoo
ang sala’y di sasang-ano.

Ng kay Pilatong mamatyag
itong huling pangungusap
loob niya’y umalapaap,
ang ibig di’y ang maawat
si Hesus sa gayong hirap.

Ipinaubayang totoo
sa nangaghablang hudyo
pawalan ma’t dili ito,
nangangamba si Pilato
malampasan nang opisyo.

Agad nang ipinakita
si Hesus na Poong Ama
at sila’y nuling nupo na
sa Lithostrotos kung baga
Hebraice autem Gabbatha.

Sa malaking pagkagulo
budhi’t loob ni Pilato
nangusap siyang nagbago;
ang wika sa madlang tao
tingni itong hari ninyo.

Nang marinig itong badya
mga hudyo’y nangagikla
sumagot kapagkaraka
dili po dili anila
totoong namamali ka.

Kami’y walang hari rito
kundi lamang si Tiberio
ang mga baki-baki mo,
kung maalamang totoo
ay mapopoot sa iyo.

Sa walang pagkaraanan
na ano’t ano mang bagay
na huwag bagang hatulan
ano pa nga’t natigagal
si Pilatong punong bayan.


0 comments: