Wednesday, February 4, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PAGKAKATAWANG TAO NG IKALAWANG PERSONA SA SINAPUPUNAN NI GONOONG STA. MARIA




Ang pagkakatawang tao ng

ikalawang persona sa sinapupunan
ni Ginoong Sta. Maria


photocredit:freepictures

Nang malaon nang totoo
taong may apat na libo
mulang lalangin ang mundo,
siya nganing paparito
niyong sasakop sa tao.

Na hindi magugunita
ng madlang tao sa lupa
tanang lubos na biyaya,
ganap na pagkakalinga
ng Diyos Haring dakila.

At ang ginagawa lamang
magkasala gabi't araw
pawang mga tampalasan,
na walang takot munti man
dito sa Poong maykapal.

Lalong dakila ang sala
ng tanang anak ni Eba;
anakin ay idolatria,
kahit ano'y sinasamba,
pinaparang Diyos nila.

Isa ang nasion sa mundo
ang kumilalang totoo
sa Diyos, kumapal sa tao;
at ito ay ang hudyo
bukod nawalang anito.

Bagama't kumilala
sa Diyos na Poong Ama
ang mga taga-Hudea,
puno rin ng madlang sala
ang marami sa kanila.
Ano pa't santinakpan
nagugumon sa mahalay
salang hindi maulatan,
dito na nga pinagmasdan
sila kay kinaawaan.

Nangatunaw na ang loob
nitong maawaing Diyos
nang makita't mapanood,
ang kamaliang tibobos
ng tao, sa sangsinukob.

Ibig na nganing matupad
ang tanang ipinahayag
ng mga Santos Propetas,
na itinitik sa sulat
sa pagdating ng Mesias.

Sapagka't wala nang iba
sukat umako sa sala
ng tanang anak ni Eba,
kung hindi ang anak niya
na ikalawang Persona.


Nag-usap na nga ang tatlo
na may gawa nitong mundo
ang hatol ng Konsistorio,
dili iba at ang Berbo
siyang sasakop sa tao.

Inutusan na ngang tambing
yaong si Gabriel Arkanghel
manaog at babalain,
si Mariang bunying Birhen
Santang walang makahambing.

Nanaog na kapagkuwan
Arkanghel na inutusan
dikit na di ano lamang,
halos hindi matitigan
sa laking kaliwanagan.


0 comments: