For those requesting the schedule of Father Fernando Suarez, here is a partial
healing sked from July 1-7.
July 1
8:00 PM
Paroisse de St Pierre du Gros Caillou
92 rue Saint Dominique 75007 Paris
METRO : Alma (ligne 9, pont de l’Alma rive droite),
RER C (pont de l’Alma, rive gauche)
BUS : 42, 80, 92, 63, 69
PARIS
Jul 3
Saturday
11:30 AM - Rosary
12:00 NN - Fr Fernando talk,
12:45 PM - Adoration / Lunch
2:00 PM - Holy Mass followed by Prayers for Healing
Church of the Most Sacred Heart of Jesus
62 Eden Grove, Holloway,
LONDON, N7 8EN
Jul 5
Monday
7:30 PM
Polish Church of Divine Mercy
48 Pitts Road, Slough, Berks,
LONDON, SL1 3XH
Jul 6
Tuesday
11:30 AM
Polish Church of Our Lady, Mother of the Church
2 Windsor Road, Ealing, London, W5 5PD
7:30 PM
Sacred Heart and Mary Immaculate Roman Catholic Church
2 Flower Lane, Mill Hill, NW7 2JB
LONDON
Jul 7
Wednesday
7:30 PM
St. Michael Catholic Church
21 Tilbury Road, East Ham, London E6 6ED
LONDON
Tuesday, June 29, 2010
Healing Schedule of Father Fernando Suarez
Posted by cathy at 6:08 AM 0 comments
Friday, May 1, 2009
Healing Schedules of Father Fernando Suarez for the month of May, 2009
For those who are inquring, this is the healing schedule of Father Fernando Suarez for the month of May, 2009.
May 2 Saturday 4:30 PM
Regular Mass: Summer Youth Camp
With Fr. Ronilo Javines, SDB or Fr. Charles Orchard, CC
MonteMaria,Barangay Pagkilatan, Batangas City
May 3 Sunday 10:00 AM
Eucharistic Celebration followed by Healing Service
MonteMaria,Barangay Pagkilatan, Batangas City
6:00 PM
Healing Grace with Fr. Fernando
Radio program with Ms. Remy Dillena
Veritas 846 (AM Radio-846Khz)
May 6 Wednesday 10:00 AM
Eucharistic Celebration followed by Healing Service
St. Peter the Apostle Parish
San Juan, Apalit Pampanga
Contact: Baby Pineda #045-302-5594
May 9 Saturday 4:30 PM
Regular Mass With Fr. Ronilo Javines, SDB or Fr. Charles Orchard, CC
MonteMaria,Barangay Pagkilatan, Batangas City
May 10 Sunday 10:00 AM
Eucharistic Celebration followed by Healing Service
MonteMaria,Barangay Pagkilatan, Batangas City
6:00 PM
Healing Grace with Fr. Fernando
Radio program with Ms. Remy Dillena
Radio Station : Veritas 846 (846Khz-AM)
May 11 Monday 8:00 AM
Eucharistic Celebration followed by Healing Service
Jesus, the Divine Healer Parish
12 Lily St. Tahanan Village, Paranaque City
Contact: Joyce Trinidad #8090978
May 19 Tuesday 7:00 pm
Eucharistic Celebration followed by Healing Service
Canadian Martyrs Catholic Church
5771 Granville Ave.,
Richmond, BC, Canada
Contacts: Celso & Marie Holgado, 604 582 6839 or 778 888 3658, boy@telus.net
Susanna, 604 272 5563
May 20 Wednesday 7:00 pm
Eucharistic Celebration followed by Healing Service
Our Lady of Good Counsel
10460 139 St,.
Surrey, BC, Canada
Contacts: Celso & Marie Holgado, 604 582 6839 or 778 888 3658, boy@telus.net
Evelyn, 604 581 4141
May 21 Thursday 12:00 Noon
Eucharistic Celebration followed by Healing Service
St. Andrew's Cathedral
740 View St.,
Victoria, BC, Canada
Contacts: Celso & Marie Holgado, 604 582 6839 or 778 888 3658, boy@telus.net
Dieza, 250 388 5571
May 22 Friday 7:00 pm
Eucharistic Celebration followed by Healing Service
Our Lady of Hungary
1810 7th Avenue East,
Vancouver, BC, Canada
Contacts: Celso & Marie Holgado, 604 582 6839 or 778 888 3658, boy@telus.net
Father Denes, 604 253 2577
May 26 Tuesday 7:00 pm
Eucharistic Celebration followed by Healing Service
St. Maurice Church
4 Perry Street
Nepean, Ontario, Canada
Contact: Mary Sheridan, (613) 225-6212, email@marymotherofthepoor.org
May 28 Thursday
6:15 pm - Eucharistic Celebration followed by Healing Service
6:15 pm – Recitation of the Most Holy Rosary
6:45 pm – Chaplet of the divine Mercy
7:00 pm - Eucharistic Celebration followed by Healing Service
St. Margaret Mary Parish
20 Idlewood Ave.,
Hamilton, Ontario, Canada
NOTE: Registration is required.
Call or email contact for your free admission ticket.
Contact: Linda Sazon, 416-403-0308, healingmassmay28@gmail.com
Posted by cathy at 10:05 AM 0 comments
Labels: Father Fernando Suarez, Father Fernando Suarez' Schedules
Wednesday, April 1, 2009
Father Fernando Suarez Schedule for April, 2009
Here is Father Fernando Suarez' schedule for April 2009.
April 1
St. Raphael-Holy Angels Parish - NEW JERSEY, USA (6:00PM)
April 29
ANGONO RIZAL - Philippines (2:00PM)
Posted by cathy at 5:16 PM 1 comments
Labels: Father Fernando Suarez, Father Fernando Suarez' Schedules
Thursday, March 19, 2009
PASYONG MAHAL - -ANG PAGHUHUKOM NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO SA SANGLIBUTANG TAO
Panginoong Hesukristo sa
Sanglibutang tao.
Ang winika ni San Mateo
sa kanyang Ebanghelio
walang pagsalang totoo,
aniya’y si Hesukristo
muling mananaog dito.
Kaniya ngang huhukuman
ang buong Sangkatauhan
nguni’t hindi malalaman,
nino mang banal na banal
kung aling oras at araw.
Subali’t hindi sasala
itong pagparito niya
niyong pa mang unang-una,
kaniyang ipinagbadya
sa mga Santos Propeta.
Kaya nga at itinitik
sa buong Salmos ni David
itong araw kung sumapit
pawang magugulong pilit
ang lupa sampu ng Langit.
Nang kay Moises ay iabot
ang sampung utos na Diyos
madlang kakila-kilabot,
ang tunay na napanood
doon sa Sinay na bundok.
Dilim na kapanglaw-panglaw
kidlat ay di magpatantan
kulog ay gayon din naman,
na anaki’y magugunaw
ang buong sangkabundukan.
Yaon ay kaya pakita
nang Diyos sa taong sala
ng matanto ng lahat na
na dapat magsitalima
ang tao sa utos niya.
Kung doon sa pag-aabot
kay Moises niyong utos
gayon nang katakut-takot
na ipinakita nang Diyos
doon sa Sinay na bundok.
Di lalong kagitla-gitla
kung muling manaog siya
at tayo’y huhukuman na,
saka hihingan nang kuenta
ang tao kung tumalima.
Doon nga ipatatanghal
sa buong sangsinukuban
ang buong kapangyarihan
at ganap na kabagsikan
ng Diyos Poong Maykapal.
Hindi na mababang loob
ang ipakikita ni Hesus
para nang unang manaog,
niyong ipako sa Krus
nang mga lilong hudyos.
Kundi matang nanglilisik
at mukhang puno ng galit
saka ang hawak at bitbit,
nitong Diyos na mabagsik
espadang namimilansik.
Araw na ibig matupad
ni Hesus Haring mataas
pagbawi sa mga sukab,
galit niyang nag-aalab
laong panahong iningat.
Ano pa’t doo’y wala na
munti mang miserikordia
at ang pananangan niya,
ang paghuhukom sa lahat na
ng kaniyang pagkahustisya.
At kung dumating na naman
ang panahong takdang araw
sa Langit at kalupaan
sa hangin at karagatan
may mga tandang lilitaw.
Ang mga kometang ito
ay makikitang totoo
kung matatapos ang mundo,
ano pa’t ang madlang tao
para-parang magugulo.
At ang araw na masinag
ay magdidilim na agad
at ang sangmaliwanag
mamumulang dili hamak
dugo ang siyang katulad.
At ang bituing lahat na
tala at madlang planeta
ay kukulimlim pagdaka
tuloy namang mag-iiba
sa dating tahanan nila.
Anaki’y mangahuhulog
sa lupa ang tanang astros
tantong kakila-kilabot
ang maiilap na hayop
sa baya’y magsisipasok.
Pawang mangagsisiungal
ng tantong kalumbay-lumbay
at ito’y pakitang tunay,
sa magiging kasiraan
ng kanilang pagkabuhay.
Sa dagat magsisibangon
matataas na daluyong
kaigtla-gitla ang ugong,
ang lupa’y malilinggatong
halos tabunan ng alon.
Sa hangi’y mapapakinggan
ang malaking kaingayan
ay parating magigikla,
ang katulad at kabagay
ehersitong nag-aaway.
Katakut-takot ang kidlat
kulog ay lubhang malakas
lintik ay mananambulat,
ang bundok at mga gubat
para-parang mag-aalab.
Magugulong di kawasa
ang mga tao sa lupa
ang lahat ay mamumutla
di mabibigkas ng dila
at mangawawalang diwa.
Di na mangagkakatuto
bata’t matanda sa mundo
ano pa nga’t gulong-gulo
at kapuwa rin Kristiano
mangagbabakang totoo.
Nguni at ito’y hindi pa
na sukat ikabalisa
ang lalong kagitla-gitla,
na mundo’y kung sumipot na
yaong taong palamara.
Yaong sukaban at lilo
magdarayang walang tuto
kalupit-lupit na tao,
kampon ng mga demonyo
ang pangala’y Anti Kristo.
Ang wika ng mga paham
na nagsabi at nagsaysay
ay yaong tribi ni Dan,
siya raw panggagalingan
nitong lilo at kaaway.
Halay na di mamagkano
ng dugo’t pagiging-tao
ipaglilihi ang lilo,
sa kasalanang insesto
na galing sa sakrilehio.
Kung ito’y ipagbuntis na
ng kulang palad na ina
ay parating magigikla,
at madla ang makikita
na katatakutan niya.
Parating gugulat-gulat
yaong inang kulang palad
at alapaap ng alapaap,
at kaya gayon ang sindak
demonyo nga ang lalabas.
Ito ang siyang nakita
ni San Huan na nagbadya
sa Apokalipsis niya,
ng panahong una-una
hayop na walang kapara.
Lalo sa hayop na tanan
na kaniyang napagmasdan
katakut-takot matingnan,
pito ulo’t sampung sungay
iisa naman ang katawan.
Doon nahahalimbawa
kapangyarihang dakila
nitong malupit na diwa,
ng siyang ipaniwala
ng imbing tao sa lupa.
Gayon ang sabi’t pahayag
ng mga Santos Propetas
kaya naman isinulat,
nang mga Ebanghelistas
sa Ebanghelyong marilag.
Ito’y pagkakalooban
nang Diyos at kapasyahan
gumawa ng kababalaghan,
at kaniyang makakamtan
ang yaman sa karagatan.
Ang mga pagmimilagro
tutulungan ng demonyo
siya ay magkakabayo,
ano pa’t sa buong mundo
maghahari itong lilo.
Ang kaniyang mga aral
masasama’t di katuwiran
madlang ugali’y mahalay,
ipagbabantog sa tanan
siya’y ang Kristianong tunay.
Ang lahat niyang kasama
mamamansag na Propeta
hihibuan ang lahat na
nang magsisampalataya
sa lihis na aral niya.
Ang sino mang sumalansang
at sa kaniya’y sumuway
tambing na parurusahan,
ng dusang makamamatay
para ng martir na tunay.
At ang mga masunurin
sa gawang hindi magaling
kaniyang pagpapalain,
ng tumalikod na tambing
sa Diyos na Poon natin.
Tatlong taon itong hayop
na tutulungan ng Diyos
umaral ng liko’t buktot,
at saka naman sisipot
si Elias at si Enok.
Itong dalawang Propeta
mangangaral sa lahat na
ng hindi mapalamara,
ng katawa’t kaluluwa
ng tanang anak ni Eba.
Kung matanto’t maalaman
ng Anti Kristong bulaan
yaong mga pangangaral,
ipararakip pagkuwan
at agad papupugutan.
At saka ang gagawin pa
nitong lilo’t palamara
kaniyang ipakukuha,
at ihahayag sa plaza
ang bangkay nitong dalawa.
At ng doon matalastas
ng taong nagtitimpalak
na liko at pawang linsad
ang pangangaral sa lahat
ni Enok at ni Elias.
Saan di kung mapanood
makita yao’t matalos
ng taong mahinang loob,
puso nilang marurupok
ay agad malalamuyot.
Maniniwalang totoo
sa aral ng Anti Kristo
lalo na kung magmilagro
may sakit patay na tao
ay bubuhaying totoo.
Gayon ang sabi at wika
ni Hesus Haring dakila
kaikailan ma’y wala
taong lumitaw sa lupa
na para nitong kasama.
Santong Diyos na mataas
poot mo po’y paglubag
sa aming iyong obehas,
at iyong mga alagad
na pawang natitiwalag.
Sino ang makatataya
ng iyong pagka-Hustisia
ito nga ang siyang dusa,
ng mga taong lahat na
sa madlang pagkakasala.
Bagaman at ipapatay
ng dalawang mga banal
kung maging apat na araw
ay mag-uling mabubuhay
sa Diyos na kalooban.
Mananaog naman dito
ang isang Anghel ni Kristo
pupuksa sa mga lilo,
at pupugutang totoo,
hari nilang Anti Kristo.
Ito’y siyangsinasaysay
sa sulat napapalaman
si San Miguel na matapang,
Prinsipe sa kalangitan
ang pupugot sa bulaan.
At kung baga mamatay na
ang taksil at palamara
saan di nga mag-iiba,
ang nagsisampalataya
sa lihis na aral niya.
Nguni’t pahihintulutan
ng Diyos ang katauhan
ang mundo’y bago matunaw,
ay hihinting makaraan
ang apatnapung araw.
Ito kaya’y pahintulot
sa atin nang Poong Diyos
ay ng magsising tibobos,
tayo at mag-ibang loob
sa gawang liko at buktot.
Sa malaking kataksilan
natin at kapalaluan
dahilan sa kayamanan,
ay ang ibang mga hunghang
di mag-iiba nang asal.
Lalo na nga kung ang tao
ay mahirap nang totoo
ang loob niyang magbago
ay magumon na sa bisyo
ang wika nga ni San Pablo.
Halos hindi matahimik
sandali ma’y di maidlip
sa puso’y hindi mapaknit
tuwi na’y lumiligalig
kapalaluang umaakit.
Kung maganap na ang araw
tadhana nang Maykapal
kapagdaka’y bibitiwan,
ang poot at kagalitan
at parusang ibibigay.
Kukulog nama’t lilintik
kidlat na makatutulig,
ang hangi’t bagyong mahilis
at uugong na masakit
yaong elementong tubig.
Ang lupa’y malilinggatong
walang tahan ng paglindol
ang kahoy at mga ibon,
tatangis at hahagulgol
sindak sa gayong panahon.
Magmumula nga sa Langit
ulan, apoy na masakit
sa lupa’y halos tumakip
susunog magpapasakit
sa mga taong bulisik.
Kung maubos na mapuksa
ginto at yaman sa lupa
ang apoy nama’y bababa,
susunugin alipala
tao at hayop na madla.
Ang tore’t mga palasio
bahay sadyang edipisyo
mga kalakhan sa mundo
walang pagsalang totoo
magiging uling at abo.
Lahat nating minamahal
dito sa lupang ibabaw
na sa hangi’y di pahipan
kung dumating na ang araw
para-parang matutunaw.
Ano pa’t walang titira
tao yaman at balana
mawawalang para-para
lalong sukat ipangamba
kung anong daratning hangga.
At sa Balye ni Hosapat
hihipan yaong pakapak
na ipupukaw sa lahat
ang Anghel ay matatawag
ito ang ipangungusap.
Bangon kayo mga patay
nagsidulog kayong tunay
sa mataas na hukuman,
niyong Sumakop sa tanan,
Haring makapangyarihan.
Ang kalakasan ng boses
lalo sa kulog at lintik
sa lupa’t sampung sa Langit,
sa impierno’t sandaigdig
ang tawag ay maririnig.
Ay ano’y kung mailagda
ng Anghel ang gayong wika
magbangon alipala,
ang lahat ng taong madla
na nangamatay sa lupa.
At kahit mangawalat man
buto natin sa katawan
mag-uuling magkapisan,
anupa’t di magkukulang
ng ano mang kasangkapan.
Ang lahat ng kaluluwa
papasok kapagkaraka
sa kata-katawan nila,
magpipisa’t magsasama
sa tuwa o pagdurusa.
Doon na magsusumpaan
ang kaluluwa’t katawan
nguni’t yaong mga banal
ng mga makasalan,
magpupuring walang humpay.
Kung mabuhay na ang lahat
kay Adang mga Inanak,
sa Balye rin ni Hosapat,
magpipisang walang liwag
gayon ang sabi’t pahayag.
Doo’y wala ng matanda
at wala rin namang bata
edad tatlong po’t tatlo nga
ang taon ng taong madla
nang nabubuhay sa lupa.
Doon sa pagkakapisan
nang mga lilo’t banal
pagbubukdin-bukdin naman,
sapagka’t aalingasaw
baho nang makasalanan.
Ang katawang mapapalad
nang mga banal na lahat
ang bango’y hahalimuyak,
ang mukha’t magliliwanag
lalo sa araw ng ningas.
Ano nga’y kung mabukod na
ang banal sa taong sala
mananaog kapagdaka,
si Hesus na Poong Ama
madlang Anghel ang kasama.
Kasama ring mananaog
ang lahat ng mga Santos
at siyang saksing tibobos,
niyong biyaya ni Hesus
sa taong taksil na loob.
Doon naman ay kasama
ang Birhen Santa Maria
lalong saksing nakakita
nang pagsakop at pagkalara
ni Hesus sa taong sala.
Ano pa’t itong Mesias
ay nagigitna sa lahat
kasiping ang Inang liyag
tumutuntong yumayakap
sa maputing alapaap.
At doon sa pagpanaog
ay nangunguna ang Krus
estandarteng itinubos
ipinagwagi ni Hesus
sa malupit na demonyos.
Yaong Krus kung matingnan
nang taong makasalanan
agad pangingilabutan,
sa dili pakikinabang
bungang kasarap-sarapan.
Nguni’t kaliga-ligaya
ikatutuwang makita
niyong banal na lahat na,
tunay na nagpenitensia
at tinangisan ang sala.
At kung dumating na naman
itong hukom na matapang
sa balyeng paghuhukuman
mauupo kapagkuwan
sa mahal niyang luklukan.
Ang kasiping naman niya
isang trono ang handa na
luluklukan ni Maria,
doo’y di na abogada
ang lagay ng Birhen Ina.
Kundi bagkus nganing saksi
aayop at duruhagi
sa mga taong tumanggi
sa aral niya at sabi
at nasa niyang mabuti.
Doon din naman sa kanan
ni Hesus ay kaagapay
labing-dalawang luklukan,
na talagang lilikmuan,
ng Apostoles na tanan.
Ay yaong labing-dalawang
mga Apostoles niya
ay siayng lalung-lalo pa
doon ay magpapasiya
ng marahas na parusa.
Ano pa’t ang tanang banal
ay kanilang kinakanan
ang lilo’t makasalanan
sa taga impiernong bayan
sa kaliwa mapipisan.
Kasama’t hahalubilo
ang madlang mga demonyo
Santong Diyos ano ito!
sino kaya’t aling tao
doon ang hindi manglumo?
Doon na nga mabubuksan
ang libro nang kabanalan
gayon din ang kasamaan,
pawang mangagpapaluwal
lihim na ating inasal.
Ang gawa ng taong lahat
lihim na di nahahayag
pawang mangasisiwalat,
na anaki’y nalilimbag
na noo’y nangasusulat.
Kahima’t makasalanan
lubhang kahalay-halayan
ng dito’y nangabubuhay,
kung mangagsising matibay
doo’y mangagsisikinang.
Ano pa’t uusisain
doon at sasaliksikin
ang lahat ng gawa natin,
mga wika at panimdim
kahit hayag man at lihim.
Kung mausisa na naman
lahat nating kagagawan
alipala’y hahatulan,
ng mga Santos at banal
ito ang siyang tuturan.
Venti, Benedicti Patris mei,
Et percipite regnum
caelorum.
Halina mga katoto
na pinagpalang totoo
ng Diyos Haring Ama ko
at ngayo’y kamtan ninyo
ang tuwa sa Paraiso.
Halina at inyong kamtan
ang Langit na kataasan
luwalhating inilaan,
ng Ama kong lubhang mahal
sa mga Santos at banal.
At kung ito ay mawika
ni Hesus sa taong madla
na kaniyang pinagpala,
ay lilingon namang bigla
sa tanang na sa kaliwa
Galit na walang kapara
ang mukha ay namumula
nakatatakot makita,
ang dalawang mata niya
parang mabisang sentelya.
Pagdaka’y ibubulalas
parusang kasindak-sindak,
sa harap ng taong lahat
ni Hesus Haring mataas
ito ang ipinangungusap:
Ite maledicti in ignem
aeternum.
Mangagsilayo na kayo
sa akin sukaba’t lilo
tampalasang mga tao
at masuwaying totoo
malupit na walang tuto.
Hayo na’t inyong kamtan
apoy sa impiernong bayan
sa inyo’t sa diablong tanan,
inihanda’t inilaan
na magparating man saan.
Sa laki ng dalang poot
ng pangungusap ni Hesus
ang madagundong na tunog,
tantong kakila-kilabot
yaong boses na mataos.
Mabubuka alipala
ang tinutuntungang lupa
lalamunin yaong madla,
tao’t diablong masasama
mga malulupit na diwa.
Doo’y mangagkakagatan
sila’t mangaghihilahan
ang madlang pagsusumpaan,
ang hirap at kasakitan
walang katapusa’t hanggan.
At kung magawa na ito
ni Hesus sa mga lilo
yayakagin ng totoo,
ang mga banal na tao
doon sa Langit na Reino.
Laking tuwa at ligaya
nang katawa’t kaluluwa
magpupuri’t magsasaya
doo’y matatamo nila
luwalhating walang hangga.
Santong Diyos ikaw nga
ang tantong banal na lubha
sa magaling mapagpala,
mapagbawi’t mabagsik nga
sa taong lilo’t masama.
A R A L
Oh mga Kristianong tanan
na mapagbantog na aral
mag-isp ka na’t magnilay,
loob nating salawahan
sa gawang di katuwiran.
Talikdan na ngang totoo
ang mga banal sa mundo
tumulad kay Hesukristo,
nang tayo’y huwag mabuyo
sa aral ng mga lilo.
Ang ating mga katawan
di sasala’t mamamatay
gayon din ang dilang bagay,
ginto’t pilak kayamanan
ang lahat ay matutunaw.
Ano at di pa magbawa
mga gawa mong lahat na?
bakit di ka mabalisa,
loob na napalamara
sa gawang pagkakasala?
Ano at di pa malumbay
tayo at di kilabutan
kung ang lalong mga banal
nanginginig ang katawan
kung ito’y magunam-gunam?
Oh taong nakalilimot
sa sala’y nakakatulog
pukawin nag iyong loob,
at isipin mong tibobos
ang sa mundong pagkatapos.
At kung di ka gumanito
sa aba mo ngang aba mo
walang pagsalang totoo,
sapilitang daratnin mo
hirap sakit sa impierno.
Samantalang may oras pa
ay maglaan kang maaga
kung gumabi’t dumilim na,
ay lalong maghihirap ka
gumawa’y ngangapa-ngapa.
Ang puso mo’t iyong loob
iyong ialay sa Diyos
magsisi ka na’t matakot
ng marating mong tibobos
ang bayan ng Santa’t Santos.
At kung marating na naman
ang Langit na kapisanan
ay doon na makakamtan
ang yama’t kaginhawahan
ng Diyos Poong Maykapal.
W A K A S
Posted by cathy at 10:59 AM 0 comments
Labels: Pasyong Mahal
Wednesday, March 18, 2009
PASYONG MAHAL - PANALANGIN NG TAONG KRISTIANO KAY GINOONG STA. MARIA
Oh Mariang masaklolo
Ina nang Divino Berbo
ngayon po’y pakinggan mo,
itong pagtawag sa iyo
naming salaring tao.
Alang-alang Inang mahal
sa iyong kapighatian
ng makita mo’t matingnan,
ang mahal na pagkamatay
ni Hesus Anak mong tunay.
Kami’y iyong idalangin
kay Hesus Anak mong giliw
nang kaniyang patawarin,
ang sala at gawang linsil
na mga nagawa naming.
Kapag ikaw Inang hirang
Birheng kalinis-linisan
ang humingi ng ano man,
hindi ka pagkakaitan
ni Hesus Anak mong mahal.
Kaya pa, Birheng marilag
Inang walang makatulad
magdalita ka’t mahabag,
ipagtanggol kaming lahat
sa mga dalita’t hirap.
Sa Diyos Amang mahal
idalangin kami’t bigyan
nang pagsisising matibay
tanang aming kasalanan
at magandang kamatayan.
At sa oras ng pagdating
niyong kamatayan namin
kami po’y inyong dalawin,
saklolohan at aliwin
sa hirap na titiisin.
Yayaman ikaw nga lamang
Birheng kalinis-linisan
ang di nahawa munti man,
ng salang mana kay Adan
nitong buong Sangtinakpan.
At ang aming kaluluwa
kung kami’y mamatay na
ay kunin mo’t ipagsama,
at ng kami’y guminhawa
sa maluwalhating Gloria.
Posted by cathy at 10:54 AM 0 comments
Labels: Pasyong Mahal
Tuesday, March 17, 2009
PASYONG MAHAL - -NANG PARONA'T DALAWIN NG EMPERATRIS ELENA ANG PINAGBAUNAN NG KRUS AT MGA PAKO NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO
Kaya ang lalong magaling
dito naman ay isipin
ang madlang awa sa atin,
misteriong mga habilin
ng Diyos na Poon natin.
Na yaong Sakro-Madero
na kinamatayan ni Kristo
dahil sa sala nang tao
dapat mahaling totoo
ng tanang mga Kristiano.
Yaong banderang pangwagi
marikit na estandarte
kinatatakutang dati,
at kusang dumuruhagi
sa demonyong umaali.
Ay ano’y sa kalupitan
ng mga hudyong hunghang
kanilang kaugalian
magdaya’t gumawang lalang
sa sino mang parusahan.
Kung sakaling mamatay na
at ililibing na nila
sa hukay ay isasama,
ang kasangkapang lahat na
ipinatay sa may sala.
Ito ang siyang inasal
ng mga hudyong hunghang
ibinaon nila naman,
yaong mga kasangkapan
ni Hesus sa pagkamatay.
Kaya ginawang tibobos
ng malupit na hayop
anila’y nang di mabantog,
naturang Anak nang Diyos
yaong pinatay sa Krus.
At yaon naming naunan
ng Mananakop sa tanan
kanilang pinatabunan
saka doon sa ibabaw
nagpatayo ng Simbahan.
Ang pamagat nilang lubos
yaong ang Templo ni Benus
kahunghangan ngang tibobos
nang mga taksil na loob
an alipin nang demonyos.
At magmula noon naman
hindi mangyaring madalaw
ng sino mang bininyagan,
doon ay may nagbabantay
ng mga hudyo sukaban.
Sa awang di mamagkano
nang Diyos na masaklolo
ang mga lugar na ito,
nabihag nga at tinalo
ng Haring si Konstantino.
Ano nga’y ng makamtan
yaong mga Santong lugar
tuwang hindi ano lamang,
ni Konstantino ng minsan
Emperador na binyagan.
Saka si Santa Elena
na kay Konstantinong ina
sa Herusalem nagsadya,
at ibig niyang makita
Krus na itinubosa sa sala.
Ang nasa’t pita ng loob
nitong Reynang maalindog
ibig niyang mapanood,
ang mahal na Santa Krus
na sa ati’y isinakop.
Nang siya nga ay dumating
sa bayan nang Herusalem
pinaghanap niyang tambing
kahoy na walang kahambing
pinagtubusan sa atin.
Nguni’t hindi nasumpungan
at kung saan inilagay
ng mga hudyong hunghang
at sa pagka’t ang baunan
kanilang pinatabunan.
Ang naisipang maganda
nang Emperatris Elena
ipinatapong lahat na,
ang mga idolatria
doon sa templong meskita.
Iniwasak isinabog
yaong Simbahan ni Benus
ipinatibag ang bundok,
ng lumalim ay sumipot
mahal na libing ni Hesus.
Sa siping din baunan
ng Mananakop sa tanan
doon naman nasumpungan
yaong kamahal-mahalan
Krus na kinamatayan.
Tatlong Krus ang nakuha
sampung rotulo’y kasama
nguni’t hindi mapagsiya,
nang tao at makilala
ang Krus ni Kristong Ama.
Tatlong Krus kung pagmasdan
iisa ang kahabaan
at gayon din nga sa kapal
kaya hingi mapagbuhay
ang kay Hesus na maalam.
Kaya nga ang minagaling
nitong Reynang masintahin
sinangguni niyang tambing,
si San Makariong butihin
Obispo sa Herusalem.
Ano pa’t ang minaganda
nang Obispo’t ni Elena
doo’y may isang senyora,
tantong naghihingalo na
at papanaw ang hininga.
Isa-isang inilagay
isiniping sa may damdam
ang tatlong Krus na naturan
sa dalawa’y walang tunay
na nagbigay kagalingan.
Nguni’t ang Krus ni Kristo
na isinakop sa tao
ng siyang malapit kono,
nakagaling na totoo
sa naghihingalong tao.
Para-parang nangagtaka
ang taong nangakakita
himalang walang kapara,
nang Diyos na Poong Ama
doon sa abang senyora.
At mayroong isang patay
na ibabaon na lamang
isiniping nila naman,
sa Krus ni Hesus na mahal
ang patay agad nabuhay.
Doon na nga nakilala
napagsino ng lahat na
ang Krus na maligaya,
na isinakop sa sala
nang ikalawang Persona.
Agad na ngang iginalang
pinuri at niluhuran
pasasalamat na tunay
nila sa Poong Maykapal
dito sa tuwang kinamtan.
Nagtalo at di nagkaisa
loob ng mga bihasa
na di mapagwari nila,
na kung anong kahoy baga
yaong Krus na maganda.
Anang iba ay Olibo
Palma anang ibang dokto
Sipres ani San Macario,
ang ipinasiyang totoo
yaon ang kahoy na Sedro.
Kahoy na katuwa-tuwa
ibinunga’y pawang awa
ang linamnam at ang bisa
nakapawi’t nakawala
sa sakit ng taong madla.
Kalahok din at kasama
ang Krus na ating sala
apat na pakong maganda,
sa kamay sampung sa paa
ni Hesus na Poong Ama.
Tunay nga’t hindi pahayag
ng mga Santos Propetas
na yaong pako ay apat,
ang ibang bihasa’t pantas
siyang nagsabi’t sumulat.
Lalong nagpakasakit nito
ang Ina ni Konstantino
apat ang pakong totoo,
na ipinako kay Kristo
ng mga lilong hudyo.
At sapagka’t ng makuha
Krus ni Hesus na Ama
nang Emperatris Elena
mga pakong mahalaga
di nasira’t di nag-iba.
Himalang sukat pagtakhan
sa mga pakong naturan
ay naano man lamang,
sa gayong kahabang araw
na ibinaon sa hukay.
At ang mga pakong hayag
di Dimas sampu ni Hestas
ay kinalawang na lahat,
kulang lamang ang maagnas
na parang lupang matigas.
Minahal nganing totoo
nang Ina ni Konstantino
ang pako ni Hesukristo,
sampu ng Sakro-Madero
na isinakop sa tao.
Isa ngang pakong marilag
ang nasa bayang Karpentas
na minamahal ng lahat
kung ipagpiesta’y ang tawag
Clavo Santo ang pamagat.
Ang ikalawa sa bilang
nitong pakong lubhang mahal
nasa Simbahan ng Milan,
si San Carlos ang naglagay
nang paroon at dumalaw.
Ikatlong pakong maganda
isinangkap kapagdaka
nang Emperatris Elena,
sa marikit na deadema
ng bugtong na anak niya.
Ang wika ni San Ambrosio
pakong ikaapat ni Kristo
ipinatapong totoo,
ng Ina ni Konstantino
sa dagat ng Adriatiko.
Dahil sa bagyong sumasal
halos ang baya’y matunaw
kaya itinapon naman,
yaong pakong lubhang mahal
at ng siyang magpahumpay.
Ang wika ng ilang doktos
sa pakong yaon ni Hesus
ng maitapong matapos,
sa tubig ay di lumubog
himala nang Poong Diyos.
At ito ring pakong mahal
ang sa dagat binitiwan
ang nasa Paris na bayan,
sa Templong lubhang mainam
ni San Dionisiong banal.
At yaong pakong maganda
nasasangkap sa deadema
ni Konstantino ng una
yaon din at hindi iba
ang nasa Templo ng Roma.
Kaya nga’t ang katampatan
sa sino mang bininyagan
purihi’t pasalamatan,
ang Diyos na Poong mahal
nitong awa niyang tanan.
Tayo ngayo’y dumalangin
at tumawag tayong tambing
sa Diyos na maawain,
at ng tayo ay ampunin
sa ano mang hirap natin.
Tayo naman ay pumara
sa gawa ni Santa Elena
sa paghanap at pagkita,
ng kasangkapang lahat na
na isinakop sa sala.
Atin naming pagpilitan
tanang gawa ng kabanalan
manalangin gabi’t araw,
ng tayo’y huwag masinsay
sa daan ng katuwiran.
Pagtulog tayo’y dumaing
sa mahal na Inang Birhen
yamang siya’y maawain,
nang tayo’y ipanalangin
sa Diyos na Poon natin.
Posted by cathy at 9:52 AM 0 comments
Labels: Pasyong Mahal
Monday, March 16, 2009
PASYONG MAHAL - -ANG PAGKAMATAY AT PAG-AKYAT SA LANGIT NI GINOONG SANTA MARIA
Nang maghiwa-hiwalay na
Apostoles na lahat na
ang Birheng Santa Maria,
sa Herusalem tumira
mangangaral na talaga.
At ang gawa araw-araw
ay ang parating dumalaw
sa mga daa’t lansangan,
na totoong nilakaran
ng Anak niyang pumanaw.
Ano pa at walang likat
ang pagdalaw at paghanap
sa iniwang mga bakas,
mga lansangang nilakad
ng kaniyang sintang Anak.
Siya’y may kaibigan
dalawang babaing mahal
tuwi na’y sinasamahan,
sa pagparoo’t pagdalaw
niyong mga santong lugar.
Ano pa nga si Maria
walang ginagawang iba
kundi tumawag tuwi na,
paampon at pakalara
sa bugtong na Anak niya.
Mana nga’y isang araw
itong Inang namamanglaw
nanalangin kapagkuwan,
at dumating siyang tunay
sa Anak niyang marangal.
Ito ang ipinagbadya
oh Anak kong sinisinta
buhay niyaring kaluluwa,
kailang oras pa baga
tayo’y muling magkikita?
Kailan mo matitingnan
iyang mukha mong malinaw
na pinanganganinuhan
ng tao sa Sangtinakpan
dito sa lupang ibabaw.
Aling panahon at oras
muli tayong maghaharap
Ina mong lipos ng hirap,
ay walang daang lumuwag
bunso kundi ka kaharap?
Anak ko’y magdalita ka
na ako’y inyong kunin na
at ng kita ay makita,
sa bayan mong maligaya
na maluwalhating Gloria.
Di ko mabata munti man
ang kita’y hindi matingnan
malaki ang aking lumbay
kaya bunso ko at buhay
ako’y huwag pabayaan.
Mabalino ka’t mahabag
ng pagdaing ko’t pagtawag
yamang kita’y siyang Anak,
tingni ang Inang may hirap
lumuluha’t umiiyak.
Bunso ko’y iyong kuha
yaring aking kaluluwa
yamang mahabang araw na,
na hindi ka nakikita
tuwa ko kung kaharap ka.
Marami pa at makapal
ang daing ng Inang Mahal
ay nanaog na kapagkuwan,
isang Anghel na marangal
siya ay pinangusapan.
Anang Anghel na maganda
aba Ginoong Maria
ako po’y sugong talaga,
ng Anak mong sinisinta
ito ang pabilin niya:
Bukas ay di maliliban
ikaw ay parirituhan
ng Anak mong minamahal,
iyaakyat ka pong tunay
sa maluwalhating bayan.
Ako po nama’y kasama
bukas kung parituhan ka
kaya ngayo’y matuwa na,
ang Poong ko at magsaya
at ito’y walang pagsala.
Ang sagot ng Inang Birhen
ay aba mahal na Anghel
kung gayon ang iyong turing
hayo na’t iyong sabihin
itong lahat kong habilin.
Sabihin mo’t ipahayag
sa Diyos ko’t aking Anak
paparituhing humarap,
ang Apostoles na lahat
na kasama kong alagad.
At bago ako mamatay
sila’y aking matitingnan
at ako ay paalam,
tuloy makikipanayam
ng madla’t maraming bagay.
Nagpaalam at nanaw na
ang Anghel na sugo baga
ito namang si Maria,
papupuri’y walang hangga
sa Diyos na Poong Ama.
Ang Apostoles na tanan,
dumating ding di naliban,
kahima’t malayong bayan,
sa Senakulo’y nagpisan
sa Diyos na kalooban.
At ang ibang mga tao
na kaibiga’t katoto
nitong Birheng masaklolo,
nagsidalaw nagsidalo
sa tahanang Senakulo.
Ang Birhen’y nagugulaylay
sa katre niyang hihigan
doo’y pinangangaralan,
ang Apostoles na tanan
tungkol sa pagsusunuran.
At doon ipinangusap
sa doroong humaharap,
yaong wikang masasarap,
na sukat kamtan ng lahat
at ikaaliw sa hirap.
Aniya’y ako’y patay man
totoo rin akong buhay
kayo’y di malilimutan,
iaadya’t tutulungan
sa pangambang ano pa man.
Ako ang magkakalara
at magtatanggol tuwi na
sa inyo irog ko’t sinta,
na sumunod tumalima
sa aking tanang anyaya.
Dito na nga kapagkuwan
sila ay binendesionan
kaluluwa’y biglang nanaw,
parang natutulog lamang
ang Birheng Inang namatay.
Ang bunso ring Anak niya
ang dumapit at kumuha
ng kaniyang kaluluwa,
madlang Anghel ang kasama
at iniakyat sa Gloria.
Ang Apostoles na lahat
nanduroon humaharap
at sampung ibang alagad,
nagsitangis at umiyak
lumbay na walang katulad.
Ang Poong Birhen Maria
katamisang walang hangga
Ina ng Divina Grasia
sino ang magkakalara
as aming nangungulila?
Sinong ating daraingan
dito at sasanggunian
ng sakunang dumaraan
at sinong magtatangkakal
kundi ikaw Birheng mahal?
Ika nga po’t dili iba
ang Stella Matutina
mapagtanggol mapag-adya
mapagturo sa lahat na
ng sukat ikaginhawa.
Sino pa ang daraingan
ng aming ngang kaabaan!
at sinong magtatangkakal
niyaring aming pagkabuhay
sa dagat ng kapaitan?
Pait na walang kapara
ng aming pangungulila
anong ikagiginhawa
puso nami’t kaluluwa
kung ikaw ay di makita.
Inang mahal di man dapat
ngayon ay nagsisitawag
ang mga imbing alagad
at sa aming paghihirap
mata mo po ay ilingap.
Kami’y iyong idalangin
kay Hesus Anak mong giliw
ipagtanggol na magaling,
kaluluwa’t buhay namin
sa pangambang sasapitin.
Yamang nariyan ka na
sa maluwahating Gloria
natutuwa’t nagsasaya,
kami pong nangungulila
silayan ng iyong mata.
Madla pa’t di maisip
ang kanilang pananangis
halos mawalat ang dibdib,
sa malaking pagkahapis
niyong mga Apostoles.
Aling katigas-tigasan
pusong matigas sa bakal
doon ay hindi matunaw
kung makita at matingnan
yaong mahal na larawan?
Mukha ay nagliliwanag
niyong katawang mapalad
bango’y humahalimuyak,
dikit ay ganap na ganap
niyong Ina ng Mesias.
Ang Sanglangitang Angeles
nagpupuri’t umaaawit
tuwang walang kahulilip
ligayang hindi maisip
nino mang pantas na bait.
Marami namang may sakit
doon ay nangagsilapit
na pawang nangagsitangis,
hirap nila ay binihis
nang tuwang di maisip.
Halos buong sangbayanan
naparoo’t nagsidalaw
na nagsisikip ang bahay,
marami pa at makapal
ang taong nasa lansangan.
Sa malagyan na ng sapot
ang Birhe’y ipinanaog
isa’t isa’y dumudulog,
yaong mga disipulos
pawang may lumbay sa loob.
Agad na nilang pinasan
yaong mahal na katawan
marami nama’t makapal
ang taong nangagsiilaw
hanggang dumating sa hukay.
Sukat namang ipagtaka
natin at ikabalisa
himalang kaaya-aya
nang Diyos na Poong Ama
nang ilibing si Maria.
Bagama’t hindi mabilang
ang kanilang itinanglaw
nguni’t kahit isa man,
doon ay walang namatay
sa hanging lubhang masasal.
Doon sa isang aldea
ng Hetsemaning laguerta
ay may handang hukay sila
pagbabaunang talaga
sa bangkay ng Birheng Ina.
Ay ano nga’y ng dumating
doon sa mahal na libing
inilagay na ang Birhen,
lumbay na walang kahambing
nang taong nagsisitingin.
Kanila nang pinagyaman
yaong marikit na hukay
isinilid kapagkuwan
at saka nila tinakpan
niyaong batong nalalaan.
Ano’y ng mailibing na
yaong bangkay ni Maria
nangasiuwi na sila,
ang iba’y nangagsitira
sa libingang mahal niya.
Doon sila nanambitan
ng tantong kalumbay-lumbay
at hindi ibig panawan,
lisanin sumandali man
ang sa Birheng Inang bangkay.
Sila nama’y nakarinig
niyong sari-saring boses
kaaliw-aliw ang tinig,
ng tanang mga Apostoles
pagsasayang walang patid.
Ang Poong Birhen Maria na
pinutungan ng korona ng
Santisima Trinidad
At doon din sa baunan
ay may amoy na sumingaw
bangomg hindi ano lamang
nakapawi’t nakaparam
ng kanilang kalumbayan.
Pinagtanto’t binilang na
nang marurunong magbadya
at ng mga Apostoles pa,
taon at edad ni Maria
ay pitongpu’t dalawa.
Ng maganap na ang bilang
at mahustong tatlong araw
ang sa Birheng pagkamatay,
sumulid na sa katawan
kaluluwa niyang mahal.
Siya ngang pagkabuhay na
nang Birheng Santa Maria
ang katawa’t kaluluwa,
ay iniakyat sa Gloria
nang Apostoles na lahat na.
At kanilang iniharap
ang Birheng Inang mapalad
katuwaa’y dili hamak
pagpupuri’y walang likat
nang Santisima Trinidad.
Halos di magkarinigan
pagpuri’t pag-aawitan
pagsasaya’t pagdiriwang
buong korong Anghelikal
doon sa Langit na bayan.
Sinalubong na nga siya
nang ikalawang Persona
niyakap kapagkaraka,
madlang puri’y sabihin pa
ni Hesus sa Birheng Ina.
Doon nga sa karurukan
nang langit na kataasan
ay may talagang luklukan,
inihanda’t inilaan
ng Diyos na Poong mahal.
Laan ito at talaga
na uupan nga ni Maria
ano’y nang dumating na,
pinaluklok kapagdaka
sa tronong kaaya-aya.
Doon nga pinaramtan
nang lubos na katuwaan
na pinalalo sa araw,
ay yaong planetang buwan
kaniyang tinutungtungan.
Ang ipinutong sa Birhen
labing-dalawang bituin
dikit na walang kahambing
liwanag ay nagniningning
aling mata ang titingin?
Gayon ang sabi at badya
ni San Huan Ebanghelista
sa Apokalipsis niya
halimbawa’t pagkakita
nang putungan si Maria.
Ay ano’y ng maparamtan
ang Birhen ay maputungan
nang bituing makikinang
sabihin ang katuwaan
ng buong Sangkalangitan.
Kapagdaka ay nangusap
doon nga at isinulat
nang Santisima Trinidad,
ang madlang puring gawad
sa Birhen Inang mapalad.
Ang bati ng Diyos Ama
aba Anak kong maganda
na napuspos nang grasia,
sumunod at tumalima,
sa mga hiling ko’t pita.
Ang puri ng Diyos Anak
aba Ina kong mapalad
bukod sa babaing lahat,
kasama-sama sa hirap
ng pagsakop ko sa lahat.
Yaong ikatlong Persona
ay ang bati kay Maria
aba mahal kong Esposa,
na iniirog ko tuwi na
linis na walang kapara.
Sumagot at nagsisabad
yaong tanang Herarkias
tuwa’y dili hamak-hamak
aba Sagradong marilag
ng Santisima Trinidad.
Ay ano’yng maganap na
puring bagay kay Maria
habilin ang pagsasaya,
tuwang walang makapara
ng sanglangitang lahat na.
Aling matalas na isip
doon ang hindi matulig
sinong makapagsusulit
ng katuwaang nasapit
niyong mga Serapines.
Di nga sukat maakala
at di masayod ng dila
ang gayong pagkakatuwa
walang makahalimbawa
dito sa balat ng lupa.
Nguni’t kaya natalastas
ng mga tao’t nahayag
yaong mahal na pag-akyat
Asunsion bagang mapalad
niyong Ina nang Mesias.
Yaong Apostol na mahal
na si Tomas ang pangalan
bukod ngani siya lamang,
ang di nakakitang tunay
ng sa Birheng pagkamatay.
Ito naman ay talaga
nang Diyos na Poong Ama
ng matanto at Makita
at mahayag sa lahat na
ang Asunsion ni Maria.
Nang si Tomas ay dumating
sa bayan ng Herusalem
hindi nakita ang Birhen,
sapagkat nga nalilibing
ang katawang maluningning.
Sabihin ang hapis sindak
nang Apostol na si Tomas
luha’y baha ang katulad,
kulang ang mawalat
ang dibdib sa paghihirap.
Ay aniya Birheng mahal
laki niyang kamurahan
at hindi ka na dinatnan,
ang pag-alis mo’t pagpanaw
dito sa hamak na bayan.
Buhay ko’y anhin ko pa
kung sa iyo’y mangulila
mahanga ay mamatay na,
at ng kita nga’y makita
sa maluwalhating Gloria.
Sa gayong mga pagtangis
ni Tomas na nahahapis
at ang mga Apostoles,
inaliw siyang masakit
ng ganitong pagsusulit.
Nguni’t di rin tumiwasay
puso niyang nalulumbay
di maidlip gabi’t araw,
sa laking kapighatian
di makakain munti man.
Dumating kapagkaraka
kay San Pedrong puno nila
na pinabuksan talaga
ang libing ng Birheng Ina
ibig humalik sa paa.
Binuhat na kapagkuwan
ang batong nakararagan
doon na niya tiningnan
na wala na nga sa hukay
ang sa Birheng Inang bangkay.
Doon na niya nakita
sapot ng Birheng Maria
agad naniwala siya,
na umakyat na sa Gloria.
ang katawang maligaya.
Nang matanto at mabatid
ni Tomas na nahahapis
na umakyat na ang dibdib
at tumingala sa Langit
ito ang ipinagsulit:
Salamat na walang hangga
Poon ko’t mahal na Ina
akong Apostol na mura,
lubos ngayong umaasa
sa iyong miserikordia.
Kami’y iyong kaawaan
dito sa hamak na bayan
at ang aming pangangaral,
sundin naming walang liban
ng tanang makasalanan.
Ang binhing sadyang talaga
ng aming mga doktrina
magnanaw nawa’t mamunga
sa puso at kaluluwa
nang tanang anak ni Eba.
Nang ito’y maipagsaysay
agad naghiwa-hiwalay
ang Apostoles na tanan
nangagsiuwing di naliban
sa kani-kanilang bayan.
Tuloy ipinahayag pa
ng Diyos sa Santa Iglesia
ikatuwa’t ipagsaya
yaong pag-akyat sa Gloria,
nang Birheng Santa Maria.
Kaya nga’t ang katampatan
ang tao’y gumaya naman
nang tayo ay kaawaan
magpuri ng makayanan
sa Inang Birheng maalam.
A R A L
Oh taong nakalilimot
aniniig sa pagtulog
magbalikwas ka’t kumilos
at isipin mong tibobos
ang madlang awa ng Diyos.
Iwan na ang madlang sala
at kataksilan tuwina
paampon ka’t pakalara
tumawag ng bung sinta
sa Birheng Santa Maria.
At kaya nakyat sa Langit
itong Reynang Emperatris
tayong hamak sa bulisik
kakalingaing masakit
sa tanang mga panganib.
Siya ang tunay na Ina
batis ng miserikordia
tumutulong nag-aadya,
kung tumawag kapagdaka
sino mang taong may sala.
Siya ring Haring totoo
ang Arka ng Testamento
at Hudit na mananalo,
na pumugot niyong ulo
ni Olipernes na lilo.
Inang kalinis-linisan
di nagkamit kasalanann
siya ang ating daingan,
ang tawagin gabi’t araw
nang tayo’y kaawaan.
Maawai’t masaklolo
sa sino ma’t aling tao
siya’y batis na totoo,
nanginginig yumuyuko
ang tanang sang-impeirno.
Mistulang intersesora,
ng tanang Anak ni Eba
kaya tayong na sa sala,
magbalikwas magsisi na
at paampon sa kaniya.
Yamang tayo ay binigyan
ng Diyos ng munting lugar
pinautang pa ng buhay,
tanang ating kasalanan
pagsisiha’t ikumpisal.
Tayo ay magsamantala
magsisi ng ating sala
dagdagan ang penitensia
nang tayo ay makasama
sa Langit ng Birheng Ina.
Yamang di natin malaman
yaong oras kung kailan
pagdating ng kamatayan
ay itangis gabi’t araw
lahat nating kasalanan.
Posted by cathy at 9:36 AM 0 comments
Labels: Pasyong Mahal