Saturday, February 28, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGHALILI NI SIMON SIRINEO

VIERNES SANTO

Ang paghalili ni Simon Sirineo


Ang sa eskriturang saysay;
may isang lalaki naman
na taga Sireneng bayan,
na kanilang inupahan
pinahaliling pumasan.

Ito nganing taong ito
ay si Simeon Sireneo
ay siyang amang totoo,
ni Alejandro’t ni Rufo
na disipulos ni Kristo.

Ang kay Simong pagdadala
kahit hindi nalaon siya
munti ring igininhawa,
ni Hesus na Poong Ama
sa malaking hirap niya.

At ano nga’y bitiwan
ni Sireneo ang pasan
si Kristo’y siyang nagtagal
ang paa’y di maihakbang
katawa’y bubuwal-buwal.

Binata na ngang totoo
nitong maamong Kordero
ang Krus ay dala’t pangko
kanilang ipinatungo
sa bundok nga ng Kalbario.

Anang pantas at bihasa
itong Kalbario’y di iba
ng panahon una-uan,
siyang tinatawag nila
na bundok nga ng Moria.

Piniling sinalungahan
nang Patriarka Abraham
doon niya inialay,
nang kaniyang papugutan
dugo ni Isaac at buhay.

Kawangis nga at katulad
ni Hesus yaong si Isaac
sa Kalbario ng umakyat,
pasan-pasan sa balikat
yaong Krus na mabigat.


PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG IKATLONG PAGKASUBASOB NI HESUKRISTONG PANGINOON NATIN SA KABIGATAN NG KRUS NA PINAPASAN

Ang ikatlong pagkasubasob ni
Hesukristong Panginoon natin
sa kabigatan ng Krus na pinapasan

At ikatlo ngani ito
pagkarapa ni Kristo
katawan ay nanglulumo,
nanginginig na totoo
litid sampung mga buto.

Sa lupa’y napasubasob
ang mukhang mahal ni Hesus
nahasa na at nakuskos
sa malaking pagkapagod
gutom at madlnag dayukdok.

Ang tuhod niya at kamay
ang nangalimbag na tunay
at pawang nangalarawan,
sa batong kinaluhuran
at sa kinapaniinan.

Sa mga sabing maganda
talastas ang pagbabadya
nguni ng una’t ngayon pa,
naroo’t di nag-iiba
sa bato ay nakikita.

Ang katawan ma’y malakas
nitong Poong mabanayad
sa pagod at laking hirap,
di man niya mailakad
yaong Krus na mabigat.

At kumg ihakbang ang paa
doon sa pananalunga
bulinyanang nahihila,
pawang nangamamanhid pa
ang buong katawan niya.

Bangkay na manding totoo
ang lagay nitong Kordero
sino kaya’t aling tao,
ngayon ang hindi manglumo
sa mga bagay na ito?

Doon sa mga paglakad
niyong mahal na Mesias
ay sa sariling hinagap,
habang daa’y inoolak
hinanakit niyang wagas.

Na ang kanyang sinabi
Popule responde mihi
bayan ko ako’y tuguni,
anong sala kong malaki
ako’y iyong ginayari?

Ano bagang kataksilan
gawa kong iyong natingnan
at ganito ang inasal
lahat ninyong kagalitan
sa akin ay ibinabaw?

Oh bayan kong walang loob?
bakit mo ako iginapos
hinampas ng walang taros,
at anong gawa kong buktot
ganito na ang pag-ayop.

Bakit mo ako tinampal
Krus ay ipinapasan
sinuntok at sinikaran
minura mong walang humpay
at di pinakundanganan?

Sa iyong pagkaduhagi
huwag kang mag-asal bingi
tugon yaring aking sabi,
aniya’y Quid feci tibi
Popule, responde mihi?

Bayan ko’y tugunin
anong nagawa kong linsil
na hindi mo minagaling,
ganito na ang pag-iring
at pagmura mo sa akin.

Ano ang isasagot mo
sa gayong tanong ni Kristo
na nagtiis na totoo,
ng makamtan mo’t matamo
ang tuwa sa Paraiso.

Nguni’t ikaw na masama
mapaglilo t kuhila
sa gaanong pagpapala
ni Hesus Haring dakila
ang ganti mo ay dalita.

Iyo nang ikabalisa
ipagpighati tuwi na
pagpapasan, pagdadala,
na di maangat ang paa
doon sa pananalunga.

Naghihirap na totoo
ang Poong Dibino Berbo
pagod na di mamagkano
at malayo pa nga rito
yaong bundok ng Kalbario.

Ang sacroleong mahaba
di di maangat sa lupa
nahahirap pang lubha,
pagmura’t ginagahasa
niyong mga alitikya.

Friday, February 27, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGLABAS SA PINTONG HUDISIARIA NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO

Ang paglabas sa pinto ng
Hudisiaria ng ating
Panginoong Hesukristo

Inilakad na si Kristo
niyong mga pariseo
na halos itinatakbo,
sino kaya’t aling tao
ang di mahapis manglumo?

Nang si Hesus ilabas na
sa pinto ng Hudisiaria
ay alas onse ang ora
ang Krus nga’y dala-dala
sa lupa ay hinihila.

Ano pa’t ng pagkalagay
niyong pintong nilabasan
ay nasa gawing kanluran
at sa dakong Silanganan
Golgotang Sasalungahan.

Laking sakit, laking dusa
laking hirap ang binata
di na mabuhat ang paa,
sa bundok sumasalunga
inaayop minumura.

Lalo pang nakagugulat
tambor, trompeta’t pakapak
ingay na nagtitimpalak
sigaw na lubhang malakas
ng ministrong nagtatawag.

Katawan ay nanghihina
ng Mesias na dakila
sa bigat na di kawasa,
iginagapang sa lupa
yaong Krus na mahaba.

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGPAPAHID NI BERONIKA SA MAHAL NA MUKHA NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO

Ang pagpahid ni Beronika sa
mahal na mukha ng ating
Panginoong Hesukristo

Alin mang sandata dito
di lubhang nakaaano
ang kamatayang totoo,
siyang pupuksa sa tao.
Papa, Hari ma’t ginoo.

Yaong mag-inang sing-ibig
lipos nang dalita’t sakit
halos di pa naniniig,
mata nila sa pagtitig
agad nagkalayong pilit.

Dali-daling pinalakad
niyong mga mararahas
bago’y lubhang naghihirap,
nangangalay ang balikat
ipinagtulakang agad.

Ay ano’y sa masakitan
ang mahal niyang katawan
nasubasob at nasungabang,
ang mukha’y naaagusan
ng pawis at dugong tunay.

Di ko na lubhang habaan
ang bahala na ay ikaw
mag-isip ng dilang bagay
kaluluwa’y isa lamang
kung masira’y pasasaan.

Laking hirap, laking sakit
pagod na hindi maisip
ang katawa’y nangininig
nagsipangurong ang litid
nitong Diyos na marikit.


Walang maipahid naman
sa mukhang nadidiliman
anong laking kahirapan
ang puspos sa kayamanan
walang mapulong basahan.

Kapagkaraka’y ugali
ni Beronikang may budhi
niyong bata pa mang munti,
at kung may paawa ngani
lilimusang dali-dali.

Di nabata’t di natiis
naawa siya’t nahapis
ng makita at masilip,
ang mukhang tigib ng sakit
ng dugo at madlang pawis.

Ipinahid kapagdaka
birang niyang dala-dala
loob ay kakaba-kaba,
bubunto-buntong hininga
hapis na walang kapara.

Sa laking kapangyarihan
nitong Diyos na maalam
himalang sukat pagtakhan,
mukha niya’y nalarawan
sa ipinahid na birang.

Natitiklop na talastas
yaong birang ba mapalad
sa gilid, likod at harap
kung ilaylay at iladlad
tatlong mukha’y nahahayag.

Ano pa’t hindi maisip
at di matarok nang bait
himalang gawa ng Langit,
sa birang na ipinahid
ni Beronikang may hapis.

Ay ano’y sa mapahiran
ang mukhang nadiliman
ay agad nang humiwalay,
ang masintahi’t maalam
puso ay halos matunaw.


Thursday, February 26, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGKASALUBONG NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO SA MGA BABAE NA ANG MGA MATA'Y LUMULUHA

Ang pagkasalubong ng ating
Panginoong Hesukristo sa mga
babae na ang mga mata’y lumuluha

Doon naman sa lansangan
may nakita siyang ilan
babaing luha-luhaan,
na pawang nangalulumbay
siya ang tinatangisan.

Di nabata’t nangusap din
si Hesus na poon natin
ay aniya mga giliw
sa puso ninyo’y itanima
yaring hirap na narating.

Bagkus ang tangisan ninyo
anak sampung mga apo
ang hirap na tiniis ko,
may oras na paririto
sasabihin ko sa inyo.

Lalong kapalad-palaran
di maipaglihing tunay
ng babaing sino pa man
at hindi matitingnan
hirap na kasasapitan.

At darating ang balita
pagkamatay kong masama
pawang tangis, pawang luha,
at mahanga’y huwag na nga
na nangabuhay sa lupa.

Ibig pa at nasa naman
ang sila’y mangatabunan
sa lupa at kabundukan,
ng di mapanood lamang
hirap na kasasapitan.

Ang idinugtong pa rito
na talinghaga ni Kristo
sukat isiping totoo,
nino mang may budhing tao
ang palaman ay ganito:

Kung ang kahoy na sariwa
namumunga ng sagana
pinuputol alipala,
sa tuyo at walang dagta
ano ang gagawin kaya?

Sa katuwirang totoo
ako’y walang salang tao
ang pamura ay ganito,
sa sukab at taong lilo
ang gagawin kaya’y ano?

Oh lubos na karunungan
nang Diyos na kalangitan!
oh labis nang kaawaan,
bibig na binubukalan
nang matatas na aral!

A R A L

Ikaw nanasang Kristiano
nang pasion ni Hesukristo
tumigil-tigil ka rito,
at magnilay kang totoo
sa sariling hinagap mo.

At ng iyong mapagnuynoy
ang pagkatuyo mo’t luoy
walang bunga’t walang dahon
kapagdaka’y mapuputol
at sa apoy magagatong.

Ito’y siyang wikain mo:
mag-isip ka nang totoo
kung may panimdim kang tao
maghinula ka na rito
sa talinghaga ni Kristo.

Ang Diyos ay banal na lubha
minura’t inalipusta
ay aba ikaw pa kaya
di ayupin alipala
gawa mo’y pawang masama!

Ang wikain mong maganda
oh budhi kong palamara
ngayon ay mag-isip ka na
ang loob mo ma’y nalanta
dilig-diligin mo tuwi na.

Luha ang siyang matuwid
na sa iyo idilig
na kung sakaling sumapit,
araw ng iyong pag-alis
ay may kitlin kang magamit.

Ang Langit at Sangsinukob
sa iyo nga’y napopoot
ibahin na ang iyong loob,
at nang huwag kang mahulog
sa balong katakut-takot.

Kung di mo ikabalisa
ang loob mo ay mag-iba
sa inyong gawang lahat na,
tunay na hindi sasala
sa impierno ka hahangga.

At kung duon ka mabulid
anong iyong masasapit?
pawang lumbay at pagtangis
dalitang hindi maisip
pagsisisi at hinagpis.

Di mo na mapagsaulan
ang maluwalhating bayan
doo’y walang katuwaan
na sukat ikatiwasay
ng kahit sumandali man.

At kundi rin mag-iba
loob mo at dilang sala
daratnan ng gayong dusa,
kaya ngayo’y magsisi ka
at tuloy magpenitensia.

Madla na ang nakita mo
na nangamatay na tao
bata, matanda’t ginoo
ikaw baga’y bukod dito
siyang lalagi sa mundo?

Nagkakamali kang tunay
matakot na at malumbay
pagdating ay walang malay,
lakas na di ano lamang
agad ka nang ibubuwal.


PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGSALUBONG KAY HESUKRISTO NG KANIYANG MAHAL NA INA NA ANG MGA MATA'Y LUMULUHA

VIERNES SANTO

Ang pagsalubong kay Hesukristo
ng Kaniyang mahal na Ina na ang
mga mata’y lumuluha

Oh Poong ko’t aking Ina
iyo kayang mababata
na di silayan nang mata,
Anak mong iisa-isa
sa ganitong pagdurusa.

Parang ito’y naririnig
ni Mariang Inang ibig,
kumakaba-kaba ang dibdib,
at nabalisang masakit
lumabas, di nakatiis.

At di man kinatakutan
baras ng mga sukaban
dinulog at pinalitan,
Anak na pinalalayaw
mata ay luha-luhaan.

Nahahabag tumatangis
ito ang ipinagsulit:
oh bunso kong sinta’t ibig
araw kong lubhang marikit!
oh Isaac na mapagtiis.

Oh bunsong minamahal ko
maganda kong bagong tao!
anong salang nagawa mo,
at ikaw ay ginaganito?
di ko mabatang totoo.

Iyang Krus na iyong pasan
bunso ay iyong bitiwan
at kita ay hahalinhan
ako kaya’y mabubuhay
sa lagay mo ngang iyan.

Aakuin kong lahat na
ako ang papapatay na
Poon ko’t ng mabuhay ka!
ano pang aking halaga
kung ikaw’y di na makita?

Anong aking pangyayari
ako’y tunay na babae?
hayo na’t sundin mo yari,
bunso ko at mangyayari
kung loobin mong sarili.

Nguni’t ang bahala’y ikaw
batid mo ang aking damdam
sampu nang karalitaan,
tunay ang mukha’y mahusay
dibdib ay puno ng lumbay.

Dili kita nililimot
nang panininta’t pag-irog,
hindi kulang kundi puspos,
nguni’t sa kaluluwa’s taos
dalita mong di matapos.

Mahapding di ano lamang
malaki ang kapaitan
kung makita ko’t matingnan,
bunso ang hirap mong iyan
ay aking ikamamatay.

Aling puso’t aling dibdib
Hesus ang di mahahapis
kaya ang lupa at Langit,
sa ganitong iyong sakit
nananaghoy tumatangis.

Oh bunso kong sinisinta
ngayon ay magdalita ka
iyang mabigat mong dala,
bitiwan at ang kukuha
ang nahahabag mong Ina!

Aking kayang matitiis
bunso’t di ko ikahapis
iyang hirap mo at sakit?
ngayon ay lalo kong ibig
yaring hininga’y mapatid.

At ng hindi ko makita
Hesus iyang pagdurusa
oh ilaw ng aking mata!
oh buhay nang kaluluwa!
Diyos kong walang kapara!

Ang tugon ni Hesukristo
sukat na Birheng Ina ko
pahid na iyang luha mo,
ang aking Amang totoo
magkakalinga sa iyo.

Di ko maitulot sa iyo
Ina ang hinihingi mo
na ako’y hahalinhan mo
at nang mabuhay nga ako
papapatay kang totoo.

Ina ay wala ngang daan
at aking inakong tunay
ang hirap sa pagkamatay
siyang tubos bili naman
nang sa taong kasalanan.

Poong ko’y magsauli ka
pawi na ang madlang dusa
mahirap ma’y anhin baga,
aking bagang iurong pa
marunog akong magbata.

Yamang ito’y kalooban
nang Diyos sa kalangitan
kahit kapait-paitan,
ay aking pagpipilitan
na inumin kapagkuwan.

Kaya Ina kong marikit
madlang luha mo ay pahid
ang iyong tinangis-tangis,
lalong nagbibigay sakit,
sa Anak mong iniibig.

Kalapati’y lumabas ka
sa luwal ni Noeng Arka
pagbalik ngayong dali na,
tubig lubhang malaki na
nitong pasion kong lahat na.

Di mo pa sukat maisip
bahag-hari’t arko iris
lakas ng sigaw at tubig,
ang anyong nakatatakip
sa ulap ng madlang sakit.

Anak ko, anitong Ina
minamahal ko tuwi na
animo’y huwag mabalisa
hapis ko ay itahan na
tantong dili ko mabata.

Akin kayang ikabubuhay
bunso ang hirap mong iyan
sinong Inang di malumbay
kung makita’t mapagmasdan
iyang mabigat mong pasan.

Ikaw nga Hesus kong giliw
loob na lubhang matining
ikaw ang sasalaminin
ng puso ko at panimdim
sa ano mang aking gawin.

Mahapdi’t lubhang masaklap
di ko man ikapangusap,
tinipid ko lamang lahat,
kahit siyang ikakawas
puso kong tigib ng hirap.

Kung ako’y iyong titigan
niyong mata mong malinaw
puso ko ay nasasaktan,
na ako’y di mo tulutan
na humaliling magpasan.

Masakit manding totoo
mapati sa dilang apdo
ay aba bakit bunso ko,
di ka maawa’t mabuyo
nitong hingi ko sa iyo.

Bunso yaring aking lumbay
ay huwag mong pagkaitan
dati mong naaalaman
na kita ay minamahal
mahigit sa aking buhay.

Lalo sa kaluluwa ko
ang pag-ibig ko sa iyo
itong madlang dalita mo,
siyang tunod na totoo
na tumimo sa puso ko.

Kung ako’y may kalumbay
hapis kadalamhatian
na halos kong ikamatay,
bunso kung ikaw’y matingnan
nawawala’t napaparam.

Nguni ngayon ay lumalo
hirap sakit nitong puso
parang mabisang palaso,
sa kaluluwa’y tumimo
pagod mo’t madlang siphayo.

Lalo kung gunam-gumamin
at aking alalahanin
ang dila mong paghalinghing,
siyang mabisang patalim
na sa buhay ko’y kikitil.

Wala akong minamahal
tunay na pinalalayaw
kundi nga ikay na buhay
mistulang kaliwanagan
ng puso kong nadidimlan.

Dito kita inoola
ng wagas na panininta
yaring munti kong balisa,
bunso ako’y iyong isama
sa hirap mong walang hangga.

Dito kita iniirog
ng sintang tunay sa loob
puso ko ay nalulunos,
kung akin ngang mapanood
iyang mabigat mong Krus.

Dito kita inaaba
ng anyo’t malaking sinta
yaring hapis kong lahat na,
ay Anak man ngani kita
Diyos ka ri’t Poong Ama.

Dito ay iniaalay
kaluluwa ko at buhay
at ang aking panambitan,
ilaw ka nang kalangitan
ay bakit dungis-dungisan?

Dito’y ginigiliw kita
nang totoong panininta
ako’y alipin mong mura,
kung iyong tawaging Ina
kamatayan kong lalo pa.

Dito ang aking katawan
ay nagkukusang mamatay
di ano pang kapakanan,
nang kaluluwa ko’t buhay
kung ikaw ay mahiwalay?

Dito ngayon o bunso ko
inaamo kang totoo
ng maralitang Ina mo
tingni ang mga luha ko
at pusong sisikdo-sikdo.


Dito yaring kaluluwa
lubos na walang ginhawa
dinaig ang sinisigwa,
inuulang walang hangga
ng hirap mo’t madlang dusa.

Dito ang mga mata ko
ay tumatangis sa iyo
mabalino kang totoo
alang-alang na bunso ko
sa suso kong inutot mo.

Oh lagda ng karunungan
nang Ama sa kalangitan
sino kang makasalanan,
di ka na kinaawaan
ng taong iyong kinapal!

Dito ang totoong sinta
ang siyang dahilang una
ay aba bunso nang Ina,
ang ngalan mo ay sukat na
ipanambitan tuwi na.

Yaring lubos na habag ko
na idinamay sa iyo
di nga salamat bunso ka,
kung baga tinatanggap mo
ngayon sa oras na ito.

Ang sagot ni Kristong mahal
Oh Ina kong nalulumbay
sukat na’t iyong itahan,
pagdaing pananambitan
sa Anak mong mamamatay.

Hirap na taglay mo Ina
para-parang nakikita
ng Anak mong alimura,
pagsakop sa mga sala
buong Inanak ni Eba.

O Inang kinabugsuan!
nang malaking kasakitan
kung kita ay natitingnan,
ay lalong nauululan
yaring aking kahirapan.

Loob ko ay magsigasig
sa madlang sinta’t pag-ibig
Birheng Inang nahahapis,
madla mong hirap at sakit
ang lahat ay aking batid.

Anhin baga ito’y utos
at kalooban nang Diyos
nang makalara’t masakop
dugo ko ang mabubuhos,
ang tao sa Sangsinukob.

Ako’y hindi nasisinsay
nitong aking kagagawan
ang loob kong iningatan,
sa dibdib di napaparam
pagsakop ko nga sa tanan.

Kaya Ina kong marikit
pawi na ang madlang hapis
at luwagan na ang dibdib,
masaklap man at mapait
ngayo’y ariing matamis.

Kung ako’y hinid maghirap
at parohagi sa lahat
ay paano Inang liyag,
ang pagpawi at paglunas
sa mabisang kamandag?

Yamang iyong nalalaman
ang puno’t kadahilanan
yaring aking kahirapan
sukat na’t iyong itahan
Ina ang panambitan.

Sa ganitong pagsusulit
ng mag-inang nahahapis
sino sa nakaririnig,
ngayon nitong madlang sakit
ang luha ay matitipid?

Di yata anakin baga
isang lalaking maganda
na mapagbigay ginhawa
ano kaya’t minumura
inaapi nang lahat na.

Hapis na walang kaukol
ang lahat ay nananaghoy
nguni’t itong ating Poon,
nagmamasid kung mayruong
isang maawaing tumulong.

Sa wala ring mabalisa
na tumulong sa kanya
inilakad na’t binata,
ang Krus nang ating sala
bigat na walang kapara.

Loob niya’y ginawa rin
sino bagang hihiliin
ibang sumakop sa atin,
sinta ang humihilahil
kaibigang sapin-sapin?

Madla ang buntong hininga
nang kaniyang kaluluwa
at ang balang nakikita,
nahahabag sa kaniya
lumuluhang parapara.

Sinong hindi mahahapis
doon at hindi tumangis
katawan ay nanginginig,
minumurang walang patid
niyong mga malulupit.

Lalo pang nakalulunos
sa gayong sakit ni Hesus
tambor trompetang mataos,
galit ay puspos na puspos
nang eskribas at pariseos.

Wednesday, February 25, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG UNANG PAGKASUBASOB NI HESUKRISTONG PANGINOON NATIN

VIERNES SANTO

Ang unang pagkasubasob ni
Hesukristong Panginoon natin

Sa kabigatan ng Krus
na pinapasan ni Hesus
at agad napasubasob
sa lupa’t mga alabok
ang mukhang kalunus-lunos.

Kung itindig niya naman
nanginginig ang katawan
at halos di makayanan,
sa di kawasa’y napagal
tumaha’t nagtanaw-tanaw.

At saka siya nangusap
sa loob ipinahayag
oh disipulos kong lahat
Apostoles ko’t alagad!

ano’t kayo’y nagsilayas?
Nangasaan baga kayo
pili kong mga katoto
na aking kasalo-salo,
walang dumamay sa inyo
ngayon sa panahong ito?

Kung sila’y nagpabaya na
budhing nabuyo’t nabakla
lumuwang sampalataya,
ikaw naman kaya Ina
sa aki’y di maawa ka?

Magdalita ang Ina ko
na silayan ng mata mo
ang guminhawang totoo,
yaring madlang dalita ko
kung maharap na sa iyo.

Namimindong ka man Ina
tingni ang anak mong isa
ikaw rin ang kinikita,
di man ako makakaya
nitong mabigat kong dala.

Ang mata mo Inang mahal
sa akin ay kung isilay
sa ganitong kahirapan
upang din siyang igaan
nitong mabigat kong pasan.


PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAG-AATANG NG KRUS SA ATING PANGINOONG HESUKRISTO

Ang pag-aatang ng Krus sa ating Panginoong Hesukristo

Ano’y sa maigawad na
ni Pilato ang sentensia
sinunggaban kapagdaka,
niyong mga Palamara
si Hesus na Poong Ama.

Ginapos at tinubungan
ang leeg niya at kamay
sinuntok at sinikaran,
hindi pinakundanganan
niyong mga tampalasan.

Ipinatawag na rito
sa nangalilimping tao
ingay na di mamagkano,
boses niyong pregonero
ang palaman ay ganito:

Ito’y siyang katuwiran
at utos na katampatan
nang matuwid na hukuman,
ni Pilatong punong bayan
dito kay Hesus na banday.

Ang pagbunyi nitong lilo
ay Hari siya nang hudyo
bago’y ulol palang tao
palamara’t walang apdo
balang gawa’y dili tuto.

Dili Hari’t taong mura
manglililo’t palamara
nagpapasampalataya,
ginugulo ang lahat na
Anak daw ng Diyos siya.

Ang banta nitong suwail
ang Roma ay aagawin
at sampu ng Herusalem,
aaliha’t lulupigin
si Cesar na hari natin.

Ito’y laon ng talastas
ng pariseos at eskribas
sa testamento’y pahayag
kaya nga’t sa buong Siudad
ipagbantog ipagtawag.

Siyang paghalimbawaan
nang kapuwa tampalasan
at sa Kalbario ihanggan
ito’y siyang kabayaran
sa kanilang kasalanan.

At kung siya’y dumating na
doon sa lupang Golgota
ipako at iparipa,
at ipagitnang talaga
sa dalawang palamara.

At ng doon matalastas
ng sino mang makamalas
na itong si Kristong tunggak
Hari ng dalawang uslak
sa pagnanakaw ay bansag.

Nang mabasa ng matapos
yaong sentencia kay Hesus
at ang mga pariseos,
iniatang na ang Krus
sa lupa’y humuhilahod.

Ang totoong kahabaan
niyong Krus na pinasan
labing-limang talampakan,
at pito naman ang bilang
nang paripa at pahalang.

Krus na yao’y mabigat
labis na nagkakaapat
lumulubog sa balikat,
at lalo pang nakaragdag
ang sala ng taong lahat.

Anopa’t yaong si Hesus
nang maatangang matapos
ay niyakap na ang Krus,
at tinangisang tibobos
sa sarili niyang loob.

Ang pagyakap ng ating Panginoong
Hesukristo sa Mahal na Santa Krus
Oh Krus aniyang mahak
kahoy na lalo sa tanan
bukod pinilit hinirang,
pag-wawagi kong tunay
sa aki’y nagsisisuway!

Ikaw rin at hindi iba
totoong lunas sa sala
ang lasap mo’t ibubunga,
siyang makagiginhawa,
sa tanang anak ni Eba.

Kita’y pinagnanasaan
yakapi’t tuloy hiligan
mula niyong unang araw,
na nagkasala’t sumuway
yaong si Eba’t si Adan.

Ngayo’y pawang nasunod na
ang laon kong pinipita
oh Krus na lubhang maganda,
estandarte ko’t bandera
aking ipagbibiktorya!

Halika at ako’y yakap
yamang kita’y nililiyag
hihilingang tatlong oras,
nang siyang makababawas
sa sala ng taong lahat.

Madla pa ang isinaysay
sa loob niya’y tinuran
hinila na kapagkuwan,
niyong mga tampalasan
berdugong nagwasangwasang.

Sa huli’y may nagtutulak
sinusual nang paglakad
sa tagilira’t sa harap
binabakod ang Mesias
ng Saserdoteng eskribas.

Pagmura’y di ano lamang
madlang sumpa at tungayaw
maparapa’t masunggabang
itulak tadyakan naman,
Krus ay kababaw-babaw.


Tuesday, February 24, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGHIHINAW NI PILATO NG KAMAY




photocredit: freepictures



Ang Paghihinaw ni Pilato ng Kamay

At sa gayong pagtatalo
nang hukom at pariseo
sa katakutang totoo,
hinatulan na nga rito
ang Poong si Hesukristo.

Lumuklok kapagkaraka
sa silyang matatalaga
at bago humatol siya,
alipala’y nagpakuha
ng tubig at naghinaw na.

At nangusap ng ganito:
aniya ay lalabas ako
sa dugo nga niyang tao,
pagkalooban na ninyo
ano mang nasang totoo.

Ako’y di nakaaalam
yamang inyong kalooban
patayin na kapagkuwan
si Barrabas ang kalagan
si Hesus siyang mamatay.

Sumagot ang mga lilo
anila’y oo na hayo
at ako naming totoo,
hanggang sa aming inapo
dugo’t buhay niyang tao.

Sukdulang sa ami’y ibigay
ang ano mang kaparusahan
dahilan sa taong iyan,
kami ay may kalooban
kaya iyo nang hatulan.

Ang sabi at pagkabadya
ni San Huan Ebanghelista
si Hesus nang itaboy na,
si Pilato sa kanila
nangatuwa kapagdaka.

Dinuhapang nga nga rito
ang Poong si Hesukristo
ng mga ganid na tao,
taksil na mga hudyo
pawang kampon ng demonyo.

At kanilang hinubaran
niyong kalamideng balabal
at sampu ng damit naman,
hanalinhan nang kairal
na kaukol at kabagay.

Walang kibo’t walang imik
itong Poong mapagtiis
ay aba taong malupit,
buksi iyang iyong dibdib
at sa aral ay makinig.

A R A L

Kung may isip kang kristiano
ay magbalik ka na rito
ang may adhika sa iyo
sumunod na ngang totoo
sa hatol ng mga lilo.

Siya nga ang Haring tunay
Diyos na walang kapantay
hukom sa Sandaigdigan,
pumayag at di sumuway
sa pita ng mga hunghang.

Nagmukhang taong may sala
bago’y malinis na sadya
na di paniktan ng mansa,
siya ang nagpakamura
ng ikaw ay guminhawa.

Ang buo mong kasalanan
inako ni Kristong tanan
ng kay Pilatong hatulan,
siya’y hindi nag-apelar
ng ikaw’y masakop lamang.

Ang iyong kalakhang loob
pagka ibig mong mabantog
ang puri mo’y mapatampok,
mataas mapaimbulog
bago’y uod ka’t alabok.

Siya ang nagpakahirap
napagapos napasikad
ang kabutiha’y hinamak,
dumawis-dawis bumuhat
niyong Krus na mabigat.

Ang iyong pagmamarikit
katawa’y bihis nang bihis
ng ginto’t hiram na damit,
nang batiin at maibig
ng sino mang makamasid.

Ang kaniyang kabayaran
yaong madlang kahirapan
ayop karuwahaginan,
ulo niya’y pinutungan
koronang tiniktinikan.

Nagpakababa ang Diyos
at ng ikaw mapatampok
siya ang nagpakaayop,
nang puri mo’y mapabantog
maging badlayang tibobos.

Anong aking wikain pa
ay ang lahat mo ring sala
sampu nang sa isa’t isa,
sinakop at kinalara
nang ikalawang Persona.

Ay aba bakit ka tao
wala nang di naglililo
kung parusahan ka rito,
ng pinagkumpisalan mo
di talimahing totoo?

Lihim ngani’t hindi hayag
na walang nakamamalas
ano’t hindi ka gumanap,
ng pagtalima’t pagtupad,
iyong binubukas-bukas?

Nang si Hesus ay hatulan
ginawa ri’t di naliban
sa loob nang isang araw,
ito’y tikis na pag-aral
nang gagarin mo’r parahan.

Ang paggagawad ni Pilato
ng sentencia
Ikalumbay mo’t itangis
ipagpighating masakit
itong hirap na tiniis,
ni Kristong Poong marikit
Hari nang lupa at Langit.

Ako’y si Ponsio Pilato
president’t hukom dito
sakop ng Romanong Imperio,
inihalal na totoo
ng Emperador Tiberio.

Sa aking pag-aaudensia
at pag-upo ko sa silya
luklukang natatalaga,
dumulog at nangaghabla
prinsipe sa Sinagoga.

Ang kanilang inuusap
sa akin ay iniharap
Hesus ang siyang pamagat,
Nasarenong tinatawag
Galileo kung mangusap.

Anila ay itongtao
palamara’t walang tuto
sa hari pa’y naglililo,
buong baya’y ginugulo
ang ugali’y binabago.

Ang hatol ko’t sentensia
ukol sa kaniyang sala
ay sa Krus nga iparipa
ipako kapagkaraka
dalawang kamay at paa.

Sa kaniya’y ipapasan
Krus na kamamatayan
ipagtawag habang daan
tuloy namang ipagitan
sa dalawang magnanakaw.

Ito ang siyang hatol ko
sa taong dinala ninyo
dito nga sa harapan ko,
datapuwa’t labas ako
sa dugo ng taong husto.