Ang pagbabangon ng mahal
na Santa Krus
Ay ano’y sa mairaos
ang pagpapako kay Hesus
ay ang mga lilong loob,
ibinangon na ang Krus
at kanilang itinulos.
Sila ay may laang hukay
kanilang patitirikan
ang Krus ay iniuumang,
at kinadyot kapagkuwan
saka biglang binitiwan.
Ano pa’t si Hesukristo
naghirap nagpanibago
ang kanyang tanang buto
nayugyog nganing totoo
nagkakaslut-kaslot dito.
Saka pinakuan naman
ang dalawang magnanakaw
ano pa’t pinag-itanan
sa kaliwa at sa kanan
anaki’y makasalanan.
Dito na ngani natupad
ang luha ni Isaas
na itong Poong Mesias
iwawangkit itutulad
sa dalawang taong uslak.
Et cum iniquis reputatus est.
S.L.C. 22.
Dito na nga nalubhaan
nang hirap at kasakitan
tumingala kapagkuwan
sa Diyos Amang maalam
ito ang siyang tinuran:
Peter dimitte illis, non enim
Sciunt quid faciunt.
Ama kong Diyos na giliw
ang hingi ko po at hiling
ay iyo pong patawarin,
ang lahat ng taong taksil
na nangagpako sa akin.
Di nila namamalayan
itong kanilang inasal
walang loob kamunti man
magdalita ka po naman
sila’y huwag pag-isipan.
Nang ito’y maipangusap
araw ay tanghaling tapat
pawang nagsipanggilalas
dito sa ipinahayag
na paghingi niyang tawad.
Anila’y ano’t tiniis
yaong masinta’t maibig
mapagpagaling sa sakit,
at aliw nang tumatangis
ginhawa sa madlang hapis.
At yaong ministrong apat
na nagparipang nangahas
ay ang damit ng Mesias,
na sa katawa’y hinubad
pinagbahaging nagkaapat.
At yaong isang tunika
panakip sa balat niya
na wala nganing kostura,
habi nang kaniyang Ina
bukod yao’y alintana.
Di kinibo di inano
nang mga lilong hudyo
kung hatiin sayang kono
ay pinagsugalan dito
dalhing buo ng manalo.
Kaya nga pinagsugalan
yaong tunikang marangal
ang may palad na sino man
siyang mag-ari’t magtangan
at huwag nang pagtalunan.
Ani San Juang sumulat
alin man ang magkapalad
yao’y siyang mag-iingat
lahat nama’y nagsitanggap
nang nayari nilang usap.
Nagkatotoo ang sulit
niyong Propetang si David
dito’y kamukha’t kawangis
iyong sa unang inawit
ng pagbubukdin ang damit.
Diviserunt sibi vestimenta
mea, Et super vestem meam
miserunt sortem..
Psalm, 21 v.19
Ay nang matapos ito
lumuklok ang mga lilo
na balutiang soldado
tumatanod na totoo
sa pinakuang Kordero.
Ang Ebanghelistang apat
ang nagsaysay nagpahayag,
na si Pilato’y nagdagdag,
sa Krus nitong Mesias
nag isant rotulong sulat.
Ang unang sulat ay ….I
ang pangalawa ay …………..N
ang ikatlo nama’y ………..R
ang ikapat ay …………………..I
kahulugan ay ganiri:
Ang unang I ay Jesus
at ang
R nama’y Rex na lubos
ang I sa huli’t buntot
ay Judaeorum na puspos.
Ang mga nagwika nito
ay tatlong lahi sa mundo
Hebreo, Griego’t Latino,
kung pagnuynuying totoo
ang kahuluga’y ganito:
Kung tatagaluging lubos
ang wikang ito’y talos
ito anilang si Hesus,
pagkatao’y Nazarenos
Hari ng mga hudyos.
Ito’y kaya utos naman
ni Pilatong punong bayan
rotulong ipinalagay,
ay pag-ayop niyang tunay
sa hudyong karamihan.
Nang Makita ang rotulo
na parikit ni Pilato
sa ulunan nga ni Kristo,
ang tanang mga hudyo
alipala’y nagkagulo.
Agad silang nagsilakad
at kay Pilato’y humarap
anila ay hindi dapat,
balatong po iyong sulat
na inyong ipinaragdag.
At kaya kami’y nagpilit
na naparito’t lumapit
nang inyo pong ipaalis,
rotulong lihis na lihis
ang palama’y di matuwid.
Ang kay Pilatong pasiya
wikang sagot sa kanila:
di ko na mababago pa,
nasulat ay nasulat na
wala nang pagkakaiba.
At bagaman katuwiran
ang inyong pag-aapelar
ay di ko ipagagalaw,
hayo na at kayo’y manaw
at diko nga pakikinggan.
Nalis na ang mga lilo
galit ay di mamagkano
upasala’y mago’t mago
sa hukom na si Pilato
nang di paayong totoo.
Doon sa pagkabayubay
ni Kristong nahihirapan
ay ang mga tampalasan,
pagmura ay walang humpay
ngusuan nama’t labian.
Ang wika nilang pag-ayop
na kung Hari kang tibobos
tunay na Anak ni Diyos
magkalag ka at maghugos
nang pagkapako sa Krus.
Kung ito’y iyong magawa
kami ay maniniwala
ano pa at tinutuya,
ay aniya’y solopika
ano’t di ka magka-wala.
Di ba ikaw ang nagsaysay
mag-wawalat ng Simbahan
at kung masira mo naman,
yayariin mo ring tunay
sa loob ng tatlong araw.
Ang katawan mo pang lilo
kaya ang di iligtas mo
kung di mo magawa ito,
sinungaling kang totoo
hunghang malupit na tao.
Ano pa’t hindi maisip
pag-uroy nang malulupit
walang sawa nang paglait,
ibinubunto ang galit
sa Poong kaibig-ibig.
At kaya ipinagitna
nila ang Poong dakila
sa dalawang makuhila,
yaon daw pagpalibhasa
at lubos nilang pagkutya.
Na ang balang makakita
si Hesus doon ipara
gayon ang taguri nila
kamukha rin at kapara
nang dalawang palamara.
Sa dalawang mga lilo
ang sa kanan ay natuto
na binabanal si Kristo
aniya’y banal na tao
banayad at di magaso.
At ang kawikaan niya
kahima’t binigyan dusa
sa Krus ay patayin pa,
hindi taong palamara
at wala munti mang sala.
Kung kaya ginawa ito
kainggita’t pangimbulo
nang mga lilong hudyo
ng di panganlang si Kristo’y
Diyos at banal na tao.
Layo pa ng manalangin
at marinig yaong daing
ang nagpako’y patawarin
ginawa’y di nalilining
muli’t muli ang panimdim.
Na ang kaniyang winika
tantong ito ay Diyos nga
kaya’t maganda ang nasa,
sa nagpako’t nanganyaya
ang ganti ay pagpapala.
Mahanga’y ako’y dumaing
siya’y ating dalanginin
upang ako’y patawarin,
ng sala ko’t gawang linsil
yamang siya’y maawain.
A R A L
Ito ang titingnan nawa
nang matapang at gahasa
mapagtanim sa kapuwa,
di gumanti’t aayaw nga
mapanganlang siya’y dusta.
Hunghang ka’t walang tuto
mapagpalalong totoo
sa Panginoon mong ito,
bago’y malupit kang tao
walang halagang gaano.
Kung gayon ang iyong tika
tantong nagkakamali ka,
ang mababa ay maganda
siyang ikagi-ginhawa
may puri at may buhay pa.
At ano ang gayang damdam
sa taong mapagmatapang
dili ang kahahangganan,
pawang hirap, kasakitan,
ang munsing kung makaraan.
Pagpapahirap at sakit
hiya’t sising di mumuntik
at panganib nang panganib
lalu kung sala’y malupit
ang lahat ay umi-iit.
At huwag kang maglililo
sa iyong kapuwa tao
para ng hayop sa damo,
ngayon sa oras na ito
kamahala’y ayunan mo.
Sa iyo ay isinangkap
ang karamdama’t potensias
katawan mo ay malakas,
ng ibigin ka ng lahat
ano’t sa hayop tumulad?
Wala ka nang makabagay
bait mo ay magkatimbang
malaks ka ma’t matapang
lagna’t sakit bulinyanang
sa iyo’y makabubuwal.
ang iyong pagkapalalo
na walang kahalong biro,
para pang kahoy na tuyo
kapagkaraka’y magugupo.
Kung mamamatay ka na nga
mangayupapa’t manglata
sa aba mo ngang sa aba!
malakas ka ma’t balita
daig ka nang mahihina.
Itong kapangahasan mo
kainggitang walang tuto
tuwina’y sa pagtatalo
para kang hayop na gago
sa apoy ka isusugbo.
Ang gawin mong katampatan
ang loob na kababaan
na malinis at mahusay,
huwag kang palatungayaw
sa Diyos na alang-alang.
Hindi at ang maisip mo
kung ikaw’y makipagtalo
baka pintasan ka aniya,
maturing duwag na tao
palamara’t walang apdo.
Tuwi na’y ang ginagawa
maghapong gagala-gala
balang makita sa lupa,
magkakamit upasala
sa matatabil mong dila.
Lahat ay nasasaliksik
niyang palalo mong bait
ang iba’t munting malingid,
dumi nila’y nababatid
bago’y ikaw ang marungis.
Ang madla’y nawiwikaan
at pagbubulung-bulungan
sa lihim nilang anuman,
kung magsulit at magtimbang
ikaw ang lalong mahalay.
Ang lahat ay nakakatha
dunong na magwika-wika
walang hindi upasala,
ang munting magkabihira
iyong ipinanglulura.
Maghinahon na’t maglubag
loob nating matataas
tayo’y tumulad ka Dimas,
miminsang siya’y tumawag
ay nagkamit nang patawad.
Kristiano’y samantalahin
itong panahong magaling
at yamana naghihintay rin,
si Hesus na Poon natin
at tayo’y kakatotohin.
0 comments:
Post a Comment