Wednesday, March 4, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGDATING NG MAHAL NA BIRHEN KASAMA ANG MGA BABAE NA MULA SA GALILEA


VIERNES SANTO

Ang pagdating ng mahal na
Birhen kasama ang mga babae
na mula sa Galilea


Laking sakit laking dusa
nang Inang nangungulila
kaya nga’t nangagsisama
ang mga babaing iba
na nagmula sa Galilea.


Nang dumating sa Kalbario
itong Inang nanglulumo
ang Anak niyang si Kristo
napapako nang totoo
doon sa Sakromadero.


Dinulog at nilapitan
sa paa’y di humiwalay
ang puso’y halos matunaw,
at gayon din si San Huan
na pamangking minamahal.


Madla ang buntong hininga
tinangis-tangis tuwi na
ng Poong Birhen Maria
kung matingala’t Makita
Anak niyang nagdurusa.


At di man makapagsulit
dila niya’y nauumid
dahil sa hirap at sakit,
sa loob lamang ng dibdib
ganito ang pananangis.


Bungang giliw ko aniya
buhay niyaring kaluluwa
bakit nagkaganiyan ka,
ito kaya’y mababata
ng nahahabag mong Ina?


Ano ang salang di tuto
Hesus ang ginawa mo
at ikaw ay ginaganito,
pinasakitan kang totoo
dahil sa sala ng tao?


Akin kayang madalumat
bunso ang ganitong hirap
at aling pusong matigas,
ng Ina ang di maagnas
sa pagdurusa nang Anak.


Ay ako pa kaya baga
ngayon ang di mabalisa
Hesus ikaw at di iba,
totoo kong sinisinta
minamahal ko tuwi na.


Ikaw rin at siya lamang
ang kaluluwa ko’t buhay
Diyos na walang kapantay,
na pinanganganinuhan
ng buong Sangkalangitan.


Tunghan niyang iyong mata
ang Inang nangungulila
ngayo’y tinitingala ka,
at ang buong panininata
sa puso’y hindi magbawa.


Tanggapin mo di man dapat
bunso yaring aking habag
dati mong natatalastas
ang pag-irog at pagliyag
ng Ina mong naghihirap.


Madla pa at di maisip
ang sa Birheng pananangis
aling matigas na dibdib,
ang di mahabag mahapis
sa gayong pagkakasakit?


Na ang winika ni Hesus
Mulier, Ecce ilius tuus
babaing timtimang loob,
iyang anak mo ay kupkop
para akong ‘yong inirog.


Lumingon at nag-wika na
kay Huan Ebanghelista
wika’y Ecce Mater tua,
iyan ang siya mong Ina
huwag ipagpalamara.


Siya’y iyong iingatan
huwag mong pababayaan
suyuin mo gabi’t araw,
ito ang mana mo lamang
sa akin ngayong pagpanaw.


Hirap ay lubos na lubos
nitong Poong Mananakop
dumating sa Amang Diyos,
na ang winikang tibobos:
Deus meus, Deus meus.


Ut quid ay ang sabi
dereliquisti me, Elli
Elli, lamna sabacthani?
kung sa katuwirang sabi
kahulugan ay gayari:


Kahulugan ay iisa
nitong wikang dinadalawa
nang mga Evanghelista
Diyos ko, Diyos ko! Aniya
ako po’y nilimot mo na.


Marunong ka’t mapag-ibig
sa alipin mong bulisik
ano’t sa Anak mong ibig,
di mabalino’t mahapis
awa mo’y inililingid?


Ano’y ng maipangusap
yaong wikang ikaapat
ni Hesus na naghihirap,
ang madla roong kaharap
nagsitawa’t humalakhak.


Mana’y tumawag anila
kay Elias na Propeta
di na yata nakabata,
sa hirap at madlang dusa
sa kaniyang pagkaparipa.

Ano pa’t pawang paguyam
nila’t kapalibhasaan
sa Poong nahihirapan
dito ng nga kapagkuwan
nagdilim ang Sangtinakpan.

Mula sa oras na Sexta
magpahangga ngang sa Nona
tao’y di nagkakilala,
yaong hudyong lahat
natakot sila’t nangamba.

Lubos nganing tatlong oras
na di nagkitang liwanag
nagdilim na dili hamak,
ito ay pakitang habag
ng Ama sa sintang Anak.

Ng mapawi na’t maparam
yaong himalang natingnan
si Kristo’y muling nagsaysay,
Sitio ang siyang tinuran
ako anya’y nauuhaw.

Sino man ang umiibig
sa akin at nahahapis
dinggin yaing aking sulit,
ako ay bigyan nang tubig
uhaw ko’y upang mapatid.

Ano ay nang mapakinggan
niyong mga tampalasan
ay sa laking kapusungan,
kinuha nila pagkuwan
suka’t apdong nalalaan.

Binasa kapagkaraka
pangsugiging laan nila
sa tikin inilagay na,
at sinalisol kapagdaka
sa bibig ng Poong naghihirap.

Kahima’t lubhang masaklap
yaong sukang iginawad
ang kan San Huang pahayag,
sa manamnama’y tinanggap
nitong Poong naghihirap.

Laking sakit at dalita
hirap na walang kamukha
niyong makainom na nga
ay nangusap alipala:
Consummatum est ang wika.

Tumangis na kapagkuwan
luha sa mata’y bumukal
sa Ama ay inialay,
ang kaluluwa at buhay
ito ang siyang tinuran:

Pater ang wika ni Kristo
in manus tuas commendo
spiritum meum ito,
wikang sukat ipanglumo
kung isiping totoo.

Oh Diyos ko’t aking Ama
Diyos na mulang ginhawa
yaring aking kaluluwa,
ikaw po ang bahala na
magtanggol at magkalara.

Ay ano’y ng mailagda
ni Hesus ang gayong wika
naghingalo alipala,
itinungo na ang mukha
pagkamatay na mistula.

Pumanaw kapagkaraka
mahal niyang kaluluwa
ay aba tao ay aba,
tingni ang luha sa mata
nang nahahabag mong Ina?

Dito na nga ay naganap
yaong tanang propesias
ng mga Santos Propetas,
hula nilang isinulat
na daratnin ng Mesias.

Pagkamatay nga ni Kristo
nanglumo ang buong mundo
tabing sa loob ng templo,
na takip ng testamento
nagsisi’t nabuksan ito.

Bato’y nangagkauntugan
nanginig ang Sangtinakpan
marami nama’t makapal,
mga taong nangabuhay
na lumabas sa baunan.
Nasabay napakisama
sa kay Kristong pagdurusa
nahayag at napakita,
ang mga katawan nila
sa Herusalem na sadya.

Lindol ay di mapatantan
bundok ay halos mahapay
tantong hindi mapalagay,
lakas na di ano lamang
ang pag-ugoy at paggalaw.

Ito ang siyang mula
niyong kaguluhang pawa
ang panaho’y nalumbay nga,
pagkamatay na mistula
ng Panginoong Maygawa.

Araw, buwan at bituin
mga astrong maniningning
para-parang nakulimlim,
at naging kuyap na itim
ang maputing panginorin.

Ang dilang bagay sa mundo
sampung apat na elemento
para-parang nangagulo
at nangag-ibang totoo
sa lagay nila’t estado.

Ano pa’t ang dilang bagay
sa lupa’t Sangkalangitan,
kanilang ikinalumbay
nangahapis at nagdamdam
sa Diyos na pagkamatay.

Ang tao pa kaya baga
may karamdama’t potensia
ay ang hindi mabalisa,
loob magbangong dali na
manangis at mahapis ka.

At iyo ring ikalumbay
ngayon at ipanambitan
ang sakit at kahirapan
dugo, sampung pagkamatay
nitong Diyos na maalam.

Kung ang bato ay bato na
nahabag at nabalisa
ay aba tao ay aba,
ikaw nga ang siyang lilo,
ano at hindi mangamba?

Ilag, ilag kapatid ko
sa mga gawang di toto
mahapis ka na ng totoo,
sa pagkamatay na ito
nang Poong si Hesukristo.

At kung di mo iilagan
sala mo’t dilang kasamaan
ano ang iyong pagdamay
nasaan ang iyong lumbay
dito sa Poong Maykapal?

Tantong lubos na totoo
pag-ibig niya sa tao
walang puso’t walang apdo
ikaw ay may kaluluwa
sa may sinta ng ganito.

Ano at hindi umiyak
puso mong sakdal ng tigas
kung ang elementong apat,
nangahapis nangahabag
dito sa Poong Mesias?

Oh taong may kaluluwa
tantong nagkakamali ka
di mo inaala-ala
ang kamatayan at dusa
nang ikalawang Persona.

Bakit Diyos na maalam
lubhang kalinis-linisan
nagmukha kang hamak lamang,
sa pagtubos at paghadlang
ng madla mong kasalanan.


0 comments: