Tuesday, March 17, 2009

PASYONG MAHAL - -NANG PARONA'T DALAWIN NG EMPERATRIS ELENA ANG PINAGBAUNAN NG KRUS AT MGA PAKO NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO

Nang parona’t dalawin ng Emperatris Elena ang pinagbaunan ng Krus at mga pako ng ating Panginoong Hesukristo

Kaya ang lalong magaling
dito naman ay isipin
ang madlang awa sa atin,
misteriong mga habilin
ng Diyos na Poon natin.

Na yaong Sakro-Madero
na kinamatayan ni Kristo
dahil sa sala nang tao
dapat mahaling totoo
ng tanang mga Kristiano.

Yaong banderang pangwagi
marikit na estandarte
kinatatakutang dati,
at kusang dumuruhagi
sa demonyong umaali.

Ay ano’y sa kalupitan
ng mga hudyong hunghang
kanilang kaugalian
magdaya’t gumawang lalang
sa sino mang parusahan.

Kung sakaling mamatay na
at ililibing na nila
sa hukay ay isasama,
ang kasangkapang lahat na
ipinatay sa may sala.

Ito ang siyang inasal
ng mga hudyong hunghang
ibinaon nila naman,
yaong mga kasangkapan
ni Hesus sa pagkamatay.

Kaya ginawang tibobos
ng malupit na hayop
anila’y nang di mabantog,
naturang Anak nang Diyos
yaong pinatay sa Krus.

At yaon naming naunan
ng Mananakop sa tanan
kanilang pinatabunan
saka doon sa ibabaw
nagpatayo ng Simbahan.

Ang pamagat nilang lubos
yaong ang Templo ni Benus
kahunghangan ngang tibobos
nang mga taksil na loob
an alipin nang demonyos.

At magmula noon naman
hindi mangyaring madalaw
ng sino mang bininyagan,
doon ay may nagbabantay
ng mga hudyo sukaban.

Sa awang di mamagkano
nang Diyos na masaklolo
ang mga lugar na ito,
nabihag nga at tinalo
ng Haring si Konstantino.

Ano nga’y ng makamtan
yaong mga Santong lugar
tuwang hindi ano lamang,
ni Konstantino ng minsan
Emperador na binyagan.

Saka si Santa Elena
na kay Konstantinong ina
sa Herusalem nagsadya,
at ibig niyang makita
Krus na itinubosa sa sala.

Ang nasa’t pita ng loob
nitong Reynang maalindog
ibig niyang mapanood,
ang mahal na Santa Krus
na sa ati’y isinakop.

Nang siya nga ay dumating
sa bayan nang Herusalem
pinaghanap niyang tambing
kahoy na walang kahambing
pinagtubusan sa atin.

Nguni’t hindi nasumpungan
at kung saan inilagay
ng mga hudyong hunghang
at sa pagka’t ang baunan
kanilang pinatabunan.

Ang naisipang maganda
nang Emperatris Elena
ipinatapong lahat na,
ang mga idolatria
doon sa templong meskita.

Iniwasak isinabog
yaong Simbahan ni Benus
ipinatibag ang bundok,
ng lumalim ay sumipot
mahal na libing ni Hesus.

Sa siping din baunan
ng Mananakop sa tanan
doon naman nasumpungan
yaong kamahal-mahalan
Krus na kinamatayan.

Tatlong Krus ang nakuha
sampung rotulo’y kasama
nguni’t hindi mapagsiya,
nang tao at makilala
ang Krus ni Kristong Ama.

Tatlong Krus kung pagmasdan
iisa ang kahabaan
at gayon din nga sa kapal
kaya hingi mapagbuhay
ang kay Hesus na maalam.

Kaya nga ang minagaling
nitong Reynang masintahin
sinangguni niyang tambing,
si San Makariong butihin
Obispo sa Herusalem.

Ano pa’t ang minaganda
nang Obispo’t ni Elena
doo’y may isang senyora,
tantong naghihingalo na
at papanaw ang hininga.

Isa-isang inilagay
isiniping sa may damdam
ang tatlong Krus na naturan
sa dalawa’y walang tunay
na nagbigay kagalingan.

Nguni’t ang Krus ni Kristo
na isinakop sa tao
ng siyang malapit kono,
nakagaling na totoo
sa naghihingalong tao.

Para-parang nangagtaka
ang taong nangakakita
himalang walang kapara,
nang Diyos na Poong Ama
doon sa abang senyora.

At mayroong isang patay
na ibabaon na lamang
isiniping nila naman,
sa Krus ni Hesus na mahal
ang patay agad nabuhay.

Doon na nga nakilala
napagsino ng lahat na
ang Krus na maligaya,
na isinakop sa sala
nang ikalawang Persona.

Agad na ngang iginalang
pinuri at niluhuran
pasasalamat na tunay
nila sa Poong Maykapal
dito sa tuwang kinamtan.

Nagtalo at di nagkaisa
loob ng mga bihasa
na di mapagwari nila,
na kung anong kahoy baga
yaong Krus na maganda.

Anang iba ay Olibo
Palma anang ibang dokto
Sipres ani San Macario,
ang ipinasiyang totoo
yaon ang kahoy na Sedro.

Kahoy na katuwa-tuwa
ibinunga’y pawang awa
ang linamnam at ang bisa
nakapawi’t nakawala
sa sakit ng taong madla.

Kalahok din at kasama
ang Krus na ating sala
apat na pakong maganda,
sa kamay sampung sa paa
ni Hesus na Poong Ama.

Tunay nga’t hindi pahayag
ng mga Santos Propetas
na yaong pako ay apat,
ang ibang bihasa’t pantas
siyang nagsabi’t sumulat.

Lalong nagpakasakit nito
ang Ina ni Konstantino
apat ang pakong totoo,
na ipinako kay Kristo
ng mga lilong hudyo.

At sapagka’t ng makuha
Krus ni Hesus na Ama
nang Emperatris Elena
mga pakong mahalaga
di nasira’t di nag-iba.

Himalang sukat pagtakhan
sa mga pakong naturan
ay naano man lamang,
sa gayong kahabang araw
na ibinaon sa hukay.

At ang mga pakong hayag
di Dimas sampu ni Hestas
ay kinalawang na lahat,
kulang lamang ang maagnas
na parang lupang matigas.

Minahal nganing totoo
nang Ina ni Konstantino
ang pako ni Hesukristo,
sampu ng Sakro-Madero
na isinakop sa tao.

Isa ngang pakong marilag
ang nasa bayang Karpentas
na minamahal ng lahat
kung ipagpiesta’y ang tawag
Clavo Santo ang pamagat.

Ang ikalawa sa bilang
nitong pakong lubhang mahal
nasa Simbahan ng Milan,
si San Carlos ang naglagay
nang paroon at dumalaw.

Ikatlong pakong maganda
isinangkap kapagdaka
nang Emperatris Elena,
sa marikit na deadema
ng bugtong na anak niya.

Ang wika ni San Ambrosio
pakong ikaapat ni Kristo
ipinatapong totoo,
ng Ina ni Konstantino
sa dagat ng Adriatiko.

Dahil sa bagyong sumasal
halos ang baya’y matunaw
kaya itinapon naman,
yaong pakong lubhang mahal
at ng siyang magpahumpay.

Ang wika ng ilang doktos
sa pakong yaon ni Hesus
ng maitapong matapos,
sa tubig ay di lumubog
himala nang Poong Diyos.

At ito ring pakong mahal
ang sa dagat binitiwan
ang nasa Paris na bayan,
sa Templong lubhang mainam
ni San Dionisiong banal.

At yaong pakong maganda
nasasangkap sa deadema
ni Konstantino ng una
yaon din at hindi iba
ang nasa Templo ng Roma.

Kaya nga’t ang katampatan
sa sino mang bininyagan
purihi’t pasalamatan,
ang Diyos na Poong mahal
nitong awa niyang tanan.

Tayo ngayo’y dumalangin
at tumawag tayong tambing
sa Diyos na maawain,
at ng tayo ay ampunin
sa ano mang hirap natin.

Tayo naman ay pumara
sa gawa ni Santa Elena
sa paghanap at pagkita,
ng kasangkapang lahat na
na isinakop sa sala.

Atin naming pagpilitan
tanang gawa ng kabanalan
manalangin gabi’t araw,
ng tayo’y huwag masinsay
sa daan ng katuwiran.

Pagtulog tayo’y dumaing
sa mahal na Inang Birhen
yamang siya’y maawain,
nang tayo’y ipanalangin
sa Diyos na Poon natin.


0 comments: