Wednesday, March 11, 2009

PASYONG MAHAL - -ANG PAGTATANONG NI MAGDALENA SA ATING PANGINOONG HESUKISTO NA AKALA'Y ISANG HORTELANO

Ang pagtatanong ni Magdalena sa ating Panginoong Hesukristo na akala’y isang Hortelano

Nguni at si Magdalena
sa libingan ay tumira
pumasok, tiningnan niya,
si Hesus ay di nakita
luha’y baha ang kapara.

Sa pagtangis at pag-uwang
ni Magdalenang may lumbay
at siya nga’y nilapitan,
ng isang Anghel na mahal
binati’t pinangusapan.

Anang Angel sa kaniya
babae ay bakit baga
ngayon ay tumatangis ka,
at di isa man magbawa
ang pighati mo’t balisa.

Ang itinugon na lamang
ni Magdalenang timtiman
ano’t di ko ikalumbay
ang Poong ko’y pinagnakaw
at kung saan inilagay?

Halos di natatapos pa
ang sabi ni Magdalena
lumingon ay may nakita,
isang tao na nagbadya
at nangusap sa kaniya.

Anitong taong nangusap
babaing lubhang mapalad
ano’t ikaw’y umiiyak
sinong iyong hinahanap
gayon na ang iyong sindak?

At hindi nga napagsino
ni Magdalena si Kristo
ang isip niyang totoo,
ay ang kausap na tao
doo’y isang hortelano.

Nangusap si Magdalena
maginoo po aniya
kung ikaw po ang kumuha
sa Poon ko’t aking sinta
sa akin po’y ipakita.

Sagot ni Hesus ay ito:
Maria ako ay tingnan mo
ako ang hinahanap mo,
dito na nga napagsino
ang Poong si Hesukristo.

Ang puso ni Magdalena
dito na nga naligaya
Maestro ko po aniya,
sa aki’y pahagkan mo na
ang mahal mong nga paa.

Nguni’t hindi tinutulan
nitong Maestrong maalam
na ang paa niya’y hagkan
para niyong unang araw
nang di siya namamatay.

Huwag mong hagkan aniya
ang paa ko Magdalena
at di ako nanakyat pa,
sa Diyos ko’t Poong Ama
puno ng tuwa’t ginhawa.

Hayo na’t ikaw’y manaw
at iyong pamalitaan
ang Apostoles kong tanan,
ako’y sabihing nabuhay
at iyong kasalitaan.

Nawala kapagkaraka
si Hesus ay di nakita
nalis naman si Magdalena,
halos lumuha ang mata
nang tuwa’t pagkaligaya.

Nang dumating na sa bayan
namalita kapagkuwan
sa Apostoles na tanan
at ang babaing ilan
na kaniyang kaibigan.

Ang dalawang disipulos
napatungo sa Emaus
nag-uusap na tibobos,
doon naman ay si Hesus
nakisabay nakisunod.

At nangusap na marahan
aniya’y kung anong bagay
ang inyong mga usapan
bakit kayo’y nalulumbay
dito sa gitna ng daan?

Sumagot nama’t nangusap
disipulong si Kleopas
at di mo natatalastas?
ako ang nanggigilalas
ng kababalaghang lahat!

Ano yaon? Ani Hesus
si Kleopas ay sumagot
di mo baga natatalos
na iyong anak ng Diyos
ay pinatay ng hudyos?

Yaong Propetang mabait
laki sa bayang Nazareth
ito nga’y siyang piniit,
kusang binigyang sakit
nang hudyong malulupit.

Nang siya’y nabubuhay
ipinangakong matibay,
kahima’t siay’y mamatay
mag-uli ring mabubuhay
sa loob ng tatlong araw.

Saka ngayon ay ganap na
araw na tadhana niya
wala pang mapagkilala,
sa pangako niyang una
kaya kami’y nagtataka!

Ang tugon ni Hesukristo
oh mga mangmang na tao
dupok niyang loob ninyo
di maniwalang totoo
sa mga propetang Santo.

Kung kahiman at nawala
ang langit sampu ng lupa
nguni’t hindi masisira,
at hindi magkakabula
sa Diyos na mga wika.

Sa gayong pag-uusapan
natapat na nga sa bahay
na kanilang tutuluyan,
si Hesus kunwa naman
magpapatuloy sa raan.

Piniging kapagkaraka
ng dalawang magkasama
sapagkat nagabihan na
pumayag din at tumira
si Hesus nga sa kanila.

Nagsidulog nga sa dulang
silang tatlo’y nag-agapay
agad ngang hinawakan
ni Hesus yaong tinapay
kaniyang binindisyonan.

Ay ano’y ng mabendita
piniraso kapagdaka
iginawad sa kanila,
niyong lamang nakilala
si Hesus niyong dalawa.

Nawala na nga’t naparam
na di nila namalayan
doon nangagiklahanan,
sila ay nangapamaang
nitong himalang natingnan.

Si Hesus yaon anila
hindi natin nakilala
habang daa’y kasama pa,
at kausap natin siya
hanggang sa bahay nanhik pa.

Agad na ngang nagtindigan
ang paghapon ay iniwan
nagbalik na pasa bayan,
pawang pinamalitaan
ang Apostoles na tanan.

Amin anilang nakita
ang Maestro nati’t Ama
na totoong nabuhay na,
aming nakausap siya
at tuloy nakasalo pa.

Sa gayong pag-uusapan
ay kaginsa-ginsa naman
ang pintong nasasarhan,
si Hesus ay kapagkuwan
pumasok na nagtuluyan.

Binati kapagkaraka
ni Hesus silang lahat na
ay aniya mga oya,
ang bati ng Poong Ama
sumainyong kaluluwa.

Kayo ay huwag matakot
mga katoto ko’t irog
ako nga yaong si Hesus
nguni’t nangawalang loob
ang lahat nang disipulos.

Muli na namang nagsaysay
itong Maestrong maalam
ano’t kayo’y namamaang,
pawang nahihintakutan
anong inyong kaisipan?

Ngayon ay tingni aniya
ang kamay at sampung paa
at ng inyong makilala,
na ako nga’t dili iba
ang Maestrong nakasama.

Ngunit at nangapamaang
sila at nangatiglihan
binati sila pagkuwan,
kung kayo’y mayroon diyan
ating sukat mahapunan.

Ang sagot nga ni San Pedro
mayroon po Maestro ko
kung gayon anitong Berbo
hayo na’t ihanda ninyo
ngayon sa oras na ito.

Agad na ngang hinainan
nang isda’t isang tinapay
at konting pulot-pukyutan,
humapon na kapagkuwan
itong Maestrong maalam.

Nang makakaing matapos
sa kanila’y iniabot
ang nalabi pa’y sinimot,
saka nangusap si Hesus
sa mga katoto’t irog.

Mga giliw ko aniya
irog ko’t mga kasama
ngayon ngani’y nasunod na,
lahat kong pinagbadya
nang panahong una-una.

Katampatan nang matupad
kay Moises ng mga atas
hula ng mga Propetas
at sa Salmos nasusulat
daratnin kong mga hirap.

Sapagka’t talagang utos
nang Ama ko’t Poong Diyos
naganap na at natapos
at nasunod ng tibobos
ang pagkalara’t pagsakop.

Sa hinipan ni Kristo
mukha na mga katoto
at ang winika’y ganito:
ngayon at tanggapin ninyo
yaong Espiritu Santo.

Sino mang inyong kalagan
sa tali ng kasalanan
dito sa mundong ibabaw
ay kakalagan ko naman
doon sa Langit na bayan.

Ang di magsising totoo
at hindi kalagan ninyo
sa sala rito sa mundo,
di naman kakalagan ko
sa kalangitang Imperio.

Nang ito’y maipangusap
ni Hesus nawa’t sukat
at ang linisang alagad,
paraparang nanggigilas
katuwaa’y dili hamak.

0 comments: