Saturday, February 7, 2009

PASYONG MAHAL - ANG PAGPAPAPUGOT NI HERODES SA LAHAT NG SANGOL

Ang pagpapapugot ni Herodes

sa lahat ng sanggol

Sa laking pagkagiyagis

loob ng haring Herodes

munti ma'y di natahimik,

ang puso at kanyang dibdib

sa inggit na gumigiit.

Ano pa nga't gulong-gulo

ang loob ng haring lilo

pinasukan ng demonyo,

na umisip ng ganito

sa sakop niyang basalyo.

Nag-utos at nagpatawag

ng soldadong mararahas,

kapag dating ay nangusap,

aniya nga'y kayong lahat

magsihanda at lumakad.

Sa Belen kayo patungo

at hulihin yaong tatlo,

Haring nagsidaan dito,

kung wala'y kahit ang Ninio

siyang dalhin sa harap ko.

Yaong bagang inianak,

na gumugulo sa tunggak

anang ibang nakamalas,

ay yaon daw ang Mesias

na hinihintay ng lahat.

Nalis na nga't nagsipanaw

soldados na inutusan,

bayang Bele'y pinaronan,

hahanaping pagpilitan

ang sanggol na bagong litaw.

Buong baya'y hinalughog

kabukiran sampung bundok

di rin nakita si Hesus,

at nagbalik ang soldados

sa Haring lilong nag-utos.

Nang matanto ng sukaban

na mainggiting lanuwang

mana ay ang naisipan,

nag-utos sa mga kawal

basalyong nasasakupan.

Ang wika ng Haring pusong

ang hingi ko't utos ngayon

sa aking soldadong kampon,

libutin ang Bele'y nayong

karatig ng bayang yaon.

Panhikin ang bawa't bahay

na huwag may kaligtaan,

sa aki'y huwag may sumuway

ang sanggol na masumpungan

agad alisan ng buhay.

Santaon o kulangin man

o hustong dalawang tunay

yaong sanggol ay pugutan,

ang sa aki'y sumalansang

aalisan ko ng buhay.

Utos hari, palibhasa,

di sino susuway nga

mga kawal at gumala,

masumpungan nilang bata,

pinugutan alipala.

Bawa't bahay ay pinanhik

pinapasok hanggang silid

sa paghanap nilang pilit,

at ang sanggol na masilip

ay agad bibigyang sakit.

Gulong di hamak ang bayan

maingay ang panambitan

halos di magkarinigan,

sa pagtangis ng pag-uwang

ng ama't inang magulang.

Aling matigas na loob

ang di matunaw, madurog,

kung makita't mapanood,

ang dugong nagsisiagos

pinugutang mga ninios?

Daig ang init ng bakal

ng puso nitong lanuwang,

hindi nahabag munti man,

kaya nga't ang kinaratnan,

hirap na di ano lamang.

Ang kabilangang totoo

sanggol na namatay dito

wika ni Salmerong sabio,

batang pinugutan ng ulo

may labing apat na libo.

Ang dugo'y nagsisitangis

niyong ninios inocentes

ang narating ni Herodes,

linagnat na walang patid

at uod ang ipinawis.

Katawa'y sugat-sugatan,

buhong hindi ano lamang

ni hindi na malapitan,

ang lahat ay nasusuklam

sa kaniyang pagkalagay.

Ito'y siyang ganti't bihis

sa gawang hindi matuwid

dito sa haring balawis,

ang lalong kasakit-sakit

di siya nagkamit-langit.

Aba malupit na uslak!

aba, haring walang palad!

aba, lilo at dulingas!

aba, at ikaw'y nabihag

ano't di ka makakalag?

Ano ang iyong akala

at ano ang sapantaha?

anong hirap iyan kaya?

ano at di nga nagwika

iyang malupit mong dila.

Iyang iyong hinihingan,

iyan ang napakinggan

iya'y siyang kabayaran

at siyang kahihinatnan

apoy mo sa kagalitan.

Apo'y na di matatapos

apo'y na galit ng Diyos

apoy sa gawa mong buktot

apoy ang siyang susunog

Haring malupit sa hayop.

Haring hindi na nag-isip,

haring taksil at balawis

haring halimaw na ganid,

haring hindi na nahapis

sa dugo nang inocentes.

Kaya ang iyong natamo

hirap, sakit sa impierno;

hunghang, masakim na tao,

sa apoy mo na ibunto

ang galit kay Hesukristo.

Ito ang siyang pagmasdan

ng mainggitin sinoman;

iwaksi ang gayong asal,

at kung hindi ay kakamtan,

impiernong apoy na bayan.

Nang mamatay na't matapos

itong haring saligutgut,

sa Egipto ay nanaog

ang isang anghel ng Diyos

asal ay kalugod-lugod.

Doon sa pagkagupiling

ni San Hosep na butihin

binati agad ng anghel,

ng wikang kaaliw-aliw

ito ang ipinagturing.

Anang anghel kay San Hosep

bangon na, anak ni David,

dito kayo ay umalis,

at umuwi sa Nazareth,

bayan ninyong iniibig.

Wala na nga at namatay

yaong haring tampalasan

na naghirap sa bayan;

kayo'y magbalik na nanam

sa dati ninyong tahanan.

Nang matanto at matatap

ni San Hosep na mapalad

sa Birhe'y dagling nangusap,

at biglang nagsilakad

na kasama ang Mesias.

Nang sila na'y nasa raan,

ay kusang nabalitaan

sa Jerusalem na bayan,

ang hari ay si Arquelaw,

anak niyong tampalasan.

Sila nga'y nag-ibang daan,

naparo't nagtuluyan

sa bayang sukat tahanan,

bayang walang kapakanan

hirap na walang kapantay.

Ang Nazareth ay tinungo

na bayan nilang totoo,

sapagka't ang batang ito

tatawaging Nazareno

pagwangis niya sa tao.

Ang bahay niyang kinita

na nihabilin nila,

ay hindi rin na-iiba

at dito nga namahay na

si San Hosep at si Maria.

Dito itong Ninio Hesus,

tumalima at sumunod

sa ano mang iniutos,

hiling ng puso at loob

ng mag-asawang sin-irog.

Anang mga Ebangelistas,

lumaki ang Mesias,

lumaki nama't tumaas

ang grasia't dunong na wagas

sa harap ng taong lahat.

0 comments: