Monday, March 16, 2009

PASYONG MAHAL - -ANG PAGKAMATAY AT PAG-AKYAT SA LANGIT NI GINOONG SANTA MARIA

Ang pagkamatay at pag-akyat sa Langit ni Ginoong Santa Maria

Nang maghiwa-hiwalay na
Apostoles na lahat na
ang Birheng Santa Maria,
sa Herusalem tumira
mangangaral na talaga.

At ang gawa araw-araw
ay ang parating dumalaw
sa mga daa’t lansangan,
na totoong nilakaran
ng Anak niyang pumanaw.

Ano pa at walang likat
ang pagdalaw at paghanap
sa iniwang mga bakas,
mga lansangang nilakad
ng kaniyang sintang Anak.

Siya’y may kaibigan
dalawang babaing mahal
tuwi na’y sinasamahan,
sa pagparoo’t pagdalaw
niyong mga santong lugar.

Ano pa nga si Maria
walang ginagawang iba
kundi tumawag tuwi na,
paampon at pakalara
sa bugtong na Anak niya.

Mana nga’y isang araw
itong Inang namamanglaw
nanalangin kapagkuwan,
at dumating siyang tunay
sa Anak niyang marangal.


Ito ang ipinagbadya
oh Anak kong sinisinta
buhay niyaring kaluluwa,
kailang oras pa baga
tayo’y muling magkikita?

Kailan mo matitingnan
iyang mukha mong malinaw
na pinanganganinuhan
ng tao sa Sangtinakpan
dito sa lupang ibabaw.

Aling panahon at oras
muli tayong maghaharap
Ina mong lipos ng hirap,
ay walang daang lumuwag
bunso kundi ka kaharap?

Anak ko’y magdalita ka
na ako’y inyong kunin na
at ng kita ay makita,
sa bayan mong maligaya
na maluwalhating Gloria.

Di ko mabata munti man
ang kita’y hindi matingnan
malaki ang aking lumbay
kaya bunso ko at buhay
ako’y huwag pabayaan.

Mabalino ka’t mahabag
ng pagdaing ko’t pagtawag
yamang kita’y siyang Anak,
tingni ang Inang may hirap
lumuluha’t umiiyak.

Bunso ko’y iyong kuha
yaring aking kaluluwa
yamang mahabang araw na,
na hindi ka nakikita
tuwa ko kung kaharap ka.

Marami pa at makapal
ang daing ng Inang Mahal
ay nanaog na kapagkuwan,
isang Anghel na marangal
siya ay pinangusapan.

Anang Anghel na maganda
aba Ginoong Maria
ako po’y sugong talaga,
ng Anak mong sinisinta
ito ang pabilin niya:

Bukas ay di maliliban
ikaw ay parirituhan
ng Anak mong minamahal,
iyaakyat ka pong tunay
sa maluwalhating bayan.

Ako po nama’y kasama
bukas kung parituhan ka
kaya ngayo’y matuwa na,
ang Poong ko at magsaya
at ito’y walang pagsala.

Ang sagot ng Inang Birhen
ay aba mahal na Anghel
kung gayon ang iyong turing
hayo na’t iyong sabihin
itong lahat kong habilin.

Sabihin mo’t ipahayag
sa Diyos ko’t aking Anak
paparituhing humarap,
ang Apostoles na lahat
na kasama kong alagad.

At bago ako mamatay
sila’y aking matitingnan
at ako ay paalam,
tuloy makikipanayam
ng madla’t maraming bagay.

Nagpaalam at nanaw na
ang Anghel na sugo baga
ito namang si Maria,
papupuri’y walang hangga
sa Diyos na Poong Ama.

Ang Apostoles na tanan,
dumating ding di naliban,
kahima’t malayong bayan,
sa Senakulo’y nagpisan
sa Diyos na kalooban.

At ang ibang mga tao
na kaibiga’t katoto
nitong Birheng masaklolo,
nagsidalaw nagsidalo
sa tahanang Senakulo.

Ang Birhen’y nagugulaylay
sa katre niyang hihigan
doo’y pinangangaralan,
ang Apostoles na tanan
tungkol sa pagsusunuran.

At doon ipinangusap
sa doroong humaharap,
yaong wikang masasarap,
na sukat kamtan ng lahat
at ikaaliw sa hirap.

Aniya’y ako’y patay man
totoo rin akong buhay
kayo’y di malilimutan,
iaadya’t tutulungan
sa pangambang ano pa man.

Ako ang magkakalara
at magtatanggol tuwi na
sa inyo irog ko’t sinta,
na sumunod tumalima
sa aking tanang anyaya.

Dito na nga kapagkuwan
sila ay binendesionan
kaluluwa’y biglang nanaw,
parang natutulog lamang
ang Birheng Inang namatay.

Ang bunso ring Anak niya
ang dumapit at kumuha
ng kaniyang kaluluwa,
madlang Anghel ang kasama
at iniakyat sa Gloria.

Ang Apostoles na lahat
nanduroon humaharap
at sampung ibang alagad,
nagsitangis at umiyak
lumbay na walang katulad.

Ang Poong Birhen Maria
katamisang walang hangga
Ina ng Divina Grasia
sino ang magkakalara
as aming nangungulila?

Sinong ating daraingan
dito at sasanggunian
ng sakunang dumaraan
at sinong magtatangkakal
kundi ikaw Birheng mahal?

Ika nga po’t dili iba
ang Stella Matutina
mapagtanggol mapag-adya
mapagturo sa lahat na
ng sukat ikaginhawa.

Sino pa ang daraingan
ng aming ngang kaabaan!
at sinong magtatangkakal
niyaring aming pagkabuhay
sa dagat ng kapaitan?

Pait na walang kapara
ng aming pangungulila
anong ikagiginhawa
puso nami’t kaluluwa
kung ikaw ay di makita.

Inang mahal di man dapat
ngayon ay nagsisitawag
ang mga imbing alagad
at sa aming paghihirap
mata mo po ay ilingap.

Kami’y iyong idalangin
kay Hesus Anak mong giliw
ipagtanggol na magaling,
kaluluwa’t buhay namin
sa pangambang sasapitin.

Yamang nariyan ka na
sa maluwahating Gloria
natutuwa’t nagsasaya,
kami pong nangungulila
silayan ng iyong mata.

Madla pa’t di maisip
ang kanilang pananangis
halos mawalat ang dibdib,
sa malaking pagkahapis
niyong mga Apostoles.

Aling katigas-tigasan
pusong matigas sa bakal
doon ay hindi matunaw
kung makita at matingnan
yaong mahal na larawan?

Mukha ay nagliliwanag
niyong katawang mapalad
bango’y humahalimuyak,
dikit ay ganap na ganap
niyong Ina ng Mesias.

Ang Sanglangitang Angeles
nagpupuri’t umaaawit
tuwang walang kahulilip
ligayang hindi maisip
nino mang pantas na bait.

Marami namang may sakit
doon ay nangagsilapit
na pawang nangagsitangis,
hirap nila ay binihis
nang tuwang di maisip.

Halos buong sangbayanan
naparoo’t nagsidalaw
na nagsisikip ang bahay,
marami pa at makapal
ang taong nasa lansangan.

Sa malagyan na ng sapot
ang Birhe’y ipinanaog
isa’t isa’y dumudulog,
yaong mga disipulos
pawang may lumbay sa loob.

Agad na nilang pinasan
yaong mahal na katawan
marami nama’t makapal
ang taong nangagsiilaw
hanggang dumating sa hukay.

Sukat namang ipagtaka
natin at ikabalisa
himalang kaaya-aya
nang Diyos na Poong Ama
nang ilibing si Maria.

Bagama’t hindi mabilang
ang kanilang itinanglaw
nguni’t kahit isa man,
doon ay walang namatay
sa hanging lubhang masasal.

Doon sa isang aldea
ng Hetsemaning laguerta
ay may handang hukay sila
pagbabaunang talaga
sa bangkay ng Birheng Ina.

Ay ano nga’y ng dumating
doon sa mahal na libing
inilagay na ang Birhen,
lumbay na walang kahambing
nang taong nagsisitingin.

Kanila nang pinagyaman
yaong marikit na hukay
isinilid kapagkuwan
at saka nila tinakpan
niyaong batong nalalaan.

Ano’y ng mailibing na
yaong bangkay ni Maria
nangasiuwi na sila,
ang iba’y nangagsitira
sa libingang mahal niya.
Doon sila nanambitan
ng tantong kalumbay-lumbay
at hindi ibig panawan,
lisanin sumandali man
ang sa Birheng Inang bangkay.

Sila nama’y nakarinig
niyong sari-saring boses
kaaliw-aliw ang tinig,
ng tanang mga Apostoles
pagsasayang walang patid.

Ang Poong Birhen Maria na
pinutungan ng korona ng
Santisima Trinidad

At doon din sa baunan
ay may amoy na sumingaw
bangomg hindi ano lamang
nakapawi’t nakaparam
ng kanilang kalumbayan.

Pinagtanto’t binilang na
nang marurunong magbadya
at ng mga Apostoles pa,
taon at edad ni Maria
ay pitongpu’t dalawa.

Ng maganap na ang bilang
at mahustong tatlong araw
ang sa Birheng pagkamatay,
sumulid na sa katawan
kaluluwa niyang mahal.

Siya ngang pagkabuhay na
nang Birheng Santa Maria
ang katawa’t kaluluwa,
ay iniakyat sa Gloria
nang Apostoles na lahat na.

At kanilang iniharap
ang Birheng Inang mapalad
katuwaa’y dili hamak
pagpupuri’y walang likat
nang Santisima Trinidad.

Halos di magkarinigan
pagpuri’t pag-aawitan
pagsasaya’t pagdiriwang
buong korong Anghelikal
doon sa Langit na bayan.

Sinalubong na nga siya
nang ikalawang Persona
niyakap kapagkaraka,
madlang puri’y sabihin pa
ni Hesus sa Birheng Ina.

Doon nga sa karurukan
nang langit na kataasan
ay may talagang luklukan,
inihanda’t inilaan
ng Diyos na Poong mahal.

Laan ito at talaga
na uupan nga ni Maria
ano’y nang dumating na,
pinaluklok kapagdaka
sa tronong kaaya-aya.

Doon nga pinaramtan
nang lubos na katuwaan
na pinalalo sa araw,
ay yaong planetang buwan
kaniyang tinutungtungan.

Ang ipinutong sa Birhen
labing-dalawang bituin
dikit na walang kahambing
liwanag ay nagniningning
aling mata ang titingin?

Gayon ang sabi at badya
ni San Huan Ebanghelista
sa Apokalipsis niya
halimbawa’t pagkakita
nang putungan si Maria.

Ay ano’y ng maparamtan
ang Birhen ay maputungan
nang bituing makikinang
sabihin ang katuwaan
ng buong Sangkalangitan.

Kapagdaka ay nangusap
doon nga at isinulat
nang Santisima Trinidad,
ang madlang puring gawad
sa Birhen Inang mapalad.

Ang bati ng Diyos Ama
aba Anak kong maganda
na napuspos nang grasia,
sumunod at tumalima,
sa mga hiling ko’t pita.

Ang puri ng Diyos Anak
aba Ina kong mapalad
bukod sa babaing lahat,
kasama-sama sa hirap
ng pagsakop ko sa lahat.

Yaong ikatlong Persona
ay ang bati kay Maria
aba mahal kong Esposa,
na iniirog ko tuwi na
linis na walang kapara.

Sumagot at nagsisabad
yaong tanang Herarkias
tuwa’y dili hamak-hamak
aba Sagradong marilag
ng Santisima Trinidad.

Ay ano’yng maganap na
puring bagay kay Maria
habilin ang pagsasaya,
tuwang walang makapara
ng sanglangitang lahat na.

Aling matalas na isip
doon ang hindi matulig
sinong makapagsusulit
ng katuwaang nasapit
niyong mga Serapines.

Di nga sukat maakala
at di masayod ng dila
ang gayong pagkakatuwa
walang makahalimbawa
dito sa balat ng lupa.

Nguni’t kaya natalastas
ng mga tao’t nahayag
yaong mahal na pag-akyat
Asunsion bagang mapalad
niyong Ina nang Mesias.

Yaong Apostol na mahal
na si Tomas ang pangalan
bukod ngani siya lamang,
ang di nakakitang tunay
ng sa Birheng pagkamatay.

Ito naman ay talaga
nang Diyos na Poong Ama
ng matanto at Makita
at mahayag sa lahat na
ang Asunsion ni Maria.

Nang si Tomas ay dumating
sa bayan ng Herusalem
hindi nakita ang Birhen,
sapagkat nga nalilibing
ang katawang maluningning.

Sabihin ang hapis sindak
nang Apostol na si Tomas
luha’y baha ang katulad,
kulang ang mawalat
ang dibdib sa paghihirap.

Ay aniya Birheng mahal
laki niyang kamurahan
at hindi ka na dinatnan,
ang pag-alis mo’t pagpanaw
dito sa hamak na bayan.

Buhay ko’y anhin ko pa
kung sa iyo’y mangulila
mahanga ay mamatay na,
at ng kita nga’y makita
sa maluwalhating Gloria.

Sa gayong mga pagtangis
ni Tomas na nahahapis
at ang mga Apostoles,
inaliw siyang masakit
ng ganitong pagsusulit.

Nguni’t di rin tumiwasay
puso niyang nalulumbay
di maidlip gabi’t araw,
sa laking kapighatian
di makakain munti man.

Dumating kapagkaraka
kay San Pedrong puno nila
na pinabuksan talaga
ang libing ng Birheng Ina
ibig humalik sa paa.

Binuhat na kapagkuwan
ang batong nakararagan
doon na niya tiningnan
na wala na nga sa hukay
ang sa Birheng Inang bangkay.

Doon na niya nakita
sapot ng Birheng Maria
agad naniwala siya,
na umakyat na sa Gloria.

ang katawang maligaya.
Nang matanto at mabatid
ni Tomas na nahahapis
na umakyat na ang dibdib
at tumingala sa Langit

ito ang ipinagsulit:
Salamat na walang hangga
Poon ko’t mahal na Ina
akong Apostol na mura,
lubos ngayong umaasa
sa iyong miserikordia.

Kami’y iyong kaawaan
dito sa hamak na bayan
at ang aming pangangaral,
sundin naming walang liban
ng tanang makasalanan.

Ang binhing sadyang talaga
ng aming mga doktrina
magnanaw nawa’t mamunga
sa puso at kaluluwa
nang tanang anak ni Eba.

Nang ito’y maipagsaysay
agad naghiwa-hiwalay
ang Apostoles na tanan
nangagsiuwing di naliban
sa kani-kanilang bayan.

Tuloy ipinahayag pa
ng Diyos sa Santa Iglesia
ikatuwa’t ipagsaya
yaong pag-akyat sa Gloria,
nang Birheng Santa Maria.

Kaya nga’t ang katampatan
ang tao’y gumaya naman
nang tayo ay kaawaan
magpuri ng makayanan
sa Inang Birheng maalam.

A R A L

Oh taong nakalilimot
aniniig sa pagtulog
magbalikwas ka’t kumilos
at isipin mong tibobos
ang madlang awa ng Diyos.

Iwan na ang madlang sala
at kataksilan tuwina
paampon ka’t pakalara
tumawag ng bung sinta
sa Birheng Santa Maria.

At kaya nakyat sa Langit
itong Reynang Emperatris
tayong hamak sa bulisik
kakalingaing masakit
sa tanang mga panganib.

Siya ang tunay na Ina
batis ng miserikordia
tumutulong nag-aadya,
kung tumawag kapagdaka
sino mang taong may sala.

Siya ring Haring totoo
ang Arka ng Testamento
at Hudit na mananalo,
na pumugot niyong ulo
ni Olipernes na lilo.

Inang kalinis-linisan
di nagkamit kasalanann
siya ang ating daingan,
ang tawagin gabi’t araw
nang tayo’y kaawaan.

Maawai’t masaklolo
sa sino ma’t aling tao
siya’y batis na totoo,
nanginginig yumuyuko
ang tanang sang-impeirno.

Mistulang intersesora,
ng tanang Anak ni Eba
kaya tayong na sa sala,
magbalikwas magsisi na
at paampon sa kaniya.

Yamang tayo ay binigyan
ng Diyos ng munting lugar
pinautang pa ng buhay,
tanang ating kasalanan
pagsisiha’t ikumpisal.

Tayo ay magsamantala
magsisi ng ating sala
dagdagan ang penitensia
nang tayo ay makasama
sa Langit ng Birheng Ina.

Yamang di natin malaman
yaong oras kung kailan
pagdating ng kamatayan
ay itangis gabi’t araw
lahat nating kasalanan.


0 comments: