Thursday, March 19, 2009

PASYONG MAHAL - -ANG PAGHUHUKOM NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO SA SANGLIBUTANG TAO

Ang paghuhukom ng ating
Panginoong Hesukristo sa
Sanglibutang tao.

Ang winika ni San Mateo
sa kanyang Ebanghelio
walang pagsalang totoo,
aniya’y si Hesukristo
muling mananaog dito.

Kaniya ngang huhukuman
ang buong Sangkatauhan
nguni’t hindi malalaman,
nino mang banal na banal
kung aling oras at araw.

Subali’t hindi sasala
itong pagparito niya
niyong pa mang unang-una,
kaniyang ipinagbadya
sa mga Santos Propeta.

Kaya nga at itinitik
sa buong Salmos ni David
itong araw kung sumapit
pawang magugulong pilit
ang lupa sampu ng Langit.

Nang kay Moises ay iabot
ang sampung utos na Diyos
madlang kakila-kilabot,
ang tunay na napanood
doon sa Sinay na bundok.

Dilim na kapanglaw-panglaw
kidlat ay di magpatantan
kulog ay gayon din naman,
na anaki’y magugunaw
ang buong sangkabundukan.

Yaon ay kaya pakita
nang Diyos sa taong sala
ng matanto ng lahat na
na dapat magsitalima
ang tao sa utos niya.

Kung doon sa pag-aabot
kay Moises niyong utos
gayon nang katakut-takot
na ipinakita nang Diyos
doon sa Sinay na bundok.

Di lalong kagitla-gitla
kung muling manaog siya
at tayo’y huhukuman na,
saka hihingan nang kuenta
ang tao kung tumalima.

Doon nga ipatatanghal
sa buong sangsinukuban
ang buong kapangyarihan
at ganap na kabagsikan
ng Diyos Poong Maykapal.

Hindi na mababang loob
ang ipakikita ni Hesus
para nang unang manaog,
niyong ipako sa Krus
nang mga lilong hudyos.

Kundi matang nanglilisik
at mukhang puno ng galit
saka ang hawak at bitbit,
nitong Diyos na mabagsik
espadang namimilansik.

Araw na ibig matupad
ni Hesus Haring mataas
pagbawi sa mga sukab,
galit niyang nag-aalab
laong panahong iningat.


Ano pa’t doo’y wala na
munti mang miserikordia
at ang pananangan niya,
ang paghuhukom sa lahat na
ng kaniyang pagkahustisya.

At kung dumating na naman
ang panahong takdang araw
sa Langit at kalupaan
sa hangin at karagatan
may mga tandang lilitaw.

Ang mga kometang ito
ay makikitang totoo
kung matatapos ang mundo,
ano pa’t ang madlang tao
para-parang magugulo.

At ang araw na masinag
ay magdidilim na agad
at ang sangmaliwanag
mamumulang dili hamak
dugo ang siyang katulad.

At ang bituing lahat na
tala at madlang planeta
ay kukulimlim pagdaka
tuloy namang mag-iiba
sa dating tahanan nila.

Anaki’y mangahuhulog
sa lupa ang tanang astros
tantong kakila-kilabot
ang maiilap na hayop
sa baya’y magsisipasok.

Pawang mangagsisiungal
ng tantong kalumbay-lumbay
at ito’y pakitang tunay,
sa magiging kasiraan
ng kanilang pagkabuhay.

Sa dagat magsisibangon
matataas na daluyong
kaigtla-gitla ang ugong,
ang lupa’y malilinggatong
halos tabunan ng alon.

Sa hangi’y mapapakinggan
ang malaking kaingayan
ay parating magigikla,
ang katulad at kabagay
ehersitong nag-aaway.

Katakut-takot ang kidlat
kulog ay lubhang malakas
lintik ay mananambulat,
ang bundok at mga gubat
para-parang mag-aalab.

Magugulong di kawasa
ang mga tao sa lupa
ang lahat ay mamumutla
di mabibigkas ng dila
at mangawawalang diwa.

Di na mangagkakatuto
bata’t matanda sa mundo
ano pa nga’t gulong-gulo
at kapuwa rin Kristiano
mangagbabakang totoo.

Nguni at ito’y hindi pa
na sukat ikabalisa
ang lalong kagitla-gitla,
na mundo’y kung sumipot na
yaong taong palamara.

Yaong sukaban at lilo
magdarayang walang tuto
kalupit-lupit na tao,
kampon ng mga demonyo
ang pangala’y Anti Kristo.

Ang wika ng mga paham
na nagsabi at nagsaysay
ay yaong tribi ni Dan,
siya raw panggagalingan
nitong lilo at kaaway.

Halay na di mamagkano
ng dugo’t pagiging-tao
ipaglilihi ang lilo,
sa kasalanang insesto
na galing sa sakrilehio.

Kung ito’y ipagbuntis na
ng kulang palad na ina
ay parating magigikla,
at madla ang makikita
na katatakutan niya.

Parating gugulat-gulat
yaong inang kulang palad
at alapaap ng alapaap,
at kaya gayon ang sindak
demonyo nga ang lalabas.

Ito ang siyang nakita
ni San Huan na nagbadya
sa Apokalipsis niya,
ng panahong una-una
hayop na walang kapara.

Lalo sa hayop na tanan
na kaniyang napagmasdan
katakut-takot matingnan,
pito ulo’t sampung sungay
iisa naman ang katawan.

Doon nahahalimbawa
kapangyarihang dakila
nitong malupit na diwa,
ng siyang ipaniwala
ng imbing tao sa lupa.

Gayon ang sabi’t pahayag
ng mga Santos Propetas
kaya naman isinulat,
nang mga Ebanghelistas
sa Ebanghelyong marilag.

Ito’y pagkakalooban
nang Diyos at kapasyahan
gumawa ng kababalaghan,
at kaniyang makakamtan
ang yaman sa karagatan.

Ang mga pagmimilagro
tutulungan ng demonyo
siya ay magkakabayo,
ano pa’t sa buong mundo
maghahari itong lilo.

Ang kaniyang mga aral
masasama’t di katuwiran
madlang ugali’y mahalay,
ipagbabantog sa tanan
siya’y ang Kristianong tunay.

Ang lahat niyang kasama
mamamansag na Propeta
hihibuan ang lahat na
nang magsisampalataya
sa lihis na aral niya.

Ang sino mang sumalansang
at sa kaniya’y sumuway
tambing na parurusahan,
ng dusang makamamatay
para ng martir na tunay.

At ang mga masunurin
sa gawang hindi magaling
kaniyang pagpapalain,
ng tumalikod na tambing
sa Diyos na Poon natin.

Tatlong taon itong hayop
na tutulungan ng Diyos
umaral ng liko’t buktot,
at saka naman sisipot
si Elias at si Enok.

Itong dalawang Propeta
mangangaral sa lahat na
ng hindi mapalamara,
ng katawa’t kaluluwa
ng tanang anak ni Eba.

Kung matanto’t maalaman
ng Anti Kristong bulaan
yaong mga pangangaral,
ipararakip pagkuwan
at agad papupugutan.

At saka ang gagawin pa
nitong lilo’t palamara
kaniyang ipakukuha,
at ihahayag sa plaza
ang bangkay nitong dalawa.

At ng doon matalastas
ng taong nagtitimpalak
na liko at pawang linsad
ang pangangaral sa lahat
ni Enok at ni Elias.

Saan di kung mapanood
makita yao’t matalos
ng taong mahinang loob,
puso nilang marurupok
ay agad malalamuyot.

Maniniwalang totoo
sa aral ng Anti Kristo
lalo na kung magmilagro
may sakit patay na tao
ay bubuhaying totoo.

Gayon ang sabi at wika
ni Hesus Haring dakila
kaikailan ma’y wala
taong lumitaw sa lupa
na para nitong kasama.

Santong Diyos na mataas
poot mo po’y paglubag
sa aming iyong obehas,
at iyong mga alagad
na pawang natitiwalag.

Sino ang makatataya
ng iyong pagka-Hustisia
ito nga ang siyang dusa,
ng mga taong lahat na
sa madlang pagkakasala.

Bagaman at ipapatay
ng dalawang mga banal
kung maging apat na araw
ay mag-uling mabubuhay
sa Diyos na kalooban.

Mananaog naman dito
ang isang Anghel ni Kristo
pupuksa sa mga lilo,
at pupugutang totoo,
hari nilang Anti Kristo.

Ito’y siyangsinasaysay
sa sulat napapalaman
si San Miguel na matapang,
Prinsipe sa kalangitan
ang pupugot sa bulaan.

At kung baga mamatay na
ang taksil at palamara
saan di nga mag-iiba,
ang nagsisampalataya
sa lihis na aral niya.

Nguni’t pahihintulutan
ng Diyos ang katauhan
ang mundo’y bago matunaw,
ay hihinting makaraan
ang apatnapung araw.

Ito kaya’y pahintulot
sa atin nang Poong Diyos
ay ng magsising tibobos,
tayo at mag-ibang loob
sa gawang liko at buktot.

Sa malaking kataksilan
natin at kapalaluan
dahilan sa kayamanan,
ay ang ibang mga hunghang
di mag-iiba nang asal.

Lalo na nga kung ang tao
ay mahirap nang totoo
ang loob niyang magbago
ay magumon na sa bisyo
ang wika nga ni San Pablo.

Halos hindi matahimik
sandali ma’y di maidlip
sa puso’y hindi mapaknit
tuwi na’y lumiligalig
kapalaluang umaakit.

Kung maganap na ang araw
tadhana nang Maykapal
kapagdaka’y bibitiwan,
ang poot at kagalitan
at parusang ibibigay.

Kukulog nama’t lilintik
kidlat na makatutulig,
ang hangi’t bagyong mahilis
at uugong na masakit
yaong elementong tubig.

Ang lupa’y malilinggatong
walang tahan ng paglindol
ang kahoy at mga ibon,
tatangis at hahagulgol
sindak sa gayong panahon.

Magmumula nga sa Langit
ulan, apoy na masakit
sa lupa’y halos tumakip
susunog magpapasakit
sa mga taong bulisik.

Kung maubos na mapuksa
ginto at yaman sa lupa
ang apoy nama’y bababa,
susunugin alipala
tao at hayop na madla.

Ang tore’t mga palasio
bahay sadyang edipisyo
mga kalakhan sa mundo
walang pagsalang totoo
magiging uling at abo.

Lahat nating minamahal
dito sa lupang ibabaw
na sa hangi’y di pahipan
kung dumating na ang araw
para-parang matutunaw.

Ano pa’t walang titira
tao yaman at balana
mawawalang para-para
lalong sukat ipangamba
kung anong daratning hangga.

At sa Balye ni Hosapat
hihipan yaong pakapak
na ipupukaw sa lahat
ang Anghel ay matatawag
ito ang ipangungusap.

Bangon kayo mga patay
nagsidulog kayong tunay
sa mataas na hukuman,
niyong Sumakop sa tanan,
Haring makapangyarihan.

Ang kalakasan ng boses
lalo sa kulog at lintik
sa lupa’t sampung sa Langit,
sa impierno’t sandaigdig
ang tawag ay maririnig.

Ay ano’y kung mailagda
ng Anghel ang gayong wika
magbangon alipala,
ang lahat ng taong madla
na nangamatay sa lupa.

At kahit mangawalat man
buto natin sa katawan
mag-uuling magkapisan,
anupa’t di magkukulang
ng ano mang kasangkapan.

Ang lahat ng kaluluwa
papasok kapagkaraka
sa kata-katawan nila,
magpipisa’t magsasama
sa tuwa o pagdurusa.

Doon na magsusumpaan
ang kaluluwa’t katawan
nguni’t yaong mga banal
ng mga makasalan,
magpupuring walang humpay.

Kung mabuhay na ang lahat
kay Adang mga Inanak,
sa Balye rin ni Hosapat,
magpipisang walang liwag
gayon ang sabi’t pahayag.

Doo’y wala ng matanda
at wala rin namang bata
edad tatlong po’t tatlo nga
ang taon ng taong madla
nang nabubuhay sa lupa.

Doon sa pagkakapisan
nang mga lilo’t banal
pagbubukdin-bukdin naman,
sapagka’t aalingasaw
baho nang makasalanan.

Ang katawang mapapalad
nang mga banal na lahat
ang bango’y hahalimuyak,
ang mukha’t magliliwanag
lalo sa araw ng ningas.

Ano nga’y kung mabukod na
ang banal sa taong sala
mananaog kapagdaka,
si Hesus na Poong Ama
madlang Anghel ang kasama.

Kasama ring mananaog
ang lahat ng mga Santos
at siyang saksing tibobos,
niyong biyaya ni Hesus
sa taong taksil na loob.

Doon naman ay kasama
ang Birhen Santa Maria
lalong saksing nakakita
nang pagsakop at pagkalara
ni Hesus sa taong sala.

Ano pa’t itong Mesias
ay nagigitna sa lahat
kasiping ang Inang liyag
tumutuntong yumayakap
sa maputing alapaap.

At doon sa pagpanaog
ay nangunguna ang Krus
estandarteng itinubos
ipinagwagi ni Hesus
sa malupit na demonyos.

Yaong Krus kung matingnan
nang taong makasalanan
agad pangingilabutan,
sa dili pakikinabang
bungang kasarap-sarapan.

Nguni’t kaliga-ligaya
ikatutuwang makita
niyong banal na lahat na,
tunay na nagpenitensia
at tinangisan ang sala.

At kung dumating na naman
itong hukom na matapang
sa balyeng paghuhukuman
mauupo kapagkuwan
sa mahal niyang luklukan.

Ang kasiping naman niya
isang trono ang handa na
luluklukan ni Maria,
doo’y di na abogada
ang lagay ng Birhen Ina.

Kundi bagkus nganing saksi
aayop at duruhagi
sa mga taong tumanggi
sa aral niya at sabi
at nasa niyang mabuti.

Doon din naman sa kanan
ni Hesus ay kaagapay
labing-dalawang luklukan,
na talagang lilikmuan,
ng Apostoles na tanan.

Ay yaong labing-dalawang
mga Apostoles niya
ay siayng lalung-lalo pa
doon ay magpapasiya
ng marahas na parusa.

Ano pa’t ang tanang banal
ay kanilang kinakanan
ang lilo’t makasalanan
sa taga impiernong bayan
sa kaliwa mapipisan.

Kasama’t hahalubilo
ang madlang mga demonyo
Santong Diyos ano ito!
sino kaya’t aling tao
doon ang hindi manglumo?

Doon na nga mabubuksan
ang libro nang kabanalan
gayon din ang kasamaan,
pawang mangagpapaluwal
lihim na ating inasal.

Ang gawa ng taong lahat
lihim na di nahahayag
pawang mangasisiwalat,
na anaki’y nalilimbag
na noo’y nangasusulat.

Kahima’t makasalanan
lubhang kahalay-halayan
ng dito’y nangabubuhay,
kung mangagsising matibay
doo’y mangagsisikinang.

Ano pa’t uusisain
doon at sasaliksikin
ang lahat ng gawa natin,
mga wika at panimdim
kahit hayag man at lihim.

Kung mausisa na naman
lahat nating kagagawan
alipala’y hahatulan,
ng mga Santos at banal
ito ang siyang tuturan.

Venti, Benedicti Patris mei,
Et percipite regnum
caelorum.

Halina mga katoto
na pinagpalang totoo
ng Diyos Haring Ama ko
at ngayo’y kamtan ninyo
ang tuwa sa Paraiso.

Halina at inyong kamtan
ang Langit na kataasan
luwalhating inilaan,
ng Ama kong lubhang mahal
sa mga Santos at banal.

At kung ito ay mawika
ni Hesus sa taong madla
na kaniyang pinagpala,
ay lilingon namang bigla
sa tanang na sa kaliwa

Galit na walang kapara
ang mukha ay namumula
nakatatakot makita,
ang dalawang mata niya
parang mabisang sentelya.

Pagdaka’y ibubulalas
parusang kasindak-sindak,
sa harap ng taong lahat
ni Hesus Haring mataas
ito ang ipinangungusap:

Ite maledicti in ignem
aeternum.

Mangagsilayo na kayo
sa akin sukaba’t lilo
tampalasang mga tao
at masuwaying totoo
malupit na walang tuto.

Hayo na’t inyong kamtan
apoy sa impiernong bayan
sa inyo’t sa diablong tanan,
inihanda’t inilaan
na magparating man saan.

Sa laki ng dalang poot
ng pangungusap ni Hesus
ang madagundong na tunog,
tantong kakila-kilabot
yaong boses na mataos.

Mabubuka alipala
ang tinutuntungang lupa
lalamunin yaong madla,
tao’t diablong masasama
mga malulupit na diwa.

Doo’y mangagkakagatan
sila’t mangaghihilahan
ang madlang pagsusumpaan,
ang hirap at kasakitan
walang katapusa’t hanggan.

At kung magawa na ito
ni Hesus sa mga lilo
yayakagin ng totoo,
ang mga banal na tao
doon sa Langit na Reino.

Laking tuwa at ligaya
nang katawa’t kaluluwa
magpupuri’t magsasaya
doo’y matatamo nila
luwalhating walang hangga.

Santong Diyos ikaw nga
ang tantong banal na lubha
sa magaling mapagpala,
mapagbawi’t mabagsik nga
sa taong lilo’t masama.

A R A L

Oh mga Kristianong tanan
na mapagbantog na aral
mag-isp ka na’t magnilay,
loob nating salawahan
sa gawang di katuwiran.

Talikdan na ngang totoo
ang mga banal sa mundo
tumulad kay Hesukristo,
nang tayo’y huwag mabuyo
sa aral ng mga lilo.

Ang ating mga katawan
di sasala’t mamamatay
gayon din ang dilang bagay,
ginto’t pilak kayamanan
ang lahat ay matutunaw.

Ano at di pa magbawa
mga gawa mong lahat na?
bakit di ka mabalisa,
loob na napalamara
sa gawang pagkakasala?

Ano at di pa malumbay
tayo at di kilabutan
kung ang lalong mga banal
nanginginig ang katawan
kung ito’y magunam-gunam?


Oh taong nakalilimot
sa sala’y nakakatulog
pukawin nag iyong loob,
at isipin mong tibobos
ang sa mundong pagkatapos.

At kung di ka gumanito
sa aba mo ngang aba mo
walang pagsalang totoo,
sapilitang daratnin mo
hirap sakit sa impierno.

Samantalang may oras pa
ay maglaan kang maaga
kung gumabi’t dumilim na,
ay lalong maghihirap ka
gumawa’y ngangapa-ngapa.

Ang puso mo’t iyong loob
iyong ialay sa Diyos
magsisi ka na’t matakot
ng marating mong tibobos
ang bayan ng Santa’t Santos.

At kung marating na naman
ang Langit na kapisanan
ay doon na makakamtan
ang yama’t kaginhawahan
ng Diyos Poong Maykapal.

W A K A S

Wednesday, March 18, 2009

PASYONG MAHAL - PANALANGIN NG TAONG KRISTIANO KAY GINOONG STA. MARIA

Panalangin ng taong Kristiano Kay Ginoong Sta. Maria

Oh Mariang masaklolo
Ina nang Divino Berbo
ngayon po’y pakinggan mo,
itong pagtawag sa iyo
naming salaring tao.

Alang-alang Inang mahal
sa iyong kapighatian
ng makita mo’t matingnan,
ang mahal na pagkamatay
ni Hesus Anak mong tunay.

Kami’y iyong idalangin
kay Hesus Anak mong giliw
nang kaniyang patawarin,
ang sala at gawang linsil
na mga nagawa naming.

Kapag ikaw Inang hirang
Birheng kalinis-linisan
ang humingi ng ano man,
hindi ka pagkakaitan
ni Hesus Anak mong mahal.

Kaya pa, Birheng marilag
Inang walang makatulad
magdalita ka’t mahabag,
ipagtanggol kaming lahat
sa mga dalita’t hirap.

Sa Diyos Amang mahal
idalangin kami’t bigyan
nang pagsisising matibay
tanang aming kasalanan
at magandang kamatayan.

At sa oras ng pagdating
niyong kamatayan namin
kami po’y inyong dalawin,
saklolohan at aliwin
sa hirap na titiisin.

Yayaman ikaw nga lamang
Birheng kalinis-linisan
ang di nahawa munti man,
ng salang mana kay Adan
nitong buong Sangtinakpan.

At ang aming kaluluwa
kung kami’y mamatay na
ay kunin mo’t ipagsama,
at ng kami’y guminhawa
sa maluwalhating Gloria.


Tuesday, March 17, 2009

PASYONG MAHAL - -NANG PARONA'T DALAWIN NG EMPERATRIS ELENA ANG PINAGBAUNAN NG KRUS AT MGA PAKO NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO

Nang parona’t dalawin ng Emperatris Elena ang pinagbaunan ng Krus at mga pako ng ating Panginoong Hesukristo

Kaya ang lalong magaling
dito naman ay isipin
ang madlang awa sa atin,
misteriong mga habilin
ng Diyos na Poon natin.

Na yaong Sakro-Madero
na kinamatayan ni Kristo
dahil sa sala nang tao
dapat mahaling totoo
ng tanang mga Kristiano.

Yaong banderang pangwagi
marikit na estandarte
kinatatakutang dati,
at kusang dumuruhagi
sa demonyong umaali.

Ay ano’y sa kalupitan
ng mga hudyong hunghang
kanilang kaugalian
magdaya’t gumawang lalang
sa sino mang parusahan.

Kung sakaling mamatay na
at ililibing na nila
sa hukay ay isasama,
ang kasangkapang lahat na
ipinatay sa may sala.

Ito ang siyang inasal
ng mga hudyong hunghang
ibinaon nila naman,
yaong mga kasangkapan
ni Hesus sa pagkamatay.

Kaya ginawang tibobos
ng malupit na hayop
anila’y nang di mabantog,
naturang Anak nang Diyos
yaong pinatay sa Krus.

At yaon naming naunan
ng Mananakop sa tanan
kanilang pinatabunan
saka doon sa ibabaw
nagpatayo ng Simbahan.

Ang pamagat nilang lubos
yaong ang Templo ni Benus
kahunghangan ngang tibobos
nang mga taksil na loob
an alipin nang demonyos.

At magmula noon naman
hindi mangyaring madalaw
ng sino mang bininyagan,
doon ay may nagbabantay
ng mga hudyo sukaban.

Sa awang di mamagkano
nang Diyos na masaklolo
ang mga lugar na ito,
nabihag nga at tinalo
ng Haring si Konstantino.

Ano nga’y ng makamtan
yaong mga Santong lugar
tuwang hindi ano lamang,
ni Konstantino ng minsan
Emperador na binyagan.

Saka si Santa Elena
na kay Konstantinong ina
sa Herusalem nagsadya,
at ibig niyang makita
Krus na itinubosa sa sala.

Ang nasa’t pita ng loob
nitong Reynang maalindog
ibig niyang mapanood,
ang mahal na Santa Krus
na sa ati’y isinakop.

Nang siya nga ay dumating
sa bayan nang Herusalem
pinaghanap niyang tambing
kahoy na walang kahambing
pinagtubusan sa atin.

Nguni’t hindi nasumpungan
at kung saan inilagay
ng mga hudyong hunghang
at sa pagka’t ang baunan
kanilang pinatabunan.

Ang naisipang maganda
nang Emperatris Elena
ipinatapong lahat na,
ang mga idolatria
doon sa templong meskita.

Iniwasak isinabog
yaong Simbahan ni Benus
ipinatibag ang bundok,
ng lumalim ay sumipot
mahal na libing ni Hesus.

Sa siping din baunan
ng Mananakop sa tanan
doon naman nasumpungan
yaong kamahal-mahalan
Krus na kinamatayan.

Tatlong Krus ang nakuha
sampung rotulo’y kasama
nguni’t hindi mapagsiya,
nang tao at makilala
ang Krus ni Kristong Ama.

Tatlong Krus kung pagmasdan
iisa ang kahabaan
at gayon din nga sa kapal
kaya hingi mapagbuhay
ang kay Hesus na maalam.

Kaya nga ang minagaling
nitong Reynang masintahin
sinangguni niyang tambing,
si San Makariong butihin
Obispo sa Herusalem.

Ano pa’t ang minaganda
nang Obispo’t ni Elena
doo’y may isang senyora,
tantong naghihingalo na
at papanaw ang hininga.

Isa-isang inilagay
isiniping sa may damdam
ang tatlong Krus na naturan
sa dalawa’y walang tunay
na nagbigay kagalingan.

Nguni’t ang Krus ni Kristo
na isinakop sa tao
ng siyang malapit kono,
nakagaling na totoo
sa naghihingalong tao.

Para-parang nangagtaka
ang taong nangakakita
himalang walang kapara,
nang Diyos na Poong Ama
doon sa abang senyora.

At mayroong isang patay
na ibabaon na lamang
isiniping nila naman,
sa Krus ni Hesus na mahal
ang patay agad nabuhay.

Doon na nga nakilala
napagsino ng lahat na
ang Krus na maligaya,
na isinakop sa sala
nang ikalawang Persona.

Agad na ngang iginalang
pinuri at niluhuran
pasasalamat na tunay
nila sa Poong Maykapal
dito sa tuwang kinamtan.

Nagtalo at di nagkaisa
loob ng mga bihasa
na di mapagwari nila,
na kung anong kahoy baga
yaong Krus na maganda.

Anang iba ay Olibo
Palma anang ibang dokto
Sipres ani San Macario,
ang ipinasiyang totoo
yaon ang kahoy na Sedro.

Kahoy na katuwa-tuwa
ibinunga’y pawang awa
ang linamnam at ang bisa
nakapawi’t nakawala
sa sakit ng taong madla.

Kalahok din at kasama
ang Krus na ating sala
apat na pakong maganda,
sa kamay sampung sa paa
ni Hesus na Poong Ama.

Tunay nga’t hindi pahayag
ng mga Santos Propetas
na yaong pako ay apat,
ang ibang bihasa’t pantas
siyang nagsabi’t sumulat.

Lalong nagpakasakit nito
ang Ina ni Konstantino
apat ang pakong totoo,
na ipinako kay Kristo
ng mga lilong hudyo.

At sapagka’t ng makuha
Krus ni Hesus na Ama
nang Emperatris Elena
mga pakong mahalaga
di nasira’t di nag-iba.

Himalang sukat pagtakhan
sa mga pakong naturan
ay naano man lamang,
sa gayong kahabang araw
na ibinaon sa hukay.

At ang mga pakong hayag
di Dimas sampu ni Hestas
ay kinalawang na lahat,
kulang lamang ang maagnas
na parang lupang matigas.

Minahal nganing totoo
nang Ina ni Konstantino
ang pako ni Hesukristo,
sampu ng Sakro-Madero
na isinakop sa tao.

Isa ngang pakong marilag
ang nasa bayang Karpentas
na minamahal ng lahat
kung ipagpiesta’y ang tawag
Clavo Santo ang pamagat.

Ang ikalawa sa bilang
nitong pakong lubhang mahal
nasa Simbahan ng Milan,
si San Carlos ang naglagay
nang paroon at dumalaw.

Ikatlong pakong maganda
isinangkap kapagdaka
nang Emperatris Elena,
sa marikit na deadema
ng bugtong na anak niya.

Ang wika ni San Ambrosio
pakong ikaapat ni Kristo
ipinatapong totoo,
ng Ina ni Konstantino
sa dagat ng Adriatiko.

Dahil sa bagyong sumasal
halos ang baya’y matunaw
kaya itinapon naman,
yaong pakong lubhang mahal
at ng siyang magpahumpay.

Ang wika ng ilang doktos
sa pakong yaon ni Hesus
ng maitapong matapos,
sa tubig ay di lumubog
himala nang Poong Diyos.

At ito ring pakong mahal
ang sa dagat binitiwan
ang nasa Paris na bayan,
sa Templong lubhang mainam
ni San Dionisiong banal.

At yaong pakong maganda
nasasangkap sa deadema
ni Konstantino ng una
yaon din at hindi iba
ang nasa Templo ng Roma.

Kaya nga’t ang katampatan
sa sino mang bininyagan
purihi’t pasalamatan,
ang Diyos na Poong mahal
nitong awa niyang tanan.

Tayo ngayo’y dumalangin
at tumawag tayong tambing
sa Diyos na maawain,
at ng tayo ay ampunin
sa ano mang hirap natin.

Tayo naman ay pumara
sa gawa ni Santa Elena
sa paghanap at pagkita,
ng kasangkapang lahat na
na isinakop sa sala.

Atin naming pagpilitan
tanang gawa ng kabanalan
manalangin gabi’t araw,
ng tayo’y huwag masinsay
sa daan ng katuwiran.

Pagtulog tayo’y dumaing
sa mahal na Inang Birhen
yamang siya’y maawain,
nang tayo’y ipanalangin
sa Diyos na Poon natin.


Monday, March 16, 2009

PASYONG MAHAL - -ANG PAGKAMATAY AT PAG-AKYAT SA LANGIT NI GINOONG SANTA MARIA

Ang pagkamatay at pag-akyat sa Langit ni Ginoong Santa Maria

Nang maghiwa-hiwalay na
Apostoles na lahat na
ang Birheng Santa Maria,
sa Herusalem tumira
mangangaral na talaga.

At ang gawa araw-araw
ay ang parating dumalaw
sa mga daa’t lansangan,
na totoong nilakaran
ng Anak niyang pumanaw.

Ano pa at walang likat
ang pagdalaw at paghanap
sa iniwang mga bakas,
mga lansangang nilakad
ng kaniyang sintang Anak.

Siya’y may kaibigan
dalawang babaing mahal
tuwi na’y sinasamahan,
sa pagparoo’t pagdalaw
niyong mga santong lugar.

Ano pa nga si Maria
walang ginagawang iba
kundi tumawag tuwi na,
paampon at pakalara
sa bugtong na Anak niya.

Mana nga’y isang araw
itong Inang namamanglaw
nanalangin kapagkuwan,
at dumating siyang tunay
sa Anak niyang marangal.


Ito ang ipinagbadya
oh Anak kong sinisinta
buhay niyaring kaluluwa,
kailang oras pa baga
tayo’y muling magkikita?

Kailan mo matitingnan
iyang mukha mong malinaw
na pinanganganinuhan
ng tao sa Sangtinakpan
dito sa lupang ibabaw.

Aling panahon at oras
muli tayong maghaharap
Ina mong lipos ng hirap,
ay walang daang lumuwag
bunso kundi ka kaharap?

Anak ko’y magdalita ka
na ako’y inyong kunin na
at ng kita ay makita,
sa bayan mong maligaya
na maluwalhating Gloria.

Di ko mabata munti man
ang kita’y hindi matingnan
malaki ang aking lumbay
kaya bunso ko at buhay
ako’y huwag pabayaan.

Mabalino ka’t mahabag
ng pagdaing ko’t pagtawag
yamang kita’y siyang Anak,
tingni ang Inang may hirap
lumuluha’t umiiyak.

Bunso ko’y iyong kuha
yaring aking kaluluwa
yamang mahabang araw na,
na hindi ka nakikita
tuwa ko kung kaharap ka.

Marami pa at makapal
ang daing ng Inang Mahal
ay nanaog na kapagkuwan,
isang Anghel na marangal
siya ay pinangusapan.

Anang Anghel na maganda
aba Ginoong Maria
ako po’y sugong talaga,
ng Anak mong sinisinta
ito ang pabilin niya:

Bukas ay di maliliban
ikaw ay parirituhan
ng Anak mong minamahal,
iyaakyat ka pong tunay
sa maluwalhating bayan.

Ako po nama’y kasama
bukas kung parituhan ka
kaya ngayo’y matuwa na,
ang Poong ko at magsaya
at ito’y walang pagsala.

Ang sagot ng Inang Birhen
ay aba mahal na Anghel
kung gayon ang iyong turing
hayo na’t iyong sabihin
itong lahat kong habilin.

Sabihin mo’t ipahayag
sa Diyos ko’t aking Anak
paparituhing humarap,
ang Apostoles na lahat
na kasama kong alagad.

At bago ako mamatay
sila’y aking matitingnan
at ako ay paalam,
tuloy makikipanayam
ng madla’t maraming bagay.

Nagpaalam at nanaw na
ang Anghel na sugo baga
ito namang si Maria,
papupuri’y walang hangga
sa Diyos na Poong Ama.

Ang Apostoles na tanan,
dumating ding di naliban,
kahima’t malayong bayan,
sa Senakulo’y nagpisan
sa Diyos na kalooban.

At ang ibang mga tao
na kaibiga’t katoto
nitong Birheng masaklolo,
nagsidalaw nagsidalo
sa tahanang Senakulo.

Ang Birhen’y nagugulaylay
sa katre niyang hihigan
doo’y pinangangaralan,
ang Apostoles na tanan
tungkol sa pagsusunuran.

At doon ipinangusap
sa doroong humaharap,
yaong wikang masasarap,
na sukat kamtan ng lahat
at ikaaliw sa hirap.

Aniya’y ako’y patay man
totoo rin akong buhay
kayo’y di malilimutan,
iaadya’t tutulungan
sa pangambang ano pa man.

Ako ang magkakalara
at magtatanggol tuwi na
sa inyo irog ko’t sinta,
na sumunod tumalima
sa aking tanang anyaya.

Dito na nga kapagkuwan
sila ay binendesionan
kaluluwa’y biglang nanaw,
parang natutulog lamang
ang Birheng Inang namatay.

Ang bunso ring Anak niya
ang dumapit at kumuha
ng kaniyang kaluluwa,
madlang Anghel ang kasama
at iniakyat sa Gloria.

Ang Apostoles na lahat
nanduroon humaharap
at sampung ibang alagad,
nagsitangis at umiyak
lumbay na walang katulad.

Ang Poong Birhen Maria
katamisang walang hangga
Ina ng Divina Grasia
sino ang magkakalara
as aming nangungulila?

Sinong ating daraingan
dito at sasanggunian
ng sakunang dumaraan
at sinong magtatangkakal
kundi ikaw Birheng mahal?

Ika nga po’t dili iba
ang Stella Matutina
mapagtanggol mapag-adya
mapagturo sa lahat na
ng sukat ikaginhawa.

Sino pa ang daraingan
ng aming ngang kaabaan!
at sinong magtatangkakal
niyaring aming pagkabuhay
sa dagat ng kapaitan?

Pait na walang kapara
ng aming pangungulila
anong ikagiginhawa
puso nami’t kaluluwa
kung ikaw ay di makita.

Inang mahal di man dapat
ngayon ay nagsisitawag
ang mga imbing alagad
at sa aming paghihirap
mata mo po ay ilingap.

Kami’y iyong idalangin
kay Hesus Anak mong giliw
ipagtanggol na magaling,
kaluluwa’t buhay namin
sa pangambang sasapitin.

Yamang nariyan ka na
sa maluwahating Gloria
natutuwa’t nagsasaya,
kami pong nangungulila
silayan ng iyong mata.

Madla pa’t di maisip
ang kanilang pananangis
halos mawalat ang dibdib,
sa malaking pagkahapis
niyong mga Apostoles.

Aling katigas-tigasan
pusong matigas sa bakal
doon ay hindi matunaw
kung makita at matingnan
yaong mahal na larawan?

Mukha ay nagliliwanag
niyong katawang mapalad
bango’y humahalimuyak,
dikit ay ganap na ganap
niyong Ina ng Mesias.

Ang Sanglangitang Angeles
nagpupuri’t umaaawit
tuwang walang kahulilip
ligayang hindi maisip
nino mang pantas na bait.

Marami namang may sakit
doon ay nangagsilapit
na pawang nangagsitangis,
hirap nila ay binihis
nang tuwang di maisip.

Halos buong sangbayanan
naparoo’t nagsidalaw
na nagsisikip ang bahay,
marami pa at makapal
ang taong nasa lansangan.

Sa malagyan na ng sapot
ang Birhe’y ipinanaog
isa’t isa’y dumudulog,
yaong mga disipulos
pawang may lumbay sa loob.

Agad na nilang pinasan
yaong mahal na katawan
marami nama’t makapal
ang taong nangagsiilaw
hanggang dumating sa hukay.

Sukat namang ipagtaka
natin at ikabalisa
himalang kaaya-aya
nang Diyos na Poong Ama
nang ilibing si Maria.

Bagama’t hindi mabilang
ang kanilang itinanglaw
nguni’t kahit isa man,
doon ay walang namatay
sa hanging lubhang masasal.

Doon sa isang aldea
ng Hetsemaning laguerta
ay may handang hukay sila
pagbabaunang talaga
sa bangkay ng Birheng Ina.

Ay ano nga’y ng dumating
doon sa mahal na libing
inilagay na ang Birhen,
lumbay na walang kahambing
nang taong nagsisitingin.

Kanila nang pinagyaman
yaong marikit na hukay
isinilid kapagkuwan
at saka nila tinakpan
niyaong batong nalalaan.

Ano’y ng mailibing na
yaong bangkay ni Maria
nangasiuwi na sila,
ang iba’y nangagsitira
sa libingang mahal niya.
Doon sila nanambitan
ng tantong kalumbay-lumbay
at hindi ibig panawan,
lisanin sumandali man
ang sa Birheng Inang bangkay.

Sila nama’y nakarinig
niyong sari-saring boses
kaaliw-aliw ang tinig,
ng tanang mga Apostoles
pagsasayang walang patid.

Ang Poong Birhen Maria na
pinutungan ng korona ng
Santisima Trinidad

At doon din sa baunan
ay may amoy na sumingaw
bangomg hindi ano lamang
nakapawi’t nakaparam
ng kanilang kalumbayan.

Pinagtanto’t binilang na
nang marurunong magbadya
at ng mga Apostoles pa,
taon at edad ni Maria
ay pitongpu’t dalawa.

Ng maganap na ang bilang
at mahustong tatlong araw
ang sa Birheng pagkamatay,
sumulid na sa katawan
kaluluwa niyang mahal.

Siya ngang pagkabuhay na
nang Birheng Santa Maria
ang katawa’t kaluluwa,
ay iniakyat sa Gloria
nang Apostoles na lahat na.

At kanilang iniharap
ang Birheng Inang mapalad
katuwaa’y dili hamak
pagpupuri’y walang likat
nang Santisima Trinidad.

Halos di magkarinigan
pagpuri’t pag-aawitan
pagsasaya’t pagdiriwang
buong korong Anghelikal
doon sa Langit na bayan.

Sinalubong na nga siya
nang ikalawang Persona
niyakap kapagkaraka,
madlang puri’y sabihin pa
ni Hesus sa Birheng Ina.

Doon nga sa karurukan
nang langit na kataasan
ay may talagang luklukan,
inihanda’t inilaan
ng Diyos na Poong mahal.

Laan ito at talaga
na uupan nga ni Maria
ano’y nang dumating na,
pinaluklok kapagdaka
sa tronong kaaya-aya.

Doon nga pinaramtan
nang lubos na katuwaan
na pinalalo sa araw,
ay yaong planetang buwan
kaniyang tinutungtungan.

Ang ipinutong sa Birhen
labing-dalawang bituin
dikit na walang kahambing
liwanag ay nagniningning
aling mata ang titingin?

Gayon ang sabi at badya
ni San Huan Ebanghelista
sa Apokalipsis niya
halimbawa’t pagkakita
nang putungan si Maria.

Ay ano’y ng maparamtan
ang Birhen ay maputungan
nang bituing makikinang
sabihin ang katuwaan
ng buong Sangkalangitan.

Kapagdaka ay nangusap
doon nga at isinulat
nang Santisima Trinidad,
ang madlang puring gawad
sa Birhen Inang mapalad.

Ang bati ng Diyos Ama
aba Anak kong maganda
na napuspos nang grasia,
sumunod at tumalima,
sa mga hiling ko’t pita.

Ang puri ng Diyos Anak
aba Ina kong mapalad
bukod sa babaing lahat,
kasama-sama sa hirap
ng pagsakop ko sa lahat.

Yaong ikatlong Persona
ay ang bati kay Maria
aba mahal kong Esposa,
na iniirog ko tuwi na
linis na walang kapara.

Sumagot at nagsisabad
yaong tanang Herarkias
tuwa’y dili hamak-hamak
aba Sagradong marilag
ng Santisima Trinidad.

Ay ano’yng maganap na
puring bagay kay Maria
habilin ang pagsasaya,
tuwang walang makapara
ng sanglangitang lahat na.

Aling matalas na isip
doon ang hindi matulig
sinong makapagsusulit
ng katuwaang nasapit
niyong mga Serapines.

Di nga sukat maakala
at di masayod ng dila
ang gayong pagkakatuwa
walang makahalimbawa
dito sa balat ng lupa.

Nguni’t kaya natalastas
ng mga tao’t nahayag
yaong mahal na pag-akyat
Asunsion bagang mapalad
niyong Ina nang Mesias.

Yaong Apostol na mahal
na si Tomas ang pangalan
bukod ngani siya lamang,
ang di nakakitang tunay
ng sa Birheng pagkamatay.

Ito naman ay talaga
nang Diyos na Poong Ama
ng matanto at Makita
at mahayag sa lahat na
ang Asunsion ni Maria.

Nang si Tomas ay dumating
sa bayan ng Herusalem
hindi nakita ang Birhen,
sapagkat nga nalilibing
ang katawang maluningning.

Sabihin ang hapis sindak
nang Apostol na si Tomas
luha’y baha ang katulad,
kulang ang mawalat
ang dibdib sa paghihirap.

Ay aniya Birheng mahal
laki niyang kamurahan
at hindi ka na dinatnan,
ang pag-alis mo’t pagpanaw
dito sa hamak na bayan.

Buhay ko’y anhin ko pa
kung sa iyo’y mangulila
mahanga ay mamatay na,
at ng kita nga’y makita
sa maluwalhating Gloria.

Sa gayong mga pagtangis
ni Tomas na nahahapis
at ang mga Apostoles,
inaliw siyang masakit
ng ganitong pagsusulit.

Nguni’t di rin tumiwasay
puso niyang nalulumbay
di maidlip gabi’t araw,
sa laking kapighatian
di makakain munti man.

Dumating kapagkaraka
kay San Pedrong puno nila
na pinabuksan talaga
ang libing ng Birheng Ina
ibig humalik sa paa.

Binuhat na kapagkuwan
ang batong nakararagan
doon na niya tiningnan
na wala na nga sa hukay
ang sa Birheng Inang bangkay.

Doon na niya nakita
sapot ng Birheng Maria
agad naniwala siya,
na umakyat na sa Gloria.

ang katawang maligaya.
Nang matanto at mabatid
ni Tomas na nahahapis
na umakyat na ang dibdib
at tumingala sa Langit

ito ang ipinagsulit:
Salamat na walang hangga
Poon ko’t mahal na Ina
akong Apostol na mura,
lubos ngayong umaasa
sa iyong miserikordia.

Kami’y iyong kaawaan
dito sa hamak na bayan
at ang aming pangangaral,
sundin naming walang liban
ng tanang makasalanan.

Ang binhing sadyang talaga
ng aming mga doktrina
magnanaw nawa’t mamunga
sa puso at kaluluwa
nang tanang anak ni Eba.

Nang ito’y maipagsaysay
agad naghiwa-hiwalay
ang Apostoles na tanan
nangagsiuwing di naliban
sa kani-kanilang bayan.

Tuloy ipinahayag pa
ng Diyos sa Santa Iglesia
ikatuwa’t ipagsaya
yaong pag-akyat sa Gloria,
nang Birheng Santa Maria.

Kaya nga’t ang katampatan
ang tao’y gumaya naman
nang tayo ay kaawaan
magpuri ng makayanan
sa Inang Birheng maalam.

A R A L

Oh taong nakalilimot
aniniig sa pagtulog
magbalikwas ka’t kumilos
at isipin mong tibobos
ang madlang awa ng Diyos.

Iwan na ang madlang sala
at kataksilan tuwina
paampon ka’t pakalara
tumawag ng bung sinta
sa Birheng Santa Maria.

At kaya nakyat sa Langit
itong Reynang Emperatris
tayong hamak sa bulisik
kakalingaing masakit
sa tanang mga panganib.

Siya ang tunay na Ina
batis ng miserikordia
tumutulong nag-aadya,
kung tumawag kapagdaka
sino mang taong may sala.

Siya ring Haring totoo
ang Arka ng Testamento
at Hudit na mananalo,
na pumugot niyong ulo
ni Olipernes na lilo.

Inang kalinis-linisan
di nagkamit kasalanann
siya ang ating daingan,
ang tawagin gabi’t araw
nang tayo’y kaawaan.

Maawai’t masaklolo
sa sino ma’t aling tao
siya’y batis na totoo,
nanginginig yumuyuko
ang tanang sang-impeirno.

Mistulang intersesora,
ng tanang Anak ni Eba
kaya tayong na sa sala,
magbalikwas magsisi na
at paampon sa kaniya.

Yamang tayo ay binigyan
ng Diyos ng munting lugar
pinautang pa ng buhay,
tanang ating kasalanan
pagsisiha’t ikumpisal.

Tayo ay magsamantala
magsisi ng ating sala
dagdagan ang penitensia
nang tayo ay makasama
sa Langit ng Birheng Ina.

Yamang di natin malaman
yaong oras kung kailan
pagdating ng kamatayan
ay itangis gabi’t araw
lahat nating kasalanan.


Sunday, March 15, 2009

PASYONG MAHAL - -PAGPANAOG NG DIYOS ESPIRITU SANTO A MGA APOSTOLES

Pagpanaog ng Diyos Espiritu
Santo sa mga Apostoles

Nang umakyat na sa Langit
ang Poong kaibig-ibig
nagpupuring walang patid,
ang Birheng Inang marikit
sampung mga Apostoles.

Doon nga sa Senakulo
nagpisan ang disipulo
nang Poong si Hesukristo
na naghihinta’y saklolo
niyong Personang ikatlo.

Araw, gabi, walang tahan
nananalanging mataman
doon nila hinihintay,
ang grasia’t kabagsikan
ng Diyos sa kalangitan.

Ng maging sampung araw na
mulang umakyat sa Gloria
si Hesus na Poong Ama,
ay nanaog kapagdaka
yaong ikatlong Persona.

Doon sa pagkakatipon
at mga pag-oorasyon
ng tanang mga Apostol,
sa ulo nila’y pumatong
titig-isang dilang apoy.

Na nagmula sa Langit
na hindi naman mainit
ito ang grasiang bihis,
nang Espiritu ng marikit
sa doroong Apostoles.

Silang lahat ay binigyan
niyong grasiang lubhang mahal
may hangin naming nagdaan
lakas na di ano lamang
na nakaaliw sa tanan.

Doon ngani tumanggap na
loob nila ay sumigla
nangawala nag pangamba
nahalinhan kapagdaka
ng tuwa’t pagkaligaya.

Sari-saring mga wika
natutuhan nilang pawa
sa malaking pagkatuwa
nanaw na nga alipala
at mangangaral sa madla.

Tanghaling tapat ang araw
nangaglibot sa daan
lahat ay inaralan
di nila kinatakutan
ang mga pinunong bayan.

Yaon anilang si Hesus
na ipinako sa Krus
totoong Anak ng Diyos
kaya kaming disipulos
sa kaniya’y sumununod.

Ano pa’t ang buong bayan,
mga nasyong bagay-bagay,
naroot nagkakapisan
pawang nalalaganapan
ng kanilang pangangaral.

Balang taong makakita
para-parang nagtataka
nguni’t bukod at kaiba,
hindi sumampalataya
buong hudyong lahat na.

Palibhasa’y matitigas
loob nilang di maagnas
batong buhay ang katulad
ang parating hinahangad
ay gumawa ng di dapat.

Agad nilang inupatan
ang mga tao sa bayan
na huwag paniwalaan,
yaong mga pangangaral
nang Apostoles na tanan.

Ang isang idinugtong pa
niyong mga palamara
sa lahat ipinagbadya,
ang Apostoles anila’y
nalalangong para-para.

Kaya nga’t lubhang matalas
dila nilang nangungusap
bago’y mga imbi’t duwag,
walang puri’t taong hamak
mga loob na halaghag.

Marami at makapal nga
ang kanilang upasala
mga wikang gawa-gawa,
magdaraya palibhasa
lupit ng walang kamukha.

Mayroon ding nahibuan
na mga tao sa bayan
nguni at lalong makapal
ang naniwalang matibay
sa mga mahal na aral.

Yaon ang siyang mula na
ng pag-aral sa lahat na
pawang nangagpenitensia
at totoong nangagtika
sa kanilang gawang sala.

Doon na nga pinunuan
ang pangangaral sa tanan
linibot ang buong bayan,
ang Sangmundoo’y kinalatan
nang Apostoles na tanan.

Ano pa’t nagkatotoo
yaong winika ni Kristo
na ang mga disipulo,
magpapahayag sa mundo
ng kaniyang Ebanghelio.


Saturday, March 14, 2009

PASYONG MAHAL - -ANG PAG-AKYAT SA LANGIT NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO NG MAGANAP ANG APATNAPUNG ARAW

Ang pag-akyat sa Langit ng ating
Panginoong Hesukristo ng maganap
ang apatnapung araw

Recumbentibus undecim
discipulis apparuit illis Jesus.
San Marcos cap. 16 y
San Lucas, cap. 24.

Itong Hesus na mahal
sa lupa’y hindi pumapanaw
hanggang hindi naganapan
ang apatnapung araw
mila nang siya’y mabuhay.

Gayon ang sabi’t pahayag
sa Ebangheliong marilag
ni San Markos na sumulat,
at gayon di si San Lukas
kapuwa Ebanghelistas.

Nang mahusto na ang bilang
na apatnapung araw
sa Herusalem na bayan,
muling napakita naman
si Hesus sa tanang kawal.

Kaya muling napakita
si Hesus ay papanaw na
sa tanang Apostoles niya,
at nang huwag mabalisa
ay inaliw na talaga.

Et reprobavit incredulitatem
eocrum, et duritian cordis,
quia ii qui viderant eum
resurrexisse non crediderunt.

Loob niya ay binuksan
at ng maniwalang tunay
ginawang kababalaghan,
nitong Maestrong maalam
ng hindi pa namamatay.

Na ang winika ni Kristo:
Apostoles ko’t katoto
kaya ko hinirang kayo,
ng maging saksing totoo
nang ginawa ko sa mundo.

Pawa ninyong pahayagan
ang tao sa Sangtinakpan
at tuloy pangangaralan,
nang pagsisising matibay
sa kanilang kasalanan.

Et dixit eis: euntes in
Mundum universum, praedicate
Evangelium omni creaturae.

Magmula sa Herusalem
lahat ay inyong libutin
at turan nang magaling,
ang taong nagugupiling
ng sa sala’y di mahimbing.

Ang sino ma’t aling tao
aralan at binyagan ninyo
ang tumanggap ng bautismo,
at maniwalang totoo
aking magiging katoto.

Nguni’t ang hindi tumanggap
at aayaw na pabinyag
di magkakamit patawad,
walang salang maghihirap
sa apoy na nagniningas.

Et dixit eis: Qui crediderit e
baptizatus fuerit, salvus erit.
quit vero non crediderit
condemnabitur.

Nang kaya’y paniwalaan
sa ano mang ipangaral
kayo ay aking bibigyan,
lubos na kapangyarihan
sa gawang kababalaghan.

Signa autem mea iis qui creriderint
Haec sequentur: in nomine
mea ejicient Daemonia.

Kung sumisilid sa tao
at umaali’y demonyo
at kung mabasbasan ninyo,
at masabi ang ngalan ko
mangingilag na totoo.

Sari-saring wika naman
inyo ring matututuhan
di ninyo katatakutan,
ang mga kapangyarihan
nang mga pinunong bayan.

Serpentes tollent, at si
mortiferum quid biberinit,
non eis nocebit. Super aegros
manus impotent et habebunt.

Sa inyo ma’y ipainom
ang mabisang mga lason
di makaano yaon,
ako ang siyang tutulong
saan man kayo dumuon.


Ang mabibisang kamandag
ang ulupong man at ahas
sa inyo’y hindi tatalab,
sa mga hirap na lahat
at kayo ay maliligtas.

Ano mang inyong hilahil
at sakuna nang panimdim
tatawag kayo sa akin,
kayo’y aking aampunin
sa pangambang sasapitin.


Thursday, March 12, 2009

PASYONG MAHAL - -ANG PAGPAPADAMA NG ATING PANGINOONG HESUKRISTON SA KANIYANG SUGAT KAY SANTO TOMAS

Ang pagpapadama ng ating
Panginoong Hesukristo sa
Kanyang sugat kay Santo Tomas

Sa gayon pagkakapisan
ng Apostoles na tanan
ay si Santo Tomas lamang,
siyang dili nakamalay
sa Maestro ngang nabuhay.

Ano’y ng siya’y makita
ng ibang mga kasama
pinamalitaan siya,
si Hesus anila’y buhay na
at aming nakausap pa.

Ang Kay Tomas na tinuran
di ko paniniwalaan
hanggang di ko nititignan,
mahipo niyaring kamay
ang sugat sa tagiliran.

Kung sa inyong mga wika
sa aki’t pamamalita
ako’y di maniniwala,
hanggang di ko madama nga
yaong sugat niyang madla.

Ay ano’y kaalam-alam
ng malibang ilang araw
nuli silang nagkapisan
si Tomas ay kapanayam
doon sa gitna ng bahay.

Ang mga pintong lahat na
nasasarhang parapara
mana nga’y kaginsa-ginsa,
na sa gitna naman nila
si Hesus ay nagpakita.

Nangusap na malubay
ito ang siyang tinuran:
aniya’y ang kahusayan
at buong kapayapaan
ang sumainyong katawan.

Tomas ngayo’y dumulog ka
tingni ang kamay ko’t paa
ang dibdib ko’y damhin mo pa
at nang inyong makilala
na ako nga’y nabuhay na.


Nang makita nga ni Tomas
sumampalatayang agad
ay nanikluhod na kagyat,
at saka siya nangusap
Diyos ko’t Poong marilag.

Ani Hesus sa kaniya
Tomas ay nakita mo na
ako at maniwala ka,
palad nang di nakakita
sa aki’y sumampalataya.


Dito sa balat ng mundo
ang sumampalatayang sino at
maniwalanang totoo,
hindi man nakita ako
ay mapalad ani Kristo.

Nang ito ay maipangusap
ni Kristo at maipahayag
nails at nawalang kagyat
doon sa mata at harap
nang tanang mga alagad.


Wednesday, March 11, 2009

PASYONG MAHAL - -ANG PAGTATANONG NI MAGDALENA SA ATING PANGINOONG HESUKISTO NA AKALA'Y ISANG HORTELANO

Ang pagtatanong ni Magdalena sa ating Panginoong Hesukristo na akala’y isang Hortelano

Nguni at si Magdalena
sa libingan ay tumira
pumasok, tiningnan niya,
si Hesus ay di nakita
luha’y baha ang kapara.

Sa pagtangis at pag-uwang
ni Magdalenang may lumbay
at siya nga’y nilapitan,
ng isang Anghel na mahal
binati’t pinangusapan.

Anang Angel sa kaniya
babae ay bakit baga
ngayon ay tumatangis ka,
at di isa man magbawa
ang pighati mo’t balisa.

Ang itinugon na lamang
ni Magdalenang timtiman
ano’t di ko ikalumbay
ang Poong ko’y pinagnakaw
at kung saan inilagay?

Halos di natatapos pa
ang sabi ni Magdalena
lumingon ay may nakita,
isang tao na nagbadya
at nangusap sa kaniya.

Anitong taong nangusap
babaing lubhang mapalad
ano’t ikaw’y umiiyak
sinong iyong hinahanap
gayon na ang iyong sindak?

At hindi nga napagsino
ni Magdalena si Kristo
ang isip niyang totoo,
ay ang kausap na tao
doo’y isang hortelano.

Nangusap si Magdalena
maginoo po aniya
kung ikaw po ang kumuha
sa Poon ko’t aking sinta
sa akin po’y ipakita.

Sagot ni Hesus ay ito:
Maria ako ay tingnan mo
ako ang hinahanap mo,
dito na nga napagsino
ang Poong si Hesukristo.

Ang puso ni Magdalena
dito na nga naligaya
Maestro ko po aniya,
sa aki’y pahagkan mo na
ang mahal mong nga paa.

Nguni’t hindi tinutulan
nitong Maestrong maalam
na ang paa niya’y hagkan
para niyong unang araw
nang di siya namamatay.

Huwag mong hagkan aniya
ang paa ko Magdalena
at di ako nanakyat pa,
sa Diyos ko’t Poong Ama
puno ng tuwa’t ginhawa.

Hayo na’t ikaw’y manaw
at iyong pamalitaan
ang Apostoles kong tanan,
ako’y sabihing nabuhay
at iyong kasalitaan.

Nawala kapagkaraka
si Hesus ay di nakita
nalis naman si Magdalena,
halos lumuha ang mata
nang tuwa’t pagkaligaya.

Nang dumating na sa bayan
namalita kapagkuwan
sa Apostoles na tanan
at ang babaing ilan
na kaniyang kaibigan.

Ang dalawang disipulos
napatungo sa Emaus
nag-uusap na tibobos,
doon naman ay si Hesus
nakisabay nakisunod.

At nangusap na marahan
aniya’y kung anong bagay
ang inyong mga usapan
bakit kayo’y nalulumbay
dito sa gitna ng daan?

Sumagot nama’t nangusap
disipulong si Kleopas
at di mo natatalastas?
ako ang nanggigilalas
ng kababalaghang lahat!

Ano yaon? Ani Hesus
si Kleopas ay sumagot
di mo baga natatalos
na iyong anak ng Diyos
ay pinatay ng hudyos?

Yaong Propetang mabait
laki sa bayang Nazareth
ito nga’y siyang piniit,
kusang binigyang sakit
nang hudyong malulupit.

Nang siya’y nabubuhay
ipinangakong matibay,
kahima’t siay’y mamatay
mag-uli ring mabubuhay
sa loob ng tatlong araw.

Saka ngayon ay ganap na
araw na tadhana niya
wala pang mapagkilala,
sa pangako niyang una
kaya kami’y nagtataka!

Ang tugon ni Hesukristo
oh mga mangmang na tao
dupok niyang loob ninyo
di maniwalang totoo
sa mga propetang Santo.

Kung kahiman at nawala
ang langit sampu ng lupa
nguni’t hindi masisira,
at hindi magkakabula
sa Diyos na mga wika.

Sa gayong pag-uusapan
natapat na nga sa bahay
na kanilang tutuluyan,
si Hesus kunwa naman
magpapatuloy sa raan.

Piniging kapagkaraka
ng dalawang magkasama
sapagkat nagabihan na
pumayag din at tumira
si Hesus nga sa kanila.

Nagsidulog nga sa dulang
silang tatlo’y nag-agapay
agad ngang hinawakan
ni Hesus yaong tinapay
kaniyang binindisyonan.

Ay ano’y ng mabendita
piniraso kapagdaka
iginawad sa kanila,
niyong lamang nakilala
si Hesus niyong dalawa.

Nawala na nga’t naparam
na di nila namalayan
doon nangagiklahanan,
sila ay nangapamaang
nitong himalang natingnan.

Si Hesus yaon anila
hindi natin nakilala
habang daa’y kasama pa,
at kausap natin siya
hanggang sa bahay nanhik pa.

Agad na ngang nagtindigan
ang paghapon ay iniwan
nagbalik na pasa bayan,
pawang pinamalitaan
ang Apostoles na tanan.

Amin anilang nakita
ang Maestro nati’t Ama
na totoong nabuhay na,
aming nakausap siya
at tuloy nakasalo pa.

Sa gayong pag-uusapan
ay kaginsa-ginsa naman
ang pintong nasasarhan,
si Hesus ay kapagkuwan
pumasok na nagtuluyan.

Binati kapagkaraka
ni Hesus silang lahat na
ay aniya mga oya,
ang bati ng Poong Ama
sumainyong kaluluwa.

Kayo ay huwag matakot
mga katoto ko’t irog
ako nga yaong si Hesus
nguni’t nangawalang loob
ang lahat nang disipulos.

Muli na namang nagsaysay
itong Maestrong maalam
ano’t kayo’y namamaang,
pawang nahihintakutan
anong inyong kaisipan?

Ngayon ay tingni aniya
ang kamay at sampung paa
at ng inyong makilala,
na ako nga’t dili iba
ang Maestrong nakasama.

Ngunit at nangapamaang
sila at nangatiglihan
binati sila pagkuwan,
kung kayo’y mayroon diyan
ating sukat mahapunan.

Ang sagot nga ni San Pedro
mayroon po Maestro ko
kung gayon anitong Berbo
hayo na’t ihanda ninyo
ngayon sa oras na ito.

Agad na ngang hinainan
nang isda’t isang tinapay
at konting pulot-pukyutan,
humapon na kapagkuwan
itong Maestrong maalam.

Nang makakaing matapos
sa kanila’y iniabot
ang nalabi pa’y sinimot,
saka nangusap si Hesus
sa mga katoto’t irog.

Mga giliw ko aniya
irog ko’t mga kasama
ngayon ngani’y nasunod na,
lahat kong pinagbadya
nang panahong una-una.

Katampatan nang matupad
kay Moises ng mga atas
hula ng mga Propetas
at sa Salmos nasusulat
daratnin kong mga hirap.

Sapagka’t talagang utos
nang Ama ko’t Poong Diyos
naganap na at natapos
at nasunod ng tibobos
ang pagkalara’t pagsakop.

Sa hinipan ni Kristo
mukha na mga katoto
at ang winika’y ganito:
ngayon at tanggapin ninyo
yaong Espiritu Santo.

Sino mang inyong kalagan
sa tali ng kasalanan
dito sa mundong ibabaw
ay kakalagan ko naman
doon sa Langit na bayan.

Ang di magsising totoo
at hindi kalagan ninyo
sa sala rito sa mundo,
di naman kakalagan ko
sa kalangitang Imperio.

Nang ito’y maipangusap
ni Hesus nawa’t sukat
at ang linisang alagad,
paraparang nanggigilas
katuwaa’y dili hamak.

Tuesday, March 10, 2009

PASYONG MAHAL -ANG PAGDALAW NG TATLONG MARIA SA LIBINGAN NG ATING HESUKRISTO

Ang pagdalaw ng Tatlong Maria
sa Libingan ng ating
Panginoong Hesukristo

Ang Ina’y kaya nilisan
ni Hesus at pinanawan
aaliwin niya naman,
ang madlang kapighatian
ng kaniyang mga kawal.

Ang tatlo namang Maria
ng Dominggong madilim pa
nagsigayak kapagdaka,
at dadalawing talaga
si Hesus na Poong Ama.

Nagsilakad kapagkuwan
niyong ding madaling araw
ang dala nila at taglay,
walis insienso’t kamanyang
na isusuob sa bangkay.

Doon naman sa paglakad
habang doo’y nag-uusap
yaong tatlong mapapalad,
sino anilang bubuhat
ng batong lubhang mabigat?

Nguni’t sa sintang dakila
nila sa Poong Bathala
yao’y niwalang bahala,
at totoong nanaig nga
ang pag-ibig na mistula.

Sila’y nagmamadali man
niyong kanilang paghakbang
nasikatan din ang araw,
nang dumating sa baunan
bukas na yaong libingan.

Nang ito ngani’y makita
ni Maria Magdalena
ang lumbay ay sabihin pa
umalis at iniwan na
dalawa niyang kasama.

Sinabi’t ipinagsulit
sa nakitang Apostoles
anitong santang mabait,
ay nabuksan na ang takip
niyong libingang marikit.

Yaong ibang mga banal
babaing nangagsidalaw
di nakaimik munti man,
paraparang natilihan
si Hesus ng di matingnan.

Nang makita ng dalawa
isang Anghel na maganda
dikit na walang kapara,
ay nangusap sa kanila
gayari ang wika niya:

Kayo’y huwag mangatakot
nnitong Anghel nang Diyos
batid ko na’t natatalos,
ang hanap ninyo’y si Hesus
yaong pinatay sa Krus.

Kaya ngayon ang wika ko
wala na’t nalis rito
at nabuhay ngang totoo,
yaong hinahanap ninyo
na si Hesus Nasareno.

Muwi na kayo sa bayan
agad ninyong pagsabihan
ang kaniyang mga kawal
sa Galilea paroonan,
doon ninyo matitingnan.

Lalo na iyong si Pedro
ang nagpaunang totoo
sa Galilea tumungo,
sapagka’t pangako ito
nasa maalam na maestro.

Nuwi na’t pasa bayan
ang mga babaing ilan
wala nang ibang usapan,
kundi yaong pagkabuhay
nitong Diyos na maalam.

Sa baya’y agad nakita
si Pedro ni Magdalena
si San Juan ay kasama,
binati kapagkaraka
nitong babaing maganda.

Wala na, mga katoto
bangkay ng abang Maestro
sa libingan galing ako,
at nang maniwala kayo
halina at aba tayo.

Lumakad at nabigla na
si Maria Magdalena
si Pedro nama’y kasama,
si San Huan Ebanghelista
sa libing nagtungo sila.

Sa libingan ay pumasok
ang dalawang disipulos
doo’y wala na si Hesus,
at nakitang nababalot
yaong sabanas o kumot.

Sa kabila’y ang sudario
na itinakip sa ulo
doon na nga pinagsino
na ang bangkay ng kordero
ay kinuha nang hudyo.

Salawaha’t saligut-got
ang sa taong mga loob
bago’y ang wika ni Hesus
tatlong araw kung matapos
mabubuhay na tibobos.

Di na nila inisap man
ang kay Hesus na tinuran
kahima’t siya’y namatay,
mag-uuling mabubuhay
ang mahal niyang katawan.

Lumbay na di mamagkano
ni San Hua’t ni San Pedro
sa bayan ay napatungo,
laking bahag sa Maestro
loob ay sisikdu-sikdo.


Monday, March 9, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PAGKASALUBONG NI KRISTO SA KANIYANG MAHAL NA INA

Ang pagkasulubong ni Kristo
sa kanyang Mahal na Ina

Nang malabas na sa hukay
at si Hesus ay nabuhay
ang una niyang dinalaw
ang ang Inang namamanglaw
inaliw sa kalumbayan.

Doon nga sa Senakulo
ay pinaroonan ni Kristo
at binati nang ganito,
yaong Inang manglulumo
lumbay ay di mamagkano.

Aba, Ina kong mapalad
karamay-damay sa hirap
tingni yaring iyong Anak,
ang loob ay nang lumuwag
sa kapighatia’t sindak.

Matuwa na’t lumigaya
ang Poon ko’t aking Ina
yamang aking naganap na
ang pagsakop ko sa sala
sa tanang anak ni Eba.

Napawi na’t nakaraan
ang unos ng kasakitan
ngayon ay ang katuwaan
Ina ko’y siyang kakamtan
nitong aking pagkabuhay.

Ang tugon ng Birhen Ina
Aba bunso ko aniya
buhay niyaring kaluluwa,
loob ko’y nagkamit saya
sa iyo ng pagkakita.

Yaong mga tinataglay
hapis at kapighatian
ng puso kong nalulumbay,
ngayo’y agad nahalinhan
nang malaking katuwaan.

Ano pa’t ngayo’y nalubos
ang tuwa kong di matapos
oh! Anak kong sinta’t irog,
ang sukal ng aking loob
napawi ngayong tibobos.

Ikaw nga’t dili iba
ang buhay ko’t aking sinta
bunso ng di ka makita,
sa loob ko’y di magbawa
ang kalumbayang lahat na.

Ngayon nga lamang naibsan
puso ko ng kalumbayan
at ngayon naliwanagan,
mata kong pinag-ulapan
ng dilim ng kasakitan.

Halos di nalulubos pa
ang tuwa nang Birheng Ina
sa kanilang pagkikita,
ay pumanaw kapagdaka
si Hesus na Anak niya.


Sunday, March 8, 2009

PASYONG MAHAL - -ANG PAGKABUHAY NA MAG-ULI NG ATING PANINOONG HESUKRISTO

Ang pagkabuhay na Mag-uli ng
ating Panginoong Hesukristo

Resurrexit tertia die
secundum Scripturas

Niyong ding oras ay nanaw
ang kaluluwa sa katawan
niyong sumakop sa tanan
ay agad pinanaugan
yaong seno ni Abraham.

Kalangkap ang kaluluwa
sa katawan ay tumira
lubos ang omnipotensia
buong pagka Diyos niya
at kabagsikang lahat na.

At bagama’t naghiwalay
ang kaluluwa’t katawan
ay ang buong kadiyosan,
niya at kapangyarihan
na kapuwa nilangkapan.

Ibig nang ipakilala
sa tao at ipakita
buong pagka Diyos niya,
nang magsisampalataya
ang bulag na kaluluwa.

Sapagk’at nasasalatan
tayo nang kaliwanagan,
kaya nga pinanaugan,
ng Berbo at pinaronan
ang limbo ng mga banal.

Doon naman ay kasama
tanang Angeles sa Gloria
nagpupuri’t nagsasaya
at sila ang nangunguna
sa nanalo’t nagbiktoria.

Yaong seno’y nasasarhan
pinto ay nasususian
sa Salmos ay nasasaysay,
na ang madlang kasangkapan
para-parang tanso’t bakal.

Ay ano’y mapasok na
ng Mananakop sa sala
Angeles niyang kasama,
nangusap kapagkaraka
ito ang ipinagbadya:

Atollite portas, prinsipes
vestras; et elevamini, portae
aeternales, et introibiti
rex gloriae.

Buksi ang pintuan ninyo
prinsipes ng mga lilo
at papasok ngayon dito
itong Haring mananalo
sa Langit sadyang Imperio.

Nang ito’y maipagsaysay
niyong Angeles na tanan
agad ipinag-wasakan,
yaong pintong matitibay
ng mga demonyong hunghang.

Pumasok kapagkaraka
itong Sumakop sa sala
inaliw niyang lahat na,
ang doroong kaluluwa
Patriarkas at Propeta.

Lumiwanag na totoo
yaong madilim na seno
nguni’t lalong hirap ito,
at kasakitang totoo
nang mga lilog demonyo.

Sabihin ang katuwaan
niyong mga santong banal
papupuri’y walang humpay
at dumating ang Maykapal
na kanilang hinihintay.

Nasunod na nga ang pita
ni Abraham na Patriarka
natuwa at naligaya
si David bunying Propeta
Heremias at iba pa.

Ano pa’t ganap na ganap
ang tuwa’t pasasalamat
sa Sumakop at naghirap
at aling dilang matalas
doo’y makapangungusap.

Ng husto na’t walang kulang
maganap na tatlong araw
ng kaniyang pagkamatay,
sumilid na sa katawan
kaluluwa niyang mahal.

Kalangkap din at kasama
buong pagka-Diyos niya
kabagsikang walang hangga,
at kapangyarihang sadya
na walang makakapara.

Namimitak at sisilang
ang araw sa Silangan
ng lumabas sa baunan
iyong Sumakop sa tanan
siya na ngang pagkabuhay.

Dikit na walang katulad
katawa’y sakdal ng dilag
lubos na pagkaliwanag,
nitong nanalong nagbuhat
na ikalawang Personas.

Pagkalabas sa baunan
ng mahal niyang katawan
natulig at nangabuwal,
naparapa’t nasunggabang
ang doroong mga bantay.

Isang Anghel ang nananog
sa batong takip lumuklok
dikit at kalugod-lugod
di matitigang tibobos
sino mang mahinang loob.

Nagwagi na ngang totoo
ang Poong si Hesukristo
at pawa niyang tinalo,
ang sukab at mga lilo
kaaway niyang demonyo.

At doon sa pagkaluklok
nang bumantay na soldados
ang mabunying si Longinos
nag-iba’t nagbagong loob
ng ito ay mapanood.

Natakot ngani nangamba
ang kaniyang kaluluwa
nag-isip, nag-alaala
agad sumampalataya
kay Hesus na Poong Ama.

Ano’y nang mahimasmasan
loob nilang nalunasan
agad nang nasang-usapan,
na yao’y patakpan-takpan
huwag ipagmakaingay.

Ang bayaning si Longinos
di pumayag di sumunod
sa baya’y agad pumasok,
humarap na nga’t dumulog
sa eskribas at pariseos.

Na ang kaniyang tinuran
sa mga pinunong bayan
ay anya mga mahal,
yaong kay Hesus na bangkay
ngayo’y nag-uling nabuhay.

Kaming nangagsitanod
naparapa’t nasubasob
nang malaking pagkalunos
sa kaliwanagang puspos
niyong katawan ni Hesus.

Itong sinabi kong tanan
ay inyong paniwalaan
at pawang katotohanan
kaninang madaling araw
siyang paglabas sa hukay.

Nang mabatid yaong wika
na kay Longinong balita
nangagulo alipala,
yaong mga aliktiya
at nangawalan ng diwa.

Ang naisipan nga nila
at kanilang minaganda
sinaad kapagkaraka,
si Longinos at iba pa
soldados niyang kasama.

Kami anilang napipisan
dito’y pawang punong bayan
aming pangakong matibay,
ginto’t pilak kayamanan
opisio at katungkulan.

Tantong ibibigay namin
ano man ang inyong hingin
ito lamang ay ilihim
huwag ng sabi-sabihin
sa taong sino ma’t alin.

Ang ibang mga soldado
taksil at mapangimbulo
puso nila’y nagugulo,
sa mga pangakong ito
nagsipayag napa oo.

Nguni’t yaong si Longinos
kapitan, timtimang loob
munti ma’y di malamuyot,
sa pangako’t mga handog
niyong mga pariseos.

Ano pa at tinalikdan
ang layaw sa kalupaan
nagbgao ng nga nang asal,
kumilala nang matibay
sa Diyos na Poong Mahal.

Kaya nga’t ang isinagot
sa mga hunghang na loob
aniya’y kahit malagot
hininga ko ma’y matapos
ay aking ipagbabantog.

Aking pamamalitaan
mga taong karamihan
dito sa loob ng bayan
nang totoong pagkabuhay
nang inyong pinarusahan.

Nang ito ay mawika na
ni Longinos na nagbadya
pumanaw kapagkaraka,
ang balang taong makita
pinamalitaan niya.

Ipinahayag na rito
ng bayaning si Longino
sa madla’t maraming tao,
na nabuhay ngang totoo
ang Poong Hesukristo.

Ano’y sa hindi pumayag
si Longinos na mapalad
ay nangapoot na lahat,
ang pariseos at eskribas
diddib ay halos mawalat.

Agad nilang inutusan
ang soldadong karamihan
na hanaping pagpilitan
kahit saan man humanggan
yaong bayaning kapitan.

Ano pa nga’t di napagod
ang umusig na soldados
at sapagka’t si Longinos,
nagkusa nang napagapos
sa mga taksil na loob.

Ang kaniyang napagbulay
sa sariling gunam-gunam
ang Diyos aniyang mahal,
napamura’t napatampal
bago’y walang kasalanan.

Ay ako pa kaya baga
taong lilo’t palamara
parating nagkakasala,
ano at hindi magbata
nitong kanilang parusa?

Alipala ay nagturing
sa nangagsihuling taksil
ay aniya mga giliw,
ako ay bago patayin
sumandaling inyong dinggin.

Kikilalanin kong utang
sa inyong nagkakapisan
kung ako’y inyong pakinggan
yamang hindi maliliban
yaring aking pagkamatay.

Napa oo’t nagsipayag
ang soldadong mararahas
at si Longinong mapalad,
alipala’y nagpahayag
ito ang ipinangusap:

Mga irog ko, aniya,
katoto ko’t aking sama
ay mula nang una-una,
bulag yaring mga mata
loob sampung kaluluwa.

Walang munting malay-malay
sa daan nang katuwiran
at ang nakikita ko lamang,
ay ang mga likong aral
lihis nating kagagawan.

Mula ng aking maulos
ang tagiliran ni Hesus
dugo’t tubig ang sumipot,
sa kabulagan kong puspos
siyang tantong nakagamot.

Dugo niyang mahalaga
tumama sa aking mata
ay siyang nakaginhawa,
lumiwanag, nakakita
ang bulag kong kaluluwa.

At bukod sa rito naman
nang siya’y ating tanuran
sa huertong pinaglibingan
at ng lumabas sa hukay
katawa’y nakasisilaw.

Yaon ang siyang mula na
ang aking pagkabalisa
kaya ngayon mga oya,
tantong hindi mag-iiba
yaring pagsampalataya.

Kahit maging sanglibo man
ang buhay niyaring katawan
pawa kong ipapapatay,
kung inyong pagpipilitan
na siya’y aking talikdan.

Nang mawika na’t masambit
yaong wikang matatamis
ay si Longinong mabait
tumingala na sa langit
ito ang ipinagsulit:

Panginoon ko, aniya,
Diyos na tatlong Persona
ikaw po ang bahala na
na mag-ampon at kumuha
sa buhay ko’t kaluluwa.

Di man dapat Amang mahal
akin pong iniaalay
yaring kaluluwa’t buhay,
yamang ikaw rin po naman
sa aki’y siyang nagbibigay.

Lubos akong umaasa
sa iyong mahal na grasya
ako po’y nagsisisi na,
at totoong nagtitika
sa lahat kong gawang sala.

Hesus ko’y tanggapin mo
yaring kikitling buhay ko
ipagtatanggol mong totoo
yamang dahilan sa iyo
ang pagkamatay kong ito.

Hesus ay iyong isama
sa Pasion mo’t pagdurusa
yamang ikaw ri’t dili iba,
sakdalan tuwi-tuwi na
luwalhati nang lahat na.


Hesus o ikaw nga lamang
ang aking inaasahan
lubos na magtatangkakal,
sa panganib na ano man
na aking pagdaraanan.

Hesus, Hesus iyong kuha
papanaw kong kaluluwa
ikaw’y siyang bahala na
mag-ampon at magkalara
sa panganib na lahat na.

Ay ano’y ng maihandog
ang kaluluwa sa Diyos
ay ito ngang si Longinos,
nangusap pa ngang tibobos
sa nagsihuling soldados.

Ay aniya’y mga mahal
na dito ay inutusan
kung inyong kalooban,
ay alisan na ng buhay
yaring lupa kong katawan.

Nang ito’y maipagturing
ni Longinong masintahin
doo’y may isang taksil,
agad inutos na tambing
ng taglay niyang patalim.

Alipala’y pinugutan
ni Longinos na matapang
itong bayaning kapitan
yaon na ang siyang hanggan
at totoong pagpatay.

Dinapit kapagkaraka
ang kaniyang kaluluwa
Angeles na masasaya,
at doon nA guminhawa
sa buhay na walang hangga.

A R A L

Tayo naming taong lahat
sa kaniya’y makitulad
magtiis ng madlang hirap,
at ng magkamit patawad
sa Diyos Haring mataas.

Kaluluwa nati’t buhay
sa Diyos natin ialay
ng tayo ay makinabang,
ng lubos na katuwaan
doon sa Langit na bayan.

Na para nang pagbabata
niyong martir na maganda
kaya nga’t ang kaluluwa,
nagkamit ng tuwa’t saya
sa Langit na sadyang Gloria.


Saturday, March 7, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO -ANG PAGLILIBING SA ATING PANGINOONG HESUSKRISTO

Ang paglilibing sa ating Panginoong Hesukristo

Halos di ibig bitiwan
ng Inang may hapis lumbay,
ang sa Anak niyang bangkay
ninonoynoy nininilay
yaong madlang kahirapan.

Laking sakit hirap baga
nang Inang nangungulila
binunot-buntong hininga,
at gayon din ang dalawa
si Huan at si Magdalena!

Lumuhod na kapagkuwan
ang dalawang mga banal
iniabot nila ang bangkay,
saka naman pinagdalhan
sa kabaong inilagay.

Tinakpan namang totoo
ang bangkay ni Hesukristo,
nang sabanas at sudario
bangong hindi mamagkano
saan man sila patungo.

Angeles sa kalangitan
nanaog at pumatnubay
sa daang nilalakaran
kanilang tinatangisan
itong Diyos na maalam.

Marami nama’t madla pa
babaing nangagsisama
pawang may luha sa mata,
lumbay na walang kapara
sa puso at ala-ala.

Doon din sa halamanan
Hetsemani ang pangalan
itong si Hosep na banal
ay may nabiling baunan
di pa pinaglibingan.

At ang buong niya asa
kaya binili nang una
ay doon ilibing baga
na kung siya’y mamatay na
ang katawa’t bangkay nila.

Sa malaking sintang tangan
niya sa Poong Maykapal
ay iyong sadyang libingan,
inihandog inialay
dito sa mahal na bangkay.

Nang sila nga’y dumating
dito sa mahal na libing
ay ibinaba nang tambing,
ang katawang maluningning
nitong sumakop sa atin.

Binuhat at sinahukay,
at saka nila tinakpan
nang takip na nalalaan
batong marmol ang pangalan
sadyang kalinis-linisan.

A R A L

Aba lahat nang Kristiano
ngayo’y pasalamat tayo
huminging tawad kay Kristo
nang kamtan nati’t matamo
ang bayan ng Paraiso.

Ang Poong Diyos na mahal
ay kaya nagpakamatay
sa Krus ay panabayubay
pagtubos at awang tunay
sa taong makasalanan.

At kaya nagpakarukha
nagtiis at nagdalita,
lubos din niyang biyaya
at ng tayo’y sumagana
sa grasya niyang dakila.

Tayo’y walang gunamagunam
kamuntik man gabi’t araw
sa kay Kristong pagkamatay,
at ang hinaharap lamang
layaw ng ating katawan.

At sa aba mo nga baga
na kung hindi ka magbawa
sa hibo’t gawa mong sala,
ang inyong magiging hangga
sa impierno’y magdurusa.

Huwag ka ring tumalikod
sa madlang aral nang Diyos
at sa Santa Iglesiang utos
nang magkamit ka sa Diyos
nang awa’t tawad na puspos.

Huwag kang magpakaniig
sa gawa mong di matuwid
daya ng demonyong ganid
nilayin ng iyong isip
ang kamatayang sasapit.

Kaya hanggang buhay ka pa
ikaw ay magsamantala
magtipon at maghanda ka,
ng mga gawang maganda
ng may datnin kang ginhawa.

Kung tayo nga’y mamatay
dito sa mundong ibabaw
at doon sa ibang buhay
ay ang pakikinabangan
tanang gawang kabanalan.

Dahil sa sintang tibobos
nitong maawaing Diyos
dito sa lupa’y nanaog,
nang tayo nga ay matubos
sa kamay ng demonyos.


Friday, March 6, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGTANGGAL SA ATING PANGINOONG HESUSKRISTO AT NG MGA BABAE SA MAHAL NA SANTA KRUS

VIERNES SANTO



Ang pagtatanggal sa ating Panginoong Hesukristo at ng mga babae sa Mahal na Santa Krus
Ay ano nga’y ng maganap
mahigit na tatlong oras
pagkapako’t paghihirap,
pagkamatay na nahayag
ni Hesus Haring mataas.

Noo’y dalawa katao
banal at dakilang Santo
ang nagsadya kay Pilato,
hiningi nilang totoo
ang bangkay ni Hesukristo.

At ang kanilang winika
doon sa nangagparaya
yamang nasunod nang pawa
pita niyo’t mga banta
pagpatay sa taong aba.

Ang aming ipinaglakbay
dito sa inyong harapan
kami po’y inyong tulutan,
mangyaring inyong ibigay
yaong kay Hesus na bangkay.

Di tumanggi si Pilato
sampu pa ng mga hudyo
ibinigay na totoo,
sa mga banal na tao
bangkay ng abang Kordero.

Alipala ay pumanaw
ang dalawang mga banal
at napaluwal sa bayan,
ng dala’y dalawang hagdan
na sangkay nga sa pagtanggal.

Si Hosep ang una-una
apelyido’y Arimatea
ito’y taong mapaninta,
at sumasampalataya
ka Hesus na Poong Ama.

Ang ikalawang may irog
banal na si Nikodemos
dating katoto ni Hesus,
kaya nga’t ang buong loob
inialay inihandog.

Nang sila ay dumating na
doon sa lupang Golgota
ang lumbay ay sabihin pa,
halos manaw ang hininga
nang si Hesus ay makita.

Tumatangis umiiyak
luha’y baha ang katulad
nilapitan nilang agad,
napasintabi’t nangusap
sa Inang lipos ng hirap.

Oh! Birhen anilang mahal
tigib ng pighati’t lumbay
kung iyo pong kalooban
ay kami’y pahintulutan
as Anak mo ay tumanggal.

Kusa po nang aming loob
ang parito at dumulog
at ng tanggali’t ihugos
sa pagkakapako sa Krus
yaong bangkay nga ni Hesus.

Gayong nasa’y ng malining
nang Inang mahal na Birhen
napahinuhod na tambing,
aniya’y inyo ng kalagin
bangkay na Anak kong giliw.

Agad na ngang hinawakan
ni Hosep ang isang hagdan
at kanilang sinandigan,
ang kamay sa dakong kanan
niyong sumakop sa tanan.

Sinandigan naman nila
ang kaliwa ngang paripa
ng mangyaring matanggal na,
ay inialis kapagkaraka
rotulong apat na letra.

Ang koronang tinik naman
inalis na pinagdahan
saka nila sinaklayan,
magkabilang tagiliran
ng kayong kanilang taglay.

Tinanggal nila’t pinukpok
yaong pakong nangagtagos
sa kanang kamay ni Hesus,
nang maalis at mabunot
ang kaliwa’y isinunod.

Saka nila pinagtibay
yaong kayong nasasaklay
katawa’y nalulungayngay,
isinunod nila naman
pako sa paa’y tinanggal.

Pinagdahang inihugos
katawang kalunos-lunos
malumanay na sinambot,
at kanilang iniabot
sa Inang Birheng tibobos.

Kinalong kapagkaraka
si Hesus nang Birheng Ina
lumbay hapis sabihin pa,
at pagbubuntong hininga
nang kaniyang kaluluwa.

Dibdib ay halos mawalat
nang sakit at madlang hirap
luha’y baha ang katulad,
nang pagtangis at pag-iyak
ito ang ipinangusap:

Oh maliwanag kong araw
at maalindog kong buwan!
aba bituing malinaw,
liwanag mo’y nahalinhan
nang dilim ng kasakitan!

Ito kaya’y mababata
ng Ina mong nagdurusa
oh bunso kong sinisinta!
ano’t hindi mapakali
hininga ko’t kaluluwa.

Hesus, dili baga ikaw
mapang-aliw sa may lumbay
bukal ng kaginhawahan!
ano at pinasakitan
itong mahal mong katawan?

Oh paraluman ng mata
at mutya niyaring Ina!
ang buhay ko’y anhin ko pa
kung baga mangungulila
sa bunso ko’t aking sinta?

Ito baga ang katawan
na pinanganganinuhan
ng lupa at Sanglangitan!
ano at pinaglahuan
at naging mistulang bangkay.

Ito baga bunsong liyag
kamay mong sakdal na dilag
na iginawad sa lahat?
bakit ngayon ay may butas
at ang dugo’y nagdaranak?


Ito baga ang buhok mo
tuwi na’y sinusuklay ko
hinuhusay kong totoo?
bakit ngayo’y gulong-gulo
natitigmak ng dugo mo?

Oh bunso kong sinisinta!
ano at binigyang dusa
iyang dalawa mong paa,
na inilakad tuwi na
ng pangangaral sa lahat na?

Lalong kasakit-sakitan
na halos kong ikamatay
bunso kung aking matingnan
iyang iyong tagiliran
na kanilang sinugatan.

Nasaan baga bunso ko
ang taong pinakain mo
mahigit na limang libo,
bakit ngayo’y wala rito
at di dumamay sa iyo?

Oh Hesus! nasaan baga
madla mong pinaginhawa?
ano’t hindi mabalisa,
ang kanilang kaluluwa
nitong hirap mong lahat na?

Ito’y siyang ganti’t bayad
ng pagsinta mo sa lahat
oh bunso ko’t aking Anak!
aking kayang madalumat
titigan ang iyong sugat?

Masaklap man at mapait
na di masayod nang dibdib
bunso itong siyang sakit,
tiisin ko’t siyang ibig
ng Diyos Hari sa Langit.

Madla nga t dilang bagay
ang sa Birheng panambitan
aling katigas-tigasan,
puso ang hindi matunaw
sa ganitong kahirapan?

Tumatangis na lahat na
ang tanang nakakikita
lalong ikinalumbay pa,
ni Huan Ebanghelista
at sampu ni Santa Maria.

Ano pa at nalunasan
budhi’t loob ni San Huan
ang Maestro’y nilapitan,
ang mata’y luha-luhaan
sa laking kapighatian.

Umiiyak, tumatangis
aniya’y Maestro kong ibig
ano’t ikaw ay umalis?
kung ikaw ay di masilip
anong aking masasapit?

Sino pa ang mangangaral
sa amin ng madlang bagay?
sinong aming daraingan,
sa sakunang ano pa man
dito sa hamak na bayan?

Dili ikaw ang Poong ko
pinsan ko’t aking katoto
minamahal na Maestro?
ano’t ako’y iniwan mo
dito sa balat ng mundo?

Aking kayang ikabuhay
Hesus ang iyong pagpanaw
tingna’t ako’y kaawaan,
yamang Diyos kang maalam
lumikha ng Sangtinakpan.

Poong ko ay datapuwa
pumanaw ka man sa lupa
huwag mong ipagkaila,
yaong lubos na biyaya
ampon mo’t pagkakalinga.

Dito sa wikang lahat na
habag nang Ebanghelista
ay dumulog kapagkaraka,
si Maria Magdalena
bubuntu-buntong hininga.

Tumangis at nanambitan
oh Maestro, aniyang mahal
kaluluwa ko at buhay!
anong aking naging asal
kung ikaw ay di matingnan?

Na kung lisanin mo kami
puspos nang pagkaduhagi
sino kaya ang kakampi
magtatanggol na parati
ng buhay ko’t sampung puri?

Kangino kami lalapit
ni Martang aking kapatid
Poong ko ikaw’y makinig,
sa taghoy tinangis-tangis
na alipin mong may hapis.

Doon ako nananangan
sa lubos mong kabagsikan
sapagka’t Diyos kang tunay,
tuwi na at nangangaral
sa tanang makasalanan.

Dili baga binuhay mo
kapatid kong si Lasaro
marami pa’t madla rito,
ang biyaya at saklolo
sa aming nananagano?

Oh Maestrong mapaninta
mapagkalinga tuwina
laking sakit, laking dusa,
nang puso ko’t kaluluwa
katawan mo kung makita!

Poon yaring aking buhay
ngayon yata ay papanaw
kung ako’y iyong maiwan,
dito sa lupang ibabaw
anong aking kapakanan?

Ano pa’t hindi magbawa
doon ang buntong hininga
pananangis na lahat na,
niluha-luha nang mata
nang Inang nangungulila.

Panambita’y di matapos
niyong magagandang loob
kapagdaka’ ay dumulog,
si Hosep at si Nikodemus
sa Birheng kalunos-lunos.

Aba po mahal na Birhen
ang hapis niya’y pag-anhin
itong Poon ay ilibing
itulot mo po sa amin
nang tayo’y huwag gabihin.


Thursday, March 5, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO -ANG PAG-UUTOS SA MGA HUDYO NA TANURAN ANG PINAGLILIBINGAN NG ATING POONG HESUKRISTO

Ang pag-uutos sa mga hudyo
na tanuran ang pinaglilibingan
aa ating Poong Hesukristo.

Kahit ipahintulot
nang hukom at pariseos,
kay Hosep at Nikodemus,
ang paglibing kay Hesus
oroy nila at pag-ayop.

Ano nga’y ng malibing
itong Panginoon natin
ang mga hudyong taksil,
nangusap sila nang lihim
ng katampatang gagawin.

Anila ay pabantayan
ang inilibing na bangkay
baka nakawin sa hukay,
niyong disipulong tanan
ipabantog na nabuhay.

Pinagkayariang lubos
niyong mga pariseos
ang kapitang ibinoto
ng mga soldadong tanod
ang bayaning si Longinos.


Ipinatawag pagdaka
si Longinos na masigla
at ang kawikaan nila,
kung kaya nila pinita
sa pagka dating binasa.

Tinawag na si Longino
niyong dalawang soldado
nang maharap kay Pilato,
aniya ay bantayan mo
bangkay niyong abang tao.

Baka magbango sa hukay
at siya’y muling mabuhay
inyo ng pagtakpan-takpan,
huwag ipagmakaingay
sa taong sino’t alin man.

Ang sagot ni Longinos
sa hukom at pariseos
oo, ako’y sumusunod,
sa halal nila at utos
sa pagbantay at pagtanod.

Si Longino’y lumakad na
pumanaw kapagkaraka
soldados niya’y kasama
ng dumating na maaga
sa tatanurang talaga.

Sila’y pawang sandatahan
pumasok sa halamanan
nangatuloy sa baunan,
ni Hesukristong maalam
doon sila nangagbantay.

Sa natatakip na bato
nang libing ni Hesukristo
nupo ang mga soldado,
tuwa nila’y mago’t mago
sa pagbabantay na ito.

Hanggang sa kinabukasan
bilang sa ikatlong araw
gawa nilang pagbabantay,
ay ano’y kaalam-alam
sila’y pinaghimalaan.


Wednesday, March 4, 2009

PASYONG MAHAL - VIERNES SANTO-ANG PAGDATING NG MAHAL NA BIRHEN KASAMA ANG MGA BABAE NA MULA SA GALILEA


VIERNES SANTO

Ang pagdating ng mahal na
Birhen kasama ang mga babae
na mula sa Galilea


Laking sakit laking dusa
nang Inang nangungulila
kaya nga’t nangagsisama
ang mga babaing iba
na nagmula sa Galilea.


Nang dumating sa Kalbario
itong Inang nanglulumo
ang Anak niyang si Kristo
napapako nang totoo
doon sa Sakromadero.


Dinulog at nilapitan
sa paa’y di humiwalay
ang puso’y halos matunaw,
at gayon din si San Huan
na pamangking minamahal.


Madla ang buntong hininga
tinangis-tangis tuwi na
ng Poong Birhen Maria
kung matingala’t Makita
Anak niyang nagdurusa.


At di man makapagsulit
dila niya’y nauumid
dahil sa hirap at sakit,
sa loob lamang ng dibdib
ganito ang pananangis.


Bungang giliw ko aniya
buhay niyaring kaluluwa
bakit nagkaganiyan ka,
ito kaya’y mababata
ng nahahabag mong Ina?


Ano ang salang di tuto
Hesus ang ginawa mo
at ikaw ay ginaganito,
pinasakitan kang totoo
dahil sa sala ng tao?


Akin kayang madalumat
bunso ang ganitong hirap
at aling pusong matigas,
ng Ina ang di maagnas
sa pagdurusa nang Anak.


Ay ako pa kaya baga
ngayon ang di mabalisa
Hesus ikaw at di iba,
totoo kong sinisinta
minamahal ko tuwi na.


Ikaw rin at siya lamang
ang kaluluwa ko’t buhay
Diyos na walang kapantay,
na pinanganganinuhan
ng buong Sangkalangitan.


Tunghan niyang iyong mata
ang Inang nangungulila
ngayo’y tinitingala ka,
at ang buong panininata
sa puso’y hindi magbawa.


Tanggapin mo di man dapat
bunso yaring aking habag
dati mong natatalastas
ang pag-irog at pagliyag
ng Ina mong naghihirap.


Madla pa at di maisip
ang sa Birheng pananangis
aling matigas na dibdib,
ang di mahabag mahapis
sa gayong pagkakasakit?


Na ang winika ni Hesus
Mulier, Ecce ilius tuus
babaing timtimang loob,
iyang anak mo ay kupkop
para akong ‘yong inirog.


Lumingon at nag-wika na
kay Huan Ebanghelista
wika’y Ecce Mater tua,
iyan ang siya mong Ina
huwag ipagpalamara.


Siya’y iyong iingatan
huwag mong pababayaan
suyuin mo gabi’t araw,
ito ang mana mo lamang
sa akin ngayong pagpanaw.


Hirap ay lubos na lubos
nitong Poong Mananakop
dumating sa Amang Diyos,
na ang winikang tibobos:
Deus meus, Deus meus.


Ut quid ay ang sabi
dereliquisti me, Elli
Elli, lamna sabacthani?
kung sa katuwirang sabi
kahulugan ay gayari:


Kahulugan ay iisa
nitong wikang dinadalawa
nang mga Evanghelista
Diyos ko, Diyos ko! Aniya
ako po’y nilimot mo na.


Marunong ka’t mapag-ibig
sa alipin mong bulisik
ano’t sa Anak mong ibig,
di mabalino’t mahapis
awa mo’y inililingid?


Ano’y ng maipangusap
yaong wikang ikaapat
ni Hesus na naghihirap,
ang madla roong kaharap
nagsitawa’t humalakhak.


Mana’y tumawag anila
kay Elias na Propeta
di na yata nakabata,
sa hirap at madlang dusa
sa kaniyang pagkaparipa.

Ano pa’t pawang paguyam
nila’t kapalibhasaan
sa Poong nahihirapan
dito ng nga kapagkuwan
nagdilim ang Sangtinakpan.

Mula sa oras na Sexta
magpahangga ngang sa Nona
tao’y di nagkakilala,
yaong hudyong lahat
natakot sila’t nangamba.

Lubos nganing tatlong oras
na di nagkitang liwanag
nagdilim na dili hamak,
ito ay pakitang habag
ng Ama sa sintang Anak.

Ng mapawi na’t maparam
yaong himalang natingnan
si Kristo’y muling nagsaysay,
Sitio ang siyang tinuran
ako anya’y nauuhaw.

Sino man ang umiibig
sa akin at nahahapis
dinggin yaing aking sulit,
ako ay bigyan nang tubig
uhaw ko’y upang mapatid.

Ano ay nang mapakinggan
niyong mga tampalasan
ay sa laking kapusungan,
kinuha nila pagkuwan
suka’t apdong nalalaan.

Binasa kapagkaraka
pangsugiging laan nila
sa tikin inilagay na,
at sinalisol kapagdaka
sa bibig ng Poong naghihirap.

Kahima’t lubhang masaklap
yaong sukang iginawad
ang kan San Huang pahayag,
sa manamnama’y tinanggap
nitong Poong naghihirap.

Laking sakit at dalita
hirap na walang kamukha
niyong makainom na nga
ay nangusap alipala:
Consummatum est ang wika.

Tumangis na kapagkuwan
luha sa mata’y bumukal
sa Ama ay inialay,
ang kaluluwa at buhay
ito ang siyang tinuran:

Pater ang wika ni Kristo
in manus tuas commendo
spiritum meum ito,
wikang sukat ipanglumo
kung isiping totoo.

Oh Diyos ko’t aking Ama
Diyos na mulang ginhawa
yaring aking kaluluwa,
ikaw po ang bahala na
magtanggol at magkalara.

Ay ano’y ng mailagda
ni Hesus ang gayong wika
naghingalo alipala,
itinungo na ang mukha
pagkamatay na mistula.

Pumanaw kapagkaraka
mahal niyang kaluluwa
ay aba tao ay aba,
tingni ang luha sa mata
nang nahahabag mong Ina?

Dito na nga ay naganap
yaong tanang propesias
ng mga Santos Propetas,
hula nilang isinulat
na daratnin ng Mesias.

Pagkamatay nga ni Kristo
nanglumo ang buong mundo
tabing sa loob ng templo,
na takip ng testamento
nagsisi’t nabuksan ito.

Bato’y nangagkauntugan
nanginig ang Sangtinakpan
marami nama’t makapal,
mga taong nangabuhay
na lumabas sa baunan.
Nasabay napakisama
sa kay Kristong pagdurusa
nahayag at napakita,
ang mga katawan nila
sa Herusalem na sadya.

Lindol ay di mapatantan
bundok ay halos mahapay
tantong hindi mapalagay,
lakas na di ano lamang
ang pag-ugoy at paggalaw.

Ito ang siyang mula
niyong kaguluhang pawa
ang panaho’y nalumbay nga,
pagkamatay na mistula
ng Panginoong Maygawa.

Araw, buwan at bituin
mga astrong maniningning
para-parang nakulimlim,
at naging kuyap na itim
ang maputing panginorin.

Ang dilang bagay sa mundo
sampung apat na elemento
para-parang nangagulo
at nangag-ibang totoo
sa lagay nila’t estado.

Ano pa’t ang dilang bagay
sa lupa’t Sangkalangitan,
kanilang ikinalumbay
nangahapis at nagdamdam
sa Diyos na pagkamatay.

Ang tao pa kaya baga
may karamdama’t potensia
ay ang hindi mabalisa,
loob magbangong dali na
manangis at mahapis ka.

At iyo ring ikalumbay
ngayon at ipanambitan
ang sakit at kahirapan
dugo, sampung pagkamatay
nitong Diyos na maalam.

Kung ang bato ay bato na
nahabag at nabalisa
ay aba tao ay aba,
ikaw nga ang siyang lilo,
ano at hindi mangamba?

Ilag, ilag kapatid ko
sa mga gawang di toto
mahapis ka na ng totoo,
sa pagkamatay na ito
nang Poong si Hesukristo.

At kung di mo iilagan
sala mo’t dilang kasamaan
ano ang iyong pagdamay
nasaan ang iyong lumbay
dito sa Poong Maykapal?

Tantong lubos na totoo
pag-ibig niya sa tao
walang puso’t walang apdo
ikaw ay may kaluluwa
sa may sinta ng ganito.

Ano at hindi umiyak
puso mong sakdal ng tigas
kung ang elementong apat,
nangahapis nangahabag
dito sa Poong Mesias?

Oh taong may kaluluwa
tantong nagkakamali ka
di mo inaala-ala
ang kamatayan at dusa
nang ikalawang Persona.

Bakit Diyos na maalam
lubhang kalinis-linisan
nagmukha kang hamak lamang,
sa pagtubos at paghadlang
ng madla mong kasalanan.