Wednesday, February 4, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PANGANGANAK NI SANTA ANA KAY GINOONG SANTA MARIA

Ang panganganak ni Sta. Ana kay
Ginoong Sta. Maria



Sa kaanakan at gulang
ni David Propetang mahal
si San Hoakin ay lumitaw,
bilang kaapu-apuhan
ng patriarkang Abraham.

Dito rin nga't dili iba
bilang kaanakan niya
ang Poong Birhen Maria,
na totoong maging Ina
niyong sasakop sa sala.

Kahi't baog at matanda
si Santa Anang dakila
naglihi at nanganak nga,
isang babaing mistula
dikit na walang kamukha.

Rosa na lubhang maganda
sadyang mabangong sampaga
ang anak ni Santa Ana,
yaong nga at dili iba
ang Birheng Santa Maria.

Yaong Mariang pamagat
bituing sakdal ng dilag
ay siyang nagliwanag,
sa tanang nagsisiliyag
sa kalautan ng dagat.

Siya rin at dili iba
yaong Birheng Preservada
sa orihinal na sala,
mana nga nating lahat na
sa kay Adan at kay Eba.

Nang sumipot na't lumabas
itong bituin sa dagat
Mariang sakdal nang palad,
tuwang hindi hamak-hamak
ng Santisima Trinidad.

Sa maganap ang totoo
at araw ay mahusto
ng panganganak na ito,
agad dinala sa templo
si Mariang masaklolo.

Inialay, inihandog
at inihain sa Diyos
itong anak nilang irog,
tuwa'y di matapos-tapos
ng kanilang puso't loob.

Di pa naman nagaganap
tatlong taong bagang edad
ng Birheng Inang mapalad,
sa templo at itinambad
ng ama at inang liyag.

Sabihin ang katuwaan
niyong katipunang mahal
na sa templo'y tumatahan,
nang makita at matingnan
si Mariang matimtiman.

Nang maialay sa Diyos
sa kolehiyo'y ipinasok
inalila at kinupkop,
yoang batang maalindog
at puspos mababang loob.

Doon siya inaralan
ng tahi at habi naman
at sukat na katampatan,
ukol sa kaniyang asal
na malinis at timtiman.

Ang magandang ugali
sa kolehiyo'y gawa ngani
ng Birhen Inang mabunyi,
palibhasa'y itinangi
ng Diyos na Poong Hari.

Doon ang gawa lamang
manalangin gabi't araw,
ng dalagang karamihang
anopa't siyang huwaran
sa kolehiyo'y napipisan.

Kausap-usap tuwi na
angeles na magaganda
ano pa nga't si Maria,
bukod sa babaing iba
na kaanakan ni Eba.

Naging siyam na taon na
edad ng Birhen Maria
siya ngang pagkaulila,
sa kaniyang ama't ina
na sa kaniya'y nagdala.

Nguni't doon sa kolehiyo
itong Birheng masaklolo
papupuri'y mago't mago,
sa Diyos Amang totoo
hari ng sang-uniberso.

Nang mahusto na't maganap
taong sukat maging dapat
na ipag-asawang hayag,
siya nga ay iginayak
sa kapuwa niya palad.

Sa matanto ni Maria
na ipakakasal siya
nagwika kapag-karaka,
sa Padreng nag-anyaya
ganito ang parirala.

Ako po, Padreng dakila
gawang iya'y di ko nasa
at malayo sa gunita,
ang kalinisang mistula
siya ko pong binabanta.

At ang aking pagka-Birhen
sa Diyos ko ihahain
at hindi ko sisirain,
kaya nga at sa templo rin
nasok ang aking panimdim.

Sa matanto at matatap
ng Padreng humihikayat
nagtaka at nanggilalas,
sa mga wikang banayad
ng Birheng bunying nangusap.

Agad napasa simbahan
yaong mga Padreng banal,
nanalangin kapag kuwan
sa Diyos na Poong Mahal
ng gagawing mga bagay.

At sapagkat nga ang tika
at panata ni Maria
hindi ibig mag-asawa,
ay sinagot naman sila
ng Diyos na Poong Ama.

Anang Diyos na maalam
dito'y muling magkapisan
tanang mga kahilingan,
ni David Propetang mahal
katoto ko't kaibigan.

Dito ko ipakikita
dapat na maging asawa
tambing ipakilala,
mag-alaga at sumama
sa anak kong kay Maria.

Sa matanto itong bagay
niyong mga padreng mahal
ay tinipon sa simbahan,
tanang mga kahinlugan
ni David, propetang banal.

May isa ngang matanda na
Hosep ang pangalan niya,
anak sa tribu ni Huda,
kadugo't kadesendensia
ni David, bunying Propeta.

Ang ama niya't magulang
ay si Eli ang pangalan
matanda't mabuting asal,
loob ay lubhang timtiman
malinis sa kalinisan.

Dili iba at si Hosep
siyang tinangi ng langit
na maging esposong ibig,
ng Birheng Inang marikit
timtima't lubhang mabait.

Siya ngani ang hihirang
pinili sa karamihan
na doroon sa simbahan
bilang kaapu-apuhan
na Patriarka Abraham.

Nang makitang si Maria
di tangka ang mag-asawa
agad na ngang nagpakita,
ang Diyos Poong Ama
at nagwika kapagdaka.

Anang Diyos na maalam
Maria, ikaw ay pakasal
at siya kong kalooban,
iyang iyong kalinisan
hindi nga marurumihan.

Ang iyong makakasama
malinis nama't maganda
linis na walang kapara,
kaya bunso'y sumunod na
sa aking hiling at pita.

Sa matanto at matatap
ng Birheng Inang mapalad
tumango na at nangusap,
at napakasal ngang agad
kay Hosep na marilag.

Nang sila at makasal na
ay namahay na mag-isa
panata nila at tika,
kalinisang walang hanggan
habang nabubuhay sila.

Ang kaniyang pagka-Birhen
minsan ma'y di sisirain
ano pa nga't parang anghel,
na parating nagniningning
sa kalinisan at galing.

Dito na ngani namahay
dalawang magkaibigan
walang lika't gabi't araw,
nagpupuring walang humpay
sa Diyos na Poong Mahal.

Ang opisyo'y anluage
nitong banal na lalaki
at ang gawa ng babae,
manahi nama't humabi
at mamahay na mabuti.

Ano pa nga at iisa
ang loob nilang dalawa
mahusay ang pagsasama,
kinakalingang maganda
ng Diyos na Poong Ama.


A R A L
Kristiano ang katampatan
sila nga'y ating tularan
sa kagandahan ng asal,
at loob na malulumay
sa kanilang pamamahay.

Siyang tularan tuwi na
ng sino mang mag-asawa
kung mahusay na magsama,
ang bawa't mahal na grasia
di lalayo sa kanila.

Nguni ang pala-away
mapagtalo gabi't araw
punong kinapopootan,
tuloy ikinapaparam
grasiang kamahal-mahalan.

Dapat nganing magsunuran
ang mag-asawang sino man
si Hosep siyang tularan,
at si Mariang matimtiman
pagkakalinga sa bahay.

Kaya ikaw man ay sino
may asawa ka mang tao,
ang asal mo ay magbago,
nang kamtan mo at matamo
ang tuwa sa Paraiso.

At ngayon ay matuwa na
pawiin ang madlang dusa,
magkakatawang-tao na,
ang kalawang Persona
ng Trinidad Santisima.

0 comments: