Tuesday, March 10, 2009

PASYONG MAHAL -ANG PAGDALAW NG TATLONG MARIA SA LIBINGAN NG ATING HESUKRISTO

Ang pagdalaw ng Tatlong Maria
sa Libingan ng ating
Panginoong Hesukristo

Ang Ina’y kaya nilisan
ni Hesus at pinanawan
aaliwin niya naman,
ang madlang kapighatian
ng kaniyang mga kawal.

Ang tatlo namang Maria
ng Dominggong madilim pa
nagsigayak kapagdaka,
at dadalawing talaga
si Hesus na Poong Ama.

Nagsilakad kapagkuwan
niyong ding madaling araw
ang dala nila at taglay,
walis insienso’t kamanyang
na isusuob sa bangkay.

Doon naman sa paglakad
habang doo’y nag-uusap
yaong tatlong mapapalad,
sino anilang bubuhat
ng batong lubhang mabigat?

Nguni’t sa sintang dakila
nila sa Poong Bathala
yao’y niwalang bahala,
at totoong nanaig nga
ang pag-ibig na mistula.

Sila’y nagmamadali man
niyong kanilang paghakbang
nasikatan din ang araw,
nang dumating sa baunan
bukas na yaong libingan.

Nang ito ngani’y makita
ni Maria Magdalena
ang lumbay ay sabihin pa
umalis at iniwan na
dalawa niyang kasama.

Sinabi’t ipinagsulit
sa nakitang Apostoles
anitong santang mabait,
ay nabuksan na ang takip
niyong libingang marikit.

Yaong ibang mga banal
babaing nangagsidalaw
di nakaimik munti man,
paraparang natilihan
si Hesus ng di matingnan.

Nang makita ng dalawa
isang Anghel na maganda
dikit na walang kapara,
ay nangusap sa kanila
gayari ang wika niya:

Kayo’y huwag mangatakot
nnitong Anghel nang Diyos
batid ko na’t natatalos,
ang hanap ninyo’y si Hesus
yaong pinatay sa Krus.

Kaya ngayon ang wika ko
wala na’t nalis rito
at nabuhay ngang totoo,
yaong hinahanap ninyo
na si Hesus Nasareno.

Muwi na kayo sa bayan
agad ninyong pagsabihan
ang kaniyang mga kawal
sa Galilea paroonan,
doon ninyo matitingnan.

Lalo na iyong si Pedro
ang nagpaunang totoo
sa Galilea tumungo,
sapagka’t pangako ito
nasa maalam na maestro.

Nuwi na’t pasa bayan
ang mga babaing ilan
wala nang ibang usapan,
kundi yaong pagkabuhay
nitong Diyos na maalam.

Sa baya’y agad nakita
si Pedro ni Magdalena
si San Juan ay kasama,
binati kapagkaraka
nitong babaing maganda.

Wala na, mga katoto
bangkay ng abang Maestro
sa libingan galing ako,
at nang maniwala kayo
halina at aba tayo.

Lumakad at nabigla na
si Maria Magdalena
si Pedro nama’y kasama,
si San Huan Ebanghelista
sa libing nagtungo sila.

Sa libingan ay pumasok
ang dalawang disipulos
doo’y wala na si Hesus,
at nakitang nababalot
yaong sabanas o kumot.

Sa kabila’y ang sudario
na itinakip sa ulo
doon na nga pinagsino
na ang bangkay ng kordero
ay kinuha nang hudyo.

Salawaha’t saligut-got
ang sa taong mga loob
bago’y ang wika ni Hesus
tatlong araw kung matapos
mabubuhay na tibobos.

Di na nila inisap man
ang kay Hesus na tinuran
kahima’t siya’y namatay,
mag-uuling mabubuhay
ang mahal niyang katawan.

Lumbay na di mamagkano
ni San Hua’t ni San Pedro
sa bayan ay napatungo,
laking bahag sa Maestro
loob ay sisikdu-sikdo.


0 comments: