Wednesday, February 11, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PANGANGARAL NI KRISTO SA BABAENG SAMARITANA

Ang pangangaral ni Kristo

sa babaeng Samaritana

Bayan-baya’y nililibot

nang pangangaral ni Hesus;

isang tanghali’y napagod

nagpahinga at lumuklok

doon sa balon ni Hakob.

Doon niya inabangan

babaing makasalanan,

Samaritana ang ngalan,

at pagdating agad naman

binati’t pinangaralan.

At ang ginawang dahilan

daang sukat maaralan

kanyang pinaki-inuman

at totoong nauuhaw

sa taong makasalanan.

Ang madlang lingid na sala

ng abang Samaritana

agad ipinakilala

ni Hesus na Poong Ama

pinagsisihang talaga.

Itong babae pagkuwan

ang banga niya’y iniwan

at biglang nasok sa bayan

ipinahayag sa tanan

yaong himalang natingnan.

Nabantog nga sa lahat na

bait, karunungan niya

at balang taong makakita

paraparang nagtataka

kay Hesus na Poong Ama.

Itong Diyos na maalam

tumahan ng dalawang araw

doon sa Sikar na bayan;

mga tao’y inaralan

at pinaghihimalaan.

Nguni’t ang mga Hebreos

at kuhilang pariseos,

ay nanagsukalang-loob

sa himalang napabantog

nitong maawaing Diyos.

Ito ngang Poong marikit

isang araw ay sumapit

sa dagat ng Tiberiades,

doon nakita si Andres

sampu ni Pedrong kapatid.

Sa tubig ay iniladlad

ang kanilang sadyang lambat

doon na ngani namalas,

sila ng Poong Mesias

sumunod na walang liwag.

Lumakad na di nagbantog

itong ating Panginoon

sampu ng apat na kampon;

kapagdaka ay nagtuloy

sa bayan ng Kaparnaum.

Doon ay ng dumating na,

pumasok sa Sinagoga

at nangaral sa lahat na

ay pawang nangagtaka

sa bait at dunong niya.

Ito ang siyang pahayag

ni San Marcos na Sumulat

madlang tao’y nagsitanggap

at nakikinig na lahat

dito sa Poong Mesias.

Dito rin sa bayang ito,

may pinagaling si Kristo;

pinapasukan ng tukso

sa katawan, nitong tao

namamahay ang demonyo.

Nang ito ay magawa na

ni Hesus na Poong Ama

umalis sa Sinagoga,

at doon tumuloy siya

sa bahay ni Pedrong sadya.

Dinatnan naman sa bahay

ay ang kay Pedrong biyenan,

may sakit at nararatay;

pinagaling kapagkuwan

at nagsilbi na sa dulang.

Saka nang kinabukasan

doon kay Pedrong pintuan

doroo’t nagkakapisan

may sakit na di mabilang

ng mga tao sa bayan.

Kapagdaka’y pinagaling

nitong Panginoon natin

madlang tao’y umuwi rin

tuwa’y walang makahambing

ng puso nila’t panimdin.

At umalis naman doon

sa bayan ng Kaparnaum

at sa Galilea nagtuloy

itong si Hesus na Poon

pagod ay walang kaukol.

Doo’y maraming himala

na pawa niyang ginawa

nagpapagaling na kusa,

may sakit kahit patay nga

binubuhay alipala.

Nang siya nga ay magbalik

sa daan ng Nazareth

doon naman ay nabatid,

madlang tao’y nakikinig

ng aral niyang marikit.

Daming hindi mamagkano

ng sumusunod na tao

ang ginawa nitong Berbo,

sa barko ni Simon Pedro

sumakay silang totoo.

Sa tabi ng karagatan

ang tao ay inaralan

nang matapos agad naman,

napalaot kapagkuwan

si Pedro’y pinangusapan.

Iyang lambat mo, aniya,

Pedro’y iyong ihulog na;

ani Pedrong mapaninta;

kami nga po’y magdamag na

walang huli kahit isa.

Nguni’t ako po’y sumunod

at sapagka’t inyong utos

dito’y agad nang sinambot

ni Pedro at inihulog

ang lambat niya sa laot.

Nang kanilang isasampa

ang lambat ay di mahila

bigat na walang kapara,

napatulong kapagdaka

sa iba niyangkasama.

Ano pa’t maraming lubha

ang kanilang huling isda,

sinigla’y dalawang bangka

at nangatigib kapuwa,

kataka-takang himala.

Dito pinuring totoo

ang Poon niya’t Maestro

katuwaa’y mago’t-mago;

mula sa pagiging ulo

Santa Iglesia ni Pedro.

Yaong isdang karamihan

sampung bangkang sinidlan

ay di iba’t kalarawan

ng Santa Iglesiang mahal

buong Sangkakristianuhan.

Saka naman isang araw

sa Kaparnaum ngang bayan

si Hesus, doo’y naglakbay

na ang tika’y mangangaral

sa taong makasalanan.

Sa kalakhang panininta

niya’t pag-aalaala

di mapalagay tuwi na

parating nababalisa

ang kaniyang kaluluwa.

Sa karamihang totoo

ng taong nangagsidalo

may isang paralitiko,

dala ng apat na katao

na iniharap kay Kristo.

Ay ano nga’t ng makita

ni Hesus, binati niya,

taong maysakit, aniya,

ang lahat mong mga sala

ipinatawad ko na.

Gayong wika’y nang matalos

ng eskribas, pariseos,

nangagbulong, nangag ingos

sino, anilang huhunos

ng sala kundi ang Diyos.

Saka iyang taong uslak

mangangahas magpatawad

ay ang sagot ng Mesias,

ngayon ninyo mababatyag

ang kabagsikan kong wagas.

Pinagwikaan na rito

ang abang paralitiko

hayo’t magbangon ka tao,

biglang dalhin ang banig mo,

ito’y utos ko sa iyo.

Nang ito’y maipagsulit,

paralitiko’y nagtindig,

pinasan agad ang banig

pagpupuring walang-patid

dito sa Poong marikit.

Nalis na siya at nanaw,

at umuwi na sa bayan

na ang balang masumpungan,

agad pinamalitaan,

nitong himalang nakamtan.

Sa mga gawang milagro

nitong maamong Kordero,

dito siya pinagsino

ng lahat ng mga tao

pagpupuri’y mago’t mago.

Ano pa nga’t nabantog na

bait karunungan niya

sa buong hakariang Siria,

pawang nagsisitanggap na

ng mahal niyang Doktrina.

Isang araw, si Mateo

ay nakita nitong Berbo,

tinawag nga niya ito

at sumama naman dito,

sa maalam na Maestro.

Ang pabuwisang tindahan

at salaping patubuan

kapagdaka ay iniwan

ni Mateong matimtiman

dahil kay Hesus na Mahal.

Napapiging kay Mateo

itong maawing Berbo,

ano’y sa makita ito,

niyong mga pariseo,

upasala’y mago’t mago.

Kung iyan anila ay banal

Anak ng Diyos na tunay,

ano’t nanakyat sa bahay,

sumasalo pa sa dulang

ng taong makasalanan.

Dito sa Poong marikit,

walang gawang nalilingid,

kaya tunay niyang batid,

yaong mga lilong isip

at mga akalang lihis.

Ang kay Hesus na tinuran

doon sa mga sukaban;

ang aking pinarituhan

aniya’y hindi ang banal

kundi ang makasalanan.

At ang buong akala ko,

hindi dapat ang mediko

sa walang sakit na tao,

kaya mga maginoo,

isip ninyo ay magbago.

Nang ito’y maipangusap

ng mahal na Diyos Anak

agad na siyang lumakad,

sa Herusalem tumambad,

at mangangaral sa lahat.

Dito’y maraming milagro,

ginawa niya sa tao,

daang isinama ito,

loob ng mga hudyo,

sa Poong kay Hesukristo.

Marami angupasala

niyong mga aliktiya,

galit na hindi kawasa,

kainggitan nilang pawa

dito sa Poong may-gawa.

Kay Hesus na maalaman

ang masamang kaisipan

niyong mga tampalasan,

ay umalis kapagkuwan

sa Herusalem na bayan.

At dito nga sa pag-alis

ng Poong kaibig-ibig

ay nangagsisamang pilit

ang tanang may mga sakit,

na hanggang sa Tiberiades.

Pinagaling kapagdaka

yaong taong nagsisama;

doon si Hesus na Ama

siya naman ay kumita

ng kakatotohin niya.

Labingdalawang katao,

siyang pinili ni Kristo

Apostoles na katoto

na maghahayag sa mundo

ng kaniyang Ebanghelyo.

Si Pedro ang una-una,

puno ng Santa Iglesia,

si Andres ang ikalawa,

magkapatid naman sila,

tunay na anak ni Hona.

Si Huan at si Santiago

magkapatid din nga ito

na anak ni Sebedeo,

mga Apostol ni Kristo

pinili niyang katoto.

At ang ikalamang bilang

ay Felipe ang pangalan

at ang ikaanim naman,

si Bartolomeng timtiman

Apostol niyang hinirang.

Si Tomas ang ikapito,

ikawalo’y si Mateo,

ikasiyam si Hakobo,

saka si Hudas Tadeo,

magkapatid naman ito.

Ang ama nito’t magulang

dalawang taong magalang

si Alpeo ang pangalan

loob ay lubhang timtiman

hahi’t mahirap ang buhay.

Ikalabing-isa nito

na apostoles ni Kristo

ay si Simon Kananeo,

dukha ma’y mabuting tao

at maawaing totoo.

Ang ikalabingdalawa

si Hudas at dili iba,

Iskarioteng palamara

na sa kasakimang dala

nagpakasamang talaga.

Ang labingdalawang ito

35

dukha at hamak na tao

walang halaga sa mundo,

mga mangmang na totoo,

walang dunong kahi’t ano.

Ito ang siyang hinirang

ni Hesus na Poong Mahal

magpapatanyag ng aral

gagawa ng kababalaghan

dito sa Sangsinukuban.

Nang mapili ng matapos

ang Apostoles ni Hesus

sampung mga disilupos

umupo sila’t lumuklok

sa itaas ng isang bundok.

Doon iniaral na mga

ni Hesus Haring dakila

ang mapapalad na gawa,

pakikinabang pawa

ng tao dito sa lupa.

Ay ano nga’y nang matapos

ang pangangaral ni Hesus

agad silang napausos

at umalis na sa bundok

sampung mga disipulos.

Sa pagpanaog na ito

ng Poong si Hesukristo

pinagaling naman dito,

ang lumapit na leproso

na napa-awang totoo.

0 comments: