Thursday, March 12, 2009

PASYONG MAHAL - -ANG PAGPAPADAMA NG ATING PANGINOONG HESUKRISTON SA KANIYANG SUGAT KAY SANTO TOMAS

Ang pagpapadama ng ating
Panginoong Hesukristo sa
Kanyang sugat kay Santo Tomas

Sa gayon pagkakapisan
ng Apostoles na tanan
ay si Santo Tomas lamang,
siyang dili nakamalay
sa Maestro ngang nabuhay.

Ano’y ng siya’y makita
ng ibang mga kasama
pinamalitaan siya,
si Hesus anila’y buhay na
at aming nakausap pa.

Ang Kay Tomas na tinuran
di ko paniniwalaan
hanggang di ko nititignan,
mahipo niyaring kamay
ang sugat sa tagiliran.

Kung sa inyong mga wika
sa aki’t pamamalita
ako’y di maniniwala,
hanggang di ko madama nga
yaong sugat niyang madla.

Ay ano’y kaalam-alam
ng malibang ilang araw
nuli silang nagkapisan
si Tomas ay kapanayam
doon sa gitna ng bahay.

Ang mga pintong lahat na
nasasarhang parapara
mana nga’y kaginsa-ginsa,
na sa gitna naman nila
si Hesus ay nagpakita.

Nangusap na malubay
ito ang siyang tinuran:
aniya’y ang kahusayan
at buong kapayapaan
ang sumainyong katawan.

Tomas ngayo’y dumulog ka
tingni ang kamay ko’t paa
ang dibdib ko’y damhin mo pa
at nang inyong makilala
na ako nga’y nabuhay na.


Nang makita nga ni Tomas
sumampalatayang agad
ay nanikluhod na kagyat,
at saka siya nangusap
Diyos ko’t Poong marilag.

Ani Hesus sa kaniya
Tomas ay nakita mo na
ako at maniwala ka,
palad nang di nakakita
sa aki’y sumampalataya.


Dito sa balat ng mundo
ang sumampalatayang sino at
maniwalanang totoo,
hindi man nakita ako
ay mapalad ani Kristo.

Nang ito ay maipangusap
ni Kristo at maipahayag
nails at nawalang kagyat
doon sa mata at harap
nang tanang mga alagad.


0 comments: