Friday, February 6, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PAGDALAW SA TEMPLO NG JERUSALEM NI GINOONG SANTA MARIA

Ang pagdalaw sa Templo ng

Jerusalem ni Ginoong Sta. Maria

at pagtalima sa utos tungkol sa

paglilinis nanganak na babae na

tinatawag na Purificacion

Haring lilo at balawis

tampalasan si Herodes

ang puso'y halos mapunit,

sa laki ng pagkagalit

kayo nga'y bibigyang sakit.

Nang ito'y maipahayag

ang anghel nawala't suka't,

sa langit napaitaas;

ang mga haring mapalad,

agad namang nagsilakad.

Ugali nang una naman

ang manganak na sinuman,

di papasok sa Simbahan,

hanggang hindi maganapan

yaong apatnapung araw.

At kung babae ang anak

hihintin munang maganap

tatlumpung araw na singkad,

ito ang bilin at atas

ni Moises na sumulat.

Kung maganap na't mahusto

ang mga araw na ito

siyang pagdalaw sa Templo,

mag-aalay na totoo

ng isa bagang kordero.

Kung dukha at walang yaman

walang korderong ialay,

sukat ang tortola lamang,

o-pitson kayang inakay

ang sa templo'y ibibigay.

Nang apatnapung araw na,

ang panganganak ni Maria,

sumunod at tumalima,

mga ugaling nang una,

na ang ngala'y ley antigua.

Binalot na nga ang Ninio

niyong Birheng masaklolo

at iaalay sa Templo,

sa Diyos Amang totoo

Hari ng sang-uniberso.

Lumakad na kapagdaka,

si San Hosep ang kasama

dalawang pitson ang dala,

nang dumating naman sila

sa simbaha'y nagtuloy na.

Nang makapasok sa Templo

si Mariang Masaklolo

agad kinalong na rito

ni Simeon bunying tao,

ang Mesias na totoo.

Tuwang hindi ano lamang

ang kay Simeong nakamtan

mata'y agad isinilay

sa Diyos Amang maalam

at nag-wika kapagkuwan.

Diyos na Poon, aniya

dagat na Miserikodia,

ang buhay ko'y aanhin ko pa,

yamang akin nang nakita

itong sasakop sa sala.

Alin pa ang titingnan ko

lalong marikit sa mundo

kung dili nga ang Anak Mo

na aking kinalong dito't

iniaalay sa iyo?

At yamang iyong niloob

kung kaya siya nanaog

nang ang tanan ay masakop,

dugo niya'y mabubuhos

sa sala ng Sangsinukob.

Nang matapos ang orasyon

ng banal na si Simeon

iniabot na ang Sanggol,

sa Birheng Inang marunong

saka nagwika ng gayon:

Aniya ay malaki man

ang dala mong katuwaan

nguni't lalong kalumbayan,

ang iyong kasasapitan

kung dumating na ang araw.

Sa pagsakop, pakalara,

sa inako niyang sala

pawa mo ring makikita,

ang kararatnang lahat na

ni Hesus na iyong bunga.

Nang matanto at malining

ng Inang Mahal na Birhen

ang puso't agad na nalaing,

lumuhod at inihain

sa Diyos ang Niniong giliw.

Diyos na poon, aniya

Panginoon ko, at Ama,

ang bahala po'y ikaw na,

dito sa bigay mong bunga

na Anak kong sinisinta.

Yamang loob Mong totoo,

kaya siya naging tao

ngayo'y ibinibigay ko't,

iniaalay sa iyo

itong bugtong na Anak Mo.

Ang bahala na nga'y Ikaw

sa kanilang pagkabuhay

sundin balang kalooban,

ako'y wala sa pagsuway

yamang Anak Mo ring tunay.

Wikang ito'y pagkatapos

ng Birheng Ina na Diyos

kinuha't agad binalot,

at dinala ngang tibobos

ang Anak niyang si Hesus.

Nang una'y ang kautusan

tungkol anak na panganay

ibibigay sa simbahan,

o tutubusin kaya naman

ng ama'y inang magulang.

Kaya ito'y ugali raw

ay alaalang matibay

nang ubusing ipapatay,

tanang anak na panganay

ng taga-Egiptong bayan.

At kung hindi ginanito

ng Diyos ang haring lilo

hindi sana sa Egipto,

nakaalis na totoo

Israelitas na tao.

Ugaling ito'y sinunod

ng Birheng Inang tibobos

at nang di ang Poong Hesus

malagak, siya'y nadhandog

nang kabilinan sa utos.

Nang ito ay makaraan

nagsiuwi na pagkuwan

ang mag-asawang timtiman,

sa Nazareth nilang bayan

na dating tinatahanan.

Magmula niyong pagdalaw

sa templo ng Birheng Mahal

malaki ang kaguluhan,

niyong taong karamihan

sa Jerusalem na bayan.

Ang dahila'y pagkarinig

ng balita ng pastores

at lalo nang naligalig,

nang dumating na sumapit

ang tatlong haring mabait.

At ano't nang mapakinggan

ni Herodes na sukaban

itong mga kaguluhan,

lalo na nang di na dumaan

ang tatlong haring marangal.

Bait, isip ay nagulo

at hindi na nagkatuto

ang minagaling ng lilo,

pawang pugutan ng ulo

ang tanang sanggol sa reino.

Gayong gawa'y nang maisip

niyong haring walang bait;

isang gabi si San Hosep,

pinagsabihang umalis

ng isang anghel sa Langit.

0 comments: